Narinig ko ang marahang pagkatok ni Peter sa pinto ng kwarto. Mukhang tatawagin na niya ako para kumain. Pero naisip kong para mas maging kapani-paniwalang may sakit ako, at mas posibleng tumagal ang pagpapanggap ko, kailangan kong magkunwaring walang gana.
Kaya naman tiniis ko muna ang gutom ko. Nagtalukbong ako ng kumot kahit init na init. Ilang sandali lang, narinig ko ang pagbukas ng pinto. Hinigit ko ang hininga ko sabay pikit ng mariin.
Naramdaman ko ang paglapit ni Peter sa tabi ng kama. Narinig ko ang paglapag niya ng kung ano sa maliit na lamesa malapit sa ulunan ko. Masyadong tahimik ang pagkilos niya kaya nahirapan akong hulaan lahat.
Ilang sandali lang, kinabahan ako nang dahan-dahan niyang hinawakan ang kumot na nakatabon sa akin. Hindi naman ako pwedeng makipaghilahan kaya wala akong choice nang hilahin niya ito pababa. Bahala nang makita niya ang tagaktak kong pawis. Basta nakapikit lang ako habang diretsong nakahiga sa kama.
Inayos ni Peter ang pagkakapatong ng kumot sa katawan ko. Siguro’y akala niya hindi na ako makahinga sa loob nito. Ilang sandali lang ay inilabas niya ang braso ko. Naramdaman ko ang pagdampi ng bimpo rito. Mukhang pinupunasan niya ako! Tuloy ay parang may namilipit sa tyan ko.
Hindi ko alam na ang tulad niya ay ganito kaalaga. Marahil isa ito sa mga magagandang katangiang nagustuhan ng kaibigan ko sa kanya. Tahimik niya akong pinunasan mula sa braso hanggang kamay. Pagkatapos ay idinamay niya maging ang mukha ko na muntik nang magpadilat sa akin. Mas marahan ang pagdampi niya rito. Hindi ko alam kung talagang naniniwala siyang may lagnat ako pero iniwanan niya ng bimpo ang ibabaw ng ulo ko.
Yes, I felt glad that he was taking care of me. But then I started thinking that maybe he was helping me so I could get better quickly - he wanted me to leave the house and his life as soon as possible.
Tuloy ay sa huli, nawala ‘yong tuwang nararamdaman ko. Hinintay ko lang na umalis si Peter sa kwarto. Nang marinig ko ang pagsarado ng pinto ay tsaka ako dumilat at nakahinga ng maluwag.
Agad akong tumingin sa maliit na lamesa katabi ng kama. Napangiti ako nang makitang may nakatakip na bowl. May gamot din katabi nito.
Kinuha ko ‘yong gamot, binuksan ito at tinapon ang laman sa ilalim ng kama. Iniwan ko lang ang balot sa lamesa para hindi siya magduda.
Bumangon na ako at kinuha ‘yong tasang may lamang lugaw. Agad ko itong hinalo at natuwa nang bukod sa laman at itlog, nakakita ako ng paa na ni-request ko. Mabilis talagang makapagpasayang kumain. Kaya naman nagmadali ako bago pa ulit dumating si Peter.
Inihuli ko talaga ‘yong paa ng manok para kainin. Save the best for last, ika nga. At hahawakan ko na sana ito nang bumukas ang pinto ng kwarto. Natigilan tuloy ako sa balak gawin. Binukas-sara ko ang mga mata ko nang pumasok si Peter. Pinagsalubong ko rin muli ang mga kilay ko.
“Thank you dito,” mahinang saad ko sabay ubo.
“Kumain ka ba muna bago uminom ng gamot?” paniniguro niya at tumango lang ako.
Pansin kong mas maamo ang mukha niya ngayon kaysa sa karaniwan. Bumalik siya dala ang isang basong tubig na nilagay niya ulit sa lamesa.
“Tapos ka nang kumain?” tanong pa niya sabay tingin sa bowl ko. Kaya naman nabalik ang tingin ko sa paa ng manok na tinira ko.
Napalunok ako dahil hindi pa ako tapos. Pero dapat nga magkunwari akong walang gana. Napagtanto kong kapag inubos ko pati ito, magiging simot na masyado ang bowl ko.
Sasagot na sana ako nang maunahan niya ‘ko. “Iwan mo na lang dyan kapag tapos ka na,” sabi ni Peter bago ako talikuran. Lumabas na siya ng kwarto ng ganuon na lang.
Pinagdikit ko tuloy ang labi ko at tumitig sa paa ng manok. “Wala naman sigurong masama kung kakagat ako,” sabi ko at dito masayang nagpatuloy sa pagkain.
***
Unti-unti kong binuksan ang pinto ng kwarto. Sumilip ako at umasang wala si Peter sa kubo para makalabas at makalanghap ng sariwang hangin. Nabuburyo na naman kasi ako sa loob ng kwarto. Kakagising ko lang at malamang kakasikat lang din ng araw.
Nang makita kong bukas ang pinto ng banyo at walang tao, lumabas ako ng kwarto at dahan-dahang naglakad papuntang sala. Sumilip muna ako at nakitang walang tao. Nakaayos na rin sa sofa ang pinaghigaan ni Peter. Sa kusina ay may nakita akong nakatakip sa lamesa. Mukhang umalis si Peter at pinaghanda pa ako ng pagkain.
Inalis ko ang takip at nakakita ng sinangag, itlog, pritong isda, at sabaw. Hindi niya nakalimutan ang kamatis na sawsawan kaya lumawak ang ngiti sa labi ko.
Kumain muna ako ng umagahan at dito pinagisipan ang sunod na gagawin. Para hindi ako mapaalis, umubra kay Peter ang pagpapanggap kong may sakit. Malamang isipin nitong ayos na ako bukas. Lalo na’t wala naman talaga akong lagnat. Kung ubo at sipon na lang ang idadahilan ko ay mapapaalis agad ako.
What if… pagpanggap akong napilay? Mas matagal iyon, pero mas matrabaho nga lang magpanggap. Hindi naman ako artista. Ganuon din kung mababagok ang ulo ko at magkaka-amnesia. Malamang mas lalo pa niya akong pabalikin sa amin.
Inihilamos ko ang dalawang kamay sa mukha. Madali sana ito kung uulan ng mga isang Linggo para pwede kong sabihing natatakot ako dahil delikadong bumyahe.
Pero sa bintana, kita ko ang mataas na sikat ng araw. Bakit naman kasi ang ganda-ganda ang panahon sa lugar na ito. Ano bang rehiyon ang pinagdalhan sa akin ni Peter?
“Sana umulan na lang!” bulalas ko sa sobrang frustration kahit imposible.
Pagkakain ay lumabas na ako ng kubo. Nagpunta ako sa duyan, siniguradong walang umaaligid na ahas, at dito naupo. Kung may internet lang dito, nag-search na ako ng pwedeng gawin.
Habang inuugoy-ugoy ang sarili sa duyan. Natuwa ako sa pakiramdam kaya binilisan at nilakasan ko pa. Wala namang ibang tao bukod sa akin kaya sinamantala ko na ang pagkakataon maging bata kahit sandali.
At dahil inasahan kong maghapon pa akong mag-isa sa parteng ito ng isla, nagulat ako sa pagsulpot ni Aling Dolores sa tabi ko. Sa pagkabigla ko ay napabitaw ako sa duyan at nasubsob sa buhangin.
“Ay naku iha! Ayos ka lang ba?” sigaw ni Aling Dolores.
Naitukod ko ang mga kamay ko at napangiwi sa sakit. Namali ako ng bagsak. Mukhang sa pagkakataong ito ay hindi ko na kailangan pang magpanggap.
***
“Ala e, Bra, pasensya na at nabigla kita sa pagdalaw ko,” sabi ni Aling Dolores habang nilalagyan ng benda ang palapulsuhan ng kanan kong kamay. Ito kasi ang napuruhan kong itukod. Ito pa naman ang gamit ko at ngayon ay masakit ito.
Ang baliw ko lang dahil naisip kong sana binti o paa ko na lang ang nasaktan para pwede kong magamit na dahilan para hindi mapauwi.
Nasa sala na kami ng kubo ngayon. Bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha ni Aling Dolores kaya ngumiti ako. “Okay lang ho ako. Bakit ka po pala naparaan dito?”
“Nabanggit kasi ni Peter na may sakit ka. Kaya nagpunta ako para dalhan ka ng prutas tsaka iba pang makakain,” sabi ni Aling Dolores na ikinatuwa ko. Ngayon ay mas naunawaan ko na kung bakit malapit sa kanya si Peter.
“Ay salamat po. Nag-abala pa po kayo,” balik ko.
“Ano ka ba naman, Bra? Asawa ka ni Peter. Pamilya ka na rin namin dito sa isla. Alam kong malayo masyado ang kubo niyo pero pwede ka ring magpunta sa ‘min paminsan-minsan,” sabi ni Aling Dolores na malaking bagay sa akin marinig kahit pa alam kong nagpapanggap lang naman kami ni Peter. “Alam mo ba? ‘Yang si Peter, noong una hindi ‘yan naglalalabas ng kubo. Kaya nga akala namin noon turista lang na napadpad dito. Pero noong kinulit na siya nang kinulit nina Lorenz, ayun at napalabas din siya sa lungga niya.” Sabay kaming tumawa. Kakulitan lang pala ang kailangan ni Peter para mapaamo.
“Sige ho. Kapag gumaling na ako, ako naman ang dadalaw sa inyo,” sabi ko na ikinatuwa niya.
“Ala e kumusta naman ba kayong mag-asawa?” Binukas-sara ko ang mga mata sa tanong niya. Hindi ko naman ito masasagot ng tapat kaya simple na lang ang sinabi ko.
“Maayos naman po. Nasa honeymoon stage pa.” Ito naman ang karaniwang sinasagot ng mga bagong kasal kaya nakigaya na lang ako.
“Mabuti naman kung ganuon. Sa totoo lang, bago ka dumating, nag-aalala kaming lahat dyan kay Peter.” Nakita ko ang pag-aalinlangan sa mukha ni Aling Dolores. Mukhang iniisip niya ang mararamdaman ko sa sasabihin.
“Dahil ho ba kay Elle? Nakwento niya po sa akin ang ex niya,” casual kong saad. Mukhang nakatulong ito para magpatuloy siya.
“Oo. Nakita kasi namin kung paano nagkita at nahulog ang dalawa sa isa’t isa. Nakita rin namin kung paano nawasak si Peter sa paghihiwalay nila. Noong nawala si Elle, akala namin hindi na makakabangon pa si Peter. Araw-araw nagpapakalasing. Natutong magsigarilyo at kung anu-ano pang kalokohan. May isang beses pang nakita namin siyang nagpapalutang-lutang sa dagat. Mabuti at nailigtas namin.”
Nanikip ang dibdib ko sa kwento ni Aling Dolores. I thought I already know how much he loved Elle. Umabot pa nga sa puntong handa siyang kidnapin ito sa araw mismo ng kasal nito. Pero nagulat pa rin ako sa mga nalaman.
“Mabuti na lang at dumating ka sa buhay niya,” sabi ni Aling Dolores na ikinagulat ko. Ngumiti siya at kusang pinaliwanag ang sinabi. “Noong nawala kasi si Elle, halos ayaw na niyang lumabas ng kubo. Pero simula nang iuwi ka niya rito, madalas na ulit siyang magpunta sa amin. Hindi na siya lasing. Nakikipagunahan pa nga ‘yan sa palengke para makabili ng sariwang gulay, isda, at kung anu-ano pa. Bumalik ang sigla sa mukha niya at may pakielam na ulit siya sa ibang bagay.”
Tumatango-tango ako habang nakikinig kay Aling Dolores. Masaya naman ako para kay Peter. Alam ko ang sitwasyon namin kaya malamang hindi dahil sa akin ang pagbabago niya. Posibleng nagmu-move on na siya kaya siya ganito ngayon. Marahil nagkaroon na sila ng closure ni Elle kahit papaano. Hindi tulad noon na naghihintay siya ng walang kasiguraduhan.
“Baka mainip ka rin dito at iwan mo kami ah,” biro ni Aling Dolores na alam kong medyo may pahaging sa ginawa ni Elle kay Peter. Ramdam ko naman kung anong kinakatakot nila.
“Naku. Kung alam niyo lang. Ako nga itong ayaw umalis dito,” natatawang sagot ko na mukhang biro pero literal na nangyayari ngayon. “Ah nakita niyo ho si Peter kanina? Saan po siya nagpunta?” tanong ko nang maalala ang sinabi niya.
“Ang alam ko sumama siya kina Lorenz sa kabilang isla. Tumulong siyang maghango ng mga paninda sa palengke.” Parang ang daming libreng oras ni Peter. Ito kaya ang source of income niya? Binabayaran kaya siya rito? Sabagay ay simple lang ang buhay sa isla. Hindi kailangan ng marangyang buhay o bigating trabaho. Kaya nga masarap kung tutuusin mabuhay dito.
Hindi na rin naman nagtagal pa si Aling Dolores. Dumaan lang talaga siya para kumustahin ako at bigyan ng pagkain. Pag-alis niya ay naiwan na naman akong mag-isa.
Nakaupo sa sala, napatitig ako sa benda sa kanang kamay ko. Totoong masakit ito pero hindi ito sapat. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa natirang benda tsaka sa bukung-bukong ko. Napangiti ako nang makaisip ng magandang ideya.