Chapter 18 (Part 1)

1916 Words
“Bakit? May problema ba?” nakakunot-noong tanong ko kay Peter. Hindi ganuon kaliwanag sa kinatatayuan namin kaya kinailangan kong lumapit para makita siya ng mabuti. Siningkit ko ang mga mata ko at dito nakita ang pagsasalubong ng kanyang kilay. May mapapansin ding lungkot sa mga mata niya na pilit niyang itinatago. Nababasa ko na siya ngayon dahil siya lang naman ang araw-araw kong nakakasama. “Ang sabi ko pwede ka nang umuwi,” pag-uulit ni Peter kaya natawa ako. “Oo nga. Uuwi na nga tayo—ay, anong umuwi ako? Magpapaiwan ka pa rito sa party?” naguguluhang tanong ko. Napayuko naman si Peter. Para bang hirap ipaliwanag ang sarili. At dahil hindi naman niya responsibilidad sabihin sa ‘kin lahat, hindi ko na siya pinilit pa. Napapalakpak lang ako ng isa. “Sabagay! Baka pwede ka na ring makapag-uwi ng menudo tsaka shanghai. Ang sarap kasi. Nahiya lang akong mag round two kanina,” natatawang saad ko. Inihilamos naman niya ang dalawang kamay sa mukha. Napasabunot siya sa buhok bago ako talikuran. Narinig ko pa ang malakas niyang buntong-hininga. “Sige na. Kung may kailangan kang gawin. Okay lang sa ‘kin. Hintayin na lang kita sa bahay,” sabi ko ng nakangiti at dito na naglakad pabalik sa kubo para hindi na siya mahirapan. Hindi ko alam kung bakit parang moody na naman si Peter. Napaisip tuloy ako kung may nagawa ba akong hindi niya nagustuhan. Masaya pa nga siyang nakipagsayaw sa akin kanina e. Pagdating sa kubo, inaantok na ako pero gusto ko pang intayin si Peter. Kaya naman nagtimpla ako ng kape at naupo sa kusina. Ngayong mag-isa ako, napaisip na naman ako sa lahat ng mga naranasan ko nitong mga nakakaraang araw. Mula sa mga bagong kakilala, sa pagtulog sa tabing dagat, pagtuturo ni Peter lumangoy, hanggang sa party na pinuntahan namin ngayong gabi. Napangiti ako dahil kung tutuusin, sa maigsing panahon ay napakarami na rin palang nangyari. And I know it may be odd for others, but despite being kidnapped, I'd never felt so alive before. Hindi ko namalayan kung ilang oras akong naghintay kay Peter. Naubos ko ang kapeng tinimpla ko at hiniga ko ang ulo sa lamesa. Pumikit ako para sana umidlip ng ilang minuto. Pero mukhang sa pagod ay nakatulog na talaga ako. Naramdaman ko na lang nang may bumuhat sa akin at naghiga sa malambot na kama. Gusto ng isip kong dumilat pero ayaw ng katawan ko. Nagising ako sa mabangong amoy ng sinangag. Nag-loading pa muna ako nang mapansing nasa kama na ako. Napaisip ako kung binuhat ba talaga ako ni Peter o panaginip lang iyon. Pwede rin kasing naglakad ako ng bangag. Nagkibit-balikat na lang ako at lumabas ng kwarto. Dito’y naabutan ko sa kusina si Peter. “Good morning!” masayang bati ko sabay upo. Nangiti ako nang makita ‘yong nakahaing menudo at shanghai na ni-request ko kagabi sa kanya. “Kumusta kagabi? Sorry, nakatulog ako. Hindi na kita nahintay,” panimula ko. “Hindi mo na ako kailangang hintayin,” malamig niyang balik. Nakatalikod siya sa akin at nakaharap sa kalan kaya hindi ko makita ang mukha. “Ay ganun. Hindi mo ako na-miss?” biro ko pero wala akong reaksyong nakuha sa kanya. Pinagdikit ko na lang tuloy ang labi ko dahil biglang naging awkward. Kung bago lang sa akin ang ganitong ugali ni Peter ay baka naapektuhan ako. Pero dahil nasanay naman na ako sa mga pagsusungit niya ay nagsimula na lang akong kumain imbes na intindihin pa ito. Naupo si Peter sa harapan ko at nagsimula na ring kumain. Sinusubukan kong basahin ang mukha niya kaya lang ay blanko lang ito. Nakatitig lang din siya sa mga pagkain kaya hindi magtagpo-tagpo ang mga mata namin. Pakiramdam ko may mali. Hindi naman na kasi kami ganito kalamig sa isa’t isa. “Pagkatapos mong kumain, mag-ayos ka na ng mga gamit mo,” sabi niya at bigla naman akong nabuhayan. “Okay! Saan tayo pupunta?” Mukhang hindi niya kasi ako balak iwan ngayon. “Malalaman ko na ba kung anong trabaho mo?” tanong ko pa bago nagmadali sa pagsubo para matapos agad kumain. “May bangkang magdadala sa ‘yo papunta sa kabilang isla. May naghihintay nang sasakyan doon na maghahatid naman sa ‘yo pabalik ng Maynila.” Nabuga ko sa kanya ang laman ng bibig ko. Pinunasan niya ang mukha gamit ang isang kamay at dahil ubo ako nang ubo, agad niya akong inabutan ng tubig. Nang mahimasmasan ako ay tsaka lang ako nakapagsalita. “Magdadala sa akin? Maghahatid? Sa Maynila? Teka. Test ba ito o prank? Hindi ba’t nakidnap nga ako?” inulan ko siya ng sunod-sunod na tanong. Uminom din siya ng tubig at tsaka ako tiningnan ng diretso. “Pwede ka nang umuwi. Hindi mo na kailangang manatili rito,” sagot niya na kahit sinabi na niya kagabi, ngayon lang naging malinaw sa akin. Tuloy ay kahit sarap na sarap ako sa pagkain ay nawalan ako ng gana. “Bakit pinapauwi mo na ‘ko? May napala ka na ba sa pagkidnap sa akin?” hindi ko napigilang magtanong dahil nabigla ako sa ibinalita niya. Nag-iwas naman siya ng tingin bago sumagot. "She's married, and she's not coming back; there's no point in you being here." Parang may sumaksak sa dibdib ko dahil sa narinig mula kay Peter. Alam ko naman simula pa lang na si Elle ang dahilan kung bakit ako nakidnap. Si Elle ang dahilan kung bakit ayaw niya akong paalisin. Dapat matuwa ako dahil pinapalaya na niya ako pero bakit parang kabaliktaran ang nararamdaman ko? “Talaga namang walang point ang pagkidnap mo sa akin. Simula pa lang pagkakamali na. Pero ikaw itong nagmatigas na manatili ako—” “That’s why I’m asking you to leave now. You have no reason to be here anymore,” mariin niyang pagputol na dapat ay nagpatahimik na sa ‘kin pero hindi ko magawa. Tumayo ako sabay talikod sa kanya. “Teka. Hindi ko gets e. Okay naman tayo kahapon. Bakit bigla pinapauwi mo na ‘ko?” Gusto kong malaman kung anong nangyari. Anong nagbago? Bakit bigla niyang naisip na oras na para umuwi ako? “Ikaw lang ‘yung nakidnap na pinapalaya na nga, marami pang tanong,” iritableng balik niya kaya nilingon ko siya at sinimangutan. “Masama bang magtanong? Gusto ko lang naman malaman ang dahilan.” Hindi ko napigilang maglakad palapit sa kanya kaya ngayon ay magkaharap na kami. “Wala na ngang dahilan para manatili ka pa rito—” “Matagal nang walang dahilan! Noong kinasal pa lang si Elle, alam mo na ‘yon. Pero bakit ngayon mo lang ako naisip paalisin?” “Hindi na ‘yon mahalaga pa.” “Mahalaga ‘yon!” “Ano bang gusto mong malaman?” “Pinapaalis mo ba ‘ko dahil marami akong kumain? Fine, magda-diet ako simula ngayon.” Wala akong nakuhang reaksyon sa kanya bukod sa pag-igting ng kanyang panga kaya nagpatuloy pa ako. “Dahil ba ako ang gumagamit ng kwarto mo? Pwede naman ako sa sala. Kung dahil naman sa katigasan ng ulo, hindi na ako lalabas ng kubo—” “Ayaw mo bang umalis?” “Ayoko!” Natigilan, at nanlaki pareho ang mga mata namin ni Peter. Nagulat kami sa sagot ko saya sabay na nag-iwas ng tingin. Napahawak pa siya sa kanyang batok sabay punta sa sala. “A-Ayoko kasi hindi mo pa ako natuturuan lumangoy. Hindi pa tayo nakakapag-hiking. Marami pa akong hindi nasusubukang gawin dito sa isla,” nagkautal-utal pa ako sa paliwanag. “Tsaka ‘yung duyan! Isang beses ko pa lang nauupuan!” paghabol ko pa na alam kong walang sense pakinggan pero importante sa akin. Dito ko naramdaman ang pangingilid ng luha ko kaya agad akong yumuko. “You can still experience all those things when you’re back in Manila,” pagkumbinsi niya pero umiling ako. Alam ko kasing imposible. Kapag bumalik na ako sa Maynila, ako na ulit si Wendy. “Enroll in a swimming class… join a hiking tour... marami kang pwedeng gawin pagbalik mo.” “Pero wala ka na naman,” bulong ko na hindi ko alam kung narinig niya pero tumikhim siya. “You’re not supposed to be here in the first place. Kaya hangga’t pinapaalis pa kita, samantalahin mo,” sabi pa niya na nagpabigat lang ng dibdib ko. Tumayo siya at naglakad papunta sa pinto ng kubo. “Mag-ayos ka na. Maghihintay ako rito sa labas,” sabi niya bago lumabas ng pinto. Bumalik naman ako sa kwarto at hindi ko alam kung bakit may luhang tumakas sa mga mata ko. *** Ako lang itong nakidnap na ayaw iwan ang kidnapper ko. Narinig ko ang pagkatok ni Peter sa kwarto at dito ako nagmadaling magtalukbong ng kumot. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko lalo na noong bumukas ang pinto. “Ayos ka na?” tanong niya. Ilang oras na rin kasi siyang naghihintay sa labas ng kubo pero nandito lang ako sa kwarto. Imbes na sagutin siya ay suminghot ako at umubo nang umubo. “Oo pero masama ang pakiramdam ko,” pagdadahilan ko. “Sobrang sakit ng ulo ko,” dagdag ko pa. “Inuubo, sinisipon, at masakit ang ulo mo?” pagkumpirma niya at ungol na lang ang isinagot ko. Natahimik naman si Peter kaya hindi ko alam kung bumenta ba ang pagsisinungaling ko. Alam ko kasing kani-kanina lang kaming nag-usap at ayos pa ako. Sana lang ay mapaniwala ko siyang may sakit ako. Dahan-dahan ko tuloy binaba ang kumot sa ulo ko para silipin siya. At sakto noong naibaba ko na ang kumot hanggang ilong nang pumwesto siya sa tabi ko. Hinigit ko ang hininga ko nang ipatong niya ang kamay sa ibabaw ng noo ko. Mukhang gustong malaman kung nilalagnat ako. Ilang segundo rin niya akong hinawakan bago niya inalis ang kamay. “Mainit ka,” sabi niya habang nakakunot ang noo. Napalunok ako habang nakatitig kay Peter. Tama naman kasi siya. Ramdam ko ring mainit ako ngayon. Parang umakyat kasi lahat ng dugo sa mukha ko. Kaya naman sinamantala ko na ang pagkakataon ngayong mukhang kapani-paniwala ako. “Pero kung kailangan ko na talagang umuwi, babangon na ako. Sandali lang,” sabi ko habang umuubo. Sinubukan kong bumangon at bumagsak sa kama. Napahawak ako sa ulo, kunwari’y nahilo. “Sorry…” Nilakasan ko pa ang pag-ubo. “Mahaba ang byahe pabalik ng Maynila mula rito. Kung okay lang sa ‘yo, magpagaling ka muna bago umalis,” sabi niya at muntik na akong mapangiti kaya tinakpan ko ang bibig ko sabay tango. Seryoso lang ang mukha niya pagtayo. “Kukuha lang ako ng gamot,” sabi niya sabay labas ng kwarto. Pagsarado ng pinto ay nagpapadyak at nagpagulong-gulong ako sa saya— “Anong gusto mong kainin, lugaw o sopas?” Bumagsak ako sa kama dahil sa biglang pagbukas ng pinto! Nanlamig ang buong katawan ko dahil baka nakita ni Peter ang saya ko. Lumapit siya sa akin noong hindi ako kumilos agad. Kabadong-kabado ako dahil baka paalisin na niya ako pero binuhat lang niya ako at marahang ibinalik sa kama. Kinumutan din niya ako pagkatapos. At dahil wala namang nagbago sa ekspresyon ng mukha niya ay sumagot ako. “Lugaw… na may paa ng manok, please,” sabi ko sabay ubo. Mataman niya akong tiningnan at wala naman na siyang sinabi pa paglabas ng kwarto. Ang tanong ngayon, gaano katagal ba ako pwedeng magkaroon ng sakit?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD