Chapter 17 (Part 2)

2160 Words
“At ito na nga ang ating birthday celebrant!” masayang entrada ni Reese. Siya pala ang host ng event na ito. Nagpalakpakan naman ang lahat pagkakita kay Aling Dolores. Tila bumata ito ng ilang taon dahil sa suot na bulaklaking bestida. Nakakatuwa dahil nakapaglagay din ito ng simpleng makeup na bumagay sa kanya. Hinanap ko naman si Mang Cardo sa mga lamesa. At nang hindi ito makita ay bumulong ako kay Peter sa tabi ko. “Nasaan ang asawa ni Aling Dolores?” tanong ko. Paglingon ko kay Peter ay agad siyang nag-iwas ng tingin bago nagsalita. “Papunta na rin,” sabi niya kaya nagsalubong naman ang kilay ko. Nagtaka ako kung bakit nahuli si Mang Cardo sa birthday ng asawa niya. Halos lahat yata ng tao sa isla ay nandito na sa venue ng birthday party. Tsaka ilang minuto rin kaming naghintay bago nagsimula kaya late pa rin siya? At agad naman nagkaroon ng paliwanag ang pagtataka ko nang biglang napalitan ang upbeat na background music. Nakarinig ako ng instrumental na pamilyar sa akin dahil sikat na OPM song ito. Nalaglag ang panga ko nang makitang papasok si Mang Cardo sa venue, may hawak na mic at nakatapat ito sa labi. “Kung tayo ay matanda na…” Pinagdikit ko ang labi ko nang marinig ang boses ni Mang Cardo. “…sana'y di tayo magbago.” Nagulat ako dahil may itinatago pala itong magandang boses! Siguro ito ang isa sa mga dahilan kung bakit napasagot niya si Aling Dolores noon! Nagpatuloy sa pagkanta si Mang Cardo at dahil parang ngayon na lang yata kinilig ay napahawak ako sa braso ni Peter sa tabi ko. Niyugyog ko pa siya nang makitang malapit na si Mang Cardo kay Aling Dolores na kanina pa naiiyak habang pinapanuod siya. “…ako pa kaya'y ibigin mo… kung maputi na ang buhok ko?” Napalingon ako kay Peter at nakita ang seryoso niyang tingin. Agad ko tuloy siyang binitawan dahil baka ayaw niya ang ginagawa ko sa kanya. Ngumisi lang ako bago binalik ang tingin sa dalawa. Hindi ko napigilang mapaluha. Napaisip ako kung ilang taon nang mag-asawa sina Aling Dolores at Mang Cardo. “Sana maranasan ko rin ‘yan balang araw,” bulong ko sa hangin. Akala ko noong una si Aling Dolores ang mas nagmamahal kay Mang Cardo. Sa unang tingin kasi hindi naman sweet si Mang Cardo sa kanya. Pero may ganito palang sweetness na tinatago si Mang Cardo. “Maraming-maraming salamat sa inyong lahat na nagpunta sa kaarawan ko…” Pagkatapos ng kakaibang entrance ng birthday celebrant, nasundan ang event ng opening prayer. Nagulat ako nang si Lorraine ang nagdasal para sa lahat. Mukhang mabait naman siya habang nagdadasal kaya tuloy sandaling nagbago ang tingin ko sa kanya. Kung pwede lang ay sana magdasal na lang siya palagi imbes na pagselosan niya ako nang pagselosan. Nang matapos ang pagdadasal, dumiretso sila sa isang palaro para sa mga bata. May mga pasabit na kailangan nilang talunin para makuha. Kahit wala silang anak, mahilig si Aling Dolores sa mga bata kaya naisip niyang magsagawa ng ganito. Napasulyap naman ako kay Peter habang halos mapunit ang labi sa pagngiti. Dito’y saktong nakita ko ang pagyuko niya. Para bang may iniisip siyang seryosong bagay na hindi ko alam kung ano. At magsasalita sana ako para malaman nang bigla naman siyang tumayo. “CR lang ako,” simpleng saad niya at sinundan ko siya ng tingin pag-alis niya. Hindi ko alam kung bakit may kaba akong naramdaman dahil dito. Noong naglalakad pa lang kasi kami papunta rito sa party, parang may kakaiba sa kanya. Hindi ko lang masabi kung ano. “Bakit parang malungkot si Peter? Nag-away ba kayo?” pang uusisa ni Lorraine. Mukhang bumalik na naman ang sungay niya. “Hindi lang nakangiti, malungkot na agad? Hindi ba pwedeng naiihi lang?” pilosopong balik ko kaya natawa si Lorenz. Tinapik tuloy siya ni Lorraine. Nagkunwari na lang akong hindi nag-aalala. Sinubukan kong ituon ang pansin sa mga batang naglalaro nang may isang matandang babaeng naupo sa upuan ni Peter sa tabi ko. Napatingin ako kaagad dito. “Elle! Sabi na’t babalikan mo rin si Pete!” bulalas nito. Hinigit ko ang hininga ko nang marinig ko ang pangalang itinawag niya sa akin. Alam kong hindi pa kami nagkikita noon pero kamukha ko ba si Elle para mapagkamalan niyang iisa kami? Nakasalamin na nga siya pero mukhang malabo pa rin ang kanyang paningin. “Ay si Briar po ‘yan. Hindi si Elle. Asawa siya ni Pete,” paglilinaw ni Lorenz para sa akin dahil hindi agad ako nakapagsalita. Tipid akong ngumiti roon sa matanda. Nakita ko namang pinaningkitan niya ako ng tingin na para bang kinikilala. “Ha? Anong dryer? Oo nga. Si Elle ang asawa ni Pete!” balik niya. Natawa si Lorraine na kinairita ko. Dati naman hindi ako naiinis kaya hindi ko alam kung anong nangyari sa akin ngayon. “Bale ho—” “Briar po ang pangalan ko. Just call me, Bra, for short,” pagputol ko kay Lorenz. Kaya ko naman kasing tulungan ang sarili ko. Ngumiti ako roon sa matanda. Mukhang mas may edad pa pala siya kay Aling Dolores nang matitigan ko ng maigi. “Asawa po ako ni Pete.” Syempre ay kailangan naming maging consistent sa pagpapanggap. “Ha? Hindi ikaw si Elle? Pero…” “Yes po. Ako po si Bra. Asawa ni Pete,” pag-uulit ko pa dahil baka hindi niya narinig. Malawak pa rin ang ngiti sa labi ko dahil baka isipin niyang hindi ko siya nirerespeto. “Si Elle po, ex-girlfriend na niya. Dating karelasyon. Kumbaga… expired na po sila,” dagdag ko pa para mas maging malinaw. Bumilog naman ang bibig nung matanda. Halatang nahiya nang makuha sa wakas ang kanina pa namin paulit-ulit na pinapaliwanag. Panay tuloy ang hingi niya ng tawad bago bumalik sa lamesa nila. Hinarap ko naman si Lorenz. “Kamukha ko ba si Elle ngayon?” natanong ko sabay buntong-hininga. Tanda ko pa noong nag-aaral kami ni Elle, dahil lagi kaming magkasama, may mga nakapagsabing nagiging magkamukha na nga kami. Para raw kaming kambal. Tinitigan naman ako ni Lorenz, tila gustong magbigay ng maayos na sagot sa akin. “Siguro kasi ‘yung buhok mo parang katulad ng kay Elle. Tapos ‘yung damitan mo pa.” Tumango-tango naman ako dahil nakuha ko ang ibig niyang sabihin. Kakapaayos ko lang ng buhok dahil sa pagkumbinsi sa ‘kin ni Elle bago ang araw ng kasal niya. Tsaka nawala sa isip kong mahilig nga pala si Elle sa mga bestida. Naalala ko tuloy ang mga sinabi ni Peter kaninang umaga. Dahil ba kay Elle kaya nakatanggap ako ng compliment galing sa kanya? Mapait ang panlasa ko nang ibalik ko ang tingin sa mga batang naglalaro. Nilibang ko na lang ang sarili sa panunuod. Ilang minuto pa ang lumipas bago bumalik si Peter. Hindi ko siya nilingon pero sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko ang pag-upo niya. Naamoy ko rin siya. Amoy sigarilyo. Nanigarilyo kaya siya? Kung oo, dahil ba bored siya o may problema? Kinagat ko ang labi ko at nagdalawang-isip kausapin siya. Pero sa huli, hinarap ko rin naman. “Okay ka lang?” tanong ko. Napatitig siya sandali sa akin bago tumango. “Sure? Magsabi ka lang sa asawa mo kung may problema. Kung may nang-away sa ‘yo, akong bahala,” pagbibiro ko para gumaan ang pakiramdam niya. Ngunit hindi tulad noon, sumeryoso bigla ang mukha niya. Para bang hindi niya nagustuhan ang biro ko. Napaisip tuloy ako kung may nagawa ba akong mali kaya bigla na lang siyang nanlamig. *** Pinalakpakan namin si Aling Dolores pagkatapos niyang ihipan ang kandila ng kanyang cake. Nakakatuwa dahil mukhang naging masaya naman siya sa pagkanta namin ng birthday song. Busog na busog din naman kasi ang lahat sa sarap ng handa niya. Nakakatuwa dahil halos lahat ng mga taga isla ay nagtulong-tulong pala sa pagbuo nito. May kanya-kanya silang dinalang pagkain kaya parang nagkaroon ng catering. Ito rin ang kagandahan kapag sa ganitong lugar nakatira. Simple at masayang pamumuhay. Pagkatapos magpasalamat ni Aling Dolores sa lahat ng mga nagpunta sa kanyang party ay napalitan ng mas masayang tugtog ang venue. Makaluma ang mga kanta pero pamilyar sa akin. Nagpunta sa gitna si Mang Cardo at dito dinala si Aling Dolores. Nagsayaw silang dalawa na pinalakpakan ng lahat. Nagsalita naman si Reese at lahat ay inanyayahan niyang magpunta sa gitna at makisayaw sa dalawa. Dito na rin niya tinapos ang event. At nang akala ko walang tatanggap sa paanyaya ni Reese, nagulat ako nang mukhang game na game ang lahat ng mga taga isla. Natuwa ako nang maging sina Lorraine at Lorenz ay nakisali sa mga may edad na. “Nakakatuwa naman. Buti ang lakas ng loob nilang magsayaw,” komento ko. Nakaupo pa rin kami ni Peter katabi ng isa’t isa. Kanina pa siya tahimik kaya hindi ko inasahan nang magsalita siya. “Sumali ka sa kanila kung gusto mo. Hihintayin kita rito.” Agad akong umiling at natawa. “Hindi na! Hindi naman ako sumasayaw! As in never ko pang nasubukan,” pag-amin ko. Wala nga kasi talaga akong talento. Ganuon ako ka-boring. Natahimik naman si Peter. Pareho kaming nanuod sa kakulitan ng ibang mga bisita. Napapalakpak pa ako dahil bigay na bigay ang ilan; animo mababali ang katawan. “Sasayaw ako kung sasayaw ka rin,” natatawang hamon ko kay Peter dahil alam ko namang hindi siya papayag. Ayon lang ay laking gulat ko nang bigla siyang tumayo. Napatitig ako sa kamay na inilahad niya sa harapan ko. Tumingala ako at sandaling nasilaw sa ilaw bago siya nakita ng maayos. “Sayaw tayo. Para masubukan mo,” sabi ni Peter na nagpabilog ng bibig ko. Hindi ko inasahang sa kanya ko talaga maririnig ito. Magsasalita sana ako para tumanggi. Pero naalala ko kung sino at nasaan ako. Bakit nga naman hindi ko subukan? Wala namang nakakakilala sa akin dito. Walang makakatanda kung ipahiya ko man ang sarili ko. Lumawak ang ngiti sa labi ko sabay hawak sa kamay ni Peter. “It’s never too late to try something new,” sabi ko pa at dito kami naglakad papunta sa mga kasama naming nagsasayaw. Ang lakas ng kabog ng puso ko; kayang pantayan ang beat ng tugtog. At dahil hindi nga ako nagsasayaw, para akong tuod sa harapan ni Peter. Nakangiti lang ako at pahakbang-hakbang ng mga paa pero ilang na ilang ako. “Sayaw na!” sabi ko kay Peter dahil pareho lang kaming hindi kumikilos. Tipid siyang ngumiti at laking gulat ko nang may ginawa siyang old-fashioned dance move. Parang tumatakbo na ewan? Bukod sa mga binti ay damay kasi ang mga kamay niya. Napatakip ako ng bibig para itago ang pagtawa. Pero binilisan pa niya ito kaya tuloy hindi ko na napigilan ang paghalakhak. “Anong ginagawa mo?” tawang-tawang tanong ko. “Sumasayaw. Kahit anong sayaw naman pwede,” sabi niya na para bang pang-motivate sa akin. “Ikaw naman,” dagdag pa niya pero umiling na ako. Nakakahiya kasi! Tumingin ako sa paligid at nakitang lahat ay may sari-sariling mundo habang nagsasayaw. Mukhang nage-enjoy lang sila. Subukan ko nga kayang magsayaw? Napatanong ako sa sarili. Tumingin ako kay Peter na naghihintay lang ngayon sa harapan ko. Huminga ako ng malalim bago napakamot sa ulo. Bago pa magsalita si Peter, pumikit ako ng mariin at dito sinimulang gawin ang macarena! Bahala na! Ito lang ang naisip kong madaling gayahin kahit papaano. Binilisan ko lang ang pagsayaw nito at pagdilat ko, may ibang dance moves na ulit si Peter! Nalaglag ang panga ko. Hindi naman siya magaling sumayaw kaya tawang-tawa ako sa bawat pagkilos niya. At simul anito, para kaming baliw na nagsalitan ng sayaw. Tawang-tawa ako kaya nakadagdag ito sa pagod ko. Hinawakan naman niya ang dalawang kamay ko at dito ako inikot ng isa. At dahil patapos na ang kanta, lumayo ako sa kanya nang magkahawak pa rin ang isang kamay namin. Tapos ay bumalik ako at bumangga sa dibdib niya. Saktong tumigil ang tugtog. Naghahabol kami ng hininga habang nakatingin sa isa’t isa. Dahil kaunting distansya lang ang natira sa pagitan ng mukha namin. Nakita ko ang pagbaba ng tingin niya sa nakaawang kong labi. Nagsalubong ang kilay niya. Agad ko tuloy isinarado ang bibig ko. Bakit kaya siya sumibangot? Nabahuan? Nagsibatian pa ulit ang lahat kay Aling Dolores. Kaya naman tumayo na kami ng maayos ni Peter. Naglakad na kami pabalik sa lamesa; nauuna akong maglakad nang marinig ko siya. “Pwede ka nang umuwi.” Hinarap ko naman siya at dito kinuha ang kamay niya. “Sige. Tara, uwi na tayo.” Hinila ko na siya paalis ng venue. Gusto ko na rin umuwi para makapagpahinga. Medyo nakalayo na kami sa chapel nang huminto bigla si Peter kaya tuloy natigilan din ako sa paglalakad. Nilingon ko siya at dito nagtaka dahil sa makahulugang tinging ipinukol niya sa ‘kin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD