Panay ang sulyap ko kay Peter habang kumakain ng tanghalian. Sa tuwing napapatingin naman siya ay ibinabalik ko ang tingin sa harapan ko.
Paano ba naman kasi, kahapon ko pa hinihintay ang pag-aaya niyang magpunta kami sa birthday party ni Aling Dolores pero wala siyang binabanggit. Ngayong hapon na iyon pero mukhang wala siyang balak pumunta – kung mayroon man ay malamang hindi na naman ako kasama. Baka nakalimutan niyang imbitado rin naman ako rito.
“Ako nang maghuhugas ng plato,” nakangisi kong saad pagkakitang tapos na siya. Bago pa siya makatanggi ay kinuha ko na ang plato niya. Dinala ko lahat ng mga pinagkainan namin sa lababo at nagsimulang maghugas. Syempre kailangan magpabango ako sa kanya.
Wala naman na siyang sinabi pa. Kumuha lang siya ng basahan at nagpuntas ng lamesa. Habang ginagawa niya ito ay nakaisip ako ng magandang paraan para ipaalala sa kanya ang tungkol sa birthday party, sakaling nakalimutan niya.
“Happy birthday to you…” nagsimula akong kumanta ng mahina. “Happy birthday to youuu,” nilagyan ko pa ng kulot ang boses ko para mas maging maganda. At noong pabirit na sana ako dahil feel na feel ko ang kanta, narinig ko ang pagbukas ng pinto ng kubo. Napahinto at napasibangot ako dahil lumabas ng kubo si Peter!
Akala ko pa naman pagkatapos niya akong turuang lumangoy at gawan ng duyan kahapon ay mas close na kami. Pero wala naman yatang nagbago. Siya pa rin ang masungit na kidnapper na nakilala ko.
Bumukas ulit ang pinto ng kubo. Bumalik na sa loob si Peter at gigil na gigil naman ako sa pagsabon ng plato. “Maligayang bati… sa iyong pagsilang…” pabulong kong kanta.
Pero nahinto ako sa paghinga. Bigla ba namang sumulpot sa tabi ko si Peter! Pinatay niya ang gripo sa lababo na panay ang pag-agos. “Sabunin mo muna lahat tsaka mo hugasan. Sayang ang tubig,” bilin niya. Sobrang lapit niya sa akin kaya nakalimutan kong huminga. Bigla ba naman kasi siyang nag teleport!
Binilisan ko ang pagsabon ng hawak na plato at natalsikan siya sa mukha ng bula. Pinagdikit ko ang labi ko; pinigilan ang pagtawa. Seryoso naman niya ‘kong tiningnan. Sa mga napapanuod kong romcom, kapag ganitong eksena, lalagyan din dapat niya ‘ko ng bula. Tapos magtatawanan kami at babagal ang oras.
Hinintay ko naman ito. Pero nailing lang si Peter bago pinalis ng kamay ang bula sa mukha. Tuloy ay sinadya ko nang lagyan siya nito sa braso. At dinamay ko na rin ang sarili. Ako pa ang natawa sa kalokohan. Yumuko siya sandali bago ako tiningnan muli ng seryoso.
“Kung wala kang balak maghugas, tabi dyan at ako na ang gagawa,” malamig niyang balik. Bato talaga ito. Sabagay, bakit ko nga ba naisip na nasa romcom kaming dalawa?
Inirapan ko na lang tuloy siya. “Panget mo ka-bonding,” bulong ko at binilisan na ang paghuhugas. Para akong nakipagharutan sa pader.
“So, ilang taon na ‘yung hinuhugas mo?” tanong ni Peter na hindi ko pinansin. Tumikhim tuloy siya dahil walang pumansin ng joke niya.
Mabilis naman akong natapos noong sineryoso ko ang paghuhugas. At pabalik na ako sa kwarto nang may pahabol pa si Peter.
“Mag-ayos ka na, pupunta tayo sa birthday ni—”
“Okay!”
Hindi ko na pinatapos pa si Peter. Lumawak agad ang ngiti sa labi ko. Tumakbo ako para makapunta sa kwarto kaya lang nadulas dahil sa nagkalat na sabon sa sahig. Nahawakan naman ako kaagad ni Peter sa braso at baywang.
“Sino kasi ang nakaisip paglaruan ang sabon?” sarkastikong tanong ni Peter. Pero imbes na mainis ay ngumiti lang ako at tumayo ng maayos.
“Ayos lang. Palagi mo naman akong sinasalo,” sabi ko sa kanya sabay kindat. Good mood na ako kaya wala na itong epekto sa akin. Dumiretso na lang ako sa kwarto at dito nagsimulang mag-ayos katulad ng kanyang utos.
***
Wala namang sinabing dress code para sa handaan ni Aling Dolores. At mabuti na rin dahil wala rin naman akong mapagpipilian masyado sa lahat ng mga damit na nabili namin ni Peter sa tiangge.
Napakamot ako ng ulo. Masyado kasing casual lahat ng nandito e gusto ko sanang maging espesyal ang okasyon na ito. May isa lang akong dress na namumukod tangi pero hindi kasi ako palasuot ng ganito lalo na ‘yong maigsi at sleeveless.
Sabi ni Elle noon bagay ito sa akin dahil maganda naman daw ang pangangatawan ko. Pero kapag nagsusuot kasi ako ng ganito, pinupuna masyado ni Kyle. Nagtatanong siya kung wala raw ba akong jacket o ‘di kaya ibang damit. Kapag may nang cat call sa akin sa kalsada o pumuna na kahit sino, ibinabalik pa sa akin ang sisi dahil nagsuot ako ng dress. Imbes tuloy na maging confident, hindi ako nagiging kumportable.
Napabuntong-hininga ako. Naisip kong isukat na lang muna ‘yong dress. It’s actually a thin strap white dress. Fitted sa chest area pero bagsak na pababa at abot hanggang kalahati ng hita ko. Kumportable naman itong isuot lalo na sa isla dahil parang summer dress pero hindi ko napigilang isipin ang magiging opinyon ni Peter pati na rin ng ibang tao. Baka mahusgahan ako sa suot ko.
Nakarinig ako ng pagkatok sa pinto. “Pasok,” sabi ko at bahagyang nagligpit. Bumukas ang pinto at nakita ko ang pagsilip ni Peter. Nakita ko ang pagsuyod ng tingin ni Peter sa akin mula ulo hanggang paa bago siya nag-iwas ng tingin.
“Kapag ayos ka na, pwede na tayong umalis,” sabi niya bago tumikhim.
“Ah magpapalit lang ako tapos okay na ‘ko,” balik ko sa kanya. Wala naman kasi akong makeup dito na magagamit. Kaya hinayaan ko na lang na nakalugay ang buhok ko. Hindi na ito kasing tuwid ng dati pero may kagandahan din naman ang pagiging wavy nito kaya ayos lang.
“Bakit magpapalit ka pa?” komento ni Peter na hindi ko inasahan. Akala ko kasi ay hindi niya ito papansinin.
“Okay lang ba? Hindi ba… masagwa?” tanong ko na lang sa kanya. Tutal ay siya naman ang makakasama ko ngayong gabi. Wala kasing malaking salamin dito sa kwarto niya para makita ko ang sarili ng buo. “I mean, would you like them to see your wife dress this way?” Inulit ko ang tanong at ibinalik ang character ko bilang si Briar. Lumabas kasi ang pagiging si Wendy ko.
Nagsalubong ang kilay niya kaya medyo kinabahan ako. “Wala akong nakikitang mali sa suot mo. It’s a dress that looks great on you. Ngayon, kung kumportable ka dyan at kaya mong dalhin, hindi mo kailangang magpalit.”
Napayuko ako. Hindi ko inasahang malaking bagay para sa akin marinig ang sagot ni Peter.
“Hindi nakakalaki ng braso?” tanong ko pa kahit makulitan siya.
“Hindi malaki ang braso mo,” mariin niyang balik; walang halong pagdududa.
“Hindi masyadong maigsi?”
“Tama lang ang haba. Pero magsuot ka ng shorts para sigurado.”
“E sa dibdib. Hindi ba malaswa—”
"You look absolutely beautiful in that dress, and I don't see any reason for you to change it." Pinigilan ko ang pagngiti pero natuwa ako rito. May parte sa loob kong napakalma ng kanyang sinabi. “Pwede na ba tayong umalis?” tanong pa niya at tumango na ako. Tumayo ako at dito sumunod sa kanya palabas ng kwarto.
***
Palubog na ang araw nang makarating kami sa kabilang parte ng isla. Medyo mahaba-haba rin ang nilakad namin ni Peter at huminto kami pagdating sa chapel nila rito. Dito isinetup ang birthday ni Aling Dolores sa tulong ng mga taga-isla.
May ilang bilog na lamesa ritong tinatakluban ng kulay puting tela. Sa ibabaw ng bawat isang lamesa ay may flower vase na may sariwang mga bulaklak. Mayroon silang tarpaulin na may larawan ni Aling Dolores at nakalagay ang malaking pagbati na Happy Birthday. Mahangin nga lang dito kaya siguro hindi na sila naglagay pa masyado ng maraming dekorasyon. Sabagay ay sapat na rin kasi ang magandang tanawin.
Magkatabi kaming naglalakad ni Peter nang magsalita siya. “Puntahan ko lang sina Aling Dolores. Mauna ka na,” sabi niya at bago ko pa siya mapigilan ay naglakad na siya papunta sa mga kubo.
Tuloy ay nilabanan ko ang hiya ni Wendy at naglakas-loob magpunta sa loob ng chapel. Natuwa nga ako dahil sumakto paglakad ko rito ang pagbukas ng lantern lights sa pathway. Tapos sa loob ay bumukas din ang mga ilaw na nakapalibot sa paligid. It suddenly looked like a magical place.
May mga tao na rito sa venue. Nakaupo na rin sila sa kanya-kanyang lamesa. Ngumiti ako sa mga nakita ko na noon at sa ilang bumati. Pansin kong casual lang naman ang suot nila. Kung tutuusin ay ako lang yata ang nakasuot ng dress. Pero ayos lang dahil ang sabi ni Peter, maganda naman daw ako sa suot ko. Kaya taas-noo lang ako sa lahat.
“Sabi sa ‘yo nandito sya e,” may narinig akong pamilyar na boses. Paglingon ko sa lamesa ay nakita ko sina Reese, Lorraine, at Lorenz. Akala siguro nila ay iiwas ako sa kanila pero nang makakita ako ng bakanteng upuan doon sa pwesto nila ay agad akong naupo.
“Hello!” masayang bati ko sabay kaway. Tipid na ngumiti ang dalawa. Si Lorenz lang ang kumaway sa akin kahit katabi ko na siya.
“Hindi ka ba giniginaw sa suot mo?” tanong ni Lorraine; nakalukot ang mukha. Halatang naiirita na naman siya sa simpleng presensya ko.
Pinakiramdaman ko naman ang sarili. “Hindi pa naman so far. Pero sasabihin ko sa ‘yo kapag malamig na. Baka pwede kong mahiram ‘yang denim jacket mo. Ang ganda kasi. Bagay sa ‘yo,” sabi ko sa kanya na halatang hindi niya inasahan at mukhang minasama pa. Paano’y hinubad niya agad.
“Isuot mo lang ‘yan. ‘Di ba mabilis kang mamantal?” pagpansin ni Lorenz sa kanya. Tuloy ay muli niyang isinuot ang jacket niya.
Wala naman akong masamang intensyon sa sinabi ko pero masama kasi ang tingin niya sa kapwa.
“May tubig ba rito?” tanong ko naman kay Lorenz. Tinuro niya sa akin ‘yong water dispenser nila rito kaya kinuha ko ‘yong baso sa lamesa at tumayo. Nagpunta ako rito at kumuha ng tubig dahil nauuhaw ako. Ang haba ba naman kasi ng nilakad namin ni Peter.
Habang kumukuha ng tubig, may lalaking lumapit sa akin. May kasama pa siyang ibang lalaki na parang hindi ko nakita noon pero mukhang taga isla rin. Matangkad at naglalakihan ang mga muscles nila sa katawan na mukhang sadyang fine-flex nila sa harapan ko kahit wala itong epekto sa akin.
“Hello, miss. Bago ka rito sa isla?” tanong ng isa sa kanila. Tipid akong ngumiti at tumango. Aalis na sana ako nang may pahabol pa ang isa.
“Sabi na e. Ngayon lang kasi may bumabang anghel dito sa isla.” Pinigilan ko ang pagngiwi sa pickup line nitong sobrang corny. Tumawa ako ng mahina.
“Anong pangalan mo, miss?” Inabot nito ang kamay at para bang magpapakilala. “Ako nga pala si—”
“Tart.”
Narinig ko pa lang ang tumawag sa akin ay nangiti na ako.
“Sige ah. Tawag na ‘ko ng asawa ko,” sabi ko sa mga lalaki at dito hinarap si Peter na palapit na sa akin. Seryoso lang ang mukha niya nang maglakad ako palapit sa kanya. Wala siyang sinabi at sabay kaming nagpunta pabalik sa lamesa pero bumulong ako sa kanya.
“Nakita mo ‘yon? Wala pa akong ginagawa; nilalapitan na ‘ko ng mga lalaki,” pagyayabang ko. “Kung may balak kang totohanin ‘to, dalian mo na. Sige ka. Kung babagal-bagal ka baka maunahan ka pa ng iba,” biro ko pa sabay palis ng buhok papalikod.
“Kung gusto mong makasuhan ng child abuse. Sige lang,” komento ni Peter na nagpalaglag ng panga ko. Ibig sabihin ay wala pang eighteen years old ang mga lalaking ‘yon? It was my first time getting hit on and I can’t believe they were minors!
Pagbalik ko sa lamesa nina Lorenz, pansin kong natatawa sina Reese at Lorraine. Mukhang alam nila ito kaya ganito na lang ang reaksyon nila. Nakakahiya lang. Inubos ko na lang ng isang diretso ang tubig na kinuha ko.