Chapter 16 (Part 2)

2246 Words
Ito na nga ang sign. Sign na ‘wag na ‘kong lumangoy kahit kailan! “Hawak kita. Hindi ka malulunod,” pagkumbinsi ni Peter. Nakahawak siya sa isang kamay ko. Inalalayan na niya ako palapit sa dagat dahil kapag ako lang, hanggang binti lang ang kaya ko. Tumatakbo na agad ako palayo kapag pakiramdam ko malalim na. “Aabutin pa yata tayo ng gabi rito,” parinig niya. Paano’y ilang minuto na ang nakalipas mula noong magsimula kami sa pagtuturo niyang lumangoy. Pero hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari dahil ayaw kong ilublob ang katawan ko sa tubig! Tumagal pa kami kanina noong naglagay ako ng lotion sa mukha at katawan dahil sa kaba ko. Ramdam ko sa talampakan ko ang magkahalong buhangin at maliliit na bato. Medyo masakit pero kayang tiisin. Mula sa binti ay madaling umabot sa tuhod ko ang tubig. Huminga ako ng malalim. Mga tatlong beses para kumalma lalo na nang makita kong nakalubog na ang buong hita ko. Kinakapa-kapa ko pa ang mga bato sa ilalim ng dagat nang mapatingin ako sa paligid. At dito unti-unting nanlaki ang mga mata ko pagkatapos makita ang mataas na alon na sasalubong sa amin! “‘Wag kang matakot. Hawak kita,” pag-uulit pa ni Peter; marahil ay nabasa ang mukha ko. Naalala ko nga lang ulit ang ilang beses kong pagkalunod noon kaya pagtingin ko kay Peter, kahit seryoso pa ang mukha niya ay umiling ako. “Sorry! ‘Di ko kaya!” sigaw ko at dito siya mabilis na binitawan. Patakbo akong bumalik sa buhangin pero dahil may kabigatan ang tubig sa hita’t binti ko, naabutan pa rin ako ng alon. Tumama ito sa likuran ko, para akong natulak kaya natumba ako. Napaluhod ako sa mabatong bahagi ng dagat at napangiwi sa sakit. Mabilis namang nakapunta sa tabi ko si Peter. “Bakit ka kasi tumakbo?” Ramdam ko ang inis sa tanong niya pero inalalayan pa rin niya akong tumayo. Nakakunot ang noo niya nang tingnan ang mga tuhod ko. Namumula lang naman ito pero malamang ay magpasa maya-maya. “Malulunod nga ako!” reklamo ko. Hindi ko alam kung hindi ba malinaw sa kanya ang takot ko. Nakwento ko naman ang tungkol sa pagkalunod ko noon. “Hindi ka nga malulunod dahil hawak kita,” sabi niya sabay hilamos ng dalawang kamay sa mukha. Sobrang frustrated na niya dahil sa ‘kin pero umiling ako. “Wala akong tiwala sa dagat! ‘Ni hindi mo nga alam kung anong nasa pinakailalim niyan.” “Sa ‘kin ka magtiwala,” balik ni Peter kaya tuloy natigilan ako. Nakakunot ang noo niya at malamig pa rin ang tingin sa akin pero napatitig ako sa mga mata niya. Tumikhim naman siya bago nagpatuloy. “Tsaka magtiwala ka sa sarili mo! Ikaw itong nakiusap na turuan kang lumangoy. Tapos wala pa nga, aatras ka na agad?” Tama naman siya. Ako talaga ang lumapit sa kanya. Pero anong magagawa ko kung takot ako? Magsasalita sana ako nang may pahabol pa si Peter. “Pinapatunayan mo lang na tama ang ex mo. Imposible talagang matuto ka. Ikaw rin kasi mismo ang pumipigil sa sarili mo.” Sampal sa akin ang sinabi niya. At hindi ko alam kung sinadya ba niyang sabihin ito para masaktan ang pride ko. Dahil ito ang pinanghugutan ko nang hawakan ko ulit ang kamay niya. Pinagsalikop ko ang mga kamay namin. “Sige na. Tara na. Susubukan kong ‘di matakot,” nakasibangot ako nang sabihin ito. Tumingin siya sa malayo sabay iling. Humigpit ang hawak niya sa akin at dito kami bumalik sa simula. Dahan-dahan kaming lumapit sa dagat hanggang sa umabot na ito hanggang dibdib ko. “Nalulunod ako!” protesta ko kaya hinawakan niya ako sa isa pang kamay. Magkahawak na ang dalawang kamay namin habang magkaharap. “Pakalmahin mo muna ang sarili mo,” utos ni Peter. Paano’y totoong nahihirapan akong huminga dahil sa takot ko. At dahil pinaramdam niya sa ‘king ‘di siya nagmamadali ay nagawa kong sundin ang sinabi niya kahit papaano. Nang masigurado niyang nakakahinga na ako ng maayos ay tsaka siya nag-proceed sa pagtuturo sa akin mag-floating. “Baka lumubog ako!” bulalas ko. “I won’t let that happen,” balik ni Peter. Hindi ko alam kung saan niya kinukuha ang haba ng pasensya niya. “Tsaka ‘wag kang mag-alala, bubuhatin agad kita,” dagdag pa niya. Gusto kong magtiwala kay Peter – lalo’t higit sa sarili ko. Kaya sa kabila ng takot na nararamdaman, dahan-dahan akong humiga sa tubig habang inaalalayan ni Peter. “Huminga ka muna ng malalim. Mag-ipon ka ng hangin sa katawan mo,” paalala pa niya. Inihawak niya ang kamay sa likod ng ulo at katawan ko habang ginagawa ito. At kahit takot, nagawa kong huminga katulad ng turo niya. Inayos ko rin ang porma ng katawan ko. Puro paghinga muna at paglutang ang inuna namin bago niya ako pinadapa sa tubig. “Basta gawin mo ‘to.” Pinakita ni Peter kung paano ko gagalawin ang mga binti ko. Nakaalalay pa rin siya sa akin nang subukan kong sundin ito. Umahon nga lang ako agad dahil hindi ko kayang ilubog ang mukha ko ng matagal sa tubig. Nakailang subok din kami hanggang sa masanay akong nakalubog ang mukha sa tubig. Panay ang ipon ko ng hangin bago ito gawin. Mula sa paggalaw ng mga binti ay napunta kami sa arm movements. Nakakapanuod naman ako ng mga lumalangoy kaya may ideya ako. Ayon lang ay hindi ako sigurado kapag ako na ang gumawa. Sinubukan ko ito para malaman. Binilangan pa ako ni Peter hanggang sa lumangoy na ako ng walang tulong niya. Naghahabol ng hininga’y hinarap ko si Peter pag-ahon. “Nagawa ko ba?” tanong ko. Inihilamos ko ang dalawang kamay sa mukha. “Nakaalis ka ba sa harapan ko?” tanong din ang binalik niya sa akin. Ngumisi naman ako dahil tama siya. Lumangoy ako pero kaharap ko pa rin siya. Umahon kasi ako agad noong parang malulunod ako. “Gutom ka na ba o isa pa?” tanong ko naman dahil inabot na kami ng hapon. Namumula at kulubot na nga ang balat namin. “Kung kaya mo pa. Sige lang,” sabi naman niya. At susubok na sana ako nang mapansin kong may mataas na alon na namang paparating. Kinaya ko ‘yong kanina pero parang iba ito. Tapos parang malayo na rin kami sa buhangin. Napalunok ako sabay pikit. Sa takot ko’y napayakap ako kay Peter! Para naman siyang poste at talagang hindi siya natumba sa kabila ng pagtama ng alon sa kanya. Nagmukha nga lang akong koala habang nakayakap. “Malakas na ang alon. Bukas na lang ulit.” Si Peter na ang nagdesisyon para sa amin. At tumango naman ako dahil alam kong tama siya. Parang babalik pa yata ang takot ko kapag nagtagal pa kami. Tinupad naman ni Peter ang sinabi niya. Buhat-buhat niya ako habang pabalik kami sa buhangin. Kahit hirap siya ay hindi niya ako binitawan. Ito siguro ang perks ng may malaking katawan. Parang ang dali lang sa kanyang kargahin ako. “Bukod sa paglangoy, ano pang magandang gawin sa islang ‘to?” tanong ko. Ipinulupot ko ng mabuti ang mga braso ko sa leeg niya at mga binti sa baywang niya para hindi mahulog. Itinaas naman niya ako habang nakasuporta ang mga braso sa pang-upo ko. “Mga water sports. Bukod sa surfing masaya rin ang jet skiing,” simpleng sagot ni Peter. Pero iba ang hanap ko. “Wala bang hindi related sa tubig?” “Hiking. May mataas na bahagi pa ang islang ‘to na magandang makita sa gabi.” Tinapik ko siya sa braso. “Gusto ko ring subukang mag-hiking!” Inalis niya ang pagkakabalot ng binti ko sa baywang niya. Pagtingin ko’y nasa buhangin na pala kami kaya humiwalay na ako. Tumayo ako ng maayos sa harapan niya. “Tapusin mo muna ang pag-aaral mong lumangoy bago ka sumubok ng bago,” paalala niya sa akin kaya ngumisi ako sabay kamot sa ulo. “Sabagay. Swimming muna tapos surfing tapos jet skiing tapos hiking!” sunod-sunod kong saad. Dahil nakatingin kami sa mukha ng isa’t isa. “Parang wala ka nang balak umalis dito ah,” komento niya. “Aba. Nakadepende naman sa ‘yo kung hanggang kailan ako rito. Ang tanong e kaya mo pa bang mabuhay ng wala ako?” panunukso ko. At akala ko ko katulad ng dati ay maiinis siya at sasama ang mukha. Pero nakita ko ang pigil na pag-angat ng magkabilang dulo ng labi niya. “Uyy. Ngumingiti ang asawa ko,” pang-aasar ko pa tuloy. Nailing na lang siya bago ako nilagpasan. Tuloy ay hinabol ko siya kaagad. Hinawakan ko siya sa braso pero inalis niya agad ang kamay ko. Hinawakan ko na lang tuloy ang hinliliit at hindi na siya nagprotesta pa. *** Kahit na nakapaglagay ako ng sunblock, mahapdi pa rin ang balat ko pagkatapos mag-swimming sa dagat. Mukhang nakapagpa-tan skin pa yata ako ng wala sa oras. Tuloy ay malambot lang ang tela ng shirt at shorts na suot ko ngayon. Para hindi mainit tsaka hindi masakit kapag tumatama sa balat. Pinalagyan din kasi ni Peter ng gamot ‘yong tuhod ko kaya ayos na rin ang suot ko. Tapos na kaming magtanghalian ni Peter kaya balak kong matulog ngayong hapon. Ayon lang ay mainit sa kwarto. Kaya naisipan kong lumabas na lang muna at magpahangin. Kahit mainit ang singaw ay mahangin naman dahil sa mga puno. Wala sa kubo si Peter. Naisip kong baka may lakad na naman siya. Kaya hindi ko inasahan nang paglabas ko ng kubo, nakarinig ako ng pagkilos sa gilid lang nito. Dahan-dahan akong naglakad dito at nanlaki ang mga mata sa nakita. “Gumawa ka ng duyan?!” bulalas ko. Nabitawan ni Peter ang hawak na gunting dahil sa gulat. Sumibangot naman siya na para bang nagalit. “Gamitin mo kung gusto mo,” aniya bago ako nilagpasan. Pumasok na siya sa loob ng kubo na para bang hindi malaking bagay ang ginawa niya. Tinupad niya kaya ‘yong wish ko sana sa kanya! Nagmadali naman akong sumakay sa duyan. Hindi tulad ng ginawa ko kahapon ay matibay ang pagkakagawa niya nito kaya natuwa ako. Nagmadali akong humiga rito at pumikit. Huminga ako ng malalim para malanghap ang sariwang hangin. Halos mapunit ang ngiti sa labi ko nang maalala ang sinabi nina Lorraine at Reese kahapon. Madalas daw tambayan nina Peter at Elle ang duyan ni Aling Dolores noon. Hindi kaya ginawa ito ni Peter para kay Elle? Dahil hindi pa rin siya maka-move on at naiisip niyang babalik pa ito? Napadilat ako sabay alis sa duyan. Parang hindi tamang nandito ako kaya naglakad na ako papasok sa kubo. Pero nakasalubong ko pa si Peter. “Anong problema?” tanong niya. Tuloy-tuloy lang ako nang sagutin siya. “Masyadong masikip. ‘Di ako kasya.” Teka nga lang, Wendy. Aba’t ano ‘yang pagkirot na nararamdaman mo ngayon? Akala ko makakaalis na ako nang hawakan ni Peter ang braso ko. “Bakit—” Iginiya niya ako pabalik sa duyan. Bumilis ang kabog ng dibdib ko. “Sukatin natin,” seryosong saad niya na hindi ko inasahan. Pagdating sa duyan ay hinawakan niya ito para maupo ako. Binukas-sara ko naman ang mga mata ko nang sundin siya. “Higa,” utos pa niya. Para akong batang sumunod sa kanya. Nagsalubong ang kilay niya habang tinitingnan ang sinasabi kong masikip. “Parang sakto naman ang sukat ko…” bulong niya sa sarili. Pinagmasdan ko naman habang sinusubukan niyang isipin kung anong ibig sabihin ng sinabi ko kaninang masikip. Lumapit pa siya sa mukha ko dahil tiningnan niya kung hanggang saan abot ang ulo ko. Hindi tuloy ako nakahinga dahil dito. Magsasalita sana ako nang mapatingin ako sa isang punong pinagtatalian ng duyan – malapit sa paanan ko. Dito ako parang binuhusan ng malamig na tubig. Nandito na naman ‘yong ahas! “P-Peter. Natatandaan mo ba ‘yung ahas na nakita ko sa kwarto mo?” Tumingin siya sa akin. Halatang nagtataka sa pag-bring up ko nito. “Oo. Inalis ko na ‘yon. Bakit?” Kita ko ang paggapang ng ahas at ngayon ay palapit sa paanan ko. “Well… mukhang na-miss niya kasi tayo,” sagot ko at nang makitang masyado na itong malapit sa paa ko ay mabilis akong umalis sa duyan. Nabangga ko si Peter kaya bumagsak ako sa ibabaw niya. Napapikit ako ng mariin at pagdilat ko’y magkalapit na naman ang mukha namin! Siguro’y sandali rin kaming napatitig sa isa’t isa bago ako napapikit dahil naramdaman kong may gumagapang sa binti ko. Sinubsob ko ang mukha ko sa dibdib ni Peter. “May ahas sa binti ko!” mangiyak-ngiyak kong sigaw. Hindi tulad ng dati, nagmadali si Peter sa pagtayo at dito walang takot na kinuha ‘yong ahas. Pagbalik niya sa harapan ko’y nakaupo pa rin ako sa buhangin at sinusubukang kumalma. Bumaba siya para maging kalebel ko. At nang tingnan ako, unang beses kong nakita ang pagtawa niya. Parang may nagkagulo sa tyan ko. “Talaga bang marami kang kinakatakutan?” tanong pa niya. Naalala pa niya siguro ang takot ko sa dagat. Inalok niya ang kamay niya sa akin at napatingin ako rito. “Kung alam mo lang,” simpleng balik ko. Tumayo ako nang ‘di kinukuha ang kamay niya. Kahit nga pagbalik bilang si Wendy ay kinakatakutan ko ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD