“Nahulog ako sa duyan,” pag-amin ko kay Peter nang maabutan niya ako sa sala pagdating ng tanghalian. Napatingin siya kasi kaagad sa benda sa kamay ko. Dinamay ko na pati bukung-bukong ko. Hindi ko naman kailangang mapilay para hindi mapaalis. Naisip kong maganda na ring dahilan ang sprain; mas madali ring panindigan.
“Tinulungan naman ako ni Aling Dolores kanina,” sabi ko pa nang makita ang pagdepina ng guhit sa noo niya. Tamang-tama at mayroong pwedeng tumestigo sa nangyari sa akin.
Akala ko ay hindi niya ako papansinin nang lapitan niya agad ako. Hinigit ko ang hininga ko nang pagkatapat sa akin ay ibinaba niya ang sarili; iniluhod ang isang tuhod sa sahig. Hinawakan niya ako sa braso at dito ininspeksyon ang kamay ko. Napangiwi ako nang galawin niya ito dahil totoo naman talagang masakit. Bumagsak naman ang tingin niya sa sahig at dito tiningnan ang bukung-bukong ko.
Narinig ko ang malakas na pagbuntong-hininga ni Peter. “Bakit kasi lumabas ka pa ng kwarto? Hindi ba’t may sakit ka?” Hindi ko mabasa ang mukha niya dahil nakayuko siya. Pero base sa boses niya ay may tono ito ng pagkadismaya. Tuloy ay bigla akong kinabahan. Hindi ko alam ang sasabihin kaya kinagat ko na lang ang ibabang labi ko.
Akala ko may sasabihin pa si Peter nang tumayo siya at nagpunta sa kusina. Wala akong nagawa kung hindi pagmasdan siya mula sa pwesto ko. Ayon nga lang ay hindi ko siya makita ng mabuti dahil nakatalikod siya sa akin.
“Anong gusto mong kainin?” biglang tanong niya kaya napahawak ako sa dibdib. Masyado kasing tahimik tapos bigla na lang siyang nagsalita. Seryoso pa rin ang boses ni Peter pero mas kalmado kumpara sa tono niya kanina.
“Kahit ano, okay lang sa ‘kin,” sagot ko nang nakangiti dahil iniisip pa rin niya kung anong gusto ko. “Ikaw ba? Anong gusto mo? Anong paborito mong pagkain?” dagdag ko dahil parang ako na lang palagi ang nasusunod pagdating sa pagkain. Gusto ko rin siyang mas makilala pa.
“It’s not important. I can eat anything,” malamig niyang balik.
“Weh, hindi nga? Kahit ano?” pabiro kong balik para alisin ang tensyon sa pagitan namin. Masyado kasi kaming seryoso pagdating niya. “Wala kang allergies? Okay sa ‘yo ang maanghang?” paghula ko.
“Dati hindi ko kayang kumain ng maanghang,” simpleng balik niya. Bumilog ang bibig at tumangu-tango.
“Talaga? Hindi ko naman kayang kumain ng maanghang hanggang ngayon. Turuan mo nga ako,” natatawang balik ko.
Nawala lang ito nang pumasok sa isip ko si Elle. Oo nga pala’t mahilig sa maanghang si Elle. Ito kaya ang dahilan kung bakit natutunan niyang kumain ng maanghang?
Natahimik tuloy ako bigla. Parang may tumusok sa loob ko. Sumulyap lang si Peter sa akin kaya agad akong ngumiti. “Sige, hindi na kita kukulitin. Kahit ako naman kasi, lahat kinakain ko. Kaya nga ang boring ko raw,” tumawa ako ng mahina.
“Hindi naman kasi importante kung ano ‘yung pagkain. Ang importante kung sino ang kasama mong kumain,” sabi ni Peter na hindi ko inasahang manggagaling sa kanya. “At least, that has always been the case for me,” dagdag pa niya kaya naman lalo ko siyang hinangaan.
Nang makita kong naghahain na si Peter ng pagkain ay nagdesisyon na akong tumayo. Napansin nga lang ako ni Peter. Tinapos niya agad ang paglagay ng mga pagkain sa lamesa at agad lumapit sa tabi ko.
Pinahawak niya ako sa braso niya at inalalayang maglakad papunta sa sala. Sinubukan ko naman itago ang pag-angat ng labi ko kaya pinagdikit ko ito.
Pagdating sa lamesa, nakita kong tinolang manok ang niluto ni Peter. “Grabe, amoy pa lang masarap na,” komento ko dahil totoo naman ito. Kaya nga ramdam ko na ang pagkalam ng sikmura ko.
Naupo na kami ni Peter. Pinaglagay na niya ako ng ulam sa tasa kaya mas dumali ang buhay ko. Kumuha naman ako ng kutsara at tinikman muna ang sabaw. At katulad ng palagi kong reaksyon kapag natitikman ang luto niya, napa-thumbs up ako. “Five star review!” bulalas ko pa at napailing lang siya.
Dahil gutom na talaga ako; nagkanya-kanya na muna kami ni Peter. Ayon nga lang, dahil hindi ko pa kayang gamitin ang kanan ko, kaliwa na lang muna ang ginamit ko kahit hindi ako sanay dito. Akala ko nasolusyonan ko na ang problema sa ganitong paraan pero hindi ko naisip na mahirap palang hatiin ang laman ng manok lalo na ‘yong nakakakapit sa buto.
Tuloy ay dahil ayaw kong magkalat, at mas lalong ayaw kong magmukhang tanga sa harapan ni Peter, nag-concentrate talaga ako at nagdahan-dahan.
Ayon nga lang, kahit anong concentrate ko, tumalsik pa rin palabas ng plato ‘yong parte ng manok paghati ko. Agad ko itong hinanap, at nanlaki ang mga mata, nang makitang nakadikit ito sa pisngi ni Peter!
“Ay lumipad. Buhay pa yata. Sorry!” Kinuha ko ito kaagad sa pisngi niya gamit ang kamay ko at kinain. Natigilan naman siya lalo dahil sa ginawa ko. Kita kong nanlaki rin ang mga mata niya. Binagsak ko ang tingin sa plato ko at nagkunwaring hindi apektado sa nagawa.
Babalik na sana ako sa pagkain nang tumayo bigla si Peter. Alam kong nakakailang subo pa lang siya. Tuloy ay napatingin ako sa kanya dahil akala ko tapos na siya o ‘di kaya nainis sa nangyari.
Binukas-sara ko ang mga mata ko nang ilipat niya sa tabi ko ‘yong upuan niya. Pagkatapos ay nilapit niya sa kanya ang plato ko at kinuha ang kutsara’t tinidor ko.
“Hala, kumakain pa ako,” sabi ko dahil baka hindi na niya ako pakainin dahil sa pagkakamali.
Pero hindi pala ito ang balak niya. Paano’y siya ang nagtanggal ng laman sa manok ko para sa akin. Naramdaman ko agad ang mga paruparo sa tyan ko habang pinagmamasdan siyang pagsilbihan ako. Bakit kasi parang kahit anong gawin niya ang lakas ng dating. Napailing na lang ako at muntik nang mabatukan ang sarili.
Nang matapos siya sa ginagawa, babawiin ko na sana ang kubyertos ko nang lagyan niya ng ulam at kanin ang kutsara tsaka tinapat sa bibig ko. “Ako ang nahihirapan sa ‘yo kaya susubuan na kita,” inis niyang paliwanag.
Nag-alangan pa ako noong una pero nang makita ko ang pagtitig ni Peter sa ‘kin, binuksan ko rin ang bibig ko at ‘di na nagprotesta pa. Sinubo naman niya sa akin ang kutsara. Hindi ko alam kung lalagnatin na ba talaga ako pero uminit ang mukha ko ngayon.
Para hindi makaabala sa pagkain ay sinukbit ko sa tainga ang ilang hibla ng buhok ko. Nang ‘di pa makuntento ay hinawi ko na ito papalikod. Gusto ko sanang magtali dahil pinagpapawisan ako.
At mukhang mabilis makabasa ng tao si Peter. Paano’y may kinuha siyang panyo na parang bandana sa bulsa. At pagkatapos ay tumayo siya sa likuran ko. Hinigit ko ang hininga ko nang ipatong niya ito sa ulo ko. Paghawak niya sa buhok ko ay parang may kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko; mistulang bumagal ang oras. Itinali niya sa ilalim ng buhok ko ‘yong bandana kaya nagmistulang headband.
Pagkatapos ay bumalik siya sa tabi ko at nagpatuloy sa pagpapakain sa akin. Isinabay na rin niya ang sarili, kapag ngumunguya ako ay tsaka siya sumusubo. Hindi naman ako mabilis mabusog pero sa pagkakataong ito’y parang biglang napuno agad ang tyan ko.
“O-Okay na ‘ko. Kumain ka na ng maayos,” sabi ko na nautal pa. Hindi ko alam kung bakit naging abnormal ang bilis ng t***k ng puso ko dahil lang sa mga simpleng bagay na ginawa niya.
Mabilis naman siyang natapos kumpara sa akin. Niligpit niya ang lahat ng mga pinagkainan at nilagay sa lababo. Tumayo na ako para magpunta sa kwarto nang lapitan na naman niya ako. “Bakit?” tanong ko pero imbes na sagutin ay dito niya ako biglang binuhat!
Napasinghap ako sabay hawak sa balikat niya. Bumalik sa isip ko ang unang araw ko rito sa isla. Parang ganito rin kasi ang pagkarga niya sa akin noon. Pati na rin noong nalunod ako.
Kasabay ng pagbalik ng mga alaalang ito ay lahat ng iba pang nangyari sa isla. Parang nagkaroon ng slideshow sa isip ko. Tuloy ay nagmistulang drum ang puso ko dahil sa lakas ng t***k nito. Ilang beses ko na itong naramdaman dahil kay Peter pero hindi ko binibigyang pansin. Akala ko kasi ay kaba lang. Pero ngayong gabi, mas naging malinaw sa akin ang ibig sabihin nito.
Nasa tapat na kami ng pinto ng kwarto nang magsalita ako…
“Gusto kita.”
Nahinto sa paglakad si Peter. Umigting ang kanyang panga habang nakatitig sa pinto. Pakiramdam ko naman sandaling tumigil ang mundo ko. Nahirapan din akong huminga.
Ilang sandali lang, nagulat ako nang marinig ang kulog sa labas na sinundan ng buhos ng ulan.
Akala ko imposibleng umulan, pero nangyari ito.
Akala ko rin imposibleng mahulog ulit ang loob ko…
“Hindi mo alam kung anong sinasabi mo,” malamig ang boses ni Peter nang magsalita. Ibinaba na niya ako pero tuluyang nabuhay si Briar sa pagkatao ko. Kaya naman mabilis kong ipinulupot ang mga braso ko sa leeg niya para ‘di siya makaiwas.
“Anong hindi alam? May mahirap bang intindihin sa salitang gusto kita?” mariin kong binigkas ang huling dalawang salita para ma-emphasize talaga ito sa kanya. Aba’t hindi madali para sa akin aminin ito pero nilakasan ko lang ang loob ko.
Inalis naman niya ang pagkakahawak ko sa kanya at hindi na ako nagmatigas. Ngayon ay magkaharap na kaming dalawa pero umatras siya para magkaroon ng sapat na distansya sa pagitan namin.
“Kung tungkol ito sa pagpapanggap natin o sa paghalik—”
“Syempre hindi lang iyon ang dahilan,” pagputol ko sa kanya dahil alam ko na ang iniisip niya. “Nagustuhan kita dahil sa araw-araw nating pagsasama rito sa isla.”
Napasapo naman siya sa kanyang noo na para bang problemado. “That’s just f*cking Stockholm syndrome,” mariin niyang bulong sa sarili na bahagya ko lang narinig.
“Anong Stockholm? Sino naman ‘yan at anong kinalaman sa ‘tin?” tanong ko at napasabunot siya sa buhok niya sabay talikod sa akin.
“Kinidnap kita. Nakalimutan mo na ba ‘yon?” halos mapasabunot siya sa buhok.
“Syempre hindi. Pero baliw na sa mata ng iba, nagustuhan kita sa kabila ng ginawa mo. Kasi inamin mo naman ang dahilan. Tsaka parang hindi ka naman kidnapper kung umasta pagdating sa akin. Kaya nga nakilala kita bilang si Peter; hindi bilang kidnapper.” Marami siyang ginawa para sa akin na hindi gagawin ng isang kidnapper at sigurado akong alam niya ‘yon.
“Kilala mo ‘ko? Do you even know my full name?”
“Ano bang buong pangalan mo?”
“At sa tingin mo sasabihin ko sa ‘yo?”
Natawa ako nang ‘di sinasadya. “Exactly. Hindi mo naman sasabihin, tinanong mo pa ‘ko. Hindi naman ako manghuhula. Para ka ring sira kausap kung minsan,” sabi ko at napailing ako dahil nawala ako sa point. Huminga ako ng malalim bago nagpatuloy. “Oo’t marami pa akong hindi alam tungkol sa ‘yo, pero handa naman akong kilalanin ka kung bibigyan mo ako ng chance. Nakadepende na lang ‘yon sa ‘yo.”
Natahimik naman siya at napayuko. Hindi ko masabi kung anong tumatakbo sa isip niya. Pero habang nakikita ko ang reaksyon niya, ako ang mas nahihirapan. “Gusto ko lang malaman mo ang feelings ko. Hindi naman kita pinipilit na jowain ako dahil lang gusto kita. ‘Wag kang ma-pressure,” sabi ko tuloy para pagaanin ang sitwasyon.
Naninikip na kasi ang dibdib ko. First time ko pa namang unang umamin sa nararamdaman ko pero basted agad. Syempre masakit. Pero wala naman akong expectations sa pagtatapat ko.
Hindi ko na hinintay pa ang isasagot ni Peter. Basta tinalikuran ko siya at pinihit ko na ang saradura ng pinto. “Ayaw ko lang pagsisihan na hindi ko nasabi sa ‘yo ang nararamdaman ko bago ako umalis,” sabi ko pa at pumasok na sa kwarto. Isasarado ko na sana ito nang biglang sumunod si Peter.
Hinigit ko ang hininga ko nang dumausdos ang braso ni Peter sa beywang ko. Nagtagpo ang mga mata namin sandali, at makahulugan ang tinging ipinukol niya sa akin bago sinunggaban ang labi ko.
I don’t know what this kiss means, but Briar wouldn’t ask; she would simply do what feels right at the moment.