9. LIFE ⚠️

1409 Words
Sabado, ang hinihintay kong araw. Sa ganitong mga araw lang ako hindi ginugulo ni Laticia, gano'n din ang iba ko pang kaklase. Simula noong naglaro ako ng basketball, hindi na nila ako tinigilan, palagi na lang nila ako niyayaya kung saan-saan lalo na sa pagsabay sa pagkain. Hindi ba nila alam ang kahulugan ng personal space at privacy? Kasalanan ko rin naman kung bakit ayaw nila ako tigilan. Simple lang naman ang ginawa ko, ngunit bakit sobra-sobra ang naging reaksyon nila sa akin? Kung hindi ko lang tinulungan si Laticia, magiging tahimik sana ang buhay ko. Hindi ko lubos aakalain na magkakaroon ako ng pagsisisi sa nagawa kong desisyon. Bukod pa roon, palagi nila ako pinapagsalita. Ano bang meron sa boses ko at gustong gusto nila itong mapakinggan? Palagi ko naman sila pinagsasabihan na lubayan ako, pero tanging mga tili at tawa lang ang nakukuha ko sa kanila, iyong iba naman ay kinikilig. Bakit sila kinikilig sa boses ko? May mga diperensya ba sila sa utak? Hindi ko alam na maraming Laticia ang manggagabala sa aking buhay. Siguro, huwag na lang ako magsalita(?) sa harap nila upang lubayan na nila ako. Ang inaakala kong tahimik na buhay estudyante ay bigla na lang masisira nang dahil sa kanila, lalong lalo na si Laticia. Kasalukuyan akong nagwawalis sa loob ng bahay at nagliligpit din ng aming kagamitan. Habang ginagawa ko ito ay lumabas si ate mula sa banyo na masayang masaya. Wala akong ideya sa likod ng maganda niyang mood, kagabi pa siyang masaya. Tamang humming lang at minsan naman ay sumasayaw nang bahagya habang siya ay nagha-humming. Pagkatapos niyon ay umakyat na siya sa kan'yang kuwarto para magbihis. Sa oras din iyon, may isang balita ang pumukaw sa aking atensyon. Tungkol ito sa lalaking nagpatiwakal sa loob ng sariling kuwarto. Ako'y lumapit sa sala upang marinig ang kaniyang kuwento. Ayon sa kaniyang ina, hindi niya raw inaakala na tatapusin na ng kaniyang anak ang sarili nitong buhay. Masayahin at mabuting anak daw ito. Gan'to naman palagi ang sinasabi nila sa bawat interview. Kesyo masayahin daw at mabait, hindi nila inaakala na gagawin nila 'yon sa sarili — ang magpakamatay. Huli na nila sinasabi ang mga magagandang salita sa mga namatay na, ngunit panigurado ako na ni minsan ay hindi man nila ito narinig habang nabubuhay pa sila. Nakakatawa. Inihayag din ng ina ang nararamdaman ng kan'yang anak bago ang pangyayari. Ibinahagi na pala sa kaniya ang depression na nararanasan ng kaniyang anak, ngunit isinawalang bahala niya lamang ito — hindi siya noon naniwala sa anak. Inakala niya na noon na gawa-gawa lang iyon ng kaniyang anak. Ito ang mali niyang ginawa — ang pagbabalewala sa kaniyang anak na may mabigat na dinadamdam. Kaya pala lalong lumala ang sakit ng lalaki. Napailing na lang ako. Kung pinakinggan lang sana niya ang anak, baka may pagkakataon na matulungan pa niya ito. Mabawasan man lamang ang nadaramang depression ng anak, ang kaso hindi. Hinayaan ng ina na lamunin ng multong sakit ang lalaki hanggang sa tuluyan na siyang masira. Ano kaya ang nasa isip ng lalaki no'ng ibinahagi niya sa pamilya ang saloobin niya tapos hindi pa siya pinansin? Pagkatapos sasabihan pa siya ng "Baka iniisip mo lang iyan," o 'di kaya, "Paano ka made-depress, eh, nasa iyo na ang lahat? Mayaman ka na nga, may kotse, naka-aircon ka — may sarili kang kuwarto, maganda ang trabaho..." and blah-blah-blah… Gaya ng napanood ko sa isang pelikula. Kung narinig niya ito mula sa kanila, sigurado akong lalong mati-trigger ang kaniyang dinadamdam at iisipin na wala siyang kakampi. Iisipin na walang nakakaintindi at walang tutulong sa kan'ya kung kaya wala ng rason upang manatili sa mundo. Naawa ako sa kan'ya sapagkat hindi siya nakatanggap ng magandang tulong at suporta mula sa sariling pamilya. Hindi ko rin naman masisisi ang kaniyang pamilya kung wala naman sila pakialam sa kaniya simula pa lang. Baka malas lang talaga tayo sa pamilya — sobrang malas sa napuntahan nating pamilya. Kung p'wede lang pumili ang anak ng maaari nilang maging magulang, siguro matagal na namin ginawa ito ni Ate Keslie. Pipiliin namin ang magulang na bukas ang isipan lalo na sa gan'tong mga sensitibong usapin. Malawak din ang kanilang pag-unawa sa lahat ng mga bagay lalo na sa kanilang anak. At lalong lalo hindi pine-pressure ang kanilang anak para lang ipakita sa iba kung gaano kagaling at ka-perfect ang kanilang pamilya. Ituturing nila na 'biyaya ng diyos' ang kanilang anak at hindi 'isang kamalian' o 'isang life insurance' ang anak. Naniniwala talaga ako na walang free-will sa mundo. Kung mayroon man, dapat una pa lang ay binigyan na tayo ng choices para makapamili tayo ng isang pamilya nais nating mapuntahan. Siguro meron talaga, kaso nga lang tinanggal sa ating memorya(?) ang tungkol dito. Hindi ko lang maunawaan ang dahilan. Nang nag-commercial, itinuloy ko na ang pagwawalis. Bago pa lang ako babalik sa kusina ay may narinig akong tunog ng cellphone. Akin ko iyon hinanap at mabilis ko rin naman ito nahagilap. Nakita ko ito na nasa ibabaw ng itim naming drawer na kung saan nakalagay ang mga sapatos at tsinelas namin na malapit sa pintuan. Cellular phone ito at 'yong old version na. Hindi ko alam kung kay ate ba ito dahil hindi ko naman siya nakikitaang gumagamit ng ganitong klaseng phone. Dahil kanina pa ring nang ring at nakakarindi na rin, sinagot ko na 'to. "Please... Please... I-I don't want t-to be here anymore..." Boses ng isang lalaking umiiyak at nagmamakaawa, mukhang paos at tuyo na ang kan'yang lalamunan. "I'm s-s-sorry... I will not r-repeat it again... Just please… re-r-release me..." Base sa kan'yang boses na nahihirapan na itong huminga. At dahil doon, natukoy ko na sa likod ng magandang awra ni ate. Pinatay ko ang cellphone at tinawag siya sa taas. "Ate!" sigaw ko habang paakyat sa taas. "May asong kumakahol ang tumawag sa iyo!" "Really!? Anong sinabi!? Umiiyak ba!?" sabik niyang tanong sa akin habang nagpapatuyo siya ng buhok gamit ang blower. Halata sa tono ng kan'yang boses na siya ay masayang masaya. "Oo," tugon ko sa kaniya at saka ko pinatong ang cellphone sa brown na drawer na nasa harapan n'ya. May napansin naman akong itim na gloves na nakapatong doon. "I think nahanap na niya ang itinago kong phone. Akalain mo iyon, sinunod nga talaga ang utos ko. I thought na… ang mga pulis ang una niyang tatawagan. He's really a good dog," masaya niyang tugon. "It's such a shame at hindi ko makikita ang sabog-sabog niyang mukha. And because of that," ibinaba niya ang blower na hawak niya at tumingin sa salamin, "kailangan kong bigyan ng masarap na treats si doggy. Ang unfair naman kung hindi, right?" Pagkasabi niya ay sabay siyang humalakhak. Kinuha naman niya ang kaniyang mga make-up at nag-ayos ng sarili. Bahagya ako naguluhan sa kaniyang ibinahagi. Tiningnan niya ako at tumawa nang mahinhin. Ayoko talagang tumatawa siya nang mahinhin, hindi bagay sa kan'ya. "Ganito kasi iyan… May naisip kasi akong bagong gimik and nagpa-help ako kay Lolo Dan. Iyong phone ng doggy ko is naka-program. Sa oras na may tinawagan s'yang ibang number maliban sa akin, sasabog ito," paliwanag niya. Huminga siya nang maluwag na may ngiti sa labi. "I can't wait to see his reaction kapag sinabi ko ang about sa bomba. Mamahalin pa ba niya ako sa kabila ng lahat?" Nang maisip, siya ay umiling at natawa. "Sa tingin ko ay oo. Napakalaki niya kasing tanga at masyadong obsessed sa akin. I can't blame him 'cause just look at me… sobrang ganda ko," sagot niya sa kaniyang sarili habang naglalagay ng pampaganda sa kaniyang mukha. Hindi na ako nagulat pa sa kaniyang tinuran. Ganiyan na talaga si ate simula noon. Sobrang taas ng confidence level niya na walang sino man ang kayang sumira niyon. Iniwan ko na s'ya sa kuwarto upang ituloy ang aking naudlot kong paglilinis sa baba. Tinitiyak ko na pupuntahan niya ngayon ang bago niyang laruan at papahirapan ulit. Kilala ko si ate, sa oras na nag-aayos siya at sinusuot ang itim n'yang gloves, paniguradong paglalaruan na naman niya ang mga katawan at damdamin ng mga 'aso' niya. At kapag nakuha na niya ang pakay sa mga iyon, lalo na ang kanilang kayamanan, 'tsaka na niya sila patatahimikin habang buhay. Wala ring takot si Ate sa kaniyang ginagawa. Malaki ang tiwala niya sa sarili na hindi siya mahuhuli ng mga pulis. Masyadong matalino at mabusisi siya sa kaniyang ginagawa na tunay kong kinahahangaan at kinakatakutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD