1
LUMABAS ng silid niya si Sybilla, tinungo ang munting kusina. It was her day off kaya itinulog niya ang buong maghapon. Maliit lang ang one-bedroom apartment niya sa Baltimore. Komportable siya roon kahit na kaya naman niyang umupa ng mas malaking tirahan. Sapat na ang apartment sa kanyang kailangan. Mayroon iyong munting sala, kusina, banyo at ang pinakaimportante sa lahat ay silid na may kama. Kailangan lang niya ng lugar na komportableng matutulugan at tahimik na kapaligiran. She spent most of her time in the hospital.
Naglabas siya ng maiinom at tinungo ang sala. Naupo siya sa isang one-seater couch at itinaas ang mga paa sa isang ottoman. Pagkatapos uminom ay isinandal niya ang sarili sa backrest at ipinikit ang mga mata. Tahimik na tahimik ang buong kabahayan. Ganoon ang kanyang gusto.
Lumaki kasi si Sybilla sa magulo at maingay na lugar. Squatter’s area sa Pilipinas ang lugar na kanyang kinalakhan. Napakakipot ng inuupahan nilang mag-ina noon. She hated the place so much. Dahil dikit-dikit ang mga kabahayan, dinig na dinig ang pag-aaway ng mga mag-asawa, pag-uha ng mga bata at sanggol, pati na rin ang walang habas na pagmumura ng lahat. Araw-araw, bago matulog at gumising ay sinasabi ni Sybilla na makakaalis din silang mag-ina sa lugar na iyon. Beinte anyos siya nang magkaroon iyon ng katuparan.
Nalaman niya kung sino ang kanyang ama kaya nakaalis sila sa lugar na iyon. Ipinangako niyang hindi na niya babalikan ang lugar na iyon. Kaya naman ang unang-unang demand niya sa ama nang magkaharap sila ay bigyan sila nito ng bahay. She said he owed that much to her. Dalawang dekada ng sustento ang katumbas ng bahay.
Hindi masukat ang galit ng kanyang ina nang malaman nito ang kanyang ginawa...
“Hindi ka na nahiya!” galit na singhal ng inang si Analiza kay Sybilla, gigil na gigil sa galit. Mapulang-mapula ang buong mukha nito. Noon lang niya nakita na nagalit nang ganoon katindi ang ina. Kung maaari nga lang marahil siyang padapain at paluin ay ginawa na nito.
Hindi natigatig si Sybilla sa galit ng ina. “Bakit po ako mahihiya? Karapatan niyang ibigay sa akin ang mga kailangan ko dahil anak niya ako. Hindi naman ako humihingi ng mansiyon, simpleng bahay lang na tahimik ang kapaligiran at komportable. Iyong maluwang at makakagalaw ako. Isang lugar na payapa at tahimik na maaari akong mag-aral na walang anumang istorbo.”
“May pamilya na siya! Wala siyang responsibilidad sa atin!”
“Anak niya ako. May responsibilidad siya sa akin. Kung hindi naman po kasi kayo gaga at kalahati, di sana, kayo ang asawa. Sana ako ang legal na anak!”
Nasampal si Sybilla ng ina. Nasaktan siya ngunit hindi na niya ininda. Hindi rin humupa ang galit na kanyang nadarama. “Totoo naman, `di ba, `Nay? Kung mas nag-isip lang po sana kayo noon, di sana, hindi kayo nahihirapan sa paglalaba, sa pagbebenta ng kung ano-ano sa kung saan-saan.”
“Iyan ba ang igaganti mo sa lahat ng paghihirap ko sa `yo, Sybilla?” Mahihimigan ang matinding hinanakit sa galit nitong tinig.
“Hindi n’yo naman kasi kailangang maghirap, eh! Kung sinabi lang ninyo kay Damian Arqueza na ipinagbubuntis ninyo ako noon. Kung iginiit lang sana ninyo na panagutan niya kayo. Sana, kayo ang pinakasalan, hindi ang Lou Ann na `yon. Sana ikaw ang reyna. Di sana ang sarap ng buhay mo ngayon.” Gigil na gigil na si Sybilla sa labis na galit at panghihinayang. Ang alam niya dati ay patay na ang kanyang ama, iyon ang sinabi ni Analiza noong nagsimula siyang magtanong. Hindi na niya gaanong inisip ang ama hanggang sa umuwi galing ng Japan ang isang matalik na kaibigan ng kanyang ina, si Maricel.
Aksidenteng narinig ni Sybilla ang pag-uusap ng dalawa. Inakala kasi ng ina na himbing pa siyang natutulog dahil napuyat siya sa pag-aaral. Tinanong ni Maricel ang kanyang ina kung may balita kay Damian Arqueza. Hindi siya nakarinig ng anumang tugon mula sa ina ngunit nahuhulaan niyang umiling ito. Muling nagtanong si Maricel. Alam daw ba niya na buhay pang talaga ang kanyang ama? Habang-buhay na bang itatago ni Analiza kay Damian ang tungkol sa kanya? May karapatan daw ang lalaki na malaman ang tungkol sa kanya. May karapatan din siyang makilala ang lalaking responsable sa kanyang pagsilang.
Mula noon ay nagsaliksik na si Sybilla tungkol kay Damian Arqueza. Nalula at namangha siya sa kanyang mga nalaman tungkol sa lalaking diumano ay kanyang ama. Napakayaman ng pinanggalingan nitong pamilya. Lahi ng mga doktor ang pamilya Arqueza, ngunit hindi doktor si Damian. Ang kanyang lolo, si Dr. Ramoncito “Monching” Arqueza, ay isa sa mga tanyag na general surgeon hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa. Nag-iisa lang ang kinikilala nitong apo, si Corrine Marie Arqueza. Hindi man doktor si Damian, matagumpay pa rin ang ama sa larangan ng negosyo. He owned chains of supermarkets and convenience stores.
“Ikakasal na siya nang may mangyari sa amin. Hindi ko maaaring sirain ang buhay niya dahil sa may nangyari sa amin isang gabi.”
Sa sobrang gigil ni Sybilla ay nais na niyang sabunutan ang ina sa mga katwiran nitong ganoon. Mahal na mahal niya ang kanyang ina. Si Analiza ang pinakamahalagang tao sa kanyang buhay. Gagawin niya ang lahat para dito, maging buhay niya ay kanyang ibibigay. Subalit mayroon talagang mga pagkakataong ganito na hindi niya maintindihan ang takbo ng isipan ni Analiza. Hindi niya maintindihan kung paano niya ito naging ina. Magkaibang-magkaiba silang dalawa.
Hindi lang naman sarili niya ang iniisip sa kasalukuyan. Iniisip din niya ang kalagayan ng ina. Hindi na nito kailangang mahirapan nang husto sa pagtatrabaho. Hindi na nito kailangang magtiis sa mabaho at masikip na lugar na inuupahan nila.
Alam ni Sybilla na hindi rin siya naiintindihan ng ina sa kasalukuyan. Pakiramdam nito ay nagpakababa siya, namalimos. Hindi nito maintindihan kung bakit siya lumapit sa mga Arqueza at nagpakilala. Ganap ang paniniwala nitong hindi nila kailangan ang sustento ng mga Arqueza. Malapit na siyang mapagtapos ng ina ng kolehiyo sa pamamagitan lang ng paglalabada, pagbebenta ng kung ano-anong kalakal at pagkain, at scholarship na pinagsumikapan niyang makuha. Hindi nito malaman kung bakit napakaambisyosa niya. Sybilla just knew she deserved the very best. She never wanted to settle for anything less.
“Karapatan ko `to, `Ma. Hindi mo `ko inisip noong talikuran mo ang isang magandang buhay kaya pagbigyan na ninyo ako ngayon. Karapatan kong magkaroon ng magandang buhay. Karapatan kong maging doktor.” Hindi niya maikakaila na natuwa siyang malaman na galing siya sa pamilya ng mga doktor, na nananalaytay sa ugat niya ang pagiging mahusay na siruhano. Dahil mali ang kanyang ina sa paniniwalang malapit na siyang matapos. Hindi pa siya tapos sa pag-aaral. Mahaba pa ang kanyang lalakbayin. Nagsisimula pa lamang siya.
Bata pa lang si Sybilla ay sigurado na siya sa nais niyang maging paglaki. Nais niyang maging isang siruhano. Masyadong matayog na pangarap para sa isang katulad niya ngunit kanyang pinagsusumikapan. Ni minsan ay hindi niya sinukuan ang pangarap na iyon. Mientras na sinasabi ng marami na hindi niya maaabot ang pangarap na iyon ay lalo niyang pinag-iigihan, lalong nag-aalab ang kagustuhan niyang maging doktor. Hindi nawala ang paniniwala niyang siya’y magiging isang mahusay na siruhano.
At siruhano na ngayon si Sybilla. She had been competitive and ambitious and relentless. Hindi siya tumigil hanggang sa makuha niya ang kanyang gusto.
Nakapasok si Sybilla sa medical school sa Amerika dahil sa tulong ng mga Arqueza at dahil na rin sa pagpupursige niya. Nakakuha siya ng partial scholarship. She had been consistently on top of her class. Dahil sinustentuhan ng kanyang ama ang pag-aaral at living expenses niya, mas natutukan niya ang medical school.
Meeting her father for the first time had been awkward. Nagtungo siya sa opisina nito at walang ligoy niyang sinabi na anak siya nito kay Analiza Torres.
“Magpa-DNA test po tayo upang makasiguro po tayo.”
Hindi malaman ni Damian kung paano pakikibagayan ang bombang pinasabog niya sa harap nito. Kahit na sino naman ay magugulat. Hindi nito malaman ang sasabihin sa kanya. Si Sybilla ang nagsuhestiyon na magtungo sa ospital kung saan major stockholder ang lolo niya upang makapagpa-DNA test. Ang totoo ay kinabahan si Sybilla noon. Inisip niya kung paano lulusot kung hindi matched ang DNA nilang dalawa. Hindi pa kasi niya kinausap ang kanyang ina noon. Nakahinga siya nang maluwag nang lumabas ang resulta at nakumpirmang mag-ama nga sila. Tila pinagbagsakan naman ng langit at lupa si Damian Arqueza. Hindi sumama ang loob ni Sybilla sa naging reaksiyon ng ama. Hindi naman niya inasahan na matutuwa ang ginoo kapag nalaman ang tungkol sa kanya. Alam niyang ganap nang naiba ang ikot ng mundo nito. Binulabog niya ang nananahimik nitong buhay. Ginulo niya ang kaayusan ng pamilya nito.
“Emotionally, wala po akong kailangan sa inyo,” ani Sybilla kay Damian nang sa palagay niya ay lubusan nang tumimo sa isipan nito ang lahat. “Malaki na ako, sa palagay ko naman po ay hindi ko na kailangan ng pagmamahal at paggabay ng isang ama. Twenty years, nabuhay ako na wala ka. Hindi ako magde-demand ng kung ano-ano—emotionally. Financially, malaki ang pangangailangan ko—naming mag-ina. Kahit na paano paikot-ikutin ang mundo, kahit pa inilihim sa `yo ni Mama ang tungkol sa akin, hindi mo maikakaila na may responsibilidad kang dapat gampanan sa akin. Sustento. Kulang isang semestre na lang ay magtatapos na ako sa premed course ko. I wanna be a doctor and I’m gonna be a great doctor. All I want from you is a little help. A little financial help. A little house. Honestly, magiging doktor naman ako kahit na wala ka, kahit na hindi ko nalaman na napakayaman pala ng tatay ko. Sandamakmak lang na paghihirap ang mararanasan ko, pero kakayanin ko. Magiging doktor ako.” Pinakadiin-diin niya ang huling pangungusap. “Pero ama kita. I deserve what you can give me. I deserve every good thing you can give. Magpapakaprangka na ako para malinaw sa `yo, I don’t need your love. Hindi mo kailangang magpunta sa graduation ko, or birthdays. I just need your financial support.”
Ang sabihing nabaghan si Damian Arqueza ay kulang. Hindi marahil nito inasahan na magluluwal ng anak na katulad niya si Analiza. Si Analiza na mabait at mayumi. Tahimik at mapagkumbaba. Hindi prangka at palaban. Ngunit ibinigay pa rin ni Damian ang mga kailangan niya. Ikinuha sila nito ng isang two-storey house sa isang disenteng subdivision. Pagpasok sa bagong bahay, inakala noon ni Sybilla na iyon na ang pinakamaligayang araw sa kanyang buhay. Isang pangarap ang kanyang natupad. Hindi sa paraang inakala niya, ngunit ang suma ay natupad pa rin iyon.
Nag-vibrate ang cell phone na nasa kamay ni Sybilla kaya nagmulat siya ng mga mata at ibinalik ang isipan sa kasalukuyan. Isang mensahe ang pumasok. Kaagad gumuhit ang isang magandang ngiti sa kanyang mga labi nang mabasang galing kay Corrine ang mensahe.
I think he’s gonna propose!
Muli ay ipinikit niya ang mga mata. Mamaya na niya tutugunan ang mensahe dahil siguradong tatawagan siya ni Corrine at magiging napakahaba ng kanilang usapan. Mahal niya ang kapatid sa ama, ngunit wala pa siyang ganang makinig sa mga kuwento nito sa kasalukuyan. Nais muna niyang namnamin ang katahimikan.
Kung awkward ang unang meeting nila ni Damian Arquiza, intense naman ang naging unang paghaharap nila ng kapatid sa ama. Mag-isa lang sa bahay si Sybilla nang araw na iyon dahil nagtungo sa palengke ang kanyang ina. Kagigising lamang niya nang makarinig siya ng katok. Pagbukas na pagbukas ng pintuan ay kaagad siyang sinampal ng babae.
“Homewrecker!” ang nangangalit nitong singhal sa kanya.
Napangiti si Sybilla nang maalala ang naging reaksiyon niya nang araw na iyon. She hit her back. Palagi niyang iniisip na mas mataas siya kaysa sa mga taong nakasama niya sa squatter’s area, ngunit galing pa rin siya sa squatter’s area. Kaya niyang kalimutan ang pagiging edukada at umaktong taga-squatter kung kinakailangan. Hindi siya katulad ng ina na masidhi ang paniniwalang pinagpapala ang mga inaapi. Hindi siya nagpapaapi sa kahit na kanino, lalo na sa mga taong hindi niya kilala at hindi siya kilala.
Kamuntikan nang mawalan ng balanse noon si Corrine sa lakas ng pagkakasampal niya. Hindi na nakapagtataka dahil mas mataas siya kaysa sa kapatid at mas mapuwersa. Nasapo nito ang pisnging natamaan, nanlalaki ang mga mata na tila hindi nito mapaniwalaan na gumanti siya.
Nang makahuma si Corrine ay kaagad siya nitong sinugod. Hindi nagpatalo si Sybilla. Ang bawat atakeng pinapakawalan ni Corrine ay ginagantihan niya. Sinasabunutan nila ang isa’t isa nang dumating ang kanyang ina at kaagad silang pinaghiwalay.
Nang humupa ang tensiyon, nalaman niya na inakala ni Corrine na kalaguyo siya ni Damian Arqueza. Hindi pa pala nasasabi ng ama ang tungkol sa kanilang mag-ina. Kahit na paano ay nakadama siya ng awa kay Corrine dahil nang araw na iyon ay ganap ding nag-iba ang inog ng mundo nito.
Noong mga panahong iyon, hindi inakala ni Sybilla na magiging matalik silang magkaibigan ni Corrine. Hindi pa man niya nakikilala ang kapatid noon, nakahanda na siyang kamuhian si Corrine dahil napunta rito ang lahat ng dapat ay sa kanya. Ngunit napakabait ng kanyang kapatid at unti-unti ring nalusaw ang lahat ng dahilan upang kamuhian niya ito. Hindi mahirap mahalin si Corrine. Hindi rin siya nito pinagkaitan ng pagmamahal. Tinanggap siya nito nang buong puso.
Corrine was not just her most beloved sister, she had been a dear best friend.
Nais na patuloy na namnamin ni Sybilla ang kapayapaan at katahimikan. Ngunit may hindi maipaliwanag na damdamin na unti-unting umuusbong sa kanyang puso. Nakamit na niya ang ilang bagay na kanyang pinangarap sa buhay, ngunit bakit tila nalulungkot siya? Tila may hinahanap pa siya na hindi niya malaman kung paano matatagpuan?