“ANO ANG ginagawa mo, Sybilla?” tanong ni Sybilla sa sarili habang hinahalo ang sinangag sa kawali. Gumagawa siya ng almusal, iyon ang kanyang ginagawa ngunit alam din niya sa sarili na higit pa iyon doon. Iginagawa niya ng pabulusong almusal si Mathias na nahihimbing pa rin sa kanyang kama sa kasalukuyan. Ininit ni Sybilla ang mga natira nilang pagkain kagabi. Itinuloy na rin niya ang pagpapangat ng galunggong na dapat ay iluluto niya kagabi kung hindi dumating si Mathias. Paulit-ulit niyang sinabi sa sarili na ginagantihan lang niya ang ginawang paghahanda ng almusal ni Mathias dati, ngunit hindi pa man siya tapos ay alam na niyang niloloko lamang niya ang sarili. Maaari naman siyang maglabas ng cereal at gatas ngunit inabala niya ang sarili sa sinangag at pangat. Dalawang pagkain na sa

