May 27, 2020
Puerto Princesa International Airport
2:00 AM
“Sir, good morning po. Ako po si Paul. Ako po ‘yung kausap niyo sa cellphone.” Paunang pagbati ng Driver ng Van.
“Alright. Mang Paul ako po si Ryan. And this is my best friend, Claire.” Magiliw na tugon ni Ryan. Kumaway naman si Claire nang siya’y ipakilala nito sa Driver. “Pasensya na po pala kayo at medyo natagalan kami ng pagdating.” Dugtong niya.
“Ah, okay lang po. Wala pong problema. Halina po kayo. Pasok na po kayo sa loob ng van para makapagbiyahe na po tayo. Medyo malayu-layo pa po kasi ‘yung tatakbuhin natin.” Sambit ni Mang Paul. Agad niyang pinagbuksan ng pinto ang dalawa.
“Sir, gusto niyo po ba sa unahan kayo umupo?” Pag-aaya niya.
“Ah, hindi na po. Dito na lang po ako sa may likod. Tatabihan ko nalang po itong best friend ko.” Mabilis na sagot ni Ryan.
“Ah, okay po sir. Wala pong problema.” Magiliw niyang tinitigan ang dalawa habang sumasakay ng sasakyan. Nang makasakay ang dalawa ay agad na rin siyang pumunta sa Driver’s seat at sinimulan ang pagmamaneho.
“Ma’am, Sir, Welcome po pala dito sa Palawan! First time niyo po bang pupunta ng El Nido?” Tanong ni Paul. Tuloy-tuloy lang siya sa pagmamaneho habang sinusulyapan ang dalawa sa rear-mirror ng sasakyan.
“Ah, opo manong. Kaya nga po super excited na ‘tong isang kasama ko!” Pabirong banat ni Claire habang itinuturo ng nguso niya ang katabi niyang si Ryan.
“Wow, ha? Nagsalita ang hindi excited. Ikaw nga ‘tong halos hindi maihakbang ang paa kanina sa loob ng airport dahil hindi ka makapaniwalang dito sa El Nido ang destinasyon natin.” Pang-aasar sa kanya ni Ryan. Kinurot ni Claire ang tagiliran niya at halos mapalundag ito sa kanyang kinauupuan. Napangiti naman si Paul nang makita niya kung gaano kakulit ang dalawang turistang nasa likuran niya.
“Alam niyo, ang cute niyong dalawa. Bagay kayo.” Sabi niya.
“Naku, manong. Mag-best friend lang po kami.” Mariing pagtanggi ni Claire. Medyo nakaramdam siya ng kirot sa kanyang dibdib pagkasabi niya nito.
Ngumiti lang si Paul sa kanyang narinig at tila mas nagkainteres pa siyang kilalanin nang mas malalim ang dalawa.
“Sigurado po kayo Ma’am? Hindi naman po sa panghuhusga ano po? Pero unang pagkakita ko pa lang po sa inyong dalawa kanina, ang buong akala ko talaga ay magkasintahan kayo. Kaya nagulat talaga ako nang ipakilala ka sa akin ni Sir Ryan kanina bilang best friend lang niya.” Malumanay na pagpapaliwanag ni Paul.
“Naku, Manong. Mag-best friend lang po talaga kami nitong si Claire. Siguro kung nakikita niyo man kami na ganito ka-close, ‘yun po ay dahil hindi rin po biro ‘yung pinagsamahan namin.” Wika ni Ryan. Nakangiti ito habang nagsasalita. “Di ba, Bes? Dugtong pa niya sabay pisil sa kanang pisngi ni Claire.
“Yeah, right.” Pagsang-ayon ni Claire. Tiningnan siya nito nang malagkit at marahan siyabf itinulak palayo sa kanya.
Nasaksihan lahat iyon ni Paul sa pamamagitan ng maya’t maya niyang pagtingin sa rear mirror ng kanyang sasakyan. Nakita niya kung paano titigan ni Claire si Ryan. Kahit hindi pa niya talagang kilala ang dalaga, alam niyang may malalim na ibig sabihin ang mga titig niyang iyon kay Ryan. Pilit man niya itong itago ay mahahalata naman ito sa kung paano siya kumilos. Ngunit ang ipinagtataka ni Paul ay kung bakit tila yata walang kaide-ideya si Ryan tungkol sa totoong nararamdaman ni Claire para sa kanya. Sa pakiwari niya, Imposibleng hindi iyon madiskubre ni Ryan kung totoo ngang matagal na silang magkasama at magkakilala. Hindi man siya sigurado sa tinatakbo ng isip ni Ryan, ngunit sigurado naman siya na hindi siya nagkakamali ng kutob tungkol kay Claire. Sigurado siyang may malalim na nararamdaman si Claire kay Ryan. Ngunit inililihim lang niya ito sa binata.
Dala ng kanyang matinding pagkaintriga, gusto pa ni Paul na lalong malantad ang itinatagong emosyon ni Claire. Iniisip niyang baka sakaling sa pamamagitan ng kanyang gagawin ay maramdaman ni Ryan ang mga bagay na hindi napapansin ng sarado niyang isip. Nais niyang matulungan kahit paano si Claire na makapagtapat ng kanyang totoong damdamin. At Gusto niya itong gawin sa paraang hindi mahahalata ng dalawa.
“Ah, ganu’n po ba, Sir? Naku, pasensya na po. Napagkamalan ko pa tuloy kayo. Madalang lang po kasi ako makakita ng lalaki’t babae na sobrang close sa isa’t isa, pagkatapos ay sasabihin nilang magkaibigan lang sila at walang kahit anong namamagitan sa kanila. Kadalasan po ‘pag ganiyan, kung hindi man po sila pareho ng nararamdaman sa isa’t isa, marahil ay isa sa kanila ay lihim na nagmamahal. Hindi lang po siguro niya maamin ang kanyang tunay na nararamdaman sa taong ‘yun. Ano po sa palagay niyo, Ma’am?” Wika ni Paul. Sinabi niya ito habang patuloy na sinusulyapan sa maliit na salamin ang hindi mapakaling si Claire. Kitang-kita niya ang pagkanerbyos ng dalaga habang pilit na iniiwas ang mga mata sa katabi niyang si Ryan.
“H-Hindi ko po alam Manong kung anong tamang sagot sa tanong niyo, ‘eh.” Pagkakaila ni Claire.
“Gano’n po ba, Ma’am? ‘Eh kayo Sir? Ano po sa palagay niyo?” Patuloy na pangungulit ni Paul.
Hindi agad sumagot si Ryan. Sa halip ay napasulyap siya kay Claire.
“Manong, kung tama man po o hindi ang hula niyo, para sa akin, ang mas interesanteng tanong ay, bakit kasi hindi natin maamin agad na mahal natin ang isang tao? Bakit kailangan pa nating ilihim ito? Tapos, sa bandang huli, magsisisi tayo kung bakit hindi tayo kayang mahalin pabalik ng taong ‘yon.” Wika ni Ryan. May diin sa bawat salitang niyang iyon na tila malalim ang pinaghuhugutan. Agad naman itong napansin ni Paul. Ngunit, imbes na mas makilala niya ang dalawa ay tila naging kumplikado pa ang lahat. Hindi malaman ni Paul kung sino ba ang pinatutungkulan ni Ryan sa mga sinabi nito.
Samantala, patuloy lang na nakatitig si Ryan kay Claire. Nakita niya ang bahagyang pagbabago ng mood ng dalaga. Halatang halata dito ang pagkabalisa. Ngunit wala siyang ibang maisip na dahilan kung ano ang biglaang nagpabago ng mood nito. Kaya inisip na lang niya na marahil ay dala pa rin iyon ng matinding pagkahilo na kanina pa naman idinadaing ng dalaga.
Napansin ni Paul na bahagyang natahimik ang dalawa sa likod. Kaya muli niya itong sinilip sa salamin. Tila nagbago ang atmospera sa pagitan ng dalawang magkaibigan.
“S-Sir, Ma’am, okay lang po ba kayo dyan? Naku, masyado yata akong naging matanong. Pagpasensyahan niyo na po ako. Medyo inaaliw ko lang po kayo, pati na rin ang sarili ko. Alam niyo naman po, medyo mahaba-haba pa po ang iba-biyahe natin. Pang-libang lang sana at pampalipas oras.” Ani Paul.
***