Nagpatuloy ang celebration ng barkada sa mansyon ni Lexie. Tuloy ang pagpapatugtog ng malakas ng DJ, habang sila naman ay patuloy lang sa pagsi-swimming. Sa bawat pag-ahon nila sa pool ay nagsasayawan sila habang lumalaklak ng tig-iisang bote ng SanMig—panlaban sa lamig sa katawan na dulot ng walang humpay na paglangoy at ng palalim na palalim na gabi. Kapag naubos na nila ang beer, agad din silang bumabalik sa pool para magtampisaw at i-enjoy ang bawat sandaling magkakasama sila.
Alas tres na ng madaling araw nang magdesisyon ang barkada na tapusin ang party. Si Ryan na sobrang lango na sa alak ay halos hindi na makaahon sa pool.
"Ano Ryan kaya mo pa ba?" tanong ni James sakanya habang pinipigilan ang pagtawa.
"Oo naman kayang kaya pa!" Sagot nito habang sinusubukang umakyat sa maliit na hagdan ng pool. Ngunit sa sobrang kalasingan nito ay bahagya itong nadulas sa pagtapak niya sa baitang nito. Mabuti na lamang ay nakahawak ito nang mahigpit sa railings sa gilid ng hagdan.
"Oh, careful Ryan. Baka mag-swimming ka sa sarili mong dugo." biro ni Lexie habang unti-unti naring lumalapit sa hagdan para umakyat. Si Nick naman ay nakasunod lang sa kanya at inaalalayan ang paglalakad sa pool ng kanyang nobya.
"Naku, Claire. Mukhang kailangan ni Ryan ng mag-aasikaso sa kanya para makapagbihis. Tignan mo o susuray-suray. Baka ibang damit ang masuot niyan.” Ani Iya habang tinitingnan si Ryan na pumapasok na ng loob ng bahay.
Napakunot-noo si Claire kay Iya at saka tinitigang mabuti si Ryan. Wari'y nag-iisip kung dapat ba niya talaga itong alalayan sa pag-aasikaso.
"No. He can handle himself. Ginusto niya magpakalasing-lasing nang todo, ‘eh."
"Naku. Pataray-taray ka pa. Eh kitang-kita naman sa mga mata mo na sobrang concern ka sakanya!"
Binalikan ng tingin ni Claire si Iya.
"Wala kang maitatago sa akin, Claire! Kanina pa kita nakikitang nakatingin kay Ryan. Mula pa nung nagbihis ka ng swimsuit mo, hindi mo na inalis yung mga mata mo sa kanya."
Natulala si Claire. At unti-unting gumuhit sa mga mata niya ang kanyang totoong damdamin. Kitang-kita sa kanya ang malalim at mabigat na damdamin nito.
"Have you told Ryan about it na ba?" ani Iya.
"No. Should I?" malungkot na tugon ni Claire.
"Yes! You should tell him about it!" dugtong ni Iya.
"Tell him about what?” sabat ni James na nasa likod lang pala nilang dalawa. Nagulat si Claire na ilang dipa lang pala ang layo ni James sa kanila. Nilingon niya ito at saka kinausap.
"Wala, James. None of your business. ‘Tsaka bakit ka ba sumasali sa usapan ng may usapan? ‘Di ka ba tinuruan sa school ng GMRC?" Pagtataray ni Claire.
"Sungit naman. Nagtatanong lang naman ako." Sagot ni James na bahagyang napa-simangot.
"James, don't mind about what she just said. Medyo may tama na tong kaibigan natin, eh." ani Iya na sinusubukang pumagitna sa dalawa. Bahagya itong napangiti at ngumiti kay James para humupa ang tensyon. Hinihimas-himas naman niya ang balikat ni Claire para mahimasmasan ito.
"Well it seems so. Pero Nakakahiya naman sa inyo. ‘Eh mas marami naman din akong nainom sa inyo. Remember, kasama ko si Ryan na naunang lumaklak ng beer. Pero heto ako’t nakakausap niyo parin nang matino.” Patuyang sambit ni James.
Tila napagtanto ni Claire na mali ang pagtataray na ginawa niya. Tiningnan niya ng mata sa mata si James at saka muli itong kinausap.
"I-I'm sorry, James. I-Ikaw naman kasi...bigla-bigla kang sumusulpot at nakikisabat sa usapan." Pagpapakumbaba ni Claire.
"No, it's okay. Di ko naman sineryoso mga nasabi mo. ‘Tsaka, tama ka naman. Hindi dapat ako nakikisali sa usapan ng may usapan..."
"Thanks James sa pag-intindi..."
Ngumiti si James bilang pagtanggap ng paumanhin ni Claire.
"Iya, tara na? Bihis na tayo?" pag-aaya ni Claire.
"Tara." Sagot nito.
Umakyat na ng hagdan ang dalawa. Habang si James naman ay naiwang mag-isa sa pool. Pinagmasdan niya ang paglakad ng dalawa habang tahimik na nag-iisip kung ano ba ang tinutukoy ni Iya na dapat masabi ni Claire kay Ryan.
Makalipas ang ilang sandali, nakapagbihis na ang lahat. Naupo sila sa sala upang makapagpahinga kaunti. Nagsimula na ring magligpit ang sound system at catering na nirentahan nila.
"Hooh! That was amazing, guys! Ngayon nalang ulit ako nakapag-enjoy nang ganito!" ani Iya.
"It was, indeed!" sagot ni Nick.
"Salamat sa pagpunta niyong lahat! Sulit ang lahat ng pagpupuyat natin sa party na 'to." dagdag ni Lexie.
"Oo, at sulit din ang eyebags!" biro ni Claire sabay halakhak nang malakas. Sinundan naman siya ng pagtawa ng mga kabarkada niya.
"Anyway, kailan pala ang target date ng kasal niyo, Nick?" curious na tanong ni James.
"June 25th of this year, bro."
"Wow! Di talaga kayo nauubusan ng pasabog sa amin, huh? We got surprised that you two are actually getting married, but we don't expect it that early." ani Claire.
"Why too soon? Buntis ka na ba Lexie?" tanong ni Ryan.
Tumawa lang si Nick at Lexie sa tanong ni Ryan.
"No, Ryan. Not yet!" malambing na sagot ni Lexie.
"Napagkasunduan naming dalawa na magkaroon ng baby, a year after naming ikasal." dugtong ni Nick.
"Gusto lang talaga naming maikasal na, para maselyuhan ang pagmamahalan namin sa harap ng Altar..." ani Lexie.
"And, alam niyo naman na gagawin ko ang lahat-lahat, mapasaya lang ang mahal ko. Kaya, di nako nag-atubili na magpropose sakanya." Ani Nick habang akbay-akbay si Lexie.
"Well, congrats ulit for the both of you!" pagbating muli ni James.
"Thank you, James! Thank you sa inyong lahat guys!" Masayang tugon ni Lexie.
"Ahm, it's already 4:00AM na pala. I think I need to go." Ani Ryan.
"Wait, bro. Kaya mo ba mag-drive? Ikaw pinakamaraming nainom sa atin, ‘eh." Tanong ni Nick.
"Oo naman, kaya ko." sagot ni Ryan.
"No, Ryan. Ako nalang muna mag-drive sayo pauwi ng house mo. Mahirap na't baka madisgrasya ka pa d’yan sa daan." Ani Claire.
"No, Claire. You're drunk, too. I can handle myself."
"Nakainom ako. Pero di ako lasing. Akin na ang susi at para mapainit ko na yung makina." Sagot ni Claire.
"Are you really sure, Claire?"
"Do I have any choice?" Sagot nito.
"Alright. If you insist. Thank you, best. 'Da best ka talaga!" Pagpayag ni Ryan sabay abot ng susi.
"Well, you owe me this. Saka na 'ko maniningil." nakangiting sagot ni Claire habang naglalakad papuntang garage kung saan naroon ang kotse ni Ryan.
"Sure ba kayo ni Claire, Ryan? Actually pwede naman kayo mag-sleep-over dito sa bahay ko." Pag-aaya ni Lexie.
"No, Lexie. Kailangan ko talagang makauwi ng Bulacan, ‘eh. May mga kailangan padin kasi akong asikasuhin para sa next travel vlog namin ni Claire." Sagot ni Ryan.
"Well, mukhang hindi na talaga kayo mapipigilan. Basta ingat kayo ni Claire sa byahe, ha?"
"Thank you, Lexie." sagot ni Ryan.
Maya-maya pa'y bumalik na si Claire para kunin ang mga gamit at sabihan si Ryan.
"Ryan, car's ready. Let's go?"
"Tara."
"Guys, mauuna na kami ni Ryan, ha? Thank you for the whole night!" masayang pamamaalam ni Claire.
"Claire, ingat sa pagda-drive ha? Mag NLEX na kayo para mabilis ang biyahe niyo." ani James.
"Don't worry about us. Ikaw ba James di ka pa ba uuwi?" tanong ni Claire.
"Ahm, papatanggal muna ako ng hangover, marami rin kasi akong nainom. And siguro tutulong nalang din muna ako to fix things up dito sa bahay ni Lexie." Tugon ni James.
"Okay. Ingat ka sa pag-uwi." ani Claire.
Niyakap ni Claire ang barkada at saka tinulungan si Ryan na makapasok ng kotse. Siya narin ang nagpasok ng mga gamit nila dahil unti-unti nang nakakatulog si Ryan sa sobrang pagkalasing. Pagkatapos, agad na rin siyang pumasok ng kotse para mag-drive. kahit medyo nahihilo din siya ay kailangan niyang magmaneho dahil hindi rin naman niya maaatim na umuwing mag-isa si Ryan at walang kasama. Tiningnan niya ang side mirror niya at nakita niya na masayang kumakaway ang apat niyang kabarkada na naiwan sa mansyong bahay ni Lexie.
Nagpatuloy siya sa pagmamaneho habang si Ryan ay tuluyan na ngang nakatulog sa passenger's seat ng kanyang sariling kotse.
Nasa toll gate sila ng NLEX nang mapansin niyang hindi pala nakakabit ang seatbelt ni Ryan. Dahil himbing na himbing si Ryan, hindi na niya ito ginising pa. Kaya habang nakapila ang kotse sa toll, ikinabit ni Claire ang seatbelt nito para sa kanyang kaligtasan. Ngunit biglang nagising si Ryan nang marining niya ang "click" ng seatbelt sa pagkaka-lock nito.
"Nagising ba kita? Sorry... ‘Y-Yung seatbelt mo kasi, n-nakalimutan kong ikabit kanina bago tayo umalis."
"It's okay, Claire. Actually, medyo masakit sa ulo. Nabitin ang tulog. Pero, mas masakit yung kirot dito..." sagot ni Ryan habang itinuturo ang kanyang puso.
Tumawa nang sarcastic si Ryan habang umiiling-iling. Si Claire naman ay pasulyap-sulyap lang kay Ryan habang pilit na itinutuon ang atensyon sa dahan-dahang pag-usad ng mga sasakyan mula sa toll gate.
“What’s with the laugh, Ryan?” Pagtataka ni Claire.
“They’re getting married.... They’re... actually getting married...How poor I am! Ni hindi ko man lang nagawang magtapat sa kanya all this time...” sambit nito habang patuloy lang sa pagtawa nang sarcastic.
"I know, Ryan. Alam kong nasasaktan ka dahil magpapakasal na si Lexie. Pero, ayaw mo bang sabihin sa kanya? Bakit kasi hindi ka pa mag-confess sa kanya ng totoong nararamdaman mo for her?”
"Para saan pa, Claire? Kahit naman magtapat ako sa kanya ngayon, hindi rin naman niya tatanggapin ang pagmamahal ko. Dahil sobra niyang mahal si Nick...It’s too late now.”
Napasulyap si Claire kay Ryan. Kitang-kita niya ang lubusang pagkalungkot nito.
"Well... just give it a try. It's now or never. 10 years na tayong magkakasama, 10 years mo naring pilit na itinatago yan sa lahat, lalo na kay Lexie."
"That's the point, Claire! 10 years. 10 years na tayong magkakaibigan. And I don't want to ruin our friendship just because of me being so stupid!"
"I know... I understand. Pero, hanggang kailan kang ganiyan? Hanggang kailan mo ikukulong ang sarili mo sa ganyang sitwasyon? Maaatim mo ba na makita si Lexie sa araw ng kasal niya na hindi mo man lang nasabi ang totoo? Na mahal mo siya matagal na? Kung hindi niya tanggapin, so what? Atleast you make yourself known to her once and for all!”
"I don't know, Claire. I really don't know."
Biglang natahimik ang dalawa sa sasakyan nang tumapat na sila sa mismong toll gate kung saan kukunin ang ticket papasok ng Expressway. Habang binabagtas nila ang kahabaan ng NLEX, bigla nalang narinig ni Claire si Ryan na humihinga nang malalim. Pinipigilan ang pag-iyak, ngunit namumula na ang mga mata at wari'y tutulo na ang luha anumang sandali.
"Huwag mo 'ko tingnan. Napuwing lang ako." sambit ni Ryan.
Napabuntong-hininga si Claire habang patuloy lang sa pagmamaneho.
"Itulog mo nalang muna ‘yan. I'll wake you up pag nasa Marilao na tayo."
Nagpatuloy ang biyahe nila. Nakatulog na si Ryan nang tuluyan habang si Claire ay pilit na pinipigilan ang antok at tinitiis ang sakit ng ulo. Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya si Ryan para i-check kung okay lang ba ito sa pagkakatulog.
Ilang sandali pa'y nakarating na sila ng Marilao, kung saan naroon ang up-and-down na bahay ni Ryan.
"Ryan... Ryan wake up...nandito na tayo." Ani Claire habang inaalog-alog si Ryan para magising sa pagkakatulog.
Bumaba si Claire ng kotse at saka inalalayan si Ryan. Naglakad sila papasok ng pinto. I-aakyat sana niya si Ryan sa taas ngunit nakapatay lahat ng ilaw sa bahay. Pilit niyang hinanap ang switch ngunit dahil sa sobrang dilim ay hindi niya ito makapa. Kaya nagpasya siya na sa sala nalang dalhin si Ryan. Inakay niya ang pasuray-suray na si Ryan sa sofa at doon inihiga nang dahan-dahan.
"Ugh! There..."
Mabilis na nakatulog muli si Ryan. Umupo si Claire sa tabi niya at pinunasan ang pawis sa noo nito. Tanging ang liwanag lang na galing sa buwan na pumapasok sa siwang ng bintana ang nagsilbing liwanag sa kanilang dalawa sa sala.
Tinitigan ni Claire nang malapitan si Ryan habang patuloy lang siya sa paghaplos sa maamong mukha nito. Marami siyang gustong sabihin dito ngunit hindi niya magawang simulan. Maya-maya pa'y hindi namalayan ni Claire ang pagtulo ng kanyang mga luha. Dumaloy ang mga ito sa kanyang pisngi at dumeretsong tumulo sa namumulang pisngi ni Ryan.
"If you only knew... If you only knew how much I love you..." mahinang sambit ni Claire. Maya-maya pa'y napa-balikwas si Ryan, wari'y nagising dahil sa tulo ng luha na dumampi sa kanyang pisngi.
"I love you too..." sambit ni Ryan.
Hinatak niya si Claire palapit sa kanya at saka hinalikan nang mariin sa labi.
Nagulat si Claire sa ikinilos ni Ryan. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig at wari'y nananaginip siya na magkadampi ang kanilang mga labi.
***