Lumusot sila sa nagawang butas sa bubongan upang makababa sa loob ng kubol. Tumungo kapagkuwan ang binatang prinsipe sa sinundan nilang kubol kung saan nanggaling ang halimaw. Nakasunod lamang siya rito na pinagmamasdan ang nasirang pintuan. Natagpuan nila ang hindi nalalayong kalagayan ng kubol sa kanilang inalisan. Pinaliguan ng dugo ang dalawang hanay ng upuan kasama na ang bintanang salamin. Nagkalat ang katawan ng mga tao na wala ng buhay. Ang mga pasaherong nakaligtas sa pag-atake ng halimaw ay nagtago sa mga sulok ng upuan na nanginginig ang mga katawan dulot ng labis na takot. Mula sa kalagitnaan ng hanay ng upuan sa kanan gumapang palabas ang konduktor. Tanging ang isang kamay lamang nito ang naigagalaw nito sapagkat malalim ang naging sugat ng kaliwa nito na labis na nagdurugo.

