Magdalene
DISCLAIMER! This story is a product of the author's imagination, none of the characters and events are reflected or related to a real person. Not suitable for young readers. Read at your own risk.
Kilala ang aking lola sa aming lugar, hindi ito artista o kilalang personalidad sa industriya. Isa itong babaeng nabubuhay sa madumi at magulong mundo ng bahay aliwan.
Kaya naman laking disgusto ko nang isunod dito ang aking pangalan, at hindi nahinto doon ang aking disgusto — mas lumalim pa iyon nang gamitin ang aking pangalan para ako'y husgahan at maging katatawanan.
Nang magkaroon ng pagkakataon na makapag-trabaho sa isang malayong lugar, agad ko iyong sinunggaban sa paghahangad na mabago ang aking buhay, kasabay ng pagbabago ng aking pangalan at buong pagkatao.
Akala ko'y sa wakas magiging tahimik at payapa na ang aking buhay, subali't gumuho ang lahat ng natitirang pag-asa ko nang magpakitang muli ang lalaking naging dahilan ng aking kalbaryo — Heath Arché. Lubos ko itong kinamumuhian at isinusumpa, kung maaari ay ayaw ko na sana itong makita o makausap pa.
Subali't tila iba ang gusto ng lalaki, para itong isang tinik na kahit anong pagtataboy at pag-iwas ang gawin ko ay hindi ito maalis-alis sa aking buhay. Tila ba hindi magiging masaya ang buhay nito hangga't hindi ako nakikitang gumagapang at nahihirapan. Na kapag pinipilit kong alisin ay lalong bumabaon at nag-iiwan ng marka, at hindi ito aalis hangga't hindi tuluyang nagiging parte ng aking katawan. Paano kung ibigay ko nalang ang totoong nais nito sa akin? Mawawala na ba ito sa buhay kapag nakuha na nito ang gustong makuha sa akin?