Chapter 2

1498 Words
Decision "Sebastian, hindi ka pwedeng magdesisyon para sa anak mo!" Mula sa labas ng bahay ay para akong sinampal ng boses ni Mama. Malinaw. Matalim. Galit. Hindi ko na kailangang buksan ang pinto para marinig silang dalawa ni Papa. Sa bahay naming maliit ngunit punô ng alaala, bawat boses ay parang sumasampal sa dingding at tumatama sa puso ko. Hindi ako tumuloy sa loob. Sa halip, naupo ako sa unang baitang ng hagdan. Mahigpit kong hinawakan ang strap ng shoulder bag ko, parang iyon na lang ang pwede kong kapitan sa gitna ng kaguluhan. "Pero nakapag-usap na kami ni Adriano. Pumayag na ako sa alok niya. And besides, matanda na si Zionne. Sapat na edad na 'yon para mag-asawa." Pinikit ko ang mga mata. Isa-isa ko nang pinipilit tanggapin ang katotohanan. Wala man akong tinanong, alam ko na ang direksiyon ng usapan nila. Matagal ko na itong nararamdaman. Matagal nang may kakaiba sa kilos ni Papa, sa tahimik na buntong-hininga ni Mama. "Pero hindi pa rin ako kumbinsido," mariing sagot ni Mama. "Hindi mo siya binigyan ng boses. Hindi siya kasangkot sa desisyong para sa kanya." Gusto kong sumigaw. Gusto kong pumasok at sabihing Naririnig ko kayo! Pero wala akong lakas. Parang may malalaking kamay na pinipigil ang boses ko sa lalamunan. "Para din naman ito sa ikabubuti ng anak mo. Mabuting tao si Eli at naniniwala akong aalagaan niya ang anak natin." Ikabubuti ko. Laging iyon ang dahilan. Laging iyon ang pambalot sa mga desisyong hindi ko naman hiningi. Tumayo ako at tahimik na naglakad papunta sa likod-bahay, sa garden na alaga ni Mama. Ang mga rosas at gumamela ay lumalaylay sa hapon na unti-unti nang lumulubog. Ang hangin ay malamig, tahimik, parang siya na lang ang nakakaintindi ng bigat na dinadala ko. Tumingala ako sa langit. Ang mga ibon ay nagsisimula nang mag-uwian sa kanilang pugad. Malaya silang lumilipad. Walang sinuman ang pumipilit sa kanila kung saan dapat silang lumugar. Ano kayang pakiramdam ng maging ganyan? Mula pagkabata, lagi na lang akong "mabait na anak." Laging oo. Laging sumusunod. Laging iniisip kung ano ang makakabuti sa iba. Hindi ako nagtatanong, hindi ako tumatanggi. Wala akong karapatang magreklamo. Hindi kami mayaman, pero hindi rin kami nawalan. Middle class, sabi nila. Pero sa kabila ng mga kakulangan, punô kami ng pagmamahal. Lahat ng gusto ko—gamit, pagkain, edukasyon—naibigay nila. Pero ngayon ko lang na-realize, ang gusto ko pala, hindi ko pa nasasabi kahit kailan. "Zionne, anak?" Agad akong napalingon. Si Mama. Papalapit, marahang naglalakad sa damuhan. Kita sa mukha niya ang pagod, ang lungkot na kahit anong ngiti ay hindi maitago. Tinitigan ko siya. Mama... ikaw pa man din ang pinakaayaw kong masaktan. Ni minsan, hindi nila ako pinabayaan. Hindi nila ako iniwan. Palagi silang nariyan—sa tagumpay, sa kabiguan. Pero ngayon... bakit parang ako na lang ang kailangang magbitaw? Nilapitan ko siya at niyakap. Mahigpit. Walang salita. Gusto kong maramdaman niya na mahal ko sila kahit na hindi ako handang isuko ang sarili ko. Nagulat siya, pero niyakap niya rin ako. Yung yakap na parang pilit kaming nagkakapit sa panahong unti-unting lumilipas. "Mama..." bulong ko sa balikat niya. "Mahal ko po kayo ni Papa." Huminga siya nang malalim. Hinaplos ang buhok ko. "At mahal ka rin namin. Hindi mo alam kung gaano." Tiningnan niya ako sa mata, at sa titig niya ay may pag-aalala. May hinihintay. Alam ko na kung anong hinihintay niya. Alam kong gusto niyang tumanggi ako, pero hindi niya rin kayang pigilan ang desisyon ni Papa. "Mama..." umiling ako. "Kahit ano pong pabor... kahit ano pong gusto niyo ni Papa. Sabihin niyo lang po. Gagawin ko." Pagpasok namin sa loob, tahimik si Papa sa sala, nagkakape. Parang walang pinagdaraanan. Parang wala silang pinag-awayan. Nilapitan ko siya, nagmano. "Pa." "Kanina ka pa ba dumating?" tanong niya, walang emosyon. "'Di naman po," sagot ko. Umupo ako sa sofa, hinubad ang blazer at ipinatong sa gilid. Gusto ko sanang magpahinga, pero alam kong may usapan kaming hindi ko na kayang iwasan. "Kumusta ang trabaho mo?" tanong ni Papa. "Stressful po... pero kinakaya." Tiningnan niya ako. May mga tanong sa mata niya na hindi niya sinasabi. "Bakit 'di ka na lang mag-resign at magtayo ng business? Sayang naman ang pinag-aralan mo." "P-papa, hindi po ganoon kadali magtayo ng negosyo ngayon. Hindi pa sapat ang ipon ko." "Magkano ba ang kailangan mo?" tanong niya bigla. Napatingin ako. Napatigil. Ganun ba kadali sa kanya na palitan ang mundo ko? "It's okay po, Papa. Malapit na rin naman po akong makaipon." "Kung kailangan mo ng tulong, sabihin mo lang. Andito kami ng Mama mo." "I know po... sobra sobra na nga po ang tulong niyo. Hindi ko na po alam kung paano ko mababayaran lahat." Tumayo si Papa at tinapik ang balikat ko. Umupo ako sa tabi niya, at marahan niyang hinawakan ang kamay ko. "Anak... lahat ng ginagawa namin ay para sa'yo." Tumango ako. Gusto kong maniwala. Gusto kong isipin na lahat ng ito ay para sa akin at hindi para sa kanila. "Kaya gusto naming siguraduhin na nasa mabuting kamay ka. At alam kong magiging masaya ka kay Eli." Tumigil ang mundo ko. Kahit inaasahan ko na, kahit narinig ko na sa labas... iba pa rin talaga kapag harapan. "Zionne, kilala mo ang mga Guzon, 'di ba?" "Yes po. Si Addison po ang bestfriend ko." "How about Eli?" "Yes po, Papa." Hindi lang kilala. Minahal. Pinangarap. Iniluhod sa mga dasal. "You're getting married with him." Bang. Para akong pinagsabugan ng granada sa dibdib. Nagkunwaring gulat ako. "P-po?" "I know it's a surprise. Pero nagkasundo na kami ni Adriano." "Pero si Eli po? Alam na niya?" "Si Adriano na ang bahala doon. He assured me na wala naman kayong inaapakang relasyon. Both of you are single." Single. Oo nga. Pero paano kung hindi siya sumang-ayon? Paano kung ako lang ang umasa? Paano kung hindi niya nakita ang mga palihim kong titig? Ang mga dasal ko tuwing gabi? "Pero Pa—" "Ayaw mo bang magpakasal sa kanya?" Tahimik. Walang hangin. Tila nakatingin sa akin ang buong bahay, naghihintay ng sagot. Alam kong ito na ang huling sandali para tumanggi. Pero... "Alam ko pong makakabuti ito para sa akin..." humugot ako ng hininga. Pinilit ngumiti. "Kaya po... magpapakasal po ako kay Eli." "That's my girl." At sa mga salitang iyon, naramdaman ko ang bigat ng desisyon na hindi ko kailanman pinili. Gabi na. Tahimik ang buong bahay. Tanging tiktak ng orasan ang maririnig at ang mahinang ihip ng hangin sa labas ng bintana. Sa loob ng kwarto ko, madilim. Hindi ko pa rin binubuksan ang ilaw. Nasa kama lang ako, nakahiga pero hindi mapakali. Nakatingala ako sa kisame, walang imik. Walang luha. Walang salita. Pero punô ng ingay ang loob ko. Ang dami kong gustong isigaw. Ang dami kong gustong itanong—Bakit ako? Bakit ngayon? Bakit hindi ako tinanong? Kumuyom ang kamao ko sa ibabaw ng kumot. Hindi ako galit sa kanila. Pero masakit. Masakit palang mahalin ang mga magulang mo nang ganito. Kasi kahit gusto mong magrebelde, hindi mo magawa. Kasi kahit gusto mong ipaglaban ang sarili mong damdamin, iniisip mo pa rin kung ano ang mararamdaman nila. Saka ko na lang napansin na tumutulo na pala ang luha ko. Tahimik. Walang hikbi. Parang ulan sa loob ng puso ko na matagal nang naipon. Zionne Lauren Cruz-Guzon. Ang pangalan kong iyon, bigla na lang tumunog sa tenga ko. Hindi pa man kami kinakasal ni Eli, parang kinaladkad na ako sa isang mundong hindi ko naman pinili. Pero... bakit hindi ako tumanggi? Napapikit ako ng mariin. Hinila ko ang unan at niyakap iyon nang mahigpit. Dahil mahal ko sila. Dahil iniisip kong baka ito na ang paraan para masuklian ko lahat ng sakripisyo nila. Pero hindi ba dapat, may boses din ako? Si Eli... Doon ako lalong natulala. Kilala ko siya. Matagal ko na siyang kilala. Bata pa lang ako.. nagugustuhan ko na siya. Pero siya rin ang lalaking tahimik kong minahal. Sa mga pagkakataong hindi niya alam. Ngayon... magiging asawa ko siya? Bigla kong napaupo sa kama. Tinakpan ko ang bibig ko. What if ayaw niya? What if sa paningin niya, isa lang akong obligasyon? Huminga ako ng malalim. Saka ko lang napansin na nanginginig na ang buong katawan ko. Sa sobrang daming emosyon, hindi ko na alam alin ang dapat unahin—takot, kaba, tuwa, o pangamba. Hindi ko alam kung ito ba ang simula ng pangarap kong pag-ibig... o ang pagtatapos ng lahat ng sarili kong mga pangarap. Tumayo ako, lumapit sa bintana. Binuksan ko iyon, hinayaang pumasok ang malamig na hangin ng gabi. Tumingin ako sa langit. Punô ito ng bituin. Sa dami ng kumikislap, isa lang ang gusto kong tanungin. Hindi ko alam kung may pag-asa akong sagutin niya 'yon. Hindi ko alam kung may puwang ba ako sa puso niyang matagal ko nang iniidolo sa katahimikan. Pero isa lang ang alam ko ngayon. Nagdesisyon na ako. At kahit hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng desisyong iyon, lalaban ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD