Part 8

1152 Words
PINILI ni Grace na maupo sa panghuling row ng upuan. Si Kevin ang diretsong lumapit kay Luis na nasa unahang pew at matapos magkamay ay magkatabing naupo ang mga ito. She just glanced at him. Pero kitang-kita niya kung paano nabago ng ilang oras ang anyo nito. Haggard na haggard ang itsura nito. Madali siyang nakadama ng awa at simpatya dito. “Hi!” bati sa kanya ng isang babaeng buntis. Napakalaki ng tiyan nito. Mukhang malapit nang manganak. “I’m Rachelle. Kapatid ko si Lara.” “Condolence,” sincere na sabi niya dito. “Thank you. May I sit here?” Tumango siya at bahagyang umusog. “I’m Grace. Secretary ako ni Luis,” pakilala niya. Bago pa lang din ako sa office. Wala akong alam sa personal life niya at nakakabigla ding mabalitaan ang ganito.” “Nice meeting you, Grace.” Hinagod nito ang malaking tiyan. “This is really difficult for us. Ni hindi na niya inabutan itong pamangkin niya. Akala pa naman namin magkikita sila.” She smiled with sympathy. “Would it be offensive kung sasabihin kong baka dahil may kapalit na siya kaya umalis na siya?” “Ganyan na lang din ang iniisip namin. Na kapag may umalis, may darating. Excited din siya dito sa baby boy namin. Pareho kasi kaming magkapatid na babae kaya sabik din kami sa baby boy.” Tumango siya. Walang siyang maisip na idudugtong sa sinabi nito. “Parang kapatid na rin namin si Luis,” sabi nito uli. “Sa isang bakuran lang kami lumaki. Hindi na siya iba sa amin. Noon pa, alam kong mahal na niya ang ate ko. Iyong pagmamahal na higit pa sa isang kapatid. Kaya kagaya namin, masakit na masakit sa kanya ang nangyaring ito.” “I’m sorry to hear that.” “Sayang nga lang, wala na silang masyadong time ni Ate Lara sa isa’t isa. Hanggang sa huli, umasa kami ng himala para sa paggaling niya. Pero siguro hanggang doon na lang talaga siya. Malupit ang cancer niya. Nalaman na lang namin advanced stage na.” Tiningnan siya nito. “Palagi tayong magpapa-check up. Early detection of anything, mas malaki ang chance natin na maka-survive.” “Salamat sa paalala. Hindi nga ako nagpapa-check up. Wala naman kasi akong nararamdaman.” “Iba na yung maagapan natin, kung sakali man.” Napatingin ito sa may pintuan kung saan may dumarating pang nais makiramay. “Excuse ha.” “Sige.” Nalingunan siya ni Uncle Kevin. Sinenyasan siya nitong lumapit. Inilahad niya ang kamay kay Luis nang makaharap niya ito. “Condolence,” aniya. “Salamat.” Tumayo ito at hinawakan siya sa siko. “Halika, ipapakilala kita sa kanya.” Nagulat man ay nagpatianod siya nang dalhin siya nito sa harap ng ataul. Napatitig siya sa nakahimlay doon. Maganda si Lara. Parang natutulog lang na nakahiga doon. Ibinaling niya ang tingin sa malaking picture ni Lara na nasa canvas stand. Maganda din ito doon. “Lara, this is Grace. Personal assistant ko siya sa office,” narinig na lang niya na nagsalita si Luis. Dito nabaling ang tingin niya. Nagtataka man sa inakto nito ay hinayaan na lang niya ito. Ilang sandali na nakatayo lang silang dalawa doon. Umusal siya ng maikling panalangin para sa namayapa. “Luis, iyon nga palang flowers…” “Hindi na niya iyon makikita. Hindi na niya maaamoy.” Bumigat ang pakiramdam niya sa narinig. Damang-dama niya ang pagluluksa nito. “Dala namin iyong flowers. Nasa sasakyan. Kung gusto mo ipapakuha ko kay Dario.” “Sige.” Ipinatong ni Luis sa kabaong ang mga bulaklak nang dalhin iyon ng driver nila. “Lara…” Mabilis na siyang tumalikod. Hindi na niya gustong marinig pa anuman ang sasabihin nito doon. Lalong bumibigat ang kalooban niya. HINDI alam ni Luis kung hanggang saan tatagal ang katatagan niya. Pinipilit lang niya ang sarili na maging kalmado pero ang mas gusto niyang gawin ay pumalahaw doon na parang bata. Nang mahawakan niya ang bulaklak na dadalhin sana niya kay Lara nang hapong iyon ay halos bumigay na siya. Kaunti na lang ay huhulagpos na siya sa sinisikil niyang emosyon. Magkalapat ang mga labi na ibinaba niya iyon sa ibabaw ng ataul nito. “Lara…” Pumiyok ang boses niya. Parang nakulong lang lahat sa lalamunan niya ang lahat ng gusto pa niyang sabihin dito. He loved her all these years. Mabait si Lara. Mga bata pa sila ay kalaro na niya ito. Kahit nang dumating sa mansiyon si Rachelle na kapatid nito sa ama, ay madaling tinanggap ni Lara iyon. Tuwang-tuwa pa nga ito na nagkaroon ito ng kapatid. Mga bata pa sila noon ay tahimik lang siyang nakamasid kay Lara. Nahihiya siyang iparamdam dito ang damdamin niya. Anak ito ng amo nila kaya amo din itong maituturing. Kasama ang pagtingin niyang iyon kay Lara kaya lalo siyang nagsikap sa buhay. Gusto niyang kapag nagtapat siya dito ay may napatunayan na siya. Na hindi siya basta anak lang ng tauhan nito at hindi rin siya mapaparatangang oportunista. Pero nang magkaroon na siya ng tapang na loob na iparamdam dito ang pag-ibig niya, may iba na ring tinitingnan si Lara. Si Jake. Tahimik niyang ipinagmukmok ang kabiguan niya. Tahimik din siyang nasasaktan para kay Lara dahil hindi naman napapansin ni Jake ang pagtingin nito dahil naman kay Rachelle. It was like a tangle of hearts for all of them. Sina Jake at Rachelle ang tunay na nagmamahalan. At sila ni Lara ay parehong nag-aabang. Si Lara na umaasam na mapansin ni Jake. At siya na umaasam na mapansin ni Lara. But it was water under the bridge now. Nitong huli, nakuha rin siyang mahalin ni Lara. Iyon ang importante. Pero napakasakit. Dahil konting oras na lang ang natira sa kanila. At ngayon ay wala na rin ang pagkakataong iyon. “Magmahal ka uli, Luis. Promise me. Hindi mo isasara ang puso mo. Promise me.” Napapikit siya nang mariin. Kung sana ay kasing-dali lang ng pang-oo niya kay Lara na gawin iyon. Paano siya magmamahal ng iba samantalang ito ang mahal na mahal niya noon pa? Alam niya sa sariling mahirap ibaling sa iba ang pagmamahal niya. Pero alam niyang hirap na rin si Lara. Hindi niya gustong pabaunan pa ito ng kabiguan sa hiling na iyon. Pero siguro nga, baka sakali ay dumating din ang panahon na magmamahal siya ng iba. Pero kung sa ngayon lang ay malabo pa iyon. Halos imposible. Isang banayad na tapik sa balikat niya ang umagaw sa pag-iisip niya. “Luis, uuwi na kami.” “Salamat, KS.” “Tatagan mo ang loob mo. Walang pagsubok ang hindi natin malalampasan.” Tumango na lang siya. Pati si Grace na katabi nito ay tinanguan na lang din niya. Nang tumalikod ang dalawa, nakita niyang inalalayan din nito si Grace. Napakunot siya ng noo sa nakita pero piniling huwag nang pansinin pa iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD