*VALOROUS POV*
Nang maramdaman namin na nawala na ang mga yabag ay dali-dali kaming naglakad para suriin pang mabuti ang lugar. Dalawang silid mula dito sa itaas ang walang pintuan at tatlong silid naman ang buo pa ang pintuan. Nakasarado ang tatlong silid at iyon ang gusto kong makita. Hindi maganda ang kutob ko habang iniilawan iyon ng flashlight na dala ni Bruno.
"Papasok ba tayo diyan?" tanong ni Bruno. Hindi ko na siya sinagot at humakbang na lang ako doon sabay pihit sa unang silid na mayroon pang pintuan.
"Tara!" rinig kong sabi ni Bruno kay Lucas at Stanley kaya sumunod na rin ang mga ito sa akin.
Paghakbang ko sa loob ay nagulat ako dahil tumambad sa harapan ko ang isang babae na nakapiring ang mga mata at may busal sa bibig. Nakatali rin ang mga kamay at paa nito. Inilawan kong mabuti ang babae. Pamilyar ito sa akin.
"X-xyla?"
Narinig ko ang pagtawag ni Lucas sa pangalang Xyla. Saka ko lang napagtanto na si Xyla pala ang babaeng nakatali. Dali-dali namin siyang inalisan ng piring sa mga mata at busal sa bibig. Si Lucas ay madali ring tinggal ang tali ni Xyla sa kamay at paa.
"f**k! Anong ginawa sayo ni Mrs. Lily?" puno ng pag-aalalang tanong ni Lucas kay Xyla. Umiyak ito nang makita niya kami. Tila ba nakahinga ito ng maluwag. Agad akong sumenyas sa kaniya na wag syang maingay.
Ilang araw na naming hindi nakikita si Xyla sa bahay panuluyan. Nandito lang pala siya sa bodega at itinatago ni Mrs. Lily. Paanong nangyari na hindi man lang namin namalayan iyon? Naidala siya dito ni Mrs. Lily nang wala kaming kaalam-alam.
"Bakit ka nandito?" pabulong na tanong ni Lucas kay Xyla.
Nakita namin na puro pasa ang pisngi niya. May hiwa din ito sa leeg.
"Sinaktan ka niya? Bakit?" tanong pa ulit ni Lucas.
"Masama siyang tao. Siya ang pumapatay sa mga estudyante dito sa Sahara! Natatakot ako sa kaniya!" umiiyak na sabi ni Xyla at humikbi ito sa balikat ni Lucas. Hinagod naman ni Lucas ang likod nito at pinatahan..
"Shh, kumalma ka. Tahan na, huwag kang mag-alala, makakaalis din tayo dito," ani Lucas kay Xyla. Sunod-sunod lang ang pagtango ni Xyla. Pinilit nitong tumayo mula sa pagkakaupo sa sahig kahit na hirap na hirap ito at halatang nanlalambot.
Dahan-dahan kaming humakbang palabas ng silid kasama si Xyla. Bawat hakbang namin ay sinisigurado namin na hindi iyon gagawa ng ano mang ingay. Ngunit natigil kami sa paglalakad namin nang makarinig kami ng tunog ng sangkalan.
Medyo malayo ang kinaroroonan ng tunog ngunit dinig pa rin namin iyon. Nagkatinginan kaming lahat at nang mapagtanto namin na tahimik sa ibaba ay isa-isa kaming bumaba sa hagdanan. Madilim na madilim ang paligid kaya naman mas nakatulong iyon para hindi kami makita ni Mrs. Lily.
"Mukhang sa kusina nanggagaling ang tunog," bulong ni Stanley.
Nasa ibaba na kaming lahat at agad kong pinakiramdaman kung saan nanggagaling ang tunog ng sangkalan na para bang mayroong tinataga.
Pasimple kong inilawan ang paligid at dumiretso sa kusina. May pader na nakaharang kaya doon kami nagtago at ako lang muna ang sumilip.
Kahit na madilim ang paligid ay kitang-kita ko kung ano ang nangyayari dahil may kandila na siyang tanglaw si Mrs. Lily. Nakalapag iyon sa lumang lababo malapit sa lamesa.
May tinataga si Mrs. Lily sa sangkalan at napatakip na lang ako sa bibig ko nang makita ko ang dalawang putol na kamay ng tao na nakalapag sa lamesa. Nakasuot pa ng apron si Mrs. Lily at punong-puno ng dugo iyon. Bawat pagtaga nito ay tumuturit ang dugo na nagmumula sa bangkay ng isang tao.
Iisa lang ang itsura naming lahat habang nakasilip kami sa ginagawa ni Mrs. Lily.
Lahat kami ay nakatakip sa bibig at parang masusuka.
"Tangina!" pigil ang lakas ng boses na sambit ni Stanley.
Biglang lumingon si Mrs. Lily at para bang may naulinigan ito.
Agad kaming nagtago sa pader at hindi na kami halos humihinga nang maramdaman namin ang mga yabag na naglalakad.
Napapikit ako at nanalangin na sana ay wag itong tumuloy. Mukhang dininig naman ang panalangin ko dahil ilang sandali lang ay muling bumalik si Mrs. Lily sa pwesto nito at pinatuloy ang pagtaga sa bangkay ng tao na balak pa yata nitong lutuin.
Naalala ko bigla ang mga bihag ni Mrs. Lily. Ito na ang pagkakataon para mapuntahan namin sila at mapatakas. Habang abala si Mrs. Lily ay dali-dali kaming nagtungo sa lugar kung saan namin nakita noon ang mga bihag. Pero pagdating namin doon ay walang tao. Wala ang mga bihag ni Mrs. Lily.
"Nawawala yung mga bihag," sabi ko. Nagkatinginan kaming lahat.
Ilang sandali pa ay nakarinig kami ng salita.
"Hinahanap niyo ba sila?"
Napalunok ako nang marinig ko ang boses na iyon ni Mrs. Lily.
"Ahhhhh!!!" sigaw ni Xyla.
"Guys takbo na!" sigaw din ni Stanley at nagtatakbo na ang mga ito. Ako ay saglit pang lumingon kay Mrs. Lily. Nagawa ko pang ilawan ang mukha niya at nakita kong nakangisi siya habang may hawak na gulok. Tumutulo ang dugo sa gulok niya.
Mabilis akong kumaripas ng takbo at hinabol niya ako.
Lahat kami ay tumatakbo. Kahit na hindi namin kabisado ang lugar ay patuloy lang kami sa pagtakbo.
"Bilisan mo Lucas!" sigaw ni Bruno.
Nakita namin yung pintuan na nakaawang at nakabukas iyon. Hindi ko alam kung bakit biglang nakabukas ang pintuan na iyon. Ang unang pumasok sa isip ko ay baka nakatakas ang mga bihag kaya bigla ay nawala ang mga ito sa loob.
"Bukas yung pinto dalian niyo labas na!" sigaw ni Stanley.
Nakalabas kaming lahat at patuloy pa rin si Mrs. Lily sa paghabol samin. Agad kong tinali ang pintuan para hindi makalabas si Mrs. Lily saka ako muling tumakbo dahil ako ang nahuhuli sa kanila.
Nasa labas na kami nang biglaang madapa si Xyla.
Nanlaki ang mga mata ko dahil kaunti na lang ay aabutan na kami ni Mrs. Lily. Nabubuksan na niya ang pinto. Madali lamang mabuksan iyon dahil hindi mahigpit ang pagkakatali ko doon dahil sa sobrang pagmamadali.
Ilang sandali akong nakatitig sa pintuan at pagkatapos ay kay Xyla na hirap na hirap bumangon. Masyado na kasi itong nanghihina. Tinutulungan ito ni Lucas na makatayo.
"Lucas bilis!" sabi ko at binalikan sila. Tinulungan ko si Xyla na makatayo.
"Mauna na kayong bumalik sa bahay!" sigaw ko kila Bruno na nakakalayo na samin. Tinangka pa nilang hintayin kami pero ang sabi ko ay bumalik na sila agad sa bahay panuluyan.
Iika-ika si Xyla habang ala-alalay namin.
Nasa pader na kami at patuloy pa rin si Mrs. Lily sa pagtanggal ng tali sa pintuan na itinali ko.
"Lucas hindi ko na kakayanin pang umakyat!" sabi ni Xyla. Sunod-sunod ang pag-iling nito.
"Kaya mo yan Xyla. Kaya mo!" aligagang sabi ni Lucas.
"Hindi ko na kaya nanghihina na ako. Malapit na si Mrs Lily, iwanan niyo na lang ako!" umiiyak na sabi nito.
"Hindi kita iiwan Xyla. Hindi!" mariin na wika ni Lucas. Nauna akong umakyat sa hagdanan at sinunod ni Lucas si Xyla. Pero hindi nito magawang ihakbang ang mga paa nito. Nasa dulo na ako ng hagdanan mula sa kabilang pader pero hindi pa rin umuusad si Xyla. Nasa ibaba pa rin siya ng hagdanan at hindi makagalaw man lang.
"s**t!" sambit ko habang nakatingin sa pintuan na tuluyan nang nabuksan ni Mrs. Lily.
Ngayon ay nasa labas na si Mrs. Lily at aabutan na nito si Xyla at Lucas.
"Val halika na dito bakit ba ayaw mo pang bumaba?" nagtatakang tanong sakin ni Bruno at Stanley.
"Si Lucas, aabutan na siya ni Mrs. Lily," sagot ko sa dalawa. Nasa ibaba na sila at hinihintay kami.
"Ano? Kailangan nating gumawa ng paraan!" tarantang sabi ni Stanley. Muli itong tumuntong sa isang hagdan at sinamahan ako sa tuktok nito. Ilang sandali pa ay bumaba ito sa kabila kung nasaan si Lucas.
"A-anong ginagawa mo Stanley?"
"Kailangan nating mailigtas si Lucas!" ani Stanley.
"Pero si Xyla hindi siya makaakyat sa hagdan!" sabi ko.
"Halika pagtulungan natin," ani Stanley.
"Iligtas niyo si Xyla!!!"
Iyon ang malakas na sigaw ni Lucas at huli na nang mamalayan naming nakikipagbuno na pala ito kay Mrs. Lily.
Napakalakas ni Mrs. Lily kahit matanda na ito.
"Val si Xyla!" sigaw ni Stanley sakin. Doon lang ako natauhan kaya nagtulong kaming dalawa para maidala si Xyla sa kabilang pader.
"Xyla pilitin mong makahakbang! Nasa panganib rin ang buhay ni Lucas!" ani Stanley kay Xyla.
Pilit na humakbang si Xyla kahit hirap na hirap ang itsura nito, para bang sumasakit ang binti nito kapag hinahakbang iyon, mukhang may ginawa si Mrs. Lily dito. Inilawan ko ang tuhod ni Xyla at puro pasa nga iyon. Nangingitim iyon na parang binugbog.
Kaya siguro hirap na hirap ito.
"Xyla kaya mo yan!" ani Stanley.
Pilit pa rin na humakbang si Xyla at nagawa naman nito iyon kahit hirap na hirap na ito. Inalalayan ko ito at si Stanley naman ay bumaba para tulungan si Lucas. Nanlaki ang mga mata ko nang ambaan si Stanley ng panaga ni Mrs. Lily. Mabuti na lang at nakaiwas si Stanley.
"Kayanin mo Xyla alang-alang kay Lucas," paulit-ulit na bulong ko kay Xyla.
Inalalayan ko si Xyla hanggang sa tuluyan na nga siyang nakahakbang sa pinakamataas na baitang ng hagdanan. Ngayon ay sa kabilang pader na niya kailangang bumaba at may hagdanan pa ulit doon na kailangan niyang tungtungan para makabalik na kami sa bahay panuluyan.
"Nasaan si Stanley? Nalaglag ang baril niya dito! Hinahanap niya ito kanina pa noong nasa bodega tayo," ani Bruno mula sa kabila.
"Mamaya na yan. Alalayan mo muna si Xyla, bumalik na kayo sa bahay!" sabi ko kay Bruno na naghihintay sa pagbaba ni Xyla.
Dali akong bumalik sa kabilang pader para tulungan si Lucas at Stanley. Nakita kong nakahiga si Lucas sa lupa habang hawak-hawak ang braso nitong dumudugo.
Si Stanley at Mrs. Lily naman ay nagbubuno.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong sakal-sakal na ni Mrs. Lily si Stanley at inangat pa nito iyon sa lupa.
Napakalakas ni Mrs. Lily. Hindi ko alam kung anong klaseng tao siya. Tao pa nga ba siya? Para siyang may kapangyarihan.
Nakakita ako ng malaking kahoy at dali-dali kong pinukpok iyon sa likod ni Mrs. Lily. Nabitawan nito si Stanley at lumingon ito sakin. Nanlilisik ang mga mata nito pero parang hindi man lang nito ininda ang pagkakapukpok ko sa likod niya.
"Stanley, tulungan mo si Lucas umalis na kayo!" sigaw ko sa kanila. Alam ko kasi na mahina na si Lucas dahil sa dami ng dugo nitong nawala sa katawan.
"Paano ka?" nag-aalang tanong sakin ni Stanley.
"Ako ng bahala dito. Unahin mo na si Lucas!" sigaw ko sa kaniya. Nakaamba ang malaking kahoy na hawak ko kay Mrs. Lily.
"Bakit mo ginagawa ito?" tanong ko sa kaniya. Tumaas lang ang isang sulok ng labi niya.
"Wala kayong karapatan para tanungin ako ng ganiyan!" galit na sabi nito.
"Itigil mo na to!" sabi ko sa kaniya pero humalakhak lang siya. Tila umalingawngaw ang tawa niyang iyon sa buong lugar.
"Hindi ako titigil hangga't hindi ko kayo nauubos!"
"Bakit, anong kasalanan namin sayo?"
"Malaki! Sinira niyo ang buhay ko! Pinatay niyo ang anak ko!"
"Hindi kami ang pumatay sa anak mo!"
Pasimple kong tiningnan sila Stanley. Nasa hagdanan na sila at malapit ng makabalik sa kabilang pader. Kami na lang ni Mrs. Lily ang naiwan.
"Papatayin kita at mamamatay ka na ngayon!" ani Mrs. Lily.
"Hindi mangyayari iyon!" sabi ko at buong pwersa ko siyang itinulak. Napahiga siya sa lupa. Inagaw ko sa kaniya ang hawak niyang gulok pero malakas siya. Nagawa niya akong itulak at ako naman ang napahiga sa lupa. Mabilis siyang sumugod sakin pero bago pa niya ako mataga ay ipinalo ko sa ulo niya ang kahoy na hawak ko. Napaatras siya at tila naliyo.
Ilang sandali pa ay muli siyang sumugod sakin, sinakal niya ako kaya nahirapan akong huminga.
"Mamamatay ka na!" sigaw niya habang idinidiin ang pagkakasakal sa leeg ko. Kaunti na lang ay mauubusan na ako ng hininga. Masyado siyang malakas. Kinuha niya ang gulok at itinapat iyon sa leeg ko. Nanlaki ang mga mata ko. Nasa ganoong tagpo kami nang biglang may sumugod sa kaniya.
"Bitawan mo siya!" sigaw ni Stanley kaya nabitawan ako ni Mrs. Lily. Bumalik pala si Stanley at binalikan niya ako.
May hawak na baril si Stanley.
"Dapat matagal ko na itong ginawa, pasalamat ka at nailaglag ko ang baril ko kanina, pero ngayong hawak ko na ulit ito ay katapusan mo na. Nilinlang mo kami at niloko. Isa kang demonyo!" hinihingal na sabi ni Stanley habang nakatutok kay Mrs. Lily ang baril nito. Tiningnan ako ni Stanley.
"Valorous takbo!" sigaw niya sakin kaya dali akong tumakbo patungo sa hagdanan. Nilingon ko sila. Maliwanag ang buwan kaya kitang-kita ko sila habang nakaamba pa rin ang baril na hawak ni Stanley kay Mrs. Lily.
Nang ipuputok na ni Stanley ang baril ay mabilis na ipinalipit ni Mrs. Lily ang braso ni Stanley kaya nabitawan nito ang baril at pumutok lang iyon sa itaas. Nanlaki ang mga mata ko. Sa isang iglap lang ay si Mrs. Lily na ang may hawak ng baril.
"Iyon ang pagkakamali mo dahil binuhay mo pa ko!" ani Mrs. Lily at sunod-sunod ang ginawa nitong pagbaril kay Stanley. Na-shocked ako at gulat na gulat sa sunod-sunod na putok.
Nakita ko na lang na bumagsak ang katawan ni Stanley sa lupa.
Napalunok ako.
Gustuhin ko man na balikan si Stanley ay hindi maaari dahil may baril si Mrs. Lily. Agad kong tumalon sa kabilang pader at nagtatakbo palayo sa lugar na iyon.
Patay na si Stanley.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig habang paulit-ulit na naglalaro sa isipan ko ang eksena kanina.
Binalikan ako ni Stanley para iligtas at ito ang nagbuwis ng buhay.
Pumatak ang luha ko habang tumatakbo ako pabalik ng bahay panuluyan.