CHAPTER 53

2054 Words
*STANLEY's POV* "Hoy gising!" Iminulat ko ang mga mata ko dahil sa mga yugyog na nararamdaman ko mula sa gilid ko. "Tulog mantika talaga 'tong tao na 'to!" inis na litanya ni Jackie sakin nang bumangon ako habang kusot-kusot ang mga mata. "Gising na nga eh, tulog mantika pa?" sabi ko sa kaniya. Gising na pala sila Valorous, Lucas at Bruno. Bale ako pala ang pinakahuling nagising sa kanila. "Kanina pa kayo gising? Excited kayo ah?" sabi ko. Sumisimsim ng kape ang mga ito at sigurado akong si Selena ang nagtimpla niyon dahil gising din si Selena. Si Trinity lang ang tulog. "Excited ka riyan, kanina pa nga ako kinakabahan eh. Paano kung mahuli tayo 'di ba? Patay tayong lahat!" nerbiyosong sabi ni Lucas. "Wag mo kasing isipin na mahuhuli tayo ni gurang. Mas marami tayo sa kaniya kaya hindi tayo dapat kabahan. Isa pa ay babae iyon kaya mas malakas tayo sa kaniya," pagpapalakas-loob ko kay Lucas. "Gusto mo rin ba ng kape?" tanong sakin ni Selena. Bago pa ako tumango sa tanong niya ay bigla ng nagprisinta si Jackie. "Ako na ang magtitimpla ng kape niya, Selena," ani Jackie. Napangisi ako dahil doon. "Mahal na mahal mo talaga ako no?" nakangising sambit ko kay Jackie. Lumingon siya sakin at inirapan lamang ako. "Feeling ka masyado, nagmamagandang loob lang ako dahil baka huling kape mo na 'to!" mataray niyang sabi sakin. "Huy, Jackie ano ka ba? Wag ka ngang magbiro ng ganiyan!" suway ni Selena kay Jackie. Dinilaan ko si Jackie at inirapan lang niya ako. Nang makapagtimpla siya ng kape ay inabot niya iyon sakin. "Guys, mag-iingat kayo doon ah?" ani Selena habang isa-isa kaming tinitingnan. Napailing ako nang makita ko si Bruno na nakatitig kay Selena, ganoon din si Val. May love triangle talaga sa grupo namin. Itong si Lucas ang palagi kong napag-iisipan noon na may gusto kay Selena pero nagbago na iyon dahil napagtanto kong masyado lang silang close noon kaya palagi silang magkadikit. Pero hanggang kaibigan lang talaga ang turingan nila sa isa't isa. Alam ko na hanggang ngayon ay si Xyla pa rin ang laman ng puso ni Lucas kahit hindi niya iyon sabihin sa amin. Speaking of Xyla. Madalang ko na siyang makita dito sa bahay panuluyan. Ilang araw na. Dati-dati ay nakatambay lang siya sa sala pero ngayon ay hindi ko na siya nakikita doon. Nasaan na kaya ito? Ayoko namang isipin na baka isa na rin siya sa napatay nung matanda. "The best ka talaga magtimpla ng kape, Jackie my love so sweet. Salamat ha?" nakangising biro ko habang sinisimsim ang kapeng ibinigay sakin ni Jackie. May pagka-sweet naman talaga si Jackie, pero madalas na mas mainit ang ulo niya sakin. Hindi ko maintindihan kung bakit. "Kapag nandoon na tayo sa bodega, anong unang gagawin natin?" tanong ni Bruno. "Kailangan nating mapalaya ang mga bihag na naroroon. Makakatulong sila sa mga tanong natin kung bakit sila binihag ni Mrs. Lily," sagot ni Val. "Paano kung nandoon si Mrs. Lily?" ani Lucas. "Kaya nga mag-iingat tayo at hindi magpapahuli," sagot ni Val. "Yung bilin namin girls, dito lang kayo basta. Wag kayong aalis dito at wag kayong maghihiwa-hiwalay," paalala ko sa mga babae. Tumango naman sila sakin. Nang maubos namin ang kape ay tumayo na kaming lahat. Oras na para pumunta kami sa sinasabing bodega. "Kailangan na nating umalis," ani Val samin. Tumingin ako sa llumang orasan na nakapakat sa dingding. Ala-una na ng madaling araw. "Tara na boys," sabi ko sa kanila. Nilingon ko si Jackie mula sa gilid ko. Nakatitig lang siya sakin at biglang natahimik. Para bang may gusto siyang sabihin pero nahihiya lang siya. "Hoy, ayos ka lang?" tanong ko sa kaniya. Nagulat ako nang bigla niya kong yakapin. Sobrang higpit ng yakap niya sakin. Napakunot ang noo ko dahil doon pero tinanggap ko ang yakap niya at hinagod ang likod niya. Ang weird ni Jackie ngayon. "Mag-iingat ka," seryoso ang mga matang sambit niya nang kumalas siya mula sa pagyayakapan namin. Tumango naman ako sa kaniya at ngumiti. "Oo salamat. Wag kang mag-alala, matagal pa ang buhay ko," sabi ko. Hinampas lang niya ang braso ko. "Tayo na," ani Bruno kaya naman tuluyan na naming iniwan ang mga babae at lumabas na kami ng silid namin. Paglabas namin ay tahimik ang paligid. Nasa kalaliman na ng tulog ang mga kasama namin dito sa bahay. Maingat ang mga hakbang namin habang bumababa kami ng hagdanan. Sunod-sunod kaming magkakaibigan habang nag-iingat na huwag makagawa ng ingay. Nang makababa kaming lahat ay maingat din naming binuksan ang pintuan at isinara iyon at pagkatapos. May dalang flashlight si Bruno at Lucas kaya iyon ang naging tanglaw namin sa madilim na daan. Mabuti na lang at maliwanag ang buwan. Kahit nakakakilabot ang kalaliman ng gabi ay pinilit kong lakasan ang loob ko. Hindi dapat kami sa multo matakot kundi sa buhay at si Mrs. Lily iyon dahil sya ang pumapatay sa mga tao dito sa Sahara. "Ang tataas na ng damo. Sana walang ahas," sabi ni Lucas sa gilid ko. "Tingnan mong mabuti ang dinadaanan mo," sabi ko sa kaniya kaya inilawan niya ang dinadaanan namin. Nauuna kasing maglakad si Bruno at Val. Ilang minuto rin bago kami nakarating sa Sahara. Pupuntahan na namin ang pader kung saan sa kabila noon ay ang sinasabing bodega ni Valorous. Medyo malayo rin ang nilakad namin bago nakarating sa pinakalikod ng Sahara. Tumambad ulit samin ang pader na nakita ko na dati pa kung saan muntik ng mapahamak si Val. Matayog pa rin ang pader at walang kagiba-giba iyon. "Hindi kaya tayo mahuli ng guard dito?" tanong ko sa kanila. May mataas na hagdanan sa gilid ng pader. "Mukhang tulog na yon sa mga oras na ito. Baka tinamad ng mag-ikot," sagot ni Lucas. "Ako ang mauunang aakyat, sumunod kayo sakin," utos samin ni Val. Tumango lang kami sa kaniya. Nauna siyang umakyat sa hagdanan at sumunod naman sa kaniya si Bruno. Nang makatalon mula sa kabilang pader ang dalawa ay sumunod na kami ni Lucas. "Tara na," sabi niya at umakyat na sa hagdanan. Agad akong sumunod sa kaniya matapos tumango. Nasa tuktok na ako at natatanaw ko na ang sinasabing bodega ni Val. Hindi ko ito nakita noon. "Ang baho!" inis na sabi ko dahil sa nakasusulasok na amoy. Wala ng bago doon. Ganito talaga kabaho sa lugar na ito. "Nakakasuka," sabi ni Lucas. Puro na lang pagkasuka ang nararamdaman namin. Hindi pa nga ako nakaka-move-on doon sa pinakain ni Mrs. Lily samin kagabi. Dumura ako nang maalala ko ang nakakadiring tagpong iyon. May hagdanan din mula sa kabilang pader at doon kami tumungtong kaya nakarating kami sa kabilang ito. Nauuna ng maglakad sila Bruno at Val patungo sa bodega. Maingat lamang ang bawat hakbang namin ni Lucas habang nakasunod kami sa kanila. Tahimik ang paligid at hindi mo iisipin na may tao sa lugar na ito. Samut-saring mga bangkay ang nagkalat sa paligid. Mga buto at kalansay na marahil ay matagal ng nakatapon sa lugar na ito. Napatakip na lang ako sa ilong habang naglalakad kami ni Lucas. Paano kaya nakakaya ni Mrs. Lily na tumagal sa ganito kasangsang na lugar? Hindi ko masisikmurang mag-stay sa lugar na ito kahit isang araw lang. Malaki ang bodega at sa bawat paghakbang namin doon ay siya namang lakas ng kalabog ng dibdib ko. Mukhang hindi nakatulong na nagkape pa kami kanina, nadagdagan lamang ang nerbiyos ko. "Kinakabahan ako," sabi ni Lucas sa gilid ko. Lintek! Parehas lang kami ng nararamdaman. Kahit na anong pagpapalakas ng loob ang isipin ko ay hindi pa rin magawang mawala ang kaba sa dibdib ko. Kahit na alam kong babae lang si Mrs. Lily at kayang-kaya namin ito ay parang hindi naman iyon ang sinasabi ng utak ko. Nakakatakot pa rin siya dahil sa dami ng taong napatay na niya at patuloy na pinapatay hanggang sa ngayon. Hindi namin alam kung bakit niya ginagawa ito. Kung dahil ba sa pagkamatay ng anak nitong si Maria Lisa kaya ito nagkaganito? Pero bakit kailangang lahat ng tao ay idamay niya, pati na rin ang mga walang kinalaman? Hindi naman tama iyon. Dapat ng masugpo ang kasamaan ni Mrs. Lily bago pa kami maubos lahat. Nang tuluyan na kaming nakarating sa bodega ay nakita naming nakaawang ang pintuan. Nagtago muna kami sa isang gilid at hinayaan na si Valorous ang sumilip doon. Bakit kaya iniwan itong nakaawang at hindi kinandado? Iba ang kutob ko. Kinakabahan ako. "Baka nandiyan siya sa loob," bulong ko kay Lucas. Tumingin kami sa itaas ng bodega. Malaki ang bodegang ito at parang bahay lang na niluma na rin ng panahon. "Paano tayo makakapasok sa loob eh nakakandado?" tanong ko sa kanila. "Shh!" suway sa akin ni Lucas kaya natahimik ako. Ilang sandaling nakasilip si Val sa loob bago siya lumingon samin at pinaatras kaming lahat. "Nandito siya sa loob," ani Val samin kaya mas lalo akong kinabahan. Nandito daw sa loob ng bodega si Mrs. Lily. Nagdikit-dikit kami dito sa gilid ng pader mula sa likod ng bodega. Nakakita kami ng lubid at lahat kami ay napatingala upang tingnan kung mayroon bang pwedeng sabitan ang lubid para makapunta kami sa itaas. Hindi kasi kami makakapasok dito sa ibaba dahil nakita ni Val na nasa ibaba si Mrs. Lily. Parang iisa lang ang nasa isip naming lahat. Ang ihagis ang tali sa itaas at maglambitin doon para makarating kami sa itaas. "Hindi naman bodega ito eh. Lumang bahay ito," bulong sakin ni Bruno. Tumango lang ako sa kaniya. Kinuha ko ang lubid na nakita namin at saktong may nakita akong pwedeng pagsabitan niyon mula sa itaas. Binuhol ko muna iyon at buong pwersa kong inihagis. Ang kaso ay hindi iyon ma-shoot sa pwedeng kapitan ng lubid. Sinubukan ko ulit pero ayaw talaga. "Tangina naman!" inis na sabi ko. "Akina ako nga!" sabi sakin ni Lucas at kinuha sa kamay ko ang lubid. Nakita kong parang nanalangin pa ito bago inihagis ang lubid. Muntik na akong mapasigaw nang ma-shoot ang lubid kaya pwede na kaming maglambitin doon patungo sa itaas. "Wag kang maingay!" paalala sakin ni Lucas. Tinakpan ko naman ang bibig ko. Kanina pa ko nag-iingay. Sana ay hindi kami naririnig ni Mrs. Lily. "Ikaw na ulit ang unang umakyat Val," sabi ni Lucas kay Val. Tumango lang si Val at agad na tumalima sa sinabi ni Lucas. Pinanood namin si Val sa ginawa niyang paglalambitin para makaakyat sa itaas. Tila sanay na sanay ito at hindi man lang nahirapan na makapunta doon. "Nice nice!" mahinang bulong ko nang makarating na si Val mula sa itaas. Sumunod na sa kaniya si Bruno at agad din namang nakarating si Bruno sa itaas. Sinundan iyon ni Lucas at sinundan ko naman si Lucas. Medyo nahirapan pa ko sa sarili ko pero buti na lang at nagawa ko ring makarating sa itaas kahit hinihingal ako. Tinulungan pa ako ni Bruno at Val na hilahin para mas mapadali ang pag-akyat ko. Nang makarating kami sa itaas ay inilinga ko ang paningin ko. Tama si Bruno, lumang bahay ito. May mga lumang gamit din kasi katulad ng sa bahay panuluyan. May upuan pa na umuuga-uga. Iyong katulad ng matatandaang upuan sa mga horror movie na laging upuan ng mga matatanda. Ang mga kahoy na pader ay halatang marurupok na at nakita ko ang anay doon nang ilawan iyon ni Lucas. Humakbang kami at nilibot ang loob. May isang silid kaming napuntahan na walang pintuan. Ilang hakbang lang ay nakakita na naman kami ng bukas na silid. Wala na naman iyong pintuan. Mukhang wala ng pintuan ang mga kwarto sa bahay na ito. Sobrang laki pa naman. Inilawan ni Lucas ang hagdanan ng bahay dahil nandito kami sa itaas. Kulang-kulang ang baitang niyon at lumang-luma na rin ang kahoy. Paano kami makakababa nito? Maya-maya ay bigla kaming nakarinig ng mga yabag kaya naman agad na pinatay ni Lucas ang flashlight niya. Ganoon din si Bruno. Rinig na rinig ang takong ng sapatos na naglalakad mula sa ibaba ng bahay. Nag-atrasan kaming lahat sa kinatatayuan namin at naghanap ng pwedeng taguan. Hindi kami humihinga habang magkakadikit sa isang sulok. Mabuti na lamang at tumigil na rin agad ang yabag kaya medyo nakahinga kami ng maluwag. Sigurado kaming si Mrs. Lily iyon dahil ganoon ang tunog ng takong ng sapatos niya noong minsan niya kaming dinala sa office niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD