CHAPTER 55

1283 Words
*JACKIE's POV* "Xyla ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ko sa ex-girlfriend ni Lucas na si Xyla. Humahangos silang dumating ni Bruno dito sa bahay at sumunod naman si Lucas na malaki ang sugat sa braso. "Oh my god! Ang dami mong dugo Lucas, anong nangyari?" alalang tanong rin ni Selena mula sa gilid ko. Agad siyang kumuha ng tela para ilagay iyon sa dumudugong braso ni Lucas. "Anong nangyari, nasaan si Val at Stanley?" tanong pa ni Selena. "Naiwan si Val sa bodega. Si Stanley ay pauwi na rin dapat kanina pero bumalik siya para tulungan si Valorous dahil naiwan itong mag-isa sa bodega. Nandoon si Mrs. Lily. Siya talaga ang killer!" ani Bruno. Nakaramdam ako bigla ng pag-aalala para kay Stanley. Bakit pa ito bumalik doon kung masyadong delikado? Hindi nito kayang iwanan si Val. "Itong sugat ni Lucas, si Mrs. Lily ba ang may gawa nito?" tanong ko sa kanila. "Oo wala ng iba," ani Bruno. Napailing na lang ako. Hindi ko alam kung bakit bigla ay bumigat ang pakiramdam ko. Parang kinakabahan ako na hindi ko maintindihan. "Paano si Val at Stanley? Kakayanin ba nilang dalawa si Mrs. Lily? Puntahan natin sila!" tarantang sabi ko pero kaagad akong pinigilan ni Lucas. "Huwag na Jackie. Masyadong delikado. Malakas si Mrs. Lily. Maging kami ay hindi makapaniwala na ganoon siya kalakas," ani Lucas sakin. "Totoo iyon. Hindi nga namin siya kinaya kahit puro lalaki kami. Sana lang talaga ay makauwi ng ligtas si Valorous at Stanley," sabi ni Bruno. Ayaw pa rin humupa ng kaba sa dibdib ko. Hindi ako mapakali. Napatayo ako mula sa pagkakaupo ko at nagpalakad-lakad ng pabalik-balik. Nakatingin naman sakin si Trinity na parang nahihilo na sa ikinikilos ko. "Jackie ano ba? Nakakahilo ka. Maupo ka nga at kumalma," sabi niya sakin pero hindi ko siya pinansin. Diyos ko! Sana naman ay iligtas ninyo si Stanley. Kahit hindi kami magkasundo ng mokong na iyon eh ayaw ko pa rin siyang mapahamak. Kahit ganoon iyon ay maraming beses niya akong pinrotektahan sa lahat ng bagay. "Baka kung ano na ang nangyari sa kanila," kinakabahang sabi ko. "Wag kang mag-isip ng ganiyan Jackie, makakauwi sila ng ligtas," ani Bruno. Pinilit kong kinalma ang sarili ko at naupo sa isang sulok. Alas singko na ng madaling araw. Kaunting oras na lang ay tuluyan ng sisikat ang liwanag. "Xyla, magpahinga ka muna at wag masyadong gumalaw. Matindi pala ang pinsala ng mga tuhod mo. Mabuti na lang at nagawa nating makauwi," sabi ni Bruno kay Xyla. "Oo nga, maraming salamat sa inyo. Siguro kung hindi kayo dumating ay malamang na patay na ako. Napakalupit ni Mrs. Lily. Hindi ko akalain na masama siyang tao!" ani Xyla. "Hindi rin naman namin akalain iyon Xyla. Pinaniwala niya tayong lahat na mabuti siyang tao. Kunwari ay tinutulungan niya tayo pero may maitim na balak pala siya. Nilinlang niya tayong lahat," sabi ni Lucas. Totoo iyon. Sa umpisa ay hindi mo talaga maiisip na si Mrs. Lily pala ang killer. Hindi rin namin alam kung bakit niya ginagawa ito. Kung naghihiganti ba siya dahil sa pagkamatay ng anak niya o nasiraan na siya ng bait. Sinong matinong tao ang magluluto ng karne ng tao at ipapakain sa amin? Muli ko na namang naalala ang nakakadiring tagpong iyon. Matapos magamot ni Selena ang sugat ni Lucas ay naupo lang muna ito at sumandal sa pintuan. Lahat kami ay nagulantang nang biglang bumukas ang pintuan ng silid at iniluwa niyon ang hapong-hapo na si Valorous. Para itong sumuong sa gyera. "Valorous!" kinakabahang sambit ko sa pangalan niya at agad na hinanap ng mga mata ko si Stanley pero wala ito. Walang Stanley na pumasok sa silid namin. Walang Stanley na kasama si Val. "Val, nasaan si Stanley?" tanong ko sa kaniya. Tumingin siya sakin. Napakalungkot ng mga mata niya. May bahid pa iyon ng luha. Dahil sa nakita ko ay mas lalong lumakas ang kaba sa dibdib ko. Ayokong isipin na totoo ang pumapasok sa isipan ko ngayon. "Val, nasaan si Stanley?" tanong rin ni Selena. Sunod-sunod lamang ang pag-iling ni Val at parang mauupos itong kandila na sumalampak sa pader sabay sabunot sa sarili nitong buhok. "W-wala na si Stanley..." ani Val sa mahina at nanginginig na boses. "A-ano?" ulit ni Selena sa sinabi ni Val. Pakiramdam ko ay may bumara sa lalamunan ko. Malinaw sa pandinig ko ang sinabi ni Val pero ayaw iyon tanggapin ng utak ko. Hindi ito totoo! Hindi totoong wala na si Stanley. "Anong nangyari Val?" tanong ni Lucas. "Dumating si Stanley noong sinugod ako ni Mrs. Lily at halos mapatay na. Pinatakbo ako ni Stanley dahil may hawak siyang baril at itinutok niya iyon kay Mrs. Lily. Akala ko ay katapusan na ni Mrs. Lily, pero sa isang iglap lang ay agad nitong naagaw ang baril kay Stanley at sunod-sunod ang ginawa niyang pagbaril kay Stanley. Hindi ko man lang siya naipagtanggol, patawad!" nakayukong sabi ni Val. Tila may libo-libong patalim na tumarak sa dibdib ko matapos kong marinig ang mga salitang binitawan ni Valorous. Wala na si Stanley. Hindi! "Hindi totoo yan! Hindi totoong wala na si Stanley!" Napaiyak ako at humagulgol sa isang sulok. Hindi pa siya pwedeng mawala! "Jackie..." Naramdaman ko ang pagtawag ni Trinity sa pangalan ko at bigla niya akong niyakap. Parang nagbara ang dibdib ko dahil sa sobrang sikip niyon. "Diyos ko!" sambit ni Selena. "Val, hindi mo kasalanan. Wag mong sisihin ang sarili mo. Si Mrs. Lily. Siya ang may kasalanan ng lahat ng ito. Siya ang dapat na sisihin sa lahat ng mga nangyayari," sabi ni Bruno. Ayaw tumigil sa pagbagsak ang luha ko. Bigla akong nanghina. Bakit naman kinuha agad si Stanley sakin? Hindi man lang kami nakapag-usap at hindi ko man lang nasabi sa kaniya ang nararamdaman ko noon pa. Hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataon. Ang sabi niya ay uuwi siya at hindi pa siya mamamatay pero bakit ganito ang nangyari? Napakasama talaga ni Mrs. Lily! Ayokong isipin ang pagkamatay na sinapit ni Stanley. Naninikip lang lalo ang dibdib ko. "Kailangan nating mag-ingat lalo na ngayon na nakilala kaming lahat ni Mrs. Lily. Sigurado akong nag-iisip na siya ng plano ngayon kung paano tayo mapapatay lahat," sabi ni Lucas. "Tama si Lucas. Kailangan na nating umalis dito sa lugar niya," ani Bruno. "Y-yung bangkay ni Stanley. G-gusto kong makita si Stanley!" umiiyak na sabi ko. Hinagod lamang ni Selena ang likod ko. "Masyadong delikado Jackie kung babalik tayo sa bodega. Baka tayo naman ang sumunod na mapahamak. Kung ganoon ay balewala lang ang pagbubuwis ng buhay ni Stanley. Naiintindihan mo ba ako Jackie? Ang kailangan nating gawin ay makaisip ng hakbang kung saan tayo pwedeng tumuloy pagkaalis natin sa lugar na ito," mahabang litanya ni Selena. Hindi ako nakapagsalita sa sinabi niya dahil tama siya. Kung mapapahamak din kami dahil sa padalos-dalos na desisyon ay balewala lang ang pagsasakripisyo ni Stanley para sa amin. Kitang-kita ko rin ang pagluluksa sa mga mata nila Selena. Nababasa ko roon ang lungkot at sakit. Nabawasan na naman kami. Kailan ba matatapos ang lahat ng ito? "Pagsapit ng liwanag ay kailangan na nating lumikas," sabi ni Val. "Pero saan tayo pupunta? Hindi tayo makalabas sa lugar na ito," sabi ni Trinity. Punong-puno rin ng pag-aalala ang mga mata nito. "Maraming pwedeng taguan. Malaki ang lugar na ito. Kailangan nating maging mautak," sabi ni Lucas. "Sa ngayon ay magdasal muna tayo. Alayan muna natin ng dasal ang pagkamatay ni Stanley bago tayo umalis sa bahay na ito," sabi ni Selena. Kahit nanghihina ako ay tumalima ako sa sinabi niya ganoon din sila Lucas. Naghawak-hawak kaming lahat ng mga kamay at ipinikit ang mga mata namin. Taimtim kaming nanalangin para sa pagkamatay ni Stanley.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD