CHAPTER 56

1370 Words
*Mike's POV* Ano na naman kaya ang pinaplano ng mga gunggong na ito at sama-sama pa talagang bumababa ng hagdanan habang bitbit ang ilang mga gamit nila. Napalunok ako nang makita ko si Xyla na kasama din nila. Tila ba hirap na hirap itong maglakad kaya inaalalayan ito ni Lucas at Bruno. Anong nangyari kay Xyla? Kumunot ang noo ko. Kasama din nila ang pinsan kong si Trinity. Si Stanley lang ang nawawala at hindi nila kasama. "Saan kaya sila pupunta?" mahinang tanong ni Jerron sa gilid ko. "Malay ko sa mga gagong iyan," inis na sagot ko. Wala naman akong pakiealam kahit saan pa magpunta ang mga gunggong na iyan. Hindi ako interesado sa buhay nila. Kung mayroon man akong pakiealam ay doon lang sa pinsan kong si Trinity. Tiningnan nila kaming lahat matapos silang makababa sa hagdanan. Pagkatapos ay agad din silang lumabas ng walang kahit anong salita. Sinundan na lamang namin sila ng tingin. Nakalabas na sila Lucas nang biglang bumalik si Trinity at kinausap ako. "Trinity ano ba? Halika na!" anyaya ni Lucas kay Trinity. "Sandali lang! Kakausapin ko lang ang pinsan ko," sagot ni Trinity. Napailing na lang si Lucas. Binigyan ko siya ng masamang tingin habang si Xyla ay nakalingon din sa akin. "Makinig ka sakin, kailangan niyo na ring umalis sa bahay na ito dahil kilala na namin kung sino ang killer," panimula ng pinsan kong si Trinity. Naguguluhan ako sa sinasabi niya. Alam na ng mga ito kung sino ang killer? Pati si Jerron sa gilid ko ay kunot na kunot ang noo at tila ba hindi makapaniwala. "Anong sinasabi mo Trinity? Totoo ba yan?" sabi pa ni Jerron. "Sino ang killer?" tanong ko. Seryosong-seryoso ang mukha ni Trinity habang nakatingin samin ni Jerron. "Si Mrs. Lily ang killer!" Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi ni Trinity. Tila hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. "Si Mrs. Lily? P-paanong—" "Patay na si Stanley. Siya ang pumatay kay Stanley," sabi ni Trinity bago ko pa man matapos ang sasabihin ko. Napalunok ako at kinabahan. Si Mrs. Lily? Tiningnan ko si Jerron sa gilid ko at kinakabahan ang mukha niya nang tumingin siya sa akin. Napailing na lang ako. "Kaya kailangan niyo na rin umalis dito bago pa kayo mapatay ni Mrs. Lily. Pinaglalaruan niya tayo. Nagkunwari siyang mabait sating lahat at pinatira pa sa bahay na ito. Siguro ay ginawa niya iyon para nasusundan niya ang galaw ng bawat isa sa atin!" ani Trinity. Paulit-ulit na naglalaro sa utak ko ang sinabi niya. "Bakit siya?" wala sa sariling tanong ko kahit alam ko na ang posibleng sagot. Posibleng gumaganti siya dahil sa pagkamatay ng anak niyang si Maria Lisa. Hanggang ngayon ay wala pa rin itong alam sa kasong iyon. Mas mabuting mabaon na lang sa limot ang nakaraang iyon. Walang ibang pwedeng makaalam kung sino talaga ang gumahasa at pumatay kay Maria Lisa. "Aalis na kami, basta umalis na rin kayo sa bahay na yan," sabi sakin ni Trinity. Napatungo na lang ako at sinundan siya ng tingin nang bumalik siya sa grupo nila Lucas na naghihintay sa kaniya. Nang tuluyan na silang makaalis ay nagkatinginan kami ni Jerron. "Patay na raw si Stanley at si Mrs. Lily pala ang killer," mahinang sabi nito habang seryosong nakatingin sa akin. Kahit pilitin pang itago ni Jerron ay nababasa ko ang labis na kaba sa mga mata niya. Alam kong kinakabahan siya. Posibleng naiisip na rin niya kung ano ang naiisip ko. Hindi kaya ginagawa ito ni Mrs. Lily dahil sa pagkamatay ng anak niya? Paano kung malaman nito na ako ang pumatay sa anak niya? Siguradong ako na ang susunod agad na mamamatay. "Makinig ka sakin Jerron. Kahit anong mangyari ay wag na wag kang aamin tungkol sa mga nagawa natin kay Maria Lisa. Kung gusto mo pang mabuhay ng matagal ay itikom mo lang yang bibig mo. Makakaalis din tayo sa lugar na ito!" sabi ko kay Jerron. Hindi ito kumikibo pero nakita kong nanginginig ang mga tuhod nito nang maupo sa isang upuan. "Malamang na dahil sa kasalanan natin kaya nangyayari ito Jerron. Malamang na ang dahilan ay dahil sa pagkamatay ni Maria Lisa at tayo ang puno't dulo ng lahat ng ito!" ani Jerron. Agad kong tinakpan ang bibig niya. Mabuti na lang at walang tao. Pumasok na ang ibang mga estudyante sa Sahara. Hanggang ngayon ay nagpapauto pa rin ang mga ito sa guro. Hindi na kailangang pumasok ng mga ito pero pinipilit pa rin. Nag-aaksaya lang ang mga ito ng panahon sa wala. Pinaglalaruan lang naman kami ng ibang mga guro dito. Kung si Mrs. Lily nga ang killer, wala kayang alam ang mga guro tungkol doon? Iilan na lang naman ang mga gurong nakikita ko dito sa Sahara at hindi na bago sakin kung malaman ko na namatay na rin ang iba pa. Pati nga mga estudyante dito ay nakikita kong unti-unti ng nawawala. Dati ay marami pa kaming natitira sa lugar na ito pero ngayon ay bilang na lang yata sa daliri. Walang duda na pinatay na rin ang mga ito ni Mrs. Lily. "Anong gagawin natin? Saan tayo pupunta ngayon?" tanong ni Jerron sakin. "Aalis na rin tayo dito. Kailangan nating maisahan si Mrs. Lily. Kailangan na niyang mawala sa mundo," sabi ko. "A-ano? Paano natin gagawin iyon? Hindi ka ba natatakot sa kaniya? Hindi na mabilang ang dami ng taong napatay niya," ninenerbiyos na sabi ni Jerron. "Bakit ako matatakot sa kaniya? Matanda na siya Jerron. Kailangan ko lang makahanap ng tiyempo para matapos na rin ang lahat ng ito at nang makaalis na tayo dito!" Napangisi ako sa isiping iyon. Masyado lang tanga si Stanley at naisahan siya ni Mrs. Lily. Matanda na ang babaeng iyon. Siguradong mahina na iyon. Kung traydor siya kumilos kaya niya napapatay ang mga tao sa lugar na ito ay ganoon din ang gagawin ko sa kaniya. Tatapusin ko na siya sa mas lalong madaling panahon. "Wag ka ngang nerbiyoso!" bulyaw ko kay Jerron. "Hindi mo ba naiisip na mahina na iyon? Matanda na siya sa edad niya at ang kailangan lang nating gawin ay ang maging tuso katulad ng ginagawa niya," sabi ko kay Jerron. "At paano kung tayo ang maisahan niya?" Napailing na lang ako dahil sa kaduwagan ni Jerron. Kahit kailan talaga ay walang bayag ang isang to. "Hindi mangyayari iyon!" mariin na wika ko sa kaniya. Napailing lang si Jerron at pinagsiklo ang mga palad nito habang malalim na nakatingin sa kawalan. Paulit-ulit na naglalaro sa isipan ko ang mukha ni Mrs. Lily. Ito pala ang killer. Masyadong mahina si Stanley sa isiping naisahan siya ng matandang iyon. Ang alam ko ay may baril pa si Stanley. Paanong nangyari na ito pa ang namatay? Napailing ako at napangisi. Kunsabagay, ano ba naman ang aasahan sa grupo nila Lucas? Pareho naman na mahihina at tatanga-tanga ang mga ito. Ang kailangan kong malaman ngayon ay kung saan naglalagi si Mrs. Lily. Kailangan kong malaman kung saan siya palagi nagpapalipas ng oras. Ang unang pumasok agad sa isipan ko ay sa opisina niya. Tama, doon sa opisina niya ako unang magmamasid at kapag nakakuha ako ng pagkakataon ay tatapusin ko na kaagad ang buhay niya. "Anong nangyayari bakit nasalubong ko sila Lucas na paalis at bitbit ang ilang mga gamit nila? Aalis na ba sila dito sa bahay?" Biglang sumulpot sa harap namin si Erika. Isa ito sa kasama namin sa bahay panuluyan. "Wag mong intindihin ang mga gunggong na iyon. Mas mainam nga na umalis sila para mabawasan ang mga nakakainis na tao dito," sagot ko kay Erika. Hindi naman ito kumibo. Bigla kong naalala si Klarissa. Ibig sabihin ay si Mrs. Lily rin pala ang pumatay sa pinakamamahal kong babae. Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niyang iyon! Pagbabayaran niya ang ginawa niya. "Mike tayo na. Umalis na rin tayo dito," bulong sakin ni Jerron. Tiningnan ko siya. Desidido talagang umalis si Jerron. "Sige, aalis na tayo dito," sagot ko dahil iyon din naman talaga ang plano ko. Ang umalis na sa bahay na ito. Pero ganoon pa man ay dapat na magmasid pa rin kami sa lugar na ito dahil siguradong babalik at babalik dito si Mrs. Lily para hanapin kami.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD