*Jackie's POV*
Wala kaming choice kundi ang magpaalam na sa pinakamamahal naming si Elisha. Kahit masakit sa damdamin ng bawat isa sa amin ay kailangan na namin siyang mailibing. Alam kong hindi sapat ang ganitong klase ng libing pero mas mabuti na ito kaysa hayaan namin siyang makuha ng guard at itapon lang din kasama ng iba pang mga bangkay.
Ang sakit-sakit isipin na bigla na lang syang mawawala. Sobrang sakit sakin dahil ako halos ang palagi niyang kasama. Sa isang iglap lang ay mawawala na pala siya agad.
Pinahid ko ang luhang walang tigil sa paglandas mula sa aking pisngi. Kanina pa ko iyak ng iyak habang nasa kandungan ko pa rin ang bangkay ni Elisha.
Alas-singko na nang hapon at ngayon lang natapos sa paghuhukay sila Stanley. Alam kong pagod na rin sila pero kinakaya nila ang lahat para kay Elisha. Malalim ang nagawa nilang hukay. Nagdesisyon kaming ilibing na si Elisha bago pa kami abutan ng dilim dito sa lugar na ito. Nakakatakot na kasi at lumalamig na rin ang dapyo ng hangin.
"Paalam na Elisha. Hanggang sa muli nating pagkikita," bulong ko sa kaniya at hinalikan ang noo niya. Maingat itong binuhat nila Stanley at Lucas mula sa kandungan ko. Umiiyak din sila Trinity at Selena sa gilid ko.
"Elisha, gabayan mo kami. Ikamusta mo na lang kami kay Klint," sabi rin ni Trinity.
Napapikit ako. Hindi man lang namin nasabi kay Elisha na wala na rin si Klint at patay na ito. Hindi namin akalain na sya na pala ang susunod sa nobyo niya. Kaybilis ng mga pangyayari.
"Hindi man lang niya nalaman na wala na rin si Klint," iiling-iling na sabi ni Stanley.
Matapos nilang mailagay ang bangkay ni Elisha sa hukay ay tinabunan na nila ito ng lupa.
Tumalikod ako upang huwag makita na unti-unti na syang natatabunan ng lupa.
Hindi ko kaya.
Hindi ko kayang makita si Elisha sa ganitong kalagayan.
Bakit ang sakit naman ng mga nangyayari? Parang hindi ko na kakayanin pa kapag may isa pa ulit na nabawas sa amin.
Hindi ako lumilingon hanggang sa naramdaman ko na may kamay na dumampi sa balikat ko. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin at nakita ko si Stanley.
Halatang pagod na pagod na siya buong maghapon. May bahid pa ng alikabok ang pisngi niya pero hindi maitatangging gwapo pa rin siya. Tisoy kasi si Stanley at kahit nagbibilad ito sa araw ay kusa pa ring bumabalik sa tunay na kulay ang balat nito.
"I know I can't stop you from crying. I know how it hurts. I know the feeling, but don't worry everything will be okay," sambit nya mula sa gilid ko. Hindi ko alam kung bakit sa simpleng salita lang na iyon ni Stanley ay gumaan kahit papaano ang kalooban ko. Ngayon ko lang nakita ang pag-aalalang iyon sa mga mata niya. Nanatili akong nakatitig sa kaniya habang seryoso ang malungkot niyang mga mata na nakatitig din sa akin.
Biglang bumilis ang pagpintig ng puso ko. Kahit palagi kaming nag-aaway ni Stanley ay alam kong mahalaga rin siya sa akin. Matagal na ang pinagsamahan naming lahat.
Hindi ko nagawang magsalita sa sinabi nya. Napahikbi na lang ako at naramdaman ko na hinapit niya ang baywang ko palapit sa katawan niya. He hugged me tight. Pakiramdam ko ay ligtas ako dahil sa biglaang pagyakap niya sakin. Nabigla ako saglit pero sa huli ay hinayaan kong tumulo ang mga luha ko sa balikat nya. Umiyak lang ako ng umiyak at hinahagod niya naman ang likod ko.
"Kasalanan ko ito. Dapat ay hindi ko hinayaang mag-isa si Elisha. Dapat ay sinamahan ko siya!" humihikbing sabi ko.
"Shh... Huwag na huwag mong sisisihin ang sarili mo. Walang may gusto ng nangyari at mas lalong hindi mo kasalanan iyon. 'Yong killer, siya ang tunay na may kasalanan ng lahat ng nangyayari!" ani Stanley.
"Wag kang mag-alala hindi kami titigil nila Lucas sa paghahanap kung sino man ang nasa likod ng lahat ng ito. Hindi namin kayo pababayaan," dagdag pa nito.
Matagal bago ako kumalas sa pagkakayakap ko sa kaniya. Nang mahimasmasan ako ay tiningnan ko si Stanley. Pinahid niya ang luha ko sa pisngi.
"Tahan na," sabi niya. Ngayon ko lang nakita na hindi sya suplado sakin.
Bumaling ako ng tingin kila Trinity. Umiiyak pa rin sila.
Dumidilim na ang paligid kaya naman nagdesisyon na kaming umalis sa lugar. Kailangan na naming bumalik sa bahay panuluyan dahil baka mamaya ay may mangyari na namang hindi maganda.
"Bumalik na tayo sa dormitoryo," sabi ni Trinity.
"Mauna na kayo. Magpapaiwan ako dito," sabi ni Stanley. Nagulat ako sa sinabi niya at maanga kaming napatingin sa kaniya.
"Ano? Bakit ka magpapaiwan? Baka may mangyari sayong masama," alalang sabi ko. Nag-alala ako agad dahil sa sinabi ni Stanley. Hindi ko alam pero parang ibang klaseng pag-aalala naman ang nararamdaman ko ngayon.
Ngumiti lang si Stanley sakin.
"Hindi mangyayari 'yon Jackie," sagot naman niya sakin.
"Kung magpapaiwan ka eh magpapaiwan na rin ako," sabi naman ni Lucas.
"Me too," si Val.
"Ako rin," sunod na sabi ni Bruno.
Nagkatinginan ang apat na lalaki at nagtanguan ang mga ito.
"Ihahatid ko muna kayong mga babae tapos babalik na lang ako dito kila Stanley," sabi ni Lucas.
"Pero bakit kailangan nyong magpaiwan? Anong pinaplano nyo?" tanong ni Selena.
"Tumatakbo ang oras, Selena. Hindi na kami dapat pang mag-aksaya ng panahon. Ayoko ng mabawasan pa ulit tayo," sabi Stanley.
Magsasalita sana si Selena kaya lang ay natigilan ito dahil may narinig kaming malakas na kalabog.
Nagkatinginan kaming lahat.
"Lucas, ihatid mo na sila bago pa tuluyang dumilim," utos ni Stanley kay Lucas.
"Girls, wag ng matigas ang ulo. Ihahatid ko na kayo sa dormitoryo," sabi ni Lucas samin. Hindi na kami nakipagtalo pa dahil kinakabahan na ako dito sa lugar. Mas gusto ko ng bumalik sa dormitoryo kaysa manatili sa lugar na ito.
"Tayo na Lucas!" ako na mismo ang nagyaya at sumunod naman sakin si Trinity. Si Selena ay sumunod din ngunit tahimik lamang ito.
———
*SELENA's POV*
Nakita ko na naman siya. Nakita ko na naman yung babaeng laging nagpapakita sakin. This time, nilabanan ko ang takot ko at ginusto kong tingnan lang siya. Gusto ko siyang makausap dahil ang paraan ng pagtingin niya sa akin ay parang mayroon siyang gustong sabihin. Malungkot ang mga mata niya. Hindi ko nagawang sabihin pa kila Lucas dahil ayokong madagdagan na naman ang takot ng mga kasama ko.
Pauwi na kami ngayon sa bahay panuluyan at naglalakad na kami kasama si Lucas. Ihahatid niya kami. Ang totoo ay ayaw ko sanang umuwi at gusto kong manatili din sa lugar kasama sila pero alam kong hindi nila ako papayagan kaya naman may naisip na akong paraan.
Mamaya ay tatakas din ako pabalik. Sumama na lang ako ngayon pauwi para hindi na kami magtalo-talo pa.
Tahimik lang ako habang iniisip ang mga hakbang na gagawin ko mamaya para makabalik mag-isa sa Sahara. Alam kong delikado dahil una ay wala na akong kasama papunta doon, pangalawa ay madilim na ang paligid, at pangatlo ay hindi ko alam kung makakarating ako ng ligtas sa lugar. Pero wala na akong pakialam. Kailangan kong labanan lahat ng takot na nararamdaman ko.
Saktong alas-siyete na ng gabi nang makabalik kami sa bahay panuluyan. Ayaw man naming iwanan muna ang pinaglibingan namin kay Elisha ay wala naman kaming magagawa. Kailangan na naming mamaalam sa kaniya at kailangan din namin iligtas ang mga sarili namin.
Nagsama-sama muna kaming mga babae sa iisang silid tutal ay wala naman ang mga lalaki. Matapos kaming maihatid ni Lucas ay agad din siyang bumalik sa Sahara.
Sinilip ko na lang siya sa bintana habang naglalakad siya pabalik sa masukal na daan.
Tuluyan ng nilamon ng kadiliman ang paligid.
Hindi ko namalayan na kanina pa pala ako kinakausap ni Trinity.
"Selena, anong gusto mong iulam natin?"
Pangatlong tanong na pala niya iyon ang kaso ay abala ang isipan ko sa gagawin ko mamaya.
Lumingon ako sa kaniya habang nakaangat ang dalawang kilay.
"Bakit ka ba tulala? Kanina pa kita kinakausap," puna niya sa akin.
"H-ha? Ah—"
"Mag-noodles na lang tayo tutal ay wala naman ang mga boys," putol ni Jackie sa sasabihin ko. Tumango naman ako at sumang-ayon sa kaniya.
"Oo nga, okay na rin ako sa noodles," sagot ko.
"Okay! Ako na ang magluluto," sabi naman ni Trinity.
"Salamat girl!" ani Jackie.
Muli akong tumanaw sa bintana.
Walang bituin sa kalangitan ngunit kaylaki ng bilog na buwan. Malamig ang dapyo ng hangin. Marami pang gising na mga estudyante sa ibaba at mukhang abala din ang mga ito sa pagkain.
Maya-maya ay nakarinig kami ni Jackie ng katok sa pintuan. Agad na dumungaw doon si Jerron.
"Ahm excuse me? Nakita nyo ba si Bruno?" tanong niya samin.
Nagkatinginan kami ni Jackie.
"H-ha? Nasa Sahara pa siya," si Jackie ang sumagot kay Jerron dahil close naman ang dalawang ito.
"Ha? Nasa school pa siya? Pero gabi na ah? Anong ginagawa niya dun?" nagtatakang tanong ni Jerron.
"Mag-goghost hunting daw," dinig naming sagot ni Trinity mula sa labas. Ngumisi naman si Jerron at kumamot sa buhok nito.
"Pfft! Ghost-hunting? Hindi naman totoo ang ghost!" tatawa-tawang sabi nito.
"Akala ko ay nandito siya. Sige ha, salamat na lang!" dagdag pa nito ay nagpaalam na rin samin. Malamang na nagtataka ang mga kaibigan ni Bruno dahil nawawala ito. Maghapon kasi naming kasama si Bruno. Hindi ko nga din alam kung bakit siya nakikisama sa amin pero mas mabuti na rin iyon para may dagdag na kasama sila Stanley sa Sahara.
Ilang minuto lang ay nakaluto na si Trinity. Kumain na kami ng hapunan.
"Sana naman ay walang mangyaring masama doon sa apat," nag-aalalang sabi ni Jackie habang humihigop ng sabaw ng noodles.
"Walang mangyayaring masama sa kanila," sabi naman ni Trinity. Sa aming tatlong babae ay si Trinity ang medyo malakas ang loob.
"Alam kong makakauwi silang lahat ng ligtas," dagdag pa ni Trinity. Alam ko na ayaw lang niya kaming mag-alala lalong-lalo na si Jackie dahil halatang kanina pa ito balisa at hindi mapakali.
"Sana nga Trinity. Mas mauuna pa siguro akong mamatay sa nerbiyos kapag tayong tatlo na lang nila Selena ang natira dito!"
"Wag mo kasing isipin 'yon! Hindi tayo mamamatay, makakaligtas tayong lahat okay?"
Humigop na lang din ako ng sabaw habang nakikinig sa kanilang dalawa.
"Ikaw Selana? Bakit kanina ka pa tahimik?" puna sakin ni Jackie.
"Ahm wala lang. May iniisip lang ako," sagot ko sa kaniya.
"Anong iniisip mo? Don't tell me nakikita mo na naman yung multo ng babae? Please lang wag mo na lang pala ikwento," sabi ni Jackie.
Tumahimik ako dahil sa sinabi niya. Totoo naman na nakita ko na naman yung multo ng babae pero ayokong dagdagan naman ang takot niya. Baka hindi na siya makatulog mamaya.
Natapos ang hapunan namin at ako na ang nagprisintang maghugas ng mga pinagkainan. Alam kong pagod rin sila sa maghapon.
Nang matapos akong maghugas ay bumalik ako sa silid namin at naabutan ko si Jackie at Trinity na mahimbing ng natutulog.
Mukhang hindi na nakayanan ng mga ito ang sobrang antok. Samantalang ako ay hindi man lang nakakaramdam ng kahit katiting na antok man lang.
Dahan-dahan akong humakbang sa kanila at sumilip sa bintana. Medyo tahimik na ang paligid pero alam ko na may mga gising pang estudyante sa ibaba.
Ito na siguro ang tamang oras para tumakas ako at pumunta s Sahara.
Marahan akong lumabas ng silid namin. Mukhang himbing na himbing naman na ang dalawa kaya sigurado akong magtutuloy-tuloy na ang tulog ng mga ito.
Bumaba ako ng hagdan at tama nga ako. May mga gising pa sa ibaba ngunit tatlong tao na lang din ang nakita ko doon. Hindi ko naman sila kilala kahit magkakasama kami sa iisang dorm kaya nilagpasan ko lang sila. Nagmamadali akong lumabas ng bahay-panuluyan para bumalik sa Sahara. Alam kong delikado ang gagawin kong ito pero itutuloy ko ang pagpunta roon kahit na mag-isa lang ako. Nilakasan ko ang loob ko habang tinatahak ko ang masukal na daan pabalik ng Sahara. Kahit pa nakakarinig ako ng mga kaluskos ay nagbingi-bingihan na lang ako. Maliwanag ang buwan at ito ang nagsisilbing liwanag sa pagtahak ko ng daan. Nandito na ako. Wala ng atrasan ito!