*VALOROUS POV*
Buong pwersa kong kinakalas ang pagkakatali ni Mrs. Lily sa mga kamay ko ngunit masyadong mahigpit ang ginawa niyang pagkakatali kaya hindi ko iyon magawang alisin.
Ikinulong niya ako dito sa isang silid kung saan kasama ko ang tatlo pang bihag niya. Dalawang may katandaang babae at isang batang lalaki.
Nagtagumpay ako sa plano ko. Alam kong delikado ang ginawa ko kanina pero ito talaga ang balak ko. Ang mahuli ako ni Mrs. Lily at isama sa mga bihag niya upang makausap ko ang mga ito. Gusto kong malaman kung bakit sila binihag ni Mrs. Lily. Alam kong may dahilan ang lahat.
Tiningnan ko sila. Hinang-hina na ang itsura ng mga ito.
"Bakit kayo nandito? Sino kayo? Bakit kayo binihag ni Mrs. Lily?" tanong ko sa kanila. Sunod-sunod ang tanong ko pero wala man lang akong natanggap na sagot sa kanila. Tila pati pagsasalita ay hindi na rin nila magawa.
"Ako si Val, isa ako sa estudyante ng Sahara. Pinatay ni Mrs. Lily ang mga kaibigan ko. Marami na siyang pinatay. Dapat ay masugpo na ang kasamaan niya. Makipagtulungan kayo sakin. May nalalaman ba kayo kung bakit niya ito ginagawa?" pagkausap ko pa rin sa tatlong bihag. Ang isang matanda ay napatingin sakin. Parang gustong-gusto na nito magsalita.
"B-buhay pa ba siya..." mahinang sabi nito. Hindi ko iyon maunawaan kaya kumunot ang noo ko.
Sinong buhay pa ba ang tinutukoy nito?
"H-ho? Sino ho ang tinutukoy ninyo?"
"G-gracia... G-gracia..." paulit-ulit at utal-utal na sabi ng matanda. Mas lalong nangunot ang noo ko dahil sa sinabi nito.
Gracia?
Si Ma'am Gracia Eliscupidez ba ang tinutukoy nito? Ang isa sa mga guro namin?
"Ano pong mayroon? Bakit ninyo tinatanong si Gracia? Si Ma'am Gracia Eliscupidez ho ba ang tinutukoy niyo?" tanong ko sa matanda. Napatango siya sa akin. Mas lalo akong nagtaka. Ano maman ang koneksyon ng matandang ito kay Ma'am Gracia?
"A-anak ko..." sambit nito sa mahinang tinig.
Napalunok ako.
Anak nito si Ma'am Gracia?
"Nanay ka ho niya?" tanong ko sa matanda. Tumango naman ito sa akin.
"Ano pong koneksyon niyo kay Mrs. Lily? Bakit pati kayo ay nadamay dito?" tanong ko. Naguguluhan ako. Hindi ko malaman kung bakit pati ang mga ito ay ginagawang bihag ni Mrs. Lily. Tiningnan ko pa ang isang matanda pero nakapikit na ito saka ang isa pang bata na kasama nito. Mukhang pagod at walang malay ang mga ito.
"N-naghihiganti siya dahil namatay ang anak niya. Baliw na siya," iyon ang sagot sakin ng matanda.
So kung ganoon ay tama nga kami? Maaaring naghihiganti si Mrs. Lily at ang dahilan ay dahil sa namatay niyang anak na si Maria Lisa. Pero hindi ko pa rin talaga makuha ang logic kung bakit nadamay pati ang mga bihag na ito.
Ilang sandaling katahimikan bago muli nagsalita ang matanda.
"G-ginagamit niya kami. Tinatakot niya ang mga guro sa Sahara para sumunod sa kaniya. Kami ang dahilan kaya walang magawa ang mga guro doon. Binihag niya ako para mapasunod niya si Gracia sa lahat ng gusto niyang ipagawa. Walang magawa ang anak ko dahil kapag hindi siya sumunod ay tinatakot siya ni Lily na papatayin ako," anang matanda. Dahil sa sinabi nito ay nabigla ako. Napatitig ako sa kaniya at sa dalawa pa niyang kasama. Doon lang nagliwanag ang isip ko at naunawaan ko na kung ano ang ibig niyang sabihin.
Kung ganoon, ang dalawa pang bihag ng mga ito ay may koneksyon sa mga guro ng Sahara?
"Itong batang lalaki, anong koneksyon niya? Bakit siya nadamay?" tanong ko.
"Anak siya ni Marina,"
Nagulat ako dahil sa sinabi ng matanda. Kumunot ang noo ko kasabay ng pagbalik sa isipan ko ng nangyari kaninang umaga habang nakasilip kami sa classroom namin kung saan si Ma'am Marina Cortez ang guro.
Wala kang alam Lucas.
Iyon ang sinasabi niya kaninang umaga nang duru-duruin ito ni Lucas dahil wala man lang itong nagawa nang patayin ni Mrs. Lily sa harap nito ang kaklase naming si Jean.
Unti-unti ko ng nauunawaan ang lahat. Walang magawa ang mga guro at sunud-sunuran ito kay Mrs. Lily dahil hawak ni Mrs. Lily ang mga mahal nito sa buhay.
Napakasamang tao nito! Wala talaga itong kunsensiya.
Tumingin ako sa isa pang matanda na bihag rin.
"Ang isa pang matanda na kasama mo. Sino ho siya?" tanong ko.
Nilingon iyon ng matanda bago sumagot sa akin.
"Nanay siya ni Nonong. Ang guwardiya ng Sahara," sagot ng matanda.
Bigla akong natigilan dahil sa sinabi niya.
Nanay ito ng guard namin?
Ibig sabihin ay hindi rin gusto ng mga ito ang nangyayari sa Sahara pero wala lang magawa ang mga ito dahil sa hawak sila sa leeg ni Mrs. Lily.
Sobra na ang kasamaan ni Mrs. Lily. Kailangang matapos na ito!
"Kaya unawain mo sila kung wala silang magawa. Alam kong hindi rin nila gusto ang mga nangyayari," sabi ng matanda sakin. Napatango lang ako.
Naaawa ako sa kanila pero hanggang ngayon ay wala pa ring makasugpo sa kasamaan ni Mrs. Lily. Ngayon ay alam ko na ang lahat. Alam ko na ang dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito at kung bakit sunud-sunuran lamang sila Ms. Marina kay Mrs. Lily. Kaya pala gustuhin man nila na pigilan ito ay wala rin silang magawa.
Pilit kong kinalas ang tali sa mga kamay ko pero talagang mahigpit iyon.
"Magpahinga na ho kayo," sabi ko sa matanda. Hindi naman ito nagsalita at ipinikit na lamang nito ang sariling mga mata.
Dinudurog ang puso ko sa nakikita kong kalagayan nila lalo na ang batang ito na anak pala ni Ms. Marina. Wala siyang kalaban-laban sa ginagawa ni Mrs. Lily. Pati sya ay nadamay sa kasamaan nito, at si Nonong na siyang guwardiya sa Sahara, kaya pala kapag nakikita ko siya ay parang peke lang ang pagiging masama niya. May gabi na nahuli ko siyang parang nag-aalala noong magkausap kami. Iyon ang totoo niyang pagkatao. Hindi siya tunay na masamang tao. Dapat ay makaalis na ako dito para maipaliwanag ko na sa mga kasama ko ang lahat. Mas mauunawaan nila kung bakit ganoon ang mga tauhan si Sahara kapag nalaman nila ang dahilan.
Pero paano ang gagawin ko? Mahihirapan akong makatakas dito dahil tuso si Mrs. Lily. Hindi ko alam ang binabalak niya sakin. Pero sa tantiya ko ay parang ibig pa niya akong paglaruan.
"Hindi ako papayag na maghari pa ang kasamaan niya, pinapangako ko yan sa inyo. Makakaalis rin tayo sa kamay niya," bulong ko sa aking sarili habang nakatingin sa tatlong bihag.
Nakaidlip ako at nagising lang ako dahil sa biglaang may nag-angat ng mukha ko.
Si Mrs. Lily iyon.
Tiningnan ko siya. Wala na ang mga kasama kong bihag sa tabi ko.
"Anong ginawa mo sa kanila?" nag-aalalang tanong ko.
Imbes na sumagot ay nginisihan lang niya ako.
"Mas mabuti kung humiwalay sila ng silid sayo. Masyado ka ng maraming nalalaman," ani Mrs. Lily.
"Bakit kailangan mo silang idamay? Wala silang kasalanan!"
Hindi nagsalita si Mrs. Lily at nakangisi pa rin ito. Maya-maya ay tumalikod ito at parang may kukunin.
"May sorpresa ako sayo," sabi niya habang may ngising mala demonyo sa labi.
May kinuha nga ito mula sa labas at ilang sandali pa ay may hinagis siya sa akin.
Napaatras ako sa sahig nang ihagis niya sa akin ang pugot na ulo ni Stanley.
Nanlaki ang mga mata ko.
Rinig na rinig ko ang malakas at matinis na halakhak ni Mrs. Lily habang nakikita niya ang reaksyon ko.
Bigla akong nakaramdam ng awa habang tinitingnan ang pugot na ulo ni Stanley.
"Napakasama mo!" sigaw ko sa kaniya.
Bumalik sa isipan ko ang araw na binalikan at iniligtas pa rin ako ni Stanley.
Patawarin mo ako Stanley kung kinailangan mo pang magbuwis ng buhay para lang mailigtas ako. Pinapangako kong ililigtas ko ang mga kasama natin.
Napayuko na lang ako sa sakit ng loob. Maya maya ay sinarado na ni Mrs. Lily ang pinto at iniwan sa loob ang pugot na ulo ni Stanley.
"Pakawalan mo ko bumalik ka dito!" sigaw ko sa kaniya pero tila wala itong narinig. Mga malalakas na halakhak lang nito ang namayani sa loob ng bodega. Pinaglalaruan na naman niya kami.