CHAPTER 49

2045 Words
*JACKIE's POV* "Ano ka ba? Inuna mo pa talagang matulog? Ang dami na ngang nangyayari na hindi maganda pero mukhang wala lang sayo!" inis na sabi ko kay Stanley habang tinatapik-tapik ang likod niya. Naghihilik pa ito. Kanina ko pa siya ginigising pero ayaw niya akong pansinin kahit alam ko naman na nararamdaman niya ang ginagawa ko. Nauna na sila Valorous sa Sahara kasama ang iba pa naming mga kaibigan. Kami lang ni Stanley ang naiwan dito sa bahay panuluyan. Maya-maya ay bumiling na si Stanley at kinusot-kusot ang mga mata habang nakakunot ang dalawang kilay nito. Tila ba naabala ito sa mahimbing na pagkakatulog. "Ano ba? Natutulog yung tao eh!" reklamo nito sakin. Sinamaan ko lang siya ng tingin dahil muli nitong ipinikit ang mga mata. Mukhang balak na naman nitong matulog. Wala yata talaga itong balak na sumama doon sa Sahara at matutulog na lang maghapon. "Kailangan na nating pumunta sa Sahara!" sabi ko sa kaniya. Kumamot lang ito sa ulo at parang batang ipinadyak ang mga paa kahit na nakahiga ito. "Ikaw na lang mag-isa mo. Inaantok pa ko. Bakit ba kasi nagpaiwan ka dito?!" inis na tanong niya sakin. Ang sarap kotongan ng lalaking ito. "Wala kang kasama dito kaya sinamahan kita. Baka mamaya ay ikaw naman ang sumunod na patayin ng killer!" sagot ko. Narinig kong tumawa si Stanley. May nakakatawa ba sa sinabi ko? Baliw talaga ang lalaking ito. "Anong nakakatawa?" "Praning ka na Jackie. Hindi pa ako mamamatay. Matagal pa ang buhay ko," kampanteng sabi niya sa akin. "Ang yabang mo! Hindi ito ang tamang panahon para magyabang ka pa. Sunod-sunod na ang nangyayaring panganib. Kailangan na nating kumilos. Halika na at bumangon ka na diyan!" pagpipilit ko pa rin sa kaniya. "Makulit ka," sambit niya at nagulat na lang ako nang bigla niyang hapitin ang baywang ko kaya napasubsob ako sa dibdib niya. "Stanley, ano ba?" "Tulog na lang muna tayo," sabi nito hahang yakap-yakap ako. Ramdam ko ang bigat ng braso niya na nakadantay sa likod ko. "Hindi tayo pwedeng matulog at mag-chill lang! Tumayo ka na!" sabi ko at pilit kumawala sa pagkakayakap niya pero sadyang pinaglihi yata talaga sa kulit itong si Stanley dahil muli niya akong hinapit. This time nakatutok na ang mukha ko malapit sa mukha niya. Nanlaki ang mga mata ko nang ngumisi siya sa akin habang magkalapit ang mukha naming dalawa. "Hindi ka makaalis ng hindi ako kasama. Nag-wo-worry ka rin sakin?" nakangising tanong niya. Agad akong tumayo at buong pwersa siyang tinulak. Salamat at nakawala naman ako. "Anong pinagsasasabi mo riyan? Nababaliw ka na ba?" mataray kong tanong at humalukipkip. Narinig ko ang mahinang halakhak niya. "Sus! Wag ng mag-deny pa," sabi niya at dahan-dahang bumangon mula sa pagkakahiga. "Wala akong idi-deny sayo 'no! Masyado ka lang feeling!" sambit ko. Umiling-iling lang siya bago tuluyang tumayo. "Ang ingay mo. Hahalikan kita riyan eh!" "Eh di subukan m—" Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil bigla na lang akong hinalikan ni Stanley. Mariin ang pagkakahalik niya sakin at nanlaki na lang ang mga mata ko habang magkadikit ang labi namin. Binitawan din niya ako agad. "Daldal mo eh!" aniya at umiling. Napatulala na lang ako at sinalat ang labi ko. Ang walanghiyang lalaking ito! Ninakaw na naman ang halik ko. "Wag ka ng magsalita kung ayaw mong halikan na naman kita. Halika na!" Hinila na niya ang kamay ko at sabay kaming lumabas ng bahay panuluyan para pumunta sa Sahara. Tahimik lang ako habang daan. Nahihirapan na naman mag-isip ang utak ko dahil sa halik na iyon. Bakit ba kasi hindi ko namalayan na hahalikan niya ako bigla? Nakakainis na talaga ang lalaking ito. Sinasamantala niya ang labi ko! Mahigpit ang pagkakahawak ni Stanley sa kamay ko habang tinatahak namin ang daan patungo sa Sahara. Maya-maya ay nakarinig kami ng mga ingay. Parang humihingi ng tulong. "Narinig mo ba yon?" namimilog ang mga matang tanong ko kay Stanley. Napatingin din siya sakin at pareho kaming napatigil sa paglalakad. "Oo, parang mayroong humihingi ng tulong," sagot ni Stanley. "Saan kaya nanggagaling iyon?" tanong ko. Nagkibit lang ng balikat si Stanley. Narinig namin ang paghingi ng tulong pero hindi naman namin alam kung saan iyon nangagaling. Parang ang hirap sabihin kung saan banda ang tinig na iyon na humihingi g tulong. "B-baka multo iyon. Dalian mo na!" tarantang sabi ko kay Stanley at patakbo na naming tinahak ang daan. Kahit na tirik ang araw at may liwanag ay nakaramdam pa rin ako ng kaduwagan. Feel ko ay multo iyong naririnig namin. Baka iyon si Maria Lisa, ang kaso ay parang hindi lang iisang tinig ang nadidinig namin. Para bang marami ang mga iyon. Ang hirap ipaliwanag. Nakarating kami sa Sahara at agad na hinanap ng mga mata namin sila Lucas. Naabutan naman namin sila sa Filipino Park. Nag-uusap-usap sila doon liban kay Val at Selena. Nawawala ang dalawa. "Uy, nasaan sila Val?" tanong namin sa kanila nang makalapit kami. "Nawawala nga sila ni Selena eh. Hindi namin alam kung saan sila nakarating," sagot ni Trinity. "Baka nandiyan lang iyon sa tabi-tabi. Naghahanap siguro ng mga pwedeng makalap na impormasyon," ani Lucas. "Eh bakit kayo nandito lang?" tanong ko. "Hay, napapagod na kaming maglakad-lakad. Nakakabingi na rin yung issue tungkol sa pagkamatay ni Ma'am Barromeo," ani Trinity. "Oo nga, puro iyon na lang ang usap-usapan sa Sahara. Sana man lang ay tumutulong din ang ibang estudyante sa paghahanap ng mga impormasyon para makalaya na tayong lahat sa lugar na ito. Ang kaso ay hindi, mukhang hinihintay na lang nila ang kamatayan nila. Tsk tsk!" pumapalatak na sabi ni Bruno habang iiling-iling. "Eh paano nga naman sila maghahanap kung pinangungunahan din sila ng takot? Hindi naman natin sila katulad na willing talagang alamin kung ano ang dahilan ng mga nangyayaring ito," sabi ni Trinity. Naupo kami ni Stanley sa upuan katabi ni Lucas. Doon muna kami tumambay habang hinihintay si Valorous at Selena. ——— *SELENA's POV* Nagtungo kami ni Valorous sa malaking pader na sinasabi niyang tapunan daw ng mga bangkay dito sa Sahara. Nagpumilit kasi ako na alamin iyon at dinala naman niya ako dito. Nandito kami ngayon at nagtatago sa gilid ng isang malaking puno. Naroon pa kasi ang guwardiya habang bitbit nito ang bangkay ni Ma'am Barromeo. Nakaakma na nitong itatapon ang bangkay nang bigla itong lumingon at nagmasid sa paligid. Tila naramdaman pa yata nito na may tao kaya naman napatakip ako sa bibig ko. Nang masiguro ng guard na wala namang tao dahil hindi kami nito nakita ay dali nitong inihagis ang bangkay sa kabilang pader. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa paraan ng pagtatapon niya sa mga bangkay. Patay na nga ay ganoon pa pala kung tratuhin. "Grabe naman pala ang ginagawa nilang pagtatapon sa mga bangkay," bulong ko kay Val. "Oo, ganiyan lang ang ginagawa niya. Marami ng bangkay doon," sabi ni Val. Sabay kaming napatakip sa ilong namin nang biglang humangin at umalimbukaw ang nakasusulasok na amoy. Siguradong nanggagaling ang amoy na iyon sa mga bangkay na nabubulok at itinapon lang sa kabilang pader. "Ang baho naman," sabi ko at halos bumaligtad na ang sikmura ko. "Ano kaya mo pa ba? Gusto mo pang makita?" tanong sakin ni Val. Sinabi ko kasi na gusto kong masilip kung ano man ang nasa kabilang pader na iyon. Tumango ako kay Val. Paalis na ang guard kaya naman pwede na kaming sumilip doon mamaya. Alam kong delikado pero may kung ano sa akin na nagpipilit malaman kung ano ang nasa likod niyon. Gusto kong makita maging ang mga bangkay na nakatapon doon. Nang tuluyan nang umalis ang guard ay naghintay pa muna kami ng ilang mga minuto bago kami pumalit na lumapit doon sa pader. Mas umalimbukaw ang nakasusulasok na amoy nang lumapit na kami doon. Nakakasuka at nakaliliyo dahil sa tindi ng sangsang. "Kaya mo pa?" nag-aalang tanong sakin ni Val. Tumango lang ako sa kaniya. Itinuro niya sa akin ang butas na pwedeng silipan. "Ingat ka lang ha," mahinang bulong niya sakin habang nakaagapay sa likod ko. Marahan akong tumango sa kaniya at sumilip sa may butas. Napalunok ako nang tumambad sakin ang patong-patong na mga bangkay mula sa kabila ng pader. Ang daming bangkay ang nakakalat lang. Naglalawa sa natuyong mga dugo. Puro langaw at may mga bungo na rin. Siguro ay dahil ang ibang mga bangkay doon ay matagal ng nakatapon. Inilinga ko ang paningin ko sa lugar mula sa kabilang pader. Napakunot ang noo ko nang may mapansin akong tila isang malaking bodega sa di kalayuan. May tao kayang nakatira doon? "May nakita akong parang lumang bodega," sabi ko kay Val nang umalis ako sa butas. Nagtaka naman siya sa sinabi ko. Hindi ba nila nakita ang bodegang iyon noong unang beses nilang sumilip sa butas ng pader na ito? "Anong bodega?" tanong niya sakin habang nakakunot ang noo. "Silipin mo," sabi ko sa kaniya at pinalitan niya ang pwesto ko upang siya naman ang makasilip mula sa butas ng pader. Ilang sandali bago siya umalis sa pagsilip. "May bodega nga," nahihiwagaang sambit niya. "Sa tingin mo ay may nakatira doon?" tanong ko sa kaniya. Ilang sandali na natahimik si Val at para bang may inisip ito. "Yan ang dapat nating malaman," sagot niya sakin. "Paano?" "Kailangan nating makapasok doon," "A-ano?! Gagawin natin iyon? Pero delikado yon Val," sabi ko sa kaniya. Hindi ko man lang nakitaan ng takot ang mukha ni Val. Tila desidido talaga itong makapasok roon. "Sa lahat naman ng oras ay delikado na ang buhay natin. Kahit saan tayo magpunta ay may nakaamba sating kamatayan. Mas mabuti ng gumawa tayo ng paraan," sabi ni Val. Hindi ako nakapagsalita agad dahil sa sinabi niya. Natahimik ako at saglit na nag-isip. "Paano tayo makakapunta doon? Ang taas ng pader. Tiyak na mahihirapan tayo," sabi ko. "Sa tingin ko ay diyan nakatira ang killer. May sarili siguro siyang dinadaanan," ani Val. "A-anong gagawin natin?" "Maghahanap tayo ng paraan para malaman natin kung saan dumadaan yung killer ng sa gayon ay hindi na tayo mahirapan pa," ani Val. Inilibot ko ang paningin. Madaming puno at masukal. Mukhang wala naman ibang daanan para makapasok sa lugar na iyon. "Wala naman akong nakikita na pwede nating madaanan eh," sabi ko kay Val. Siya naman ang luminga ng paningin. "Hagdanan ang kailangan natin," sabi ni Val. "Saan tayo kukuha ng hagdanan?" tanong ko. Imbes na sumagot ay hinila ako ni Val patungo sa isang malaking puno di kalayuan sa kinalalagyan namin. Nagulat ako dahil may nakita kaming hagdanan doon. Hagdanan na gawa sa kahoy at mukhang sinadya talaga para sa sukat ng taas ng pader na ito. Inilinga ko ang paningin sa paligid dahil baka may nakakakita sa amin pero walang tao. Kung titingnan mo ang hagdanan, hindi mo ito agad mapapansin dahil nakatago ito sa malaking puno. Parang sinadya na itago para hindi makita ng kung sino man. "Mabigat ito, kaya mo ba? Ibigay mo ang buong pwersa sa pagbubuhat," sabi sakin ni Val. Agad akong tumango sa sinabi niya. "Oo Val," sabi ko at nagtulong kaming dalawa para buhatin ang hagdanan. Napangiwi ako dahil sa bigat niyon. "Dahan-daha lang," sabi sakin ni Val. Halata kong nabibigatan din siya sa pagbubuhat pero kinakaya niya at inaalalayan pa rin niya ako. Kahit na hindi kalayuan ang pader ay hinihingal kami ni Val nang maidala namin doon ang hagdanan. Butil-butil din ang pawis namin sa noo. "Ang bigat ng pader na 'to," sabi ni Val at pinunasan ang pawis sa noo nito gamit lang ang palad. "Pahinga muna tayo bago tayo umakyat diyan," sabi ko sa kaniya. "Ako na lang ang pupunta doon. Baka mapahamak ka pa kapag sumama ka," ani Val. "Ha? Hindi Val! Gustong sumama sayo. Hindi naman ako papayag na mag-isa ka lang pumunta doon. Ang sabi mo nga ay kahit saan naman tayo magpunta ay may nakaabang na kamatayan sa atin. Handa ako Val sa mga pwedeng mangyari!" malakas ang loob na sabi ko. Hindi na nakipagtalo pa si Val sa akin at marahan na lamang siyang tumango. Ilang sandali pa ay nagdesisyon kaming akyatin na ang mataas na hagdanan. Nauna si Val samantalang ako ay nasa paanan naman niya at umaakyat din. Kung ano man ang mangyari pagkatapos ng araw na ito ay handa na ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD