CHAPTER 50

2061 Words
*Valorous POV* "Dahan-dahan ka lang..." mahinang sambit ko kay Selena habang inaalalayan siya na makababa mula dito sa kabilang pader. Nandito na ako sa kabilang pader at hinihintay ko na lang si Selena na makababa. "Tatalon na lang ako," sabi sakin ni Selena. Tiningnan ko ang pwede niyang kabagsakan. Mga bangkay iyon na tabi-tabi at patong-patong. Wala siyang ibang choice kung hindi ang bumagsak doon kapag nakatalon na siya. Ganoon din kasinang nangyari sa akin. Sa mga bangkay din ako bumagsak. "Sige tumalon ka na," sabi ko. Ilang sandaling pumikit si Selena at humugot ng isang malalim na buntong-hininga. Pagkatapos niyon ay tumalon na nga ito. Iniwasan nitong sumigaw at makagawa ng ingay nang bumagsak ito sa mga bangkay. Kitang-kita ko ang takot sa mga mata niya pero agad din naman napawi iyon nang hawakan ko ang kamay niya. "Nandito na tayo. Kailangang maging maingat ang bawat galaw natin," bulong ko kay Selena. Takipsilim na kaya naman dahan-dahan kaming naglakad patungo sa malaking bodega na siyang balak naming pasukin. Tahimik ang paligid at tanging nakasusulasok na amoy lang ang sumalubong sa amin. Parehas kaming nakatakip sa ilong ni Selena habang papalapit kami sa bahay panuluyan. Nang makalapit kami doon ay agad naming hinawakan ang pintuan ngunit nakakandado iyon. "Nakakandado, paano tayo makakapasok?" tanong sakin ni Selena. Sinubukan kong galawin ng galawin ang pinto pero talagang nakakandado iyon at mukhang mahihirapan kaming buksan. Wala kayang tao sa loob? Wala kaya dito ang killer sa mga oras na ito? "Sa tingin mo ba ay wala ang killer diyan?" tanong sakin ni Selena. Sasagot pa lang sana ako nang may marinig kaming humihingi ng tulong. "Tulong! Tulungan niyo kami! May tao dito sa loob tulungan niyo kami!" anang sigaw mula sa loob ng bodega. Nagkatinginan kami ni Selena dahil sa matinding pagkagulat. "M-may tao sa loob," sabi niya at halata ang pagkabigla sa mga mata nito. Ako man ay nagulat din. May tao pala sa loob ng bodegang ito? Kinalampag namin ang pintuan. "Sino ang tao riyan? Anong ginagawa niyo diyan sa loob?" tanong ko. Bigla na lang kumalampag ng kumalampag ang pintuan at sunod-sunod na tinig ang narinig namin. Puro paghingi ng tulong ang siyang naririnig namin. "Tulungan niyo kami! Tulungan niyo kami!" paulit-ulit na sabi ng nasa loob. "S-sino kayo? Bakit nandiyan kayo sa loob?" tanong ni Selena kahit hindi namin nakikita ang tao. "Kinulong kami dito. Tulungan niyo kaming makalaya parang awa niyo na!" anang tinig mula sa loob. Bakit may mga tao sa loob ng bodegang ito? Sino ang mga taong ito? Kailangan naming mabuksan ang pintuan. Buong pwersa kong tinulak ang pintuan pero hindi iyon mabuksan. Bumwelo pa ako ng malayo at muling sinubukan na itulak iyon pero wala talaga. Hindi ko talaga mabuksan ang pintuan. Hindi kaya ng pwersa ko ang tibay niyon. May nakita akong maliit na butas mula sa pintuan kaya naman sumilip ako doon. Laking gulat ko nang makakita ako ng tatlong tao sa loob. Dalawang babae at isang binatilyong lalaki. Sino ang mga taong ito? Sinipat ko silang mabuti kahit medyo madilim ang paligid. Malinaw na may katandaan na ang dalawang babaeng nakikita ko. Kung gayon ay hindi estudyante sa Sahara ang mga ito. Anong ginagawa ng mga ito dito sa loob ng bodega? Bakit sila binihag ng killer? Napatago kami ni Selena sa isang gilid nang maramdaman namin na may taong paparating. May mga kaluskok kasi kaming nadinig. Mabuti na lang at agad naming namalayan iyon. Nakatago kami sa gilid ng bodega. "Shhh!" sensyas ko kay Selena dahil kitang-kita ko na ang dami niyang gustong itanong. Kahit ako ay ang daming tanong sa isipan ko at hindi ko alam kung saan hahanapin ang kasagutan. Sumilip ako sa labas at nakita kong may tao ngang paparating. Dumaloy ang kaba sa dibdib ko nang makita ko ang isang bulto ng tao na nakatago sa isang itim na hoodie jacket. Hindi makita ang mukha nito pero mukha itong lalaki. May hawak itong kutsilyo at tumutulo pa ang dugo mula sa kutsilyong iyon. Nakasilip din si Selena at rinig ko ang malalalim na paghinga nito. "Y-yung killer," mahinang bulong niya sa tainga ko. Alam ko at walang duda na ito nga ang killer. Masyado nitong itinatago ang sarili sa suot nitong hoodie jacket. Halos hindi na kami humihinga ni Selena nang makita namin na naglalakad na ito patungo sa pintuan ng bodega. Mukhang papasok na ito sa loob. Ilang saglit itong natigilan at tila ba nakiramdam ito kung may tao. Hindi na ako humihinga at nagdasal na lang ako na sana ay wag nitong maramdaman na nandito lang kami at nagtatago. Kung iikot man ang killer na ito sa paligid ng bodega ay tiyak na makikita niya kami. Mabuti na lamang at hindi nito ginawa iyon. Nakita kong binuksan niya ang pintuan ng bodega dahil tumunog ang bakal na nakakandado doon. Nakapikit lang si Selena mula sa gilid ko at naririnig kong nagdadasal ito. Nang tuluyan nang mabuksan ng killer ang pintuan ng bodega ay pumasok na ito roon at isinarado nito iyon. "Pakawalan mo na kami! Maawa ka samin! Wala kaming kasalanan sayo!" sabi ng tao mula sa loob ng bodega. Ito yung binatilyo na bihag sa loob kasama ng dalawang may katandaang babae. Sumilip ako muli sa butas. Doon ay nakita kong nakasaldak sa sahig ang tatlong bihag. Nakatalikod ang killer at nakatayo habang nakatingin sa mga bihag nito. Hindi ko tuloy maaninag ang mukha nito. Sino ang mga bihag na ito at bakit hindi pa ito pinapatay ng killer? Matagal na kaya ang mga taong ito dito sa loob ng bodega? "Anong pinaplano mo sa kanila?" mahinang tanong ko sa sarili ko habang nakatingin sa killer. Malaking palaisipan talaga sa akin kung bakit tila binihag lang ng killer ang mga taong ito. Anong balak niya sa mga taong ito? "Masusugpo din ang kasamaan mo! Magbabayad ka sa Diyos!" galit na wika nang matandang babae dahilan para balingan siya ng killer. Napalunok ako nang makita kong itinapat ng killer ang kutsilyong hawak nito sa leeg ng matandang babae. "Tumahimik ka!" galit na sabi ng killer. Mas lalo akong nagulat nang marinig ko ang tinig niya. Pamilyar sa akin ang tinig na iyon. Boses ng babae... Babae ang killer? Hindi ako kumukurap habang nakasilip sa butas. Dahan-dahang inalis ng killer ang hoodie jacket na suot nito at ganoon na lamang ang pagkagulat ko nang makilala ko kung sino ang killer. "Mrs. Lily..." hindi makapaniwalang sambit ko. Napatingin sakin si Selena sa nagtatanong na mga mata. "Si Mrs. Lily ang killer!" impit na sambit ko habang sunod-sunod ang malakas na kalabog ng dibdib ko. "A-ano?" naguguluhang tanong ni Selena kaya naman siya ang saglit kong pinasilip sa butas. Ganoon din ang reaksyon niya sa akin, gulat na gulat siya at hindi makapaniwala. "Paanong nangyari—" Bago pa man niya matapos ang sasabihin niya ay tinakpan ko na ang bibig niya. Baka madinig kami ng killer. Ilang sandali kaming nagkatitigan lang ni Selena bago ako muling sumilip sa butas. Hindi sinasadyang nasagi ng tuhod ko ang pintuan kaya naman gumawa iyon ng ingay. Napalunok ako nang makita kong tumingin sa pintuan ang killer kung saan kami nakatayo. Natigagal ako lalo na nang makita kong dahan-dahang humakbang ang killer papunta sa pintuan. Inilinga ko ang paningin ko. Hindi ko alam kung tatakbo na ba kami dahil tiyak na mahuhuli na kami ng killer. Mabuti na lamang at nakakita kami ng lubig. "Selena takbo!" sigaw ko habang itinatali ang lubid para maikandado ang pintuan. "P-pero ikaw p-paano ka?" utal-utal at ninenerbiyos na sabi ni Selena. "Basta tumakbo ka na doon sa hagdanan, dalian mo!" sigaw ko habang paulit-ulit na itinatali ng lubid ang pintuan. May hagdanan din mula dito sa kabilang pader dahil malamang na iyon ang ginagamit ng killer para makapunta sa Sahara. Mabilis na nagtatakbo si Selena sa hagdanan para makabalik sa kabilang pader. Patuloy ako sa pagtatali ng kandado ng pintuan at ilang sandali pa ay narinig ko ang sunod-sunod na kalambog ng pinto. Pilit na itong binubuksan ng killer. Sunod-sunod ang malakas na pagkalambog ng pintuan kaya naman dali-dali akong tumakbo palayo nang masiguro kong nakatali na ng lubid ang kandado. Nag-abot pa kami ni Selena sa hagdanan. Lumingon ako sa pintuan na patuloy binubuksan ng killer, nakita kong malapit na niyang mabuksan iyon dahil sa paulit-ulit niyang pwersa ay lumaki na ang uwang niyon at maaari na itong makalabas doon. "Selena dalian mo!" sigaw ko kay Selena. Malapit na siyang makabalik sa kabilang pader. Malapit na rin ako. Kahit madilim ang paligid ay tuloy-tuloy lang kami. Ilang sandali pa ay nakarating na nga kami sa kabilang pader at tumungtong lang ulit sa hagdanan na iniwan namin doon kanina. Minsan pa akong sumulyap sa pinto at nakita kong malapit ng makalabas ang killer sa pinto. Nang makatungtong na si Selena sa lupa ay tumalon na rin ako kahit medyo mataas pa ang tatalunan ko dahil sa sobrang pagmamadali. Napasubsob ako sa lupa pero agad ko din na tinulungan ang sarili ko para makatayo. Hinawakan ko ang kamay ni Selena at nagtatakbo kami palayo sa lugar na iyon. Alam kong nakasunod samin ang killer at hahabulin niya kami kaya naman wala kaming inaksayang panahon ni Selena. Buong pwersa naming binilisan ang pagtakbo at wala na kaming pakialam kung madilim man ang paligid at kung ano na ang nadadaanan namin. Kailangan na naming makabalik sa bahay panuluyan. Saglit na hinubad ni Selena ang suot niyang sapatos at ganoon din ako. Tinanggal ko na din iyon at iniwanan saka kami nagpatuloy sa pagtakbo. Bawat pagtakbo namin ay parang wala ng bukas. Kahit na puro talahib ang dinadaanan namin pabalik sa babay panuluyan ay hindi na namin iyon alintana. Daig pa namin ang hinahabol ng sandamakmak na toro. Pagkarating namin sa bahay-panuluyan ay nakasarado pa iyon ngunit bukas naman ang ilaw. Sunod-sunod ang kalampog na ginawa namin para lang pagbuksan kami ng mga tao sa loob. Lumingon ako sa likod namin sa takot na baka nasa likod lang namin si Mrs. Lily pero wala naman na ito. Ilang saglit pa ay bumukas na ang pintuan dahil sa tindi ng pagkatok na ginawa ko roon. Ang nakangiting mukha ni Lucas ang bumungad samin. "Oh, Val at Selena saan ba kayo nanggaling? Gabi na ah, kanina pa namin kayo hinihintay," sabi ni Lucas samin. Hinihingal akong napakapit sa balikat niya. Butil-butil ang pawis ko sa noo. Nanghihina na ako at parang mauubusan ng hininga. Hindi ko nagawang sumagod agad sa tanong niya dahil hindi pa ako nakakabawi ng lakas. Gusto ko lang huminga muna. "Bakit ganiyan ang itsura niyo? Selana, anong nangyari ha?" baling na tanong ni Lucas kay Selena. "Mahabang kwento Lucas. Kailangan na nating umalis sa bahay na ito. Masyadong delikado at mapanganib!" sabi ni Selena. Halatang nagtataka naman si Lucas at naguguluhan sa sinasabi ni Selena. "Anong umalis? Bakit tayo aalis? Ano ka ba Selena, wala tayong ibang pwedeng mapuntahan. Dito lang tayo ligtas," ani Lucas. Napailing na lang ako sa kaniya. Napagtanto ko na ang katotohanan. Ginawa ni Mrs. Lily ang bahay panuluyan na ito para bihagin kami. Dito niya kami pinatuloy para hindi siya mahirapan sa pagpatay saming lahat. Pinaamo niya kami at niloko. Pinaniwala niya kami na mabait siya at lahat kami ay nadala doon dahil ang akala namin ay totoo ang lahat ng kabutihang ipinakita niya. Nagkamali kami, siya pala ang totoong pumapatay. Niloko niya kaming lahat. Ngayon ay nasa bingit kaming lahat ng kamatayan. Hindi namin alam kung ano ang pwedeng gawin ni Mrs. Lily. Siguradong delikado ang mga susunod niyang magiging hakbang kaya dapat na kaming makaalis dito. Nanghihina akong pumasok sa loob ng bahay panuluyan. Ganoon din si Selena na pagod na pagod dahil sa ginawa naming pagtakbo kanina. "Magpahinga nga muna kayo at mukhang pagod na pagod kayo," sabi ni Lucas samin. May dalawang estudyante sa ibaba na nagbabasa ng libro. Paunti na ng paunti ang nakakasama namin sa bahay at napapansin kong hindi ko na nakikita ang iba pang dati naming mga kasama. Naupo ako at sumandal sa upuan habang habol pa rin ang hininga. "Tamang-tama may pagsasaluhan tayo ngayong gabi. Malapit na tayong maghapunan," ani Lucas. Kumunot ang noo ko sa kaniya. "Pagsasaluhan?" ulit ko sa sinabi niya. "Oo. Nandito kasi si Mrs. Lily at ipinagluluto niya tayong lahat ng hapunan." Sa sinabi na iyon ni Lucas ay nagkatinginan kami ni Selena at tumindig ang mga balahibo ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD