*STANLEY's POV*
Kinabukasan ay kagimbal-gimbal na balita ang bumungad samin mula sa kapwa namin estudyante. Patay na raw si Ma'am Klarissa at nakita ang bangkay nito sa likod ng isa sa abandonadong classroom sa Sahara.
"Totoo kaya ang sinasabi ng babae na 'yon? Baka naman jamming lang 'yon ah, tara puntahan natin yung lugar na sinasabi nila," ani Lucas mula sa gilid ko. Hindi din ako makapaniwala sa sinabi ng babae kaya naman nagdesisiyon kami ni Lucas na puntahan nga ang lugar na sinasabi nito kung saan daw natagpuan ang bangkay ni Ma'am Klarissa.
"Kailangan niyo pa ba talagang tingnan iyon?" may halong inis na tanong samin ni Jackie.
"Oo, para malaman natin kung totoo ngang patay na si Ma'am Barromeo," sagot naman ni Lucas. Masama ang tingin sakin ni Jackie at para bang inis na inis na naman siya sakin. Ano bang problema ng babaeng ito? Palagi na lang kasing mainit ang dugo niya sakin.
"Bakit ba ang sungit na naman ng mukha mo?" puna ko kay Jackie. Humalukipkip lang siya habang matalim ang matang umirap sa akin.
"Concern ka 'di ba? Eh di puntahan mo!" iritang sabi niya. Napakunot naman ang noo ko.
Ano daw?
"Ano bang pinagsasasabi mo riyan?" nagtatakhang tanong ko sa kaniya. Umismid lang siya sakin at itinaboy-taboy kami ni Lucas.
"Sige na lumayas na kayo at huwag na kayong babalik dito!" galit na wika niya.
"Teka, bakit pati ako nadamay? Inaano kita?" tanong ni Lucas kay Jackie.
"Ewan ko sa inyong mga lalaki!" ani Jackie at tumalikod samin sabay walk-out. Nagkatinginan na lang kami ni Lucas. Kumamot sa buhok si Lucas sabay iling.
"Ang hirap talagang intindihin ng mga babae!" iiling-iling na sabi nito.
"Tama ka," sagot ko naman sa kaniya sabay iling din.
Naglakad na kami palabas ng bahay-panuluyan dahil pupunta kami ngayon sa Sahara. Iniwan namin sila Jackie at Trinity. Si Val at Bruno ay nawawala. Siguro ay nabalitaan na nila yung nangyari kay Ma'am Klarissa at baka nauna na sila doon sa Sahara.
Pagdating namin sa Sahara ay kaagad naming tinungo ang likod ng abandonadong silid kung saan sinasabing naroon ang bangkay ni Ma'am Klarissa, nagulat pa kami nang maabutan namin si Bruno doon kasama si Val. May ilang mga estudyante rin doon na nag-uusyoso.
Tumambad sa amin ang bangkay ni Ma'am Klarissa, may nakatusok na kahoy sa katawan niya at lumabas pa ang bituka niya dahil sa may kalakihang kahoy na iyon. Napaiwas ako ng tingin dahil hindi ko kayang tagalan na makita siya sa ganoong kalagayan.
Sino ang gumawa nito sa kaniya? Pati ang guro sa Sahara ay damay sa kawalangyaan ng kung sino mang walang kaluluwang pumapatay sa lugar na ito.
"Grabe ang pagkamatay niya," bulong ng isang estudyante sa gilid namin.
"Sabi nila nagpakamatay lang daw siya," sabi pa ng isa.
Napatingin ako sa kanila.
Nagpakamatay?
Kung titingnang mabuti ang bangkay ni Ma'am Klarissa, iisipin mo talaga na nagpakamatay lang ito at ito mismo ang tumusok ng kahoy sa katawan nito base na rin sa itsura nito.
Pero bakit naman nito gagawin ang bagay na iyon? Tila hindi ko iyon kayang paniwalaan.
"Naniniwala ka ba na nagpakamatay lang siya?" bulong sakin ni Lucas. Umiling ako sa tanong niya.
"Hindi. Sa tingin mo, bakit naman niya gagawin ang bagay na iyon?" balik na tanong ko sa kaniya.
"Tingnan mo, mukha kasing siya mismo ang kumitil sa buhay niya eh," sabi ni Lucas.
Lumapit samin si Bruno at Val na pinagmamasdan din ang bangkay ni Ma'am Klarissa.
"Nagpakamatay siya," bigla ay sabi ni Val. Napatingin kaming lahat sa kaniya. Seryosong-seryoso ang mukha niya habang sinasabi ang mga katagang iyon.
"Ano? Paano mo nalaman?" tanong ko sa kaniya.
Tumingin siya sa bangkay at pagkatapos ay tumingin din sakin.
"Kung titingnan niyong mabuti ang bangkay niya, matindi ang hirap na dinanas niya," ani Val.
"Oo nga, pero paano mo nasabing nagpakamatay siya?" tanong ko sa kaniya.
"Dahil sa tindi ng sakit na dinanas niya, mas ginusto na lang niyang kitilin ang buhay niya," sagot ni Val. Nagkatinginan kaming lahat dahil sa sinabi niya.
"Seryoso ka ba? Siya na mismo ang pumatay sa sarili niya?" tanong ni Lucas.
Tumango lang si Val na para bang alam na alam nito ang nangyari, well may punto naman siya pero parang ang hirap lang paniwalaan ng bagay na iyon, na kikitilin nito ang sariling buhay.
Ang hirap isipin na bigla na lang itong mamamatay.
"Alam na ba ni Mike ang nangyari?" tanong ni Bruno samin. Nagkibit lang ako ng balikat sa kaniya. Mukhang wala pang alam si Mike dahil kung mayroon man, dapat nandito na siya kanina pa.
"Mukhang wala pa siyang alam sa nangyari," sabi ni Lucas.
Ilang minuto pa lang naming pinag-uusapan si Mike ay bigla na ngang dumating ang mga ito. Kasama ni Mike si Jerron at humahangos ang mga ito.
"Klarissa! Klarissa!"
Punong-puno ng pag-aalala ang mukha ni Mike habang lumalapit sa bangkay ni Klarissa.
Agad nitong hinawakan ang bangkay ni Klarissa at niyakap nito iyon habang sinisigaw ang pangalang Klarissa.
"Klarissa!"
Umalingawngaw ang sigaw na iyon ni Mike. Hindi ko magawang tingnan siya ng matagal. Ngayon ko lang siya nakitang ganito, nanghihina at umiiyak.
Mukhang minahal niya talaga ng husto si Ma'am Klarissa at kitang-kita naman iyon kay Mike.
Si Jerron ay masama ang tingin samin kaya naman nilabanan ko ang tingin niya.
Ano na naman kaya ang binabalak ng kumag na ito?
Kung ano man ang binabalak niya at tinitiyak kong papatulan ko siya. Mainit ang dugo ko sa kaniya kaya mag-ingat siya sa mga balak niyang gawin.
"Sino sa inyo ang gumawa nito sa kaniya? Sino?!"
Nagulat kami nang balingan kami ni Mike habang nanlilisik ang mga mata.
Pinagbibintangan niya kami na pumatay kay Ma'am Klarissa.
"Anong sinasabi mo? Hindi namin magagawang patayin siya," sabi ni Lucas kay Mike.
"Sinungaling! Kayo lang ang pwedeng gumawa nito sa kanya dahil may galit kayo sakin!" ani Mike.
"Mike, huminahon ka," ani Bruno.
"Manahimik ka Bruno! Isa ka pang traydor!"
Dinuro ni Mike si Bruno kaya nagulat kami. Galit na galit talaga ito at mistulang nag-aapoy sa galit.
"Hoy wag na wag mo kaming pagbibintangan ha! Wala kaming alam diyan sa sinasabi mo!" inis na sabi ko dahil hindi na ako makapagtimpi sa mga pambibintang niya.
"Ikaw isa ka din! Galit ka sakin dahil nagseselos ka! May gusto ka kay Klarissa at hindi mo matanggap na ako ang pinili niya!" pasigaw na sabi sakin ni Stanley. Hindi na ako nakapagpigil kaya naman lumapit ako sa kaniya. Pero bago ko pa siya tuluyang mahila ay hinarangan na ko ni Jerron.
"Sige subukan mo, magkakamatayan tayo dito!" ani Jerron sakin. Umawat naman si Bruno.
"Ano ba tumigil na kayo. Ganiyan na nga ang nangyayari eh!" sabi niya at hinila ako.
"May araw ka din sakin!" sabi ko at dinuro si Jerron. Umangat lang ang isang sulok ng labi niya habang nang-uuyam ang mga matang nakatingin sakin.
"Mike wala rin kaming alam sa nangyari at kailanman ay hindi namin magagawa yan kay Ma'am Klarissa, alam mo naman na mayroon talagang killer dito at wala sa amin yon!" ani Bruno.
"Namatayan din kami ng kaibigan! Dalawa na ang nalagas sa amin, sa tingin niyo ba ay isa sa amin ang killer?" iiling-iling na sabi ni Lucas.
Hindi nakapagsalita si Mike at nagbaba lang ito ng tingin sa bangkay ni Ma'am Klarissa na kalong-kalong pa rin nito.
Maya-maya ay dumating ang guwardiya para kuhanin ang bangkay ni Ma'am Klarissa. Ayaw iyon ibigay ni Mike.
"Hindi niyo pwedeng itapon lang sa kung saan ang bangkay niya!" galit na sabi ni Mike sa guard.
"Kailangan na siyang mailigpit. Tabi!" anang guard kay Mike pero matigas si Mike at binigyan nito ng suntok sa mukha ang gwardiya. Napaatras ang gwardiya habang sapo nito ang mukhang tinamaan ng kamao ni Mike.
"Sinabi ng hindi mo sya pwedeng itapon lang sa kung saan!" sigaw ni Bruno pero matapos makabawi ang gwardiya ay muli rin itong lumapit kay Mike at pilit kinuha ang bangkay ni Ma'am Klarissa.
"Wala ka ng magagawa!" anang guard at tinutukan nito ng baril si Mike.
"Ibibigay mo ang bangkay o pasasabugin ko ang ulo mo, bata?" pananakot ng guard kaya walang nagawa si Mike kundi ang hayaan ito na kaladkarin ang bangkay ni Ma'am Klarissa. Nakatutok ang baril dito kaya wala na itong magawa kahit kitang-kita na labag sa loob nitong hayaan lang na itapon sa kung saan ang bangkay.
Napailing na lang kami at tumabi nang dumaan mula sa gilid namin ang gwardiya habang hila-hila nito ang bangkay ni Ma'am Klarissa.
Sinundan na lamang namin ito ng tingin.
"Ano masaya na ba kayo? Ano pang ginagawa niyo dito?" masungit na tanong samin ni Mike. Pinag-iinit na naman ng gagong ito ang ulo ko. Akala ba niya ay siya lang ang apektado sa mga patayang nangyayari sa lugar na ito? Bawat isa sa amin ay wala ng kasiguraduhan kung hanggang kailan na lang tatagal. Bawat araw na dumadaan ay hindi namin alam kung mabubuhay pa kami.
"Umalis na tayo dito," sabi ko kila Lucas habang kaya ko pang pigilan ang sarili ko. Baka mamaya ay hindi ko na matantiya sila Mike. Kanina pa siya nang-iinsulto eh. May gusto yata talagang mangyari ang gunggong.
"Mas mabuti pa nga na bumalik na tayo sa bahay-panuluyan, baka nag-aalala na satin ang mga babae," ani Lucas.
Humakbang na kami palayo at nilingon ko muna sila Mike na masama pa rin ang tingin sakin bago namin tuluyang nilisan ang lugar.
Habang naglalakad kami ay napag-usapan ulit namin ang nangyari kay Ma'am Klarissa.
"Nabawasan na ang mga guro, sino na naman kaya ang susunod?" tanong ni Lucas.
"Ano ka ba pare, wag ka ngang magsalita ng ganiyan. Ipanalangin natin na sana ay hindi na iyon masundan pa," sabi ni Bruno.
"Tama si Bruno, kung iisipin natin lagi ang takot, walang mangyayari satin. Dapat maging handa tayo sa lahat ng bagay at sa mga posibilidad na mangyayari," sabi ko. Hindi naman sila kumibo hanggang sa tuluyan na kaming nakabalik sa bahay-panuluyan.
Agad kaming sinalubong ng mga babae.
"Nabalitaan niyo na ba yung nangyari?" bungad samin ni Selena.
"Tungkol doon kay Ma'am Barromeo," dagdag ni Trinity.
"Oo alam namin at doon kami galing," sagot ko sa kanila. Napatitig naman sila samin habang namimilog ang mga mata. Si Jackie ay wala at natanaw kong nagsasaing ito ng kanin.
Ito lang ang may alam na pupuntahan namin si Ma'am Klarissa. Marahil ay hindi nito iyon nabanggit dito sa dalawa.
"Doon kayo nanggaling? Nakuha na ba ang bangkay niya?" tanong ni Selena.
"Kakakuha lang kanina ng guard bago kami umalis," sagot ni Bruno.
"Sino daw ang gumawa niyon?" tanong ni Trinity. Lahat kami ay nagkibit lang ng balikat.
"As usual hindi na naman alam kung sino ang gumawa niyon," walang buhay na sagot ko bago nahiga sa isang sulok. Inaantok pa ko at mukhang kailangan ko munang itulog ito.