Pauwi na si Klarissa at ginabi na siya sa Sahara. Marami kasi siyang inasikaso ngayong araw. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya. Kauuwi lang din ng nobyo niyang si Mike. Sinabi niya rito na huwag na siya nitong hintayin pang umuwi para makapagpahinga na ito.
Nasalubong niya ang guard ng school na nag-iikot.
"Ma'am Klarissa, ginagabi po yata kayo," anang guard sa kaniya.
"Oo nga ho eh. Madami lang inasikaso," sagot niya sa may katandaang lalaki. Nilagpasan na niya ito at nagpatuloy na siya sa paglalakad.
Nasa hallway siya ng Belmonte Hall at doon kasalukuyang naglalakad. Wala ng maraming tao sa Sahara dahil nga nagdidilim na. May dormitoryo din ang mga guro sa Sahara kaya doon sya pauwi ngayon para makapagpahinga na. Hindi naman iyon kalayuan sa mismong school.
Rinig na rinig ang bawat yapak niya dahil sa takong ng suot niyang sapatos.
Napahinto siya nang mapadaan sa isang silid mula sa Belmonte Hall, lumalakas kasi ang hangin at sumarado ang pintuan niyon. Walang tao sa classroom at sino kaya ang gurong nag-iwan ng silid na ito ng nakabukas?
Napailing siya at siya na mismo ang nagsara niyon para hindi na muling ihampas ng hangin. Nakakagulat pa naman ang tunog niyon dahil sa lakas.
Hahakbang na sana siya paalis nang biglang may nalaglag na gamit mula sa loob ng classroom. Napakunot ang noo niya at hindi niya alam kung ano ang nagtulak sa kaniya para bumalik siya doon at tingnan pa kung ano ang nalaglag.
Nakita niyang nalaglag ang flower vase na nakapatong sa ibabaw ng table. Nabasag ang vase.
Mas lalong kumunot ang noo niya dahil hindi naman dapat basta-basta malalaglag yun dahil lang sa hangin. Mabigat ang vase at babasagin pa ito.
Napatingin siya sa pisara at nanlaki ang mga mata niya dahil sa sulat na nakalagay doon.
IKAW NA ANG SUSUNOD.
Napaatras siya mula sa kinatatayuan niya. Sa hindi inaasahang pangyayari ay parang bumangga ang likod niya sa isang bulto ng tao.
"How are you Klarissa? The most pretty woman in Sahara! Handa ka na bang makita si kamatayan?"
Nakakakilabot ang tinig na iyon na narinig niya mula sa isang tao pero kilalang-kilala niya ang tinig na ito.
Ayaw niyang lumingon at natatakot siya lalo pa nang maramdaman niyang may patalim na nakatutok sa leeg niya.
"B-bakit mo ginagawa ito? Ikaw ang killer?" hirap niyang tanong. Tawa lamang ang narinig niya mula rito.
"Parehas lang naman tayong demonyo hindi ba? Mas matindi ka pa nga!"
Mas dumiin ang pagkakatutok nito ng patalim mula sa leeg niya kaya napapikit siya dahil sa sakit niyon. Tumulo ang pulang likido mula roon. Nakagat niya ang ibabang labi dahil nasugatan na siya ng killer.
"Masarap bang maging pinakamagandang babae sa Sahara? Paano kaya kung iparanas ko naman sayo ang maging pangit?"
Humalakhak ang killer. Kinabahan siya sa sinabi nito. Ano mang oras ay alam niyang mawawala na siya sa mundo. Hawak na nito ang buhay niya at isang iglap lang ay tiyak na kikitilin na nito iyon.
"M-maawa ka sakin. Wag mo akong patayin!" pagmamakaawa niya. Nanginginig na ang mga tuhod niya at walang humpay sa pagpatak ang dugo na nagmumula sa leeg niya.
"Maawa? Nagkaroon ka rin ba ng awa sa sarili mo sa mga kawalangyaang ginawa mo? Wala kang puwang sa mundo! Dapat sayo ay pinapatay!"
Inambaan siya nito ng saksak pero bigla ay hindi nito itinuloy iyon. Nakapikit na siya at handa niyang damhin ang pait ng kamatayan niya pero tumawa lamang ang killer. Pinaglalaruan siya nito.
"Relax ka lang Klarissa. Maglalaro muna tayo," sabi nito at kinaladkad siya palabas ng classroom.
Walang katao-tao bukod sa guard ng school na pinasadahan lang siya ng tingin.
"Kuya tulungan mo ko! Tulungan mo ko!" sunod-sunod na sabi niya pero tila walang narinig ang guard ng school nila. Hindi man lang siya nito pinansin o tinulungan. Malinaw na kasabwat ito at walang pakiealam sa mga nangyayari. Tumawa ang killer habang kinakaladkad siya nito sa kung saan.
"Akala mo ba ay tutulungan ka nila? Hindi ka nila pwedeng tulungan dahil kapag ginawa nila iyon, mas masakit ang sasapitin nila!" anang killer at patuloy ito sa pagkaladkad sa kaniya.
Pinilit niyang sumigaw ngunit sa kasamaang palad ay wala talagang katao-tao sa Sahara. Oras na kasi ng pahinga at wala ng naiwan dito.
Kailangan na yata niyang tanggapin na mamamatay na siya ngayon sa kamay ng killer.
Hindi niya magawang magpumiglas dahil nanghihina na siya sa dami ng dugong nawala sa kaniya. Patuloy pa rin ang killer sa pagkaladkad at mas lalo iyong nagpapahirap sa kaniya.
Nakarating sila sa likod ng isang sira-sirang classroom. Doon ay binitawan siya nito kaya napasubsob siya sa lupa.
"Diyan ka nababagay!" sabi nito sa kaniya.
Kahit hirap na hirap siya ay pinilit niya pa ring lumingon dito.
"Bakit mo ba ginagawa ito? Tama na!" umiiyak niyang sabi. Gusto pa niyang mabuhay. Ayaw pa niyang mamatay.
"Tama na? Hindi pa nga ako nag-uumpisa Klarissa!" sabi nito at tumingin sa mga kahoy.
Nagsimula nitong pulutin ang mga kahoy at inipon nito ang mga iyon. Pagkatapos ay naglabas ito ng posporo at pinagliyad nito ang mga kahoy.
Pinapanood niya ito kahit na punong-puno na siya ng takot.
"Lahat kami ay niloko mo! Masama ka palang tao! Wala kang puso!" sabi niya sa killer pero nagalit ito at nilapitan siya. Sinakal siya nito kahit puro dugo pa ang leeg niya.
"Manahimik ka!" nanlilisik ang mga mata na sabi nito sa kaniya.
Pinilit niyang kumawala sa pagkakasakal pero masyado itong malakas at siya naman ay nanghihina na.
Dinuraan niya ito sa mukha dahilan para mas lalong magliyab ang galit nito sa kaniya.
Kumuha ito ng tinidor at nakita niyang inilagay nito iyon sa apoy at pagkatapos ay pinainit ng husto.
Sunod-sunod ang pag-iling niya nang matapos nitong painitin iyon at inilapit nito sa kaniya ang mainit na tinidor.
Idinikit nito iyon sa pisngi niya kaya naman napapikit siya sa sobrang sakit. Umalingawngaw ang sigaw niya sa lugar na iyon.
Hindi pa nasiyahan ang killer at sa kabilang pisngi niya naman idinikit ang tinidor.
Muli siyang napasigaw habang umiiyak.
"Ta— tama na..." hirap na hirap niyang sabi.
Pero tila walang naririnig ang killer at paulit-ulit siya nitong pinaso sa leeg at katawan.
Puro daing at sigaw ang tanging naging tugon niya. Tila mas gusto na lang niyang mamatay kaysa damhin ang lahat ng pasakit na ginagawa nito sa kaniya ngayon. Hindi niya akalain na ganito pala ito kasama.
Pinilit niyang lumaban at buong pwersa niya itong itinulak. Nabitawan siya nito at ito naman ang natumba.
"Akala mo ba ay makakatakas ka pa ng buhay dito? Baka nakakalimutan mong marami na ang nailigpit ko sa lugar na ito at ikaw na ang susunod!"
Muli siyang sinugod ng killer matapos nitong sabihin ang mga katagang iyon sa kaniya.
Oo nga at marami na itong nailigpit na buhay. Hindi niya akalain na ito ang gumagawa ng mga krimen sa Sahara. Alam niyang may kasalanan din siya sa taong ito pero hindi niya inaasahan ang lahat ng ito.
Wala sa hinagap nya na ito pala ang pumapatay. Ang dami ng buhay ang naibuwis at ngayon pati siya ay malapit ng mamaalam.
"Pinagsisisihan ko na ang nagawa ko! Tama na!" sigaw niya sa umiiyak na tinig. Ramdam na ramdam niya ang hapdi ng mukha niya. Nanunuot ang sakit sa buong kalamnan niya.
"Hindi pa ko tapos Klarissa," anang killer at muli siya nitong nilapitan.
Pilit siyang umaatras habang nakasaldak siya sa lupa.
"T-tama na!" sunod-sunod niyang usal. Puro lupa na ang suot niya maging ang binti niya ay puro lupa na din.
"Hindi na magtatagumpay sa ginagawa mo. Dadating ang araw na masusugpo din nila lahat ng kasamaan mo!" sigaw niya. Tila wala itong naririnig at parang baliw lang na nakatawa at umiiling-iling.
Maya-maya ay biglaan na lang itong umiyak sa galit.
Tila ito nagluluksa at naghihinagpis.
Nakatingin lamang siya dito dahil tila nagbago ang eskpresyon ng mukha nito. Bigla ay hindi ito mapakali at hindi na alam ang gagawin.
Hawak nito ang sariling buhok at sinasabunutan nito iyon habang nag-iisip. Hindi niya alam kung ano ang nasa saloob nito.
Naupo ito sa lupa at parang bata na nagtatarang ito roon habang sabu-sabunot ang sariling buhok.
"Oo maglalaro tatayo. Mamaya na! Mamaya na!" sabi nito habang paulit-ulit na tumatango kahit wala naman itong kausap.
Sinamantala niya ang pagkakataon habang wala ito sa sarili. Unti-unti siyang umuusad paatras habang salita ng salita mag-isa ang killer.
"Maglalaro tayo bahay-bahayan. Ako ang magulang ikaw ang anak ko, masaya tayo, masaya!" sabi ng killer at tumawa ito ng tumawa.
Nanghilakbot siya dahil sa nakikita niya ngayon. Naapektuhan ba ang utak nito dahil sa nangyari noon?
Nabaliw ito?
"Pero mamaya na pala tayo laro ha? Kami muna ni Klarissa!"
Biglang lumingon sa kaniya ang killer at nanlilisik ang mga mata nitong sumugod muli sa kaniya. Kahit hirap man ay pinilit niyang tumayo at nagtatakbo pero naabutan pa rin siya nito dahil mas malakas ito sa kaniya. Hinablot siya nito sa buhok.
"Saan ka pupunta? Tatakas ka pa ha!" anito sa kaniya habang sabu-sabunot ang buhok niya.
Mariin siyang pumikit at nilabanan ito pero sadyang malakas talaga ito. Napaubo na lang siya nang bigla siya nitong sikmuraan gamit ang tuhod nito.
"Makulit ka talagang babae ka!" sabi nito sa galit na tinig at kinaladkad siya nito patungo sa nagbabagang mga kahoy.
Nanlaki ang mga mata niya.
"Aaaahhhh!"
Iyon na yata ang pinakamalakas na sigaw niya dahil isinubsob siya nito sa nagbabagang kahoy.
Ramdam na ramdam niya ang sakit pero sadyang malupit sa kaniya ang tadhana dahil buhay pa rin siya.
"Patayin mo na ko! Patayin mo na ko!" nagmamakaawang sambit niya sa killer. Mas idiniin nito ang pagkakasubsob ng mukha niya sa nagbabagang mga kahoy. Nanginig ang buong kalamnan niya pati na rin ang mga tuhod niya.
Buhay pa siya at ang saklap ng dinanas niya. Mas gugustuhin na lang niyang mamatay agad pero pinahihirapan pa siya nito. Ayaw pa rin siya nitong tigilan.
Kumawala siya dito at nakawala naman siya, malikot ang mga matang naghanap siya ng mga bagay sa paligid. May nakita siyang matulis na kahoy. Kahit uusad-usad siya ay pinilit niyang abutin iyon para kuhanin.
Naabot niya ang kahoy at pinapanood lang siya ng killer.
Ang akala siguro nito ay gagamitin niya ang kahoy na iyon para ipangpatay sa killer pero mali ito.
Walang minuto nang itusok niya sa sariling katawan ang kahoy. Nilakasan niya ang pwersa kaya naman tumagos iyon sa likod niya.
Napaluhod siya habang lumalabas sa bibig niya ang dugo.
Unti-unting lumabo ang paningin niya hanggang sa tuluyan ng nagdilim ang paningin niya.