*SELENA’S POV*
6 PM na pero hindi pa din kami umuuwi sa bahay-panuluyan. Wala pa kasi sila Val, Lucas at Stanley. Kasalukuyan kaming naghihintay ngayon dito sa tapat ng guidance office kug saan may waiting shed.
“Nag-aalala na ako sa tatlong iyon ah, bakit hanggang ngayon wala pa din sila? Nagdidilim na oh,” nag-aalalang sabi ni Jackie habang katabi nito ang tulala pa din na si Elisha.
Kanina pa balisa at hindi mapakali si Jackie simula nang tumuntong ang alas-singko tapos wala pa din sila Stanley.
“Parating na ang mga iyon,” sagot ko naman upang palakasin ang loob nila. Ayokong dagdagan pa kung ano man ang iniisip nila ngayon. Puro negatibo na lang ang nangyayari.
“Halos buong araw na silang hindi pumasok sa klase kanina. Nakita nyo ba yung tingin ni Mrs.Elizcupidez kanina? May kakaiba sa mga tingin nya lalo na nang mapansin nya na bakante ang tatlong upuan kung saan ang upuan ng tatlong kulokoy na iyon,” sabi ni Trinity. Nakatayo ito at nakahalukipkip habang pinagmamasdan ang mangilang-ngilang estudyante na natitira dito sa Sahara. Halos paubos na ang tao dahil nagdidilim na, sana ay dumating na sila Stanley. Totoo ang sinabi ni Trinity, totoong may kakaiba nga sa tingin ni Mrs. Elizcupidez kanina at napansin ko din iyon, sa totoo lang tumaas ang balahibo ko sa kanya kanina. Bakit ba kasi ang weird nila? Bakit hindi na lang nila sabihin ang totoo? Bakit hindi na lang nila kami hayaang makaalis na dito? Nasa ganoon akong pag-iisip nang biglang dumating ang tatlong lalaking kanina pa naming hinihintay.
Napatayo si Jackie sa kinauupuan nito nang makita nito si Stanley kasama si Lucas at Val. Kitang-kita ko kung paano nabuhayan ng kulay ang mukha nya mula sa labis na pag-aalala kanina. Kahit hindi man nya aminin alam kong may pagtingin sya kay Stanley. Hindi lang nya pinapahalata dahil mas madalas na aso’t pusa ang mga ito. Ramdam ko sa mga tingin nya kay Stan na hindi lang basta kaibigan ang turing nya dito, well hindi ko naman sya papakialaman sa bagay na iyon. Wala namang masama sa magmahal.
“Salamat naman at nakauwi na kayo, saang lupalop ba kayo ng Sahara napadpad at inabot kayo ng ganitong oras?” sabi ni Trinity pagkalapit nila Lucas samin.
Tila ba pagod na pagod at hapong-hapo ang mga ito. Ang suot na uniporme ng mga ito ay puro dumi.
“Bakit ang dungis nyo? Daig nyo pa ang batang naglaro buong araw sa lansangan,” puna din ni Jackie sa mga ito.
“Oo nga bakit ganyan ang itsura nyo?” hindi na rin ako nakapagpigil habang sinusuri ng tingin ang tatlo.
Napakamot naman sa batok si Lucas.
“Sumideline kasi kami bilang construction worker,” sagot ni Lucas. Lahat kami ay napakunot ang noo dahil sa sinabi ni Lucas.
Si Stanley at Val naman ay iiling-iling lang habang pinupunusan ng maruming damit nila ang mukha nila. Literal na parang batang mga yagit talaga sila ngayon.
“Seryoso ka ba dyan Lucas?!” nanlalaki ang mga matang tanong ni Trinity.
“Sus! Nagpapaniwala kayo sa gunggong na yan!” si Stanley ang sumagot. Tumawa lang si Val samin.
“Syempre joke lang yun, madami kaming ginawa buong araw kaya ganito ang itsura naming. Isa na doon ang paghahanap sa bangkay ni---“
Bago pa man ituloy ni Lucas ang sinasabi nya ay pinandilatan na sya ng mata ni Jackie. Natigilan naman agad si Lucas at na-gets nito ang ibig ipahiwatig ni Jackie. Hindi pa kasi naming nasasabi kay Elisha na wala na si Klint. Akala ko ay kaya kong gawin iyon at madadalian lang ako pero hindi pala. Sa nakikita kong sitwasyon ngayon ni Elisha ay baka mas lalong lumala ang pinagdadaanan nya kapag nalaman nyang patay na ang nobyo nya. Hahanap siguro muna ako ng tiyempo para masabi ko yon sa kanya at makausap ko sya tungkol doon. Sa ngayon ay hindi pa ito ang tamang panahaon para malaman ni Elisha ang tungkol sa pagkamatay ng boyfriend nya. Naaawa ako kay Elisha at halos lahat kami ay nagluluksa at nagdaramdam dahil sa pagkamatay ni Klint. Ang tanging magagawa na lang namin ay hanapin at pagbayarin kung sino ang gumawa niyon sa kanya.
“Umuwi na tayo at nagdidilim na, sa bahay-panuluyan na natin ituloy ang pag-uusap,” suhestiyon ni Trinity. Lahat kami ay sumang-ayon sa kanya kaya naman naglakad na kami pauwi sa dormitoryo.
Pagdating namin doon ay maingay at buhay na buhay ang bahay. Tila may nagkakasiyahan. Nadatnan namin sila Bruno na nagkakantahan kasama ang iba pa nitong kaibigan na sila Mike at Jerron. Si Hunt ay wala at malamang na nagpapahinga na siguro ito. Natigilan sila Jerron pagkakita samin, natigilan din ako nang makita ko na katabi ni Mike ang ex-girlfriend ni Lucas na si Xyla. Pasimple kong nilingon si Lucas mula sa gilid ko. Kita ko ang pagpipigil nya nang malalalim na paghinga pero humakbang na din agad sya patungo sa itaas kung saan naroon ang silid namin.
Nilagpasan lang nito sila Mike. Tiningnan ko si Xyla at hinabol lang nya ng tingin si Lucas. Xyla cheated on him, kaya alam kong masakit para kay Lucas na kasama din namin sa lugar na ito ang mga taong nagtaksil sa kanya, pero lagi naman sinasabi ni Lucas samin na nakamove-on na sya. Si Jackie ay inihatid na din si Elisha sa itaas, kasunod niyon si Stanley.
“Anong meron bakit kayo nagkakantahan? Gabi na ang lalakas pa ng boses ninyo,” sermon ni Trinity sa mga ito. Sa lahat samin ay si Trinity lang ang pinaka-close sa kanila dahil nga pinsan nito si Mike.
“Ang sungit mo naman my pretty couz,” nakangiting sabi ni Mike. Umirap lamang si Trinity.
“Nakakabulahaw kasi kayo ng mga estudyante dito sa dormitory, hello hindi lang po kaya kayo a ng taio dito,” sarkastikong sabi ni Trinity.
“Fine fine! Tatahimik na nga eh,” pagsuko ni Mike at tumingin kay Bruno. Ngumisi naman si Bruno at nag-peace-sign kay Trinity sabay baba sa gitarang bitbit nito. Napalunok ako nang bumaling ng tingin sakin si Bruno.
“Hi my Treasure!” bati nya sakin at kumindat. Palagi na lang nitong ginagawa ang bagay na iyon at hindi ko alam kung bakit naiilang pa din ako sa kanya kahit na araw-araw naman kaming nagkikita.
“Bakit ginabi yata kayo? Nahanap nyo na ba si Klint?” tanong naman ni Jerron. Pati ang mga ito ay wala pa ding alam sa pagkamatay ni Klint. Umiling na lang kami sa kanya bilang sagot.
“May mga inasikaso lang kami kaya kami ginabi, anyway have a good night. Mauna na kami sa silid namin. Sana wag na kayong maingay,” paalam ni Trinity sa mga ito. Sumunod na kami sa kanya ni Val nang pumanhik sya sa hagdanan.
“Yes my pretty couz!”
Rinig ko pang sagot ni Mike bago kami tuluyang pumasok sa silid namin.