*Bruno's POV*
Hindi ako kumukurap habang nakasilip kami nila Lucas dito sa likod ng classroom namin.
Shit!
Walang kalaban-laban nang patayin ni Mrs. Lily ang isa kaklase namin na si Jean. Lahat kami ay shocked sa napanood namin. Tila laro lang kay Mrs. Lily ang lahat ng nangyayari. Wala itong pakielam na kumitil ng buhay. Sa harapan pa mismo ng mga estudyante at ng gurong si Ms. Marina Cortez. Wala man lang nagawa si Ms. Marina. Ganoon ba ito kahina? Guro nga ito pero tila sunud-sunuran lang ito sa lahat ng nangyayari. Hindi ako makapaniwala.
Sigurado ako na nanginginig na sa takot ang mga kaklase namin matapos masaksihan ng mga ito ang pagpatay na ginawa ni Mrs. Lily kay Jean.
"Sumosobra na talaga siya. Wala na siyang pakiealam. Basta-basta na lang siya pumapatay," sabi ni Lucas mula sa likuran ko. Maingat ang ginawa naming pagtatago para walang makahalata samin.
"Oo nga, wala man lang ginawa si Ms. Marina. Halatang takot na takot ito kay Mrs. Lily. Ibig sabihin ay alam talaga ng mga guro dito kung sino ang killer matagal na. Hindi lang nila iyon sinasabi sa atin. Ano kayang dahilan nila? Wala ba silang pamilya? Hindi ba sila nakukunsensya kaya hinahayaan lang nila si Mrs. Lily sa pagpatay na ginagawa nito?" nanginginig sa takot na sabi ni Jackie.
Si Trinity ay napansin kong takot na takot din. Nasaksihan namin ang ginawang pagpatay kay Jean kanina. Kahit ako nga ay biglang nanginig ang mga tuhod.
"Tangina! Dapat siya ang mamatay para matapos na ang lahat ng ito!" galit na sabi ni Lucas sa gilid ko.
"Shh wag kang maingay baka may makadinig satin!" suway dito ni Xyla.
"Nakakainis lang kasi. Nag-iisa lang ang matandang iyon pero ang lakas-lakas niya. Nagbubulag-bulagan ang mga guro dito. Wala man lang silang ginagawa!" ani Lucas. Naiintindihan ko ang galit na nararamdaman niya. Nakakapagod at nakakaubos ng pasensiya ang mga nangyayari. Namatayan na naman kami ng isang kasama at si Stanley iyon. Hindi ko akalain na sa isang iglap lang ay mawawala na rin samin si Stanley. Tunay itong kaibigan. Hindi nito iniwanan si Valorous. Binalikan nito si Val para lang iligtas at tulungan, at dahil sa pagbalik niyang iyon para iligtas si Val ay siya tuloy ang nagbuwis ng buhay. Kahit sa maiksing panahon lang na nakasama ko si Stanley ay naramdaman ko ang pagiging tunay niyang kaibigan. Napakaswerte ng mga kaibigan niya at alam kong isa na ako doon dahil naging kaibigan ko din sila. Sa gitna ng panganib ay hindi iniwanan ni Stanley si Val. Hanga ako sa tapang niya at lakas ng loob. Kung nasaan man siya ngayon, sana ay masaya na siya. Alam kong matindi rin ang pagod na pinagdaanan niya dahil sa mga nangyari.
"Anong gagawin natin ngayon?" tanong ni Trinity.
"Ano pa? Dapat ng patayin natin si Mrs. Lily!" ani Lucas at tumayo ito pero agad itong hinila ni Selena.
"Ano ka ba Lucas? Kumalma ka nga, hindi tayo pwedeng magpadalos-dalos ng desisyon! Mahirap na. Marami na ang namatay!" ani Selena. Puno ng pag-aalala ang mga mata nito habang nakatingin kay Lucas.
"Iyon na nga Selena eh! Ang dami ng nagbuwis ng buhay kaya dapat ay tapusin na rin natin ang buhay ng Mrs. Lily na iyon. Sobra na ang kasamaan niya! Sagad na sa buto. Wala tayong kasalanan sa kaniya!"
Napalakas ang boses ni Lucas dahil sa sobrang sama ng loob. Isa si Stanley sa pinakamalapit sa kaniya kaya siguro bigla na lang ganito si Lucas ngayon. Gustong-gusto niyang mapatay agad si Mrs. Lily.
Tinapik ko ang likod ni Lucas.
"Lucas, tama si Selena. Hindi tayo pwedeng magpadalos-dalos. Kailangan nating mag-ingat. Naiintindihan ko ang sakit na nararamdaman mo. Lahat naman tayo ay nawalan ng kaibigan. Matatapos din ang lahat ng ito," pagpapalakas loob ko sa kaniya. Napayuko si Lucas at nakita kong pumatak ang luha sa mga mata niya. Sinuntok-suntok niya ang lupa. Pinigilan ko siya at niyakap naman siya ni Selena.
"Lucas tama na," umiiyak din na sabi ni Selena. Naiyak na rin tuloy ang dalawa pang babae na kasama namin. Kahit ako ay naiiyak na rin pero pinigilan ko lang. Hindi namin alam kung hanggang kailan na lang kami sa mundo. Hangga't hindi namin naiisahan si Mrs. Lily ay hindi matatapos ang lahat ng patayang nangyayari sa Sahara.
Nagulat kami nang biglang tumayo si Lucas at sinugod nito si Ms. Marina Cortez sa loob ng classroom. Wala akong nagawa kundi ang sundan si Lucas dahil ang ibang mga kasama namin ay hindi pwedeng lumabas at nagtatago ang mga ito. Mas mabuting ako na lang ang pumigil kay Lucas.
Padabog na sinipa ni Lucas ang pintuan ng classroom at gulat na gulat naman si Ms. Cortez pagkakita samin. Maging ang mga kaklase namin ay gulat na gulat din. Masama ang tingin ni Lucas kay Ms. Cortez.
"L-lucas?" tawag ni Ms. Cortez sa pangalan ni Lucas. Namumula pa ang mga mata ni Lucas dahil sa pag-iyak nito kanina. Maya-maya ay nagulat na lang ako dahil biglang dinuro ni Lucas si Ms. Cortez.
"Ikaw, wala kang kwentang guro!" galit na sabi ni Lucas kay Ms. Cortez. Nagulat si Ms. Cortez pati mga kaklase namin. Ako rin ay nagulat dahil sa inasal ni Lucas.
Galit na galit ito at tila nag-aapoy sa galit habang nakatingin kay Ms. Cortez.
"Lucas tama na!" awat ko sa kaniya pero hindi siya nagpaawat sakin.
"Ano bang sinasabi mo Lucas. Baki ganiyan ang inaasal mo?" tanong ni Ms. Cortez.
"Wala kang kwenta! Okay lang sayo yon ha?! Okay lang sa inyo na pumapatay si Mrs. Lily? Okay lang sayo? Anong klaseng tao ka? Wala ka bang pamilya? Ni hindi mo man lang siya pinigilan sa ginawa niya kanina. Napakademonyo ninyo! Wala kayong kunsensiya!" galit na sabi ni Lucas. Napatulala si Ms. Cortez at halatang shocked ito sa sinabi ni Lucas.
"Lucas tama na!"
Pilit ko pa ring pinipigilan si Lucas.
Si Ms. Cortez ay biglang natahimik at napayuko. Ilang sandali ay nag-angat ito ng mukha. Nabasa ko roon na parang nakukunsensiya ito. Hindi ko alam kung napansin iyon ni Lucas. Basta may nababasa akong kalungkutan sa mga mata ni Ms. Cortez.
"Wala kang alam Lucas," mahinang sagot ni Ms. Cortez kay Lucas.
"Anong walang alam? Malinaw na kasabwat kayo sa lahat ng nangyayari. Malinaw na noon niyo pa alam kung sino ang killer pero hindi niyo sinabi samin. Pinaglalaruan niyo kami! Pwes ako hindi ako natatakot sa kaniya, kahit patayin niya ako poprotektahan ko ang mga kaibigan ko. Hindi katulad mo! Wala kang ginawa dahil masama kang tao!" bulyaw ni Lucas kay Ms. Cortez. Napayuko si Ms. Cortez at nakita kong pinipigil nito ang emosyon.
"Hindi mo alam ang sinasabi mo," ani Ms. Cortez.
Lahat ay nakatingin kay Lucas at kay Ms. Cortez. Walang kumikibo at halatang gulat na gulat ang lahat. Hindi ko mapigilan si Lucas, kahit anong hila ko sa kaniya para pigilan siya ay iwinawaksi lang niya ako. Galit na galit siya at hindi mapigilan.
"Umalis ka na Lucas," utos ni Ms. Cortez. Pinilit nitong kalmahin ang sarili.
"Wala kang kwentang tao! Sana mamatayan ka rin ng mahal sa buhay para tubuan ka ng kunsensiya!" ulit pa ni Lucas. Itinuro ni Ms. Cortez ang pintuan kay Lucas.
"Umalis ka na!"
Tumaas na ang tinig nito kaya naman buong pwersa ko ng hinila si Lucas palayo sa room na iyon. Nahila ko naman si Lucas at bumalik kami sa mga kasama naming nagtatago lang. Alam kong napanood din nila ang ginawa ni Lucas.
"Hindi mo dapat ginawa iyon Lucas. Hindi naman si Ms. Cortez ang killer," sabi ko sa kaniya.
"Bakit hindi? Oo nga at hindi siya ang killer pero wala man lang siyang ginawa para pigilan si Mrs. Lily. Ngayon sabihin mo sakin kung anong klaseng tao siya?"
Hindi ako nakakibo si sinabi ni Lucas. Napabuntong-hininga na lamang ako. Baka may dahilan si Ms. Cortez. Baka natatakot lang din ito dahil alam nitong maraming kayang gawin si Mrs. Lily. Basta sa nakikita ko ay parang hindi rin naman gusto ni Ms. Cortez ang mga nangyayari. Wala lang din itong magawa.