*SELENA's POV*
Agad naming pinuntahan si Mrs. Lily at naabutan namin ito sa ibaba kausap ang ibang mga estudyante. Nagbibigay na naman ito ng mga relief goods sa mga kasama namin dito sa bahay panuluyan.
Hindi ako magtataka kung bakit ganoon na lang siya kamahal ng mga estudyante dito sa lugar. Siya lang kasi ang tumutulong para makasurvive kami sa gutom. Nakakalungkot lang isipin na namatay ang anak niyang si Lisa, kaya siguro ganoon na lang ito kung tumulong sa mga nangangailangan ay dahil nga nawalan ito ng anak.
Hinintay muna namin na maubos niya sa pamimigay ang laman ng malaming bayong na hawak niya bago namin siya kinausap.
"Mrs. Lily!" tawag ni Lucas dito. Si Lucas ang unang lumapit sa kaniya.
"Oh hijo, hindi ka pa ba nabigyan?" tanong nito kay Lucas.
"Mrs. Lily pwede ka po ba naming makausap?" tanong ni Lucas. Natigilan si Mrs. Lily at halatang nagtaka ito kung bakit gusto namin siyang makausap. Pero kapagkuwan ay bigla rin naman itong tumango sa amin.
"Sige. Tungkol saan ba ito?"
"Tungkol po kay Lisa."
Biglang natigilan si Mrs. Lily at bumakas ang kalungkutan sa mga mata niya dahil sa pagkakabanggit ni Lucas sa pangalan ng anak nitong namatay na.
"P-pasensya na po Mrs. Lily pero marami po kaming katanungan," sabi ni Lucas.
"Kailangan po talaga namin kayong makausap. Malaki po ang maitutulong ninyo sa amin kung sakaling paunlakan niyo kami," sabi naman ni Stanley.
Isa-isa kaming tiningnan ni Mrs. Lily at kapagkuwan ay tumango siya sa amin.
"Oo naman, halika doon tayo sa terasa sa labas," sabi nito.
Sumunod kami sa kaniya sa malaking terasa ng bahay-panuluyan na gawa rin sa kahoy. Nakapalibot ang naglalakihang mga puno kung kaya't malamig ang paligid dito.
Naupo kami sa lumang mga upuan na naroroon. Naupo rin si Mrs. Lily.
"Bakit ninyo kilala si Maria Lisa?" tanong ni Mrs. Lily samin.
Maria Lisa pala ang buong pangalan ng anak nito.
"Nagpapakita po siya sa mga kasama namin," sagot naman ni Lucas.
Nakasalamin sa mata si Mrs. Lily. Tinanggal niya muna sandali iyon at pinunasan bago nagpatuloy.
"Ilang buwan pa lang nakalilipas buhat nang mamatay si Maria Lisa kaya ayoko sanang pag-usapan ang tungkol sa kaniya dahil sariwa pa ang sugat. Pero mukhang seryoso kayo sa kung ano man ang nais ninyong malaman kaya sasagutin ko ang lahat ng katanungan ninyo," sabi ni Mrs. Lily.
"Maraming salamat po sa pagpapaunlak!" sabi ni Lucas at pinagsiklop ang mga palad nito bago nagsimulang magtanong.
"Totoo po ba na ginahasa siya at pinatay?" panimula ni Lucas. Mapait na tumango si Mrs. Lily samin.
"Nag-iisang anak ko lang si Maria Lisa kaya't ganoon na lamang kasakit para sa akin ang pagkawala niya. Ginahasa siya at pinatay ng kung sino mang walang puso at kaluluwa!" umalsa ang boses nito kaya naman nagulat kami sa kaniya pero naiintindihan namin siya. Biglang magulang ay napakasakit niyon para sa kaniya lalo pa at nag-iisang anak lang pala niya ito.
"Hindi pa rin ho nahuhuli ang pumatay sa kaniya hanggang ngayon?" tanong ni Trinity. Umiling naman si Mrs. Lily.
"Hindi pa rin. Hanggang ngayon ay malaya pa rin siya. Malaya pa rin ang demonyong gumawa niyon sa anak ko!"
Naging emosyonal na si Mrs. Lily dahil sa pagkakaungkat namin ng tungkol kay Maria Lisa.
"S-sa tingin niyo ho, sino po kaya ang gumawa niyon sa kaniya? Hindi po kaya ang dating nobyo niya?" tanong ni Bruno.
Tumingin si Mrs. Lily kay Bruno pero hindi naman ito nagsalita.
"Yung tungkol po sa mga patayang nagaganap dito sa Sahara, posible po kayang ang pumatay din kay Maria Lisa ang gumagawa niyon dito?" tanong ni Jackie.
"Hindi ko masasagot ang katanungan ninyo dahil wala rin naman akong ebidensya," sabi ni Mrs. Lily.
"Hindi niyo rin po ba alam kung bakit hindi tayo makaalis sa lugar na ito? Pero hindi ba't kayo po ang principal dito?" tanong ni Stanley.
Lumungkot ang mukha ni Mrs. Lily. Sunod-sunod lang ang pag-iling nito.
"Isa 'yan sa dahilan kung bakit palagi kong sinisisi ang sarili ko dahil wala akong magawa. Matagal na rin akong nagtitiis sa takot. Natatakot ako para sa mga estudyanteng naririto na baka isang araw maubos na lang kayong lahat. Pero lahat tayo ay biktima dito, maging ako ay hindi ko alam kung hanggang kailan na lang ako mabubuhay sa lugar na ito," sabi ni Mrs. Lily. Nahabag kami sa kaniya at naawa.
"Kailangan na po nating mapigilan ang mga patayang nangyayari dito Mrs. Lily. Lahat tayo maging kayo po ay takot din sa pwede niyang gawin. Siguradong wala siyang pipiliin sa mga pinapatay niya, kaya siguro ayaw din magsalita ng ibang guro dito ay dahil natatakot din sila sa pwedeng mangyari kapag nagsalita sila," sabi ni Lucas.
"Paano natin mapipigilan ito kung hindi natin kilala kung sino ang killer? Wala pa rin tayong makuhang malinaw na impormasyon patungkol sa kaniya," ani Stanley.
"Magaling ang killer. Alam niya ang ginagawa niya. Malinis siyang tumrabaho at kontrolado niya maging ang mga tauhan dito," sabi ni Val.
"Anong pwede nating gawin?" tanong ni Trinity.
"Kailangan muna nating mahanap ang unang target natin," sabi ni Stanley.
"Sino?" naguguluhang tanong ni Jackie.
"Ang ex ni Maria Lisa na si Harold," sagot ni Stanley. Nagkatinginan kaming lahat at ganoon din si Mrs. Lily.
"Salamat sa inyo dahil makakatulong iyan para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko. Nawawala si Harold buhat noong mangyari ang krimen kay Maria Lisa," sabi ni Mrs. Lily.
"P-po? Ibig sabihin ay guilty siya?" tanong ni Jackie. Tumango si Mrs. Lily.
"Kung wala siyang tinatago ay hindi dapat siya magtago," sagot nito.
"Tama si Mrs. Lily. Pero paano natin mahahanap si Harold kung magtatago din siya sa atin? Napakaluwag ng Sahara, mahihirapan tayong hanapin ang taong ayaw naman magpakita," sabi ni Bruno.
"Kaya natin ito basta magtutulungan lang tayong lahat," si Trinity.
"Oo nga, walang imposible. Mamaya ay magtanong-tanong na tayo sa ibang mga estudyante na nakakakilala kay Harold," wika ni Lucas.
"Simulan natin sa kung saan section siya pumapasok noon," sabi ko. Makakatulong iyon para makausap namin ang dating mga naging kaklase ni Harold.
"Tama!" sang-ayon ni Bruno.
Maya-maya ay lumabas sila Mike at Jerron.
"Wow, mukhang may meeting kayo with Mrs. Lily huh?" nakangising sabi ni Jerron sa amin.
Tumingin ito kay Jackie at kumindat. Nakita ko na nakatingin naman si Stanley kay Jerron at ang sama ng tingin nito.
"Anong mayro’n?" tanong ni Mike at isa-isa kaming tiningnan.
"Pinag-uusapan lang namin ang tungkol sa pagkamatay ni Lisa," sagot ni Trinity. Natigilan si Mike at kumunot ang noo nito.
"Sino naman si Lisa?" tanong nito sa amin.
"Iyong anak ni Mrs. Lily na ginahasa daw at pinatay," ani Jackie.
"Bakit ka ba sumasagot sa kanila eh hindi naman ikaw ang kinakausap nila?" pagsusuplado ni Stanley kay Jackie dahil sa pagsagot nito sa tanong ni Mike.
Hindi umimik si Jackie na tila nagtataka dahil sa init ng dugo ni Stanley kay Mike.
"Ah si Lisa, 'di ba maganda 'yon at sexy?" tanong ni Jerron sa amin. Nagulat kami dahil sa sinabi niya. Pasimple itong siniko ni Mike.
"Kilala mo si Lisa?" nagtatakang tanong namin sa kaniya.
"Sinong di makakakilala sa nag-iisang anak ni Mrs. Lily Valdez. Ang ganda kaya nun, 'di ba Ma'am?" nakangising sabi ni Jerron kay Mrs. Lily. Hindi naman umimik si Mrs. Lily at nagpaalam na ito sa amin na may aasikasuhin pa daw ito sa office. Nagpasalamat kami sa kaniya bago siya umalis.
"Ay hindi man lang ako pinansin ni Mrs. Lily. Totoo naman na maganda talaga si Lisa, 'di ba Mike?" bumaling ng tingin si Jerron kay Mike. Nag-iwas naman ng tingin si Mike at umiling-iling.
"Kung maganda talaga siya eh bakit hindi ko yata siya kilala?" sabi ni Mike at umiling-iling. Ngumisi naman si Jerron at bumalik na sa loob.
"Bruno, sila na ba ang bagong ciecle of friends mo kaya ayaw mo ng sumasama sa amin?" tanong ni Mike na siyang naiwan. Tumingin si Bruno samin bago bumaling ng tingin kay Mike.
"Tinutulungan ko lang sila para matigil na rin ang mga nangyayari dito sa Sahara," sabi ni Bruno.
Tumawa ng pagak si Mike at nagtakip pa ito ng bibig.
"Ano ka superhero?" pang-aasar nito. Napailing na lamang si Bruno at hinayaan na lang si Mike dahil tumalikod na rin naman ito at pumasok na sa loob.
"Wala talagang magawang matino ang pinsan mo Trinity kung hindi ang mang-alaska," naiiling na sabi ni Bruno kay Trinity.
"Hindi ka pa ba nasanay do'n? Ang tagal-tagal mo na siyang kaibigan at kasama," sagot ni Trinity.
"Kailangan na nating pumunta sa Sahara, tanghali na pala," sabi ni Stanley.
"Oo nga pala kailangan pa nating hanapin si Harold. Let's go guys!"
Tumayo na si Lucas at niyaya kaming lahat na magtungo na sa Sahara para sa paghahanap namin sa unang taong pinaghihinalaan namin at si Harold iyon. Sumunod kaming lahat kay Lucas at maging si Bruno ay sumama ulit samin. Hinahayaan namin siya dahil mas maganda kung marami kami, isa pa ay ramdam ko na hindi naman masamang tao si Bruno, nagiging komportable na ako sa kaniya dahil nakakasama namin siya, kumpara kila Mike at Jerron.
Sinabayan akong maglakad ni Bruno habang sa kabilang gilid ko naman ay ang tahimik na si Val. Palagi na lang itong seryoso at parang ang lalim na naman ng iniisip nito. Hindi ko na lang siya kinausap. Si Jackie at Stanley ay nasa likod namin habang sila Lucas naman ay nauunang maglakad. Pupunta na naman kami sa Sahara at this time ay may suspect na kami.