CHAPTER 31

2043 Words
*LUCAS POV* "Aaaahhhh!" sigaw ko nang maramdaman ko na may matalim na bagay na dumaplis sa balat ko. Nauunang maglakad sakin ang dalawa, si Stanley at Valorous. Nilingon nila ako dahil sa biglaang pagsigaw ko. Madilim ang bawat daang tinatahak namin dahil gabi na dito sa Sahara at tiyak na kami na lang ang tao. "Anong nangyari sayo?" gulat na tanong sakin ni Stanley. Napahinto sila sa paglalakad. Hawak-hawak ko ang braso ko kung saan dumaplis ang isang matalim na bagay. Tiningnan ko ang kamay ko nang mapagtanto ko na tila basa iyon ng likido. Nanlaki ang mga mata ko dahil puro dugo ang kamay ko. "Anong nangyari? Bakit may dugo ka sa braso?" nagtatakang tanong ni Val. Tumingin ako sa bagay na nalaglag kanina matapos tumama iyon sa balat ko. Inilawan ko ng flashlight ang bagay na iyon at tumambad sa amin ang isang kutsilyo. Nagulat sila Stanley at napalingon sa paligid. "May balak pumatay sayo, Lucas!" ani Stanley kaya kinilabutan ako dahil sa sinabi niya. Hindi maipinta ang mukha ko dahil unti-unti ko ng nararamdaman ang hapdi habang nakahawak pa rin ako sa braso ko. Yumuko si Stanley at kinuha ang kutsilyo. "Halika, hanapin magpahinga muna tayo sandali," sabi sakin ni Stanley at inalalayan nila ako ni Val. "Narito sa Sahara ang killer. Narito siya ngayon. Hindi tayo pwedeng maghiwa-hiwalay. Hindi niya kayang gumalaw agad kapag magkakasama tayo, mahihirapan siyang umatake," bulong sakin ni Stanley. Tumango ako sa kaniya ganoon din si Val. "Mabuti pa ay gamutin muna natin ang sugat mo. Baka maubusan ka ng dugo," ani Val. "Okay lang ako. Mukhang daplis lang naman ito," sabi ko sa kanila. Nagpapasalamat ako dahil dumaplis lang sa balat ko ang kutsilyo. Mukhang sumablay ang pagkakatarget sa akin ng killer. "Siguradong nandito lang siya at nagmamasid sa paligid," sabi ni Stanley. Naupo kaming lahat sa ilalim ng punong narra. Inilawan ni Valorous ang braso ko at tumambad ang braso kong may hiwa. Medyo malalim din at malakas ang dugo niyon kaya naman pinunit ni Valorous ang panyo niya at itinali iyon sa braso ko. Napangiwi ako sa sakit lalo na nang higpitan niya iyon. "Kailangang mapigilan ang pagdurugo," sabi ni Val. Tumango lang ako sa kaniya. "Salamat," sabi ko. Sa mga oras na ito ay pakiramdam ko humiwalay na ang puso ko sa katawan ko. Paano ba naman eh sa isang iglap lang muntik na rin akong mamatay. Kakaiba ang killer na ito, bigla na lang siyang umaatake ng hindi namin alam. Inilinga ko ang paningin ko sa malawak na eskwelahan. Puro dilim lang ang nakikita ko. "Nasaan na kaya si Bruno? Ang tagal naman bumalik ng isang iyon," nagtatakang sabi ni Stanley. Nagpaalam lang samin si Bruno kanina na babalikan ang nalaglag nitong flashlight, ilang minuto na ngunit hindi pa rin ito bumabalik. "Baka may nangyari ng masama sa isang iyon ah? Ano kaya kung hanapin ko muna siya?" tanong ni Stanley. Agad naman akong kumapit sa braso niya sa isiping iiwanan niya kami. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong takot. "Oh bakit?" tanong sakin ni Stanley. "W-wag ka ng umalis," sabi ko sa kaniya. "Ako na lang ang hahanap kay Bruno," sabi naman ni Valorous. "Sigurado ka?" ani Stanley. Tumango lang si Val at tumayo na ito. Hinayaan na siya ni Stanley at si Stanley ang naiwan na kasama ko dito sa ilalim ng malaking puno ng narra. --- *VALOROUS POV* Malikot ang mga mata ko habang tinatahak ang bawat nilalakaran ko. Alam kong nandito lang siya. Alam kong nagmamasid lang siya sa bawat kilos at galaw namin. Sa bawat paghakbang ko, pakiramdam ko ay may mga matang nakakamatyag sa akin. Hindi ako natatakot sa kaniya at handa ako sa kung ano mang pwedeng mangyari. Napahinto ako sa paglalakad nang mapadaan ako sa clinic. Tila may narinig kasi akong mga yabag. Huminto lang ako pero hindi naman ako lumingon sa mismong clinic. Pinakiramdaman ko lang. Patuloy ang mga yabag pero hindi pa rin ako lumilingon. Ilang sandali bago ako muling lumakad pero may nagsalita sa likod ko. "Anong ginagawa mo dito sa oras ng gabi?" Nilingon ko kung sino ang nagsalita, yung guard ng school ang siyang nagsalita. Kunot-noo akong tumingin sa kaniya. Inilawan niya pa ang mukha ko ng flashlight. "Bumalik ka na sa Bahay-Panuluyan kung ayaw mong may mangyaring masama sayo dito. Hindi mo ba alam na delikado?" sabi niya pa sakin. Bakas sa tinig niya na mayroong pag-aalala doon kaya nagtaka ako. Parang bago kasi iyon sa akin. Lahat kami ay naiinis sa kaniya dahil sa ginagawa nilang pangingialam at pagtatapon sa mga bangkay ng ganun-ganun na lang, pero sa mga oras na ito ay pakiramdam ko ibang tao ang kausap ko. "Bakit ka nag-aalala?" tanong ko sa kaniya. Hindi siya nakasagot agad at nag-iwas ng tingin. "Umuwi ka na. Hindi magandang narito ka pa kahit gabi na. Teka, may mga kasama ka ba?" "Wala," mabilis kong sagot sa kaniya. Hindi niya pwedeng malaman na may mga kasama pa ako dahil tiyak ba babawalin niya kaming lahat. "Kung gayon ay umalis ka na rito," "Bakit?" "Anong bakit? Inuutusan kita dahil ako ang tagapagbantay dito," "Alam ko, at alam ko rin na kilala mo kung sino ang nasa likod ng mga patayang nagaganap dito," sabi ko sa kaniya. Natigilan siya at nabigla sa sinabi ko. "Hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo," pagdedeny niya pero alam kong alam niya talaga kung ano ang tinutukoy ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niyang pagtakpan kung sino man ang pumapatay. Bakit tila iniingatan niyang huwag namin malaman kung sino iyon? "Ano bang mayroon sa taong iyon at iniingatan nyong wag naming malaman kung sino siya? Paano nyo nasisikmura na mas marami pa ang magbuwis ng buhay sa lugar na ito?" "Wala kang alam at hindi ko obligasyong magpaliwanag sayo," "Kung gayon ay aalis na ako," Tumitig muna ako sa mga mata niya at ngumiti. Halatang nagtataka siya sakin kung bakit ko siya nginitian. Humakbang na ako palayo sa lugar. Kailangan ko pang hanapin si Bruno. Bawat madaanan ko ay hinahanap ng mga mata ko si Bruno pero wala akong makita. Hindi ko alam kung saan ko siya matatagpuan dahil sa sobrang lawak nitong Sahara. Nakarinig ako ng ingay sa Music Room kaya napagtanto ko na mayroong tao doon. Agad akong nagtungo doon at tama nga ako dahil naroon sa Music Room si Bruno. Pero ganoon na lamang ang pagkagulat ko nang makita ko si Selena. Nandito rin si Selena sa Sahara? Napalunok ako at napahinto sa kinatatayuan ko dahil ang eksenang naabutan ko ay takot na takot si Selena habang nakayakap sa katawan ni Bruno. Tumingin ako sa tinitingnan ni Bruno. Nakatingin ito sa blackboard at may mga letrang nakasulat doon. Tulungan niyo ako! Ginahasa nila ako! Tulungan niyo ako! Ginahasa nila ako! Tulungan nyo ako! Ginahasa nila ako! Iyon ang paulit-ulit na nakasaad sa pisara kaya naman nagulat ako. "Wala na siya Selena," ani Bruno kay Selena na nakayakap pa rin dito. Hindi ko magawang tingnan sila sa ganoong posisyon. Hindi ko matagalan na makita ang tagpong iyon kaya itinuon ko na lang ang mga mata ko sa pisara. Hindi pa rin nila nararamdaman ang prisensya ko. Ilang sandali pa ang lumipas bago ako napansin ni Bruno. "Valorous? Kanina ka pa ba diyan?" tanong niya sa akin. Nag-angat ng tingin sa akin si Selena nang marinig niya ang pangalan ko. "V-val..." sambit niya. May bakas ng luha sa mga mata niya. "Anong ginagawa mo dito Selena?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. Kumamot sa buhok si Bruno. "Nagpilit na sumunod dito sinabi ko na ngang delikado," si Bruno ang sumagot sakin. "Sino ang gumawa niyan? Si Lisa ba ang gumawa niyan?" tanong ko sa kanila habang nakatingin sa blackboard. Nagulat naman sila sakin dahil sa tanong ko. "Lisa? Kilala mo si Lisa?" tanong sakin ni Bruno. "Nakikita ko rin siya at alam kong Lisa ang pangalan niya," sagot ko. Matagal ng nagpapakita sa akin ang multo ni Lisa pero hindi ko rin siya maunawaan kung bakit siya nagpapakita sa akin. Hindi ko mabigyang sagot iyon. Kaya alam ko na nakikita rin siya ni Selena. "Sino ba si Lisa? Ano ba talaga ang nangyari sa kaniya?" tanong ni Bruno. Bigla na lang may nalaglag na bagay mula sa gilid ng blackboard. Inilawan ko iyon. May mga nakasalansang mga envelope doon at kung ano-ano pang papeles at gamit. Humakbang ako at tiningnan ko kung ano yung nalaglag. Picture. Pinulot ko ang picture. Humakbang na rin si Bruno at Selena palapit sa akin. Nagkatinginan kaming tatlo. Si Lisa ang nasa picture at kasama nito sa larawan ang ina nito na Principal ng paaralan. Si Mrs. Lily Valdez. Iyon ang bagay na palagi naming nakakalimutang gawin. Ang kausapin si Mrs. Lily. Tinutulungan niya ang mga estudyante sa Bahay-Panuluyan dahil ang sabi ng ilang estudyanteng kasama namin ay nakikita daw ni Mrs. Lily sa amin ang anak nitong namatay kaya ganoon na lang ito kung tumulong. "Ang principal natin yan ah? Kilala niya yung multong nagpapakita satin?" tanong ni Bruno. "Anak niya ang nagpapakita satin," sagot ko sa kaniya. Nagulat si Bruno dahil sa sinabi ko. "Ha? Anak niya iyan? Teka nga, patinging mabuti ng picture," ani Bruno at kinuha sa kamay ko ang picture. Kunot ang noo nito habang pinagmamasdan ang larawan. Tila ba may hindi ito mapaliwanag sa larawang iyon. "Parang pamilyar talaga sakin ang babaeng ito, saka yung pangalan niya. Pero kahit anong isip ang gawin ko hindi ko maalala kung saan ko siya nakita," sabi ni Bruno. "Ibig sabihin ba ay siya nga ang pumapatay?" sabi ni Selena. "Parang hindi niya kayang gawin iyon Selena, totoong tao ang pumapatay sa mga estudyante dito at iyon ang kutob ko. Hindi isang multo," sagot ko. Ibinulsa ko ang larawan matapos ibalik sa akin iyon ni Bruno. "Umalis na tayo dito, hinihintay tayo nila Lucas," sabi ko sa kanila. Tumango naman silang dalawa at sumunod na sakin nang lumabas ako ng music room. Binalikan namin ang lugar kung saan ko iniwan si Stanley at Lucas kanina. Nandoon pa rin silang dalawa at gulat na gulat sila pagkakita na kasama namin ni Bruno si Selena. "Selena?! Anong ginagawa mo dito? Bakit nandito ka?" sunod-sunod na tanong ni Lucas kay Selena. "Gusto kong makatulong sa inyo," sabi ni Selena. "Delikado ang ginawa mo Selena, hindi ka na dapat pang sumunod dito," sabi ko sa kaniya. "Pasensya na kayo pero hindi ko kayang maghintay na lamang sa pagbabalik ninyo. Hindi mapanatag ang kalooban ko," Bumuntong-hininga ako dahil sa sinabi ni Selena. Mukhang wala talaga kaming magagawa para mapigilan siya saka nandito na siya. Wala kaming ibang choice kundi ang hayaan na lang siya. Napansin ni Selena ang nangyari sa braso ni Lucas. "Anong nangyari sa braso mo Lucas? Bakit may dugo yan?" "Ah ito ba? Wala ito malayo ito sa bituka," sagot ni Lucas. "Anong malayo sa bituka? Bakit ka nga may dugo?" pangungulit pa ni Selena. "May balak pumatay sa kaniya pero nadaplisan lang siya kanina," sagot ni Stanley. Napatakip sa bibig si Selena. "Kailangan na nating umalis dito. Bukas na bukas ay dapat nating kausapin si Mrs. Lily Valdez tungkol sa pagkamatay ng anak niyang si Lisa. Kailangan nating malaman ang totoong nangyari at kung bakit ito nagmumulto, malakas ang kutob ko na konektado ang mga nangyayaring ito sa eskwelahan. Dapat ay noon pa natin ito ginawa," sabi ko sa kanila. Tumango si Bruno, kahit hindi kami close ay humanga ako sa kaniya dahil pinili niyang sumama sa amin sa kabila ng lahat ng nangyayari. "Paano kung si Lisa ang pumapatay?" kinakabahang tanong ni Selena. "Kaya nga dapat nating malaman kung anong klaseng ugali ba ang mayroon 'yang si Lisa, pero base sa pinapakita nya satin ay humihingi lang siya ng tulong kaya hindi rin natin masasabi na siya nga ang pumapatay." Tumango si Lucas sakin. "Tama ka Val, sa tingin ko ay biktima si Lisa dito," sagot ni Lucas. Napunto ni Lucas ang mismong nasa isipan ko. Sa tingin ko ay biktima si Lisa dito at ang gumahasa sa kaniya ang siyang salot sa eskwelahang ito. Kung sino man ang nasa likod ng pagkamatay ni Lisa ay malamang na siya rin ang pumapatay sa mga estudyante dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD