CHAPTER 12

1212 Words
Walang masyadong tao nang pumasok kami sa room. Bakante ang maraming mga upuan kaya naman nagtataka kami nila Trinity lalo pa at late na kaming pumasok. Nasaan kaya ang ibang mga kaklase namin? May dalawang kaklase ako na naiwan sa loob at sa kanya ako nagtanong. "Hi? Bakit wala yatang tao sa room natin? Tayo lang ba talaga ang pumasok?" tanong ko sa dalawang babae na kaklase namin ni Trinity, Imee at Lyra ang nabasa kong pangalan nila base sa ID na nakasabit sa leeg nila. "Ah, wala yung ibang mga kaklase natin naroon sila sa laboratory at nagkakagulo, mayroon na naman kasing nabiktima ng karahasan sa eskwelahang ito," saad ni Imee dahilan para magtinginan kaming dalawa ni Trinity. Gumuhit ang takot sa dibdib ko ganoon din ang dalawang babae na kausap ko. Tila ayaw ng usyosohin pa ng mga ito kung ano ang nangyayari sa laboratory kaya mas pinili na lang ng mga ito na manatili dito sa classroom namin. Wala kaming inaksayang oras ni Trinity, agad kaming nagtungo sa laboratory upang alamin kung ano ang nangyayari. Doon ay nakita namin sila Stanley at ang iba pa naming mga kaibigan, tinitingnan din ng mga ito kung ano ang nangyayari roon. "Anong nangyayari?" tanong ko kaagad kay Lucas. Nagulat sya pagkakita sakin pero kapagkuwan ay umiling-iling. "Hayan, may nagbuwis na naman ng buhay sa hindi maipaliwanag na dahilan. Tsk! Tsk!" ani Lucas. Hinawi ko sya at akmang sisingit sa mga estudyanteng nagkakagulo pero pinigilan ako ni Lucas. "Selena, huwag mo ng tangkaing tingnan pa ang pagkamatay nya please lang," may pag-aalala sa mga mata ni Lucas habang sinasabi sakin ang mga katagang iyon. Parang takot na takot syang makita ko kung ano ang nangyari doon sa sinasabi nyang nagbuwis na naman ng buhay. Pinigilan nya ako at inilayo sa mga estudyanteng nagkakagulo pero nagpilit akong makawala sa kanya. Gusto ko ding makita ang pinagkakaguluhan nila. Gusto kong malaman kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Patakbo akong bumalik sa kumpulan ng mga nagkakagulong estudyante at sumingit doon, wala na akong pakialam kung tinitingnan man ako ng masama ng mga taong nasasagasaan ko dahil sa pagkakahawi ko sa kanila. Nang makasingit ako ay agad kong nakita ang isang lalaking nakahandusay habang duguan ito at wala ng buhay. Halos mapigil ang paghinga ko nang makita ko na wala itong mga mata. Puro dugo ito. "Grabe naman ang gumawa niyan sa kanya, kawawa naman sya!" dinig kong sabi ng isa sa mga estudyanteng kasama kong tumitingin sa bangkay. "Nakakatakot at halos hindi na din ako nakakatulog. Kinakabahan ako na baka isang araw ay sapitin din natin ang lahat ng iyan," sagot naman ng isang babae na katabi nito. Napapaso akong lumayo mula sa bangkay matapos kong makita ang sinapit nito. Bakit may nangyari na namang ganito? Ano ang kasalanan ng taong iyon at pinatay sya? Hindi lang si Hunt ang may matinding parusang pinagdaanan kundi maging ang lalaking iyon din, mas matindi pa ito dahil tinuluyan ito ng kung sino mang mamamatay taong iyon! Hinimas ko ang braso ko at niyakap ang aking sarili nang biglang umihip ang malakas na hangin at kasabay niyon ay ang pagtaasan ng mga balahibo ko sa balat. Bumalik ako sa pwesto ni Lucas at binigyan nya lang akong ng tingin. "Ayos ka lang?" may pag-aalalang tanong nya sa akin. Tumango naman ako sa kanya. "Wag kang mag-alala ayos lang ako. Hindi ko akalain na bukod kay Hunt ay may susunod pala kaagad sa malubhang sinapit nito, ang mas malala pa ay pinatay ang lalaking nasa laboratory ngayon. Sino kaya sya?" Nagkibit lang ng balikat si Lucas, siguro ay hindi din nito alam kung saang section ang lalaking namatay. Mukhang kaedaran lang namin ang lalaki kaya malamang na ka-batch din namin iyon. "Grabe yung sinapit ng lalaki!" Napalingon kami ni Lucas kay Klint nang bigla itong sumulpot sa likod namin kasama si Stanley. "Sabi nila ay sa section Rose daw yung lalaki na 'yon at wala din ideya ang mga kaklase nito kung bakit sya pinatay ng ganoon, pero isang impormasyon ang nakalap ko..." seryosong sabi ni Klint at isa-isa kaming tiningnan ng seryoso sa mga mata. "Ano iyon?" tanong ni Lucas, maging ako ay naghihintay sa sasabihin ni Klint. "Hindi daw pumasok ang lalaki na 'yon kahapon kaya yun ang sinasabi nilang malamang na dahilan kung bakit ito pinatay, parang yung nangyari lang kay Hunt. Hay! Tangina, bawal pala tayong umabsent dito kung ayaw nating mangyari din satin ang mga nangyayari ngayon sa ibang etudyante," saad ni Klint. "Tangina, ang weird talaga ng school na ito!" ani Stanley habang ang dalawang kamay ay nakalagay sa batok nito. Naglakad na ito palayo sa amin kaya sumunod na rin si Klint dito pabalik sa room. Hinintay muna namin ni Lucas ang iba pa naming mga kasama bago kami bumalik sa classroom at sumunod kila Lucas. Pagbalik namin sa classroom ay naroon na sila Mike at napako ang mga mata ko kay Hunt. Halos hindi ko magawang huminga ng maayos kapag nakikita ko ang kalagayan nya. Awang-awa ako sa sinapit nya pero heto sya at pinipilit paring pumasok. Ngayon ay naiintindihan ko na ito kung bakit, malamang na totoo ngang kapag umabsent ka ay sasapitin mo din ang mga karumal-dumal na nangyari sa ibang mga estudyante dito na umabsent kaya pinarusahan at pinatay. Katulad na lang ni Hunt at nung lalaki sa lab kanina. Napakasimple lang naman ng ginawa ng mga ito, umabsent lang naman tapos ganoon katindi ang parusang tinamo ng mga ito. Maging ako ay napapaisip, totoong ang weird ng mga nangyayari ngunit nakakatakot pa rin. "Mukhang may pinuntahan kayo ah? Saan kayo galing guys?" tanong ni Bruno samin. Sabay-sabay lang kasi kaming pumasok nila Trinity sa loob ng classroom. Mukhang wala pang alam ang mga ito sa insidenteng nangyari sa laboratory. "May p*****n na naman na naganap doon sa lab!" si Trinity ang sumagot kay Bruno. Agad naman na kumunot ang noo ni Bruno at maging si Hunt ay agad na napalingon kay Trinity kahit na hirap ito. "p*****n? Anong sinasabi mo Trinity?" ulit ni Bruno at tila hindi naunawaan kung ano ang sinabi ni Trinity. "Ang sabi ko ay may estudyante na namang namatay. Naroon sya sa laboratory at doon kami galing lahat," ani Trinity. Nakatingin ako kay Hunt at bakas ang takot sa mga mata nya. Sariwang-sariwa pa ang mga sugat nya at ang iba nga naming kaklase ay halatang naiilang sa kanya at nandidiri, may mga langaw kasing dumadapo sa kanya dahil sa sugat nya. "Bakit sya pinatay? Ano namang kasalanan nya at ginawa iyon sa kanya?" singit ni Mike sa usapan. "Wala nga din kaming ideya eh, galing sya sa section Rose at ang sabi ng ilang estudyante kanina ay katulad ni Hunt may subject daw itong hindi pinasukan," sagot ni Trinity. Halata ang pagtataka sa mga mata nila Mike, Bruno, at Hunt pero natahimik na kaming lahat nang biglang pumasok si Ms. Cortez sa room namin. Umakto kami na tila walang alam sa nangyari at nakinig lang kami sa pagtuturo nya. Hindi sya tumitingin sa gawi ni Hunt at pansin kong maging sya ay nandidiri na rin dito, mas lalo lang akong naawa sa kalagayan ni Hunt. Napabuntong-hininga na lamang ako habang nakikinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD