Nakatingin si Mike sa malayo habang nagpapakawala ng usok.
"Hindi ka ba natatakot?" tanong ni Jerron dito. Tumingin lamang ito kay Jerron, butil-butil ang pawis nito sa noo.
"Anong pinagsasasabi mo?" tanong ni Mike kay Jerron.
"Ano ka ba Mike? Hindi habang panahon ay kaya nating itago ang lahat ng nangyari. Patay na si Hunt, hindi ka man lang ba nababahala na baka bukas makalawa eh isa naman satin ang sumunod sa kaniya?"
"Hinaan mo nga ang boses mo!" maagap na sambit ni Mike at kapagkuwan ay inilayo si Jerron sa mangilan-ngilang mga estudyante.
"Hindi ka ba nag-iisip? Kapag narinig ka ng ibang mga kasama natin dito eh pagdududahan nila tayo!" galit na wika ni Mike.
Napayuko na lang si Jerron at umiling-iling.
"Mike, hindi na kaya ng kunsensya ko ang mga nangyayari. Naghihiganti na si Maria Lisa sa atin," puno ng kabang sabi ni Jerron. Halatang hindi na mapanatag ang kalooban nito. Hindi na ito mapakali at kitang-kita ang pagiging balisa nito.
"Naniniwala ka na si Maria Lisa ang pumapatay? Hindi ka talaga nag-iisip! Patay na ‘yun ‘di ba?!"
Dinuro ni Mike ang noo ni Jerron.
"Gusto ko ng aminin lahat ng nangyari. Hindi ko na talaga kaya," ani Jerron pero mabilis itong kinuwelyuhan ni Mike.
"Talaga bang nasisiraan ka na ng ulo ha Jerron? Wag na wag mong gagawin ang bagay na 'yan dahil ako ang makakalaban mo!" galit na wika ni Mike.
"Hanggang kailan mo kayang dalhin ang lahat ng ito Mike? Bahala ka nga!"
Nag-walk out si Jerron at iniwan ang galit na galit na si Mike.
Inis na itinapon ni Mike ang yosi niyang upod na.
"Bad trip talaga!" inis na bulong nito sa sarili at padabog na tinapakan ang yosi nitong nalaglag sa lupa.
Walang pwedeng makaalam ng mga nangyari. Hindi pwedeng umamin si Jerron.
Alam ni Mike na nababahala na si Jerron sa mga nangyayari pero wala na siyang pakielam doon. Ang mahalaga para sa kaniya ay panatilihing malinis ang pangalan niya.
Siya ang gumahasa kay Maria Lisa. Matagal na niya itong pinagnanasaan. Masyado kasi itong sikat sa eskwelahan dahil sa angkin nitong kagandahan. Wala nga yatang kalalakihan ang hindi nakakakilala dito.
Patay na patay siya kay Maria Lisa pero wala naman itong pagtingin sa kaniya at hindi naman siya nito binibigyang pansin.
Maraming lalaki ang nagkakandarapa kay Maria Lisa at lahat ay nag-aasam na mapansin nito. Bukod kasi sa maganda na ito ay anak pa ito ng mismong principal ng paaralan.
Nobya na niya si Klarissa Barromeo noon at minsan ay nahuli siya nito na sinusundan niya si Maria Lisa. Nagalit ito sa kaniya. Nalaman kasi nito na may gusto siya kay Maria Lisa. Dahil sa mahal na mahal din niya si Klarissa at hindi niya kaya na iwanan siya nito nang magalit ito sa kaniya ay isang bagay ang ipinagawa nito sa kaniya para mapatawad siya nito.
FLASHBACK...
"Patawarin mo na ko mahal, hindi naman kita ipagpapalit dun eh. Gusto ko lang naman siyang matikman. Alam mo na, sadyang lalaki lang," katwiran ni Mike sa nobya nitong si Klarissa Barromeo.
"Walang hiya ka Mike, pati ako ay tinatarantado mo! Ayoko na sayo, tapos na tayo!" galit na sabi ni Klarissa.
"Pero mahal kita, hindi mo ko pwedeng iwanan! Hindi ko kaya! Mahal na mahal kita Klarissa. Hindi ko na uulitin yung nangyari. Titigilan ko na si Maria Lisa, basta wag mo lang akong iwanan!" nagsusumamong sabi ni Mike.
Hinila ni Mike ang kamay ni Klarissa bago ba ito makapag-walk out.
"Ano ba bitawan mo nga ako!"
"Please naman mahal ko! Ano bang gusto mong gawin ko para lang mapatawad mo na ako?" pilit pa rin na kinukuha ni Mike ang loob ni Klarissa. Tiningnan ni Klarissa si Mike at tumaas ang isang kilay nito. Isang maitim na plano ang namuo sa isipan nito.
Matagal ng naiinggit si Klarissa kay Maria Lisa dahil halos lahat ng lalaki ay nakukuha nito ang atensyon. Lahat ng lalaki ay humahanga dito at isa iyon sa kinainggitan ni Klarissa. Nabalewala ang kagandahan niya magbuhat ng dumating si Maria Lisa sa Sahara.
Isang bagay ang naisip niya para matapos na ang pamamayagpag ng pangalan ni Maria Lisa sa Sahara at para mapunta na ulit sa sa kaniya ang atensyon ng mga lalaki.
"Gusto mo ba talagang mapatawad kita Mike?" sabi nito at humalukipkip habang nakatingin kay Mike. Nagkaroon ng buhay ang mukha ni Mike at tila nabigyan ito ng pag-asa
"Oo naman, lahat gagawin ko para sayo mahal ko," sambit ni Mike.
Ngumisi si Klarissa habang iniisip ang bagay na gusto nitong ipagawa kay Mike.
"Kung ganon ay may ipapagawa ako sayo. Kung gusto mong patawarin kita ay susundin mo ako," sabi ni Klarissa.
"Kahit ano pa yan ay gagawin ko," mabilis na sabi ni Mike.
"Patayin mo si Maria Lisa," diretsong sabi ni Klarissa. Napatitig naman si Mike dito. Halatang nabigla ito dahil sa sinabi ni Klarissa.
"A-ano?" naguguluhang tanong ni Mike.
"Hindi mo ba ako narinig? Ang sabi ko patayin mo si Maria Lisa! Basta gawin mo ang lahat para lang mawala siya sa mundo ko!" galit na sabi nito.
"Pero paano ko gagawin iyon? Anak siya ng principal, baka mapahamak pa tayo diyan," sabi ni Mike.
"Problema mo na iyon Mike! Hindi ba't gusto mo naman siya? Kung gusto mo eh gahasain mo muna siya bago mo patayin para naman hindi nasayang ang panahon mo kaka-stalk sa kaniya."
Umirap sa hangin si Klarissa.
Hindi nakapagsalita agad si Mike.
"Ano gagawin mo ba o hindi? Kung ayaw mo, ayoko na rin!" ani Klarissa at akmang tatalikod na ito.
"G-gagawin ko... Gagawin ko ang gusto mo," mabilis na sagot ni Mike kahit na tila hirap itong sabihin iyon. Takot itong mawala si Klarissa kaya handa itong maging sunud-sunuran sa gustong mangyari ni Klarissa.
"Good! Kapag nagawa mo 'yan, hinding-hindi na kita hihiwalayan pa,"
Humakbang si Klarissa palapit kay Mike at nilaro ang pisngi nito gamit ang sariling daliri. Tila nahihipnotismo namang ngumiti si Mike sa babae.
"Gagawin ko lahat para sayo," bulong ni Mike at hinapit ang baywang ni Klarissa. Siniil nito ng halik ang babae at hindi nito alintana kung marami man ang estudyanteng nakakakita sa halikang iyon. Ngumisi lamang si Klarissa matapos itong kumalas sa halik, inayos nito ang kuwelyo ni Mike at tumingin ito ng diretso sa mga mata ni Mike.
"Saka na tayo mag-usap kapag tapos mo na ang pinapagawa ko sayo. Ako ang bahala sayo kapag nagawa mo iyon, paliligayahin kita. Ibibigay ko lahat ng gusto mo, Mike..." mapang-akit na bulong ni Klarissa sa tainga ni Mike. Pinaglandas nito ang daliri sa leeg ni Mike pababa sa dibdib nito. Kagat nito ang ibabang labi at kumindat pa kay Mike bago tumalikod. Dalang-dala na sana si Mike ang kaso ay tila sinasadya siyang bitinin ni Klarissa. Hindi na niya ito hinabol at sinundan na lamang niya ito ng tingin nang humakbang na ito palayo.
End of flashback...