CHAPTER 42

2009 Words
*Jerron's POV* Balisa ako habang naglalakad papasok sa Sahara. Patay na si Hunt. Paano kung isa naman samin ni Mike ang sumunod? Hindi pwede. Ayoko pang mamatay. Kung yung multo man ni Maria Lisa ang dahilan kung bakit marami ang namamatay sa Sahara ay dapat na talaga kaming mabahala. Saksi ako sa pagkamatay ni Maria Lisa noong patayin siya ni Mike. Ganoon din si Hunt. Tanging si Bruno lang ang hindi namin kasama noon dahil hindi niya binibigyang pansin ang sinasabi palagi ni Mike tungkol kay Maria Lisa, gustong-gusto ni Mike si Maria Lisa pero ang akala ko ay panggagahasa lang ang magiging motibo namin. Hindi ko akalain na tutuluyan ito ni Mike. Pinatay ni Mike si Maria Lisa. Habang naglalakad ako sa loob ng Sahara, nagulat ako nang biglang may bumangga sakin na estudyante. "Ano ba?!" inis na wika ko sa babaeng bumunggo sakin. Nakayuko ito at may yakap-yakap na libro. "Bulag ka ba? Hindi ka ba tumitingin sa dinadaanan mo? Badtrip ka ah!" dagdag ko pa. Napakunot ang noo ko dahil nakahinto lang ang babae at nakayuko lang ito. Humaharang ang mahabang buhok nito sa mukha. Pinagmasdan ko ang babae. Teka... Parang pamilyar ang itsura nito. "Miss?" untag ko sa kaniya. Dahan-dahan na nag-angat ng mukha ang babae. Ganoon na lamang ang pagkagimbal ko ng tumambad sa akin ang duguang mukha ni Maria Lisa. Napasigaw ako sa matinding kaba. Kahindik-hindik ang itsura ni Maria Lisa, punong-puno ito ng dugo at kitang-kita ko ang labis na galit sa mga mata nito. Dahan-dahan niyang inangat ang kamay niya at sinakal niya ako. Nanlaki ang mga mata ko at hindi ko magawang kumilos dahil sa sobrang lakas ng pwersa niya. "P-patay k-ka n-na..." hirap na hirap kong sabi. Nakalutang na sa lupa ang mga paa ko. Nagpumiglas ako at doon ay bigla akong binitawan ni Maria Lisa. Dali-dali akong nagtatakbo. Sa sobrang pagmamadali ko ay ilang estudyante pa ang nakabunggo ko sa daan at sila naman ang nagalit sa akin. "Ano ba?! Tumingin ka nga sa dinadaanan mo!" bulyaw sakin ng dalawang babae. Hawak-hawak ko pa rin ang leeg ko dahil pakiramdam ko ay nahihirapan pa rin akong huminga. Nilingon ko ang pinanggalingan ko kanina pero wala akong ibang nakita bukod sa dalawang babae na nabunggo ko at nagalit sakin. Hinihiningal na napahawak ako sa dalawang tuhod ko. Butil-butil ang pawis ko sa noo habang hinihingal pa rin sa nerbiyos. "P-paanong nangyari 'yon? Patay na siya!" hindi makapaniwalang bulong ko. Naupo ako sa tapat ng guidance office kung saan may waiting shed. Paulit-ulit kong ibinabalik sa isip ko ang nangyari. Iniisip ko kung namamalikmata lang ba ako kanina dahil bigla rin namang nawala ang multo ni Maria Lisa. Pero kung namamalikmata lang ako, bakit hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang kamay niya sa leeg ko? Pakiramdam ko ay nakasakal pa rin siya sa akin. Sinampal ko ang sarili ko at umiling-iling. Saktong naglalakad si Bruno at agad ako nitong nakita. "Jerron anong nangyayari sayo?" gulat niyang tanong sakin matapos maabutan ang ginagawa kong pagsampal sa sarili ko. Kasama nito si Jackie at Stanley. "Hindi ka pumasok?" tanong naman ni Jackie sa akin. "Ah ano kasi— wala iyon Bruno may lamok lang sa pisngi ko," pagsisinungaling ko. Tiningnan ko si Stanley. Hindi ko alam kung bakit ang sama ng tingin niya sa akin. Wala akong natatandaan na may ginawa akong kasalanan sa kaniya pero sa tuwing magkakasalubong ang landas namin eh malalim lagi ang paraan ng pagtingin niya sakin. Para bang may tinatago siyang galit. "Bakit di ka pumasok?" ulit na tanong sakin ni Jackie. "H-ha? Mamayang hapon na lang siguro, tinatamad kasi ako eh," sabi ko kay Jackie. "Pero baka mapahamak ka? Hindi ba't bawal umabsent sa klase? Remember?" sabi pa ni Jackie. Naiintindihan ko ang sinasabi niya. Alam ko ang tungkol sa nangyayaring pagkapahamak ng ilang mga estudyante dito sa Sahara sa tuwing umaabsent sila sa klase. "Hayaan mo nga siya Jackie. Malaki na 'yan, alam na niyan ang ginagawa niya," halatang inis na sabi nung Stanley. Tiningnan ko lang siya at inangatan naman niya ako ng isang kilay. Gago to ah. Anong problema nito? "Tara na, marami pa tayong dapat asikasuhin," ani Stanley kila Jackie. "Maiwan na muna ako dito Stan, kakausapin ko lang si Jerron," sagot naman ni Bruno. Tumango lang si Stanley at hinila na nito ang kamay ni Jackie. Isang beses ko pang sinulyapan ang madilim na aura ng mukha ni Stanley bago ito tuluyang tumalikod kasama si Jackie. "May problema ba sakin ang isang 'yon?" tanong ko kay Bruno matapos makaalis nila Jackie. "Ha? Sino?" nagtatakang tanong ni Bruno. Marahil ay hindi nito napapansin ang sama ng tingin sakin palagi ng Stanley na iyon. "Yung Stanley, parang laging may problema sakin eh, ang sama kasi tumingin," sabi ko. "Ah si Stanley ba? Mabait naman iyon. Baka ganun lang talaga siya. Bakit ka nga pala nandito? Nasaan si Mike?" tanong ni Bruno. Madalang na namin siyang makasama. Sa totoo lang ay nagtatampo ako sa kaniya dahil mas pinipili niya laging samahan ang barkadahan nila Lucas. Pero gustuhin ko man na magalit kay Bruno ay isang bahagi ng pagkatao ko ang kumokontra doon. Oo minsan, pinaparamdam ko talaga sa kaniya ang inis ko pero hanggang doon lang. Si Mike ang alam kong labis na naiinis kay Bruno dahil sa nangyari. Itinakwil na nga yata nito si Bruno bilang kaibigan. "Nasa bahay panuluyan si Mike. Mukhang wala din balak na pumasok. Kayo? Bakit hindi na kayo pumapasok?" tanong ko sa kaniya. Palagi kasing bakante ang mga upuan nila sa klase. "Wala na kaming balak pumasok. Mas naka-focus kami sa paghahanap ng gumahasa kay Maria Lisa," sabi ni Bruno. Natigilan ako dahil sa sinabi niya. Parang may bumara sa lalamunan ko. Bakit nila hinahanap ang gumahasa kay Maria Lisa? Nakaramdam ako ng kaba. "Sino iyon?" wari ay tanong ko. "Hindi mo ba kilala si Maria Lisa? Ginahasa raw iyon at pinatay. Anak siya ni Mrs. Lily, kawawa nga siya eh. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay niya," sagot ni Bruno sakin. "G-ganoon ba? Eh bakit niyo naman hinahanap ang gumahasa sa kaniya? Close niyo ba si Maria Lisa?" "Hindi. Pero maaaring ang pumatay sa kaniya ay yung killer din sa school na ito. Kaya niyang pumatay eh, it means may posibilidad na siya rin ang pumapatay sa mga estudyante rito," ani Bruno. Pumapatay? Killer? Hindi ako naniniwalang si Mike ang pumapatay sa mga tao dito sa Sahara. Kung ganoon pala ay pinag-iisipan ng mga ito na ang gumahasa kay Maria Lisa ay ang siyang killer din dito sa Sahara. Hindi totoo iyon dahil alam kong hindi magagawa ni Mike ang bagay na iyon. Namatay din si Hunt na matalik naming kaibigan, hindi kayang gawin ni Mike ang bagay na iyon sa mismong kaibigan niya. Ibig sabihin ay may ibang pumapatay dito. Mali ang iniisip ng grupo nila Bruno. Mas naniniwala pa nga ako na multo ni Maria Lisa ang pumapatay dahil naghihiganti siya sa mga nangyari. "Baka naman nagmumulto lang yung Maria Lisa at siya rin ang pumapatay?" sabi ko kay Bruno. Umiling ito sa sinabi ko. "Hindi kami naniniwala na multo ni Maria Lisa ang pumapatay. Naniniwala ka ba na kayang pumatay ng multo?" tanong sakin ni Bruno. Hindi ko alam ang sagot sa tanong niya. Nagpakita nga sa akin kanina ang multo ni Maria Lisa, galit na galit ito at alam kong totoo ang nangyari. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang pagkakasakal niya sa akin. Pero alam ko na kapag sinabi ko kay Bruno ang nangyari kanina, baka hindi niya ako paniwalaan. Paano kapag nalaman niya na isa ako sa gumahasa kay Maria Lisa? Alam kong kalilimutan na niya kami bilang kaibigan. Gusto ko ng ibaon sa limot ang mga nangyari dahil unti-unti na kaming pinapatay ng kunsensya namin. Kahit hindi aminin ni Mike, alam kong nababahala na rin siya sa mga nangyayari. Ano bang dapat kong gawin para hindi kami habulin ng multo ni Lisa? Ngayon lang siya nagparamdam sakin at galit na galit siya. Base sa itsura niya ay hindi siya titigil hangga't hindi kami nagbabayad sa ginawa namin sa kaniya. "Natulala ka na diyan," untag sakin ni Bruno. Kanina pa pala niya ko pinagmamasdan. Natulala na ako sa kakaisip. "Ano naniniwala ka ba sa multo ni Maria Lisa? Naniniwala kang kayang pumatay ng multo?" Sa tanong na iyon ni Bruno ay tumango ako bilang pagsagot. "Totoo ang multo Bruno. Nakita ko siya kanina. Galit na galit siya sakin," nadulas kong sabi. Napakunot naman ang noo ni Bruno sakin. Tila nagtaka ito. "Nakikita mo din yung multo ni Lisa?" Tumango ako kay Bruno pero dapat ay hindi ko na iyon sinabi. Baka magtaka pa siya sakin kung bakit galit na galit sakin ang multo ni Maria Lisa. "Pero bakit mo naman nasabing galit na galit siya sayo? May ginawa ka ba sa kaniya?" tanong ni Bruno. Nag-iwas ako ng tingin sa tanong niyang iyon. "W-wala. Nagpakita lang din siya sa akin," pagsisinungaling ko. "So madami na pala siyang pinagpapakitaan. Ano kayang nais iparating ni Maria Lisa kung bakit siya nagpapakita? Baka may gusto siyang sabihin. Bakit hindi na lang kasi niya sabihin kung sino ang gumawa niyon sa kaniya?" dire-diretsong sabi ni Bruno. Napalunok naman ako at tumahimik. Hindi pwede. Hindi pwedeng maiparating ni Maria Lisa kung sino ang nasa likod ng panggagahasa sa kaniya dahil kami iyon. Tumayo ako upang makaiwas sa tanong ni Bruno. "Oh saan ka pupunta Jerron?" habol sakin ni Bruno. "Babalikan ko lang si Mike sa bahay panuluyan," sagot ko pero hindi ko na siya nilingon. Patakbo akong bumalik sa Bahay Panuluyan kahit medyo tirik na ang araw. Pagdating ko doon ay kakaunti lang ang tao dahil nasa Sahara na ang iba. Pero nakita ko naman agad si Mike dahil hindi rin ito pumasok. Balisa ito at tulala habang nagyoyosi at nakaupo sa loob. "Mike!" tawag ko sa pangalan niya. "Kung wala kang magandang sasabihin Jerron, mas mabuti pang umalis ka na lang at iwanan mo akong mag-isa," galit na sabi ni Mike sa akin. Mukhang badtrip pa din siya at hindi pa humuhupa iyon. Hindi man lang siya tumitingin sa kinatatayuan ko. Abot lang ang buga niya ng usok. "Sila Bruno. Hinahanap pala nila kung sino ang gumahasa kay Maria Lisa," sabi ko dahilan para mag-angat ng tingin sa akin si Mike. "Anong sabi mo?" "Hinahanap nila ang gumahasa at pumatay kay Maria Lisa dahil pinagdududahan nila na ang gumawa nun kay Maria Lisa ang siya ring killer dito sa lugar na ito," sagot ko. Napatayo sa kinauupuan si Mike. "Ano? Baliw na ba yang mga yan? Talaga nga namang kinarir na ni Bruno ang pagsama sa mga gagong iyon, at ngayon ay balak pa niya tayong kalabanin," galit na wika ni Mike. "Mike, walang alam si Bruno sa mga nangyari. Hindi niya alam na tayo ang nasa likod ng pagkamatay ni Maria Lisa," sabi ko. "Bakit? Ano ba ang binabalak nila kung sakaling malaman nga nila kung sino ang nasa likod ng pagkamatay ni Maria Lisa?" "H-hindi ko alam..." Nagbaba ako ng tingin. Wala akong alam sa pinaplano nila Bruno. "Hindi ako ang pumapatay sa lugar na ito. Tingin mo ba eh kaya kong gawin iyon? Isipin mo, namatay din si Hunt!" ani Mike. "Oo alam ko. Alam kong hindi mo magagawa iyon, pero hanggang kailan natin kayang itago ito? At sino ang totoong pumapatay?" Nagkatitigan kami ni Mike at umiling lang siya sakin. "Parang pinaglalaruan lang tayo sa lugar na ito," iiling-iling na sabi ni Mike. "Baka si Maria Lisa—" "Cut it Jerron! Ilang beses ko bang sasabihin sayo na hindi kayang pumatay ng taong patay na?" putol ni Mike sa sinasabi ko. Talagang ayaw niyang maniwala na si Maria Lisa ang pumapatay. "Pero paano kung siya nga?" "Kagaguhan yan Jerron! Huwag kang matakot sa patay, sa buhay ka matakot!" sabi nito. Hindi na ako kumibo at nagsalita pa. Kung hindi sila naniniwala na si Maria Lisa nga ang pumapatay, ako malakas ang kutob ko na siya ang nasa likod ng mga nangyayaring ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD