Tulad ng sabi ni Ms.Cortez pagpunta namin sa canteen ay sarado na iyon. Wala ng nagtitinda at wala ng mga pagkain. Tatlo ang canteen sa Sahara pero lahat iyon ay sarado. Mabuti na lang at nag-agahan kami kanina pero aaminin kong hindi sapat iyon dahil kumakalam pa rin ang tiyan ko.
"Sobra naman ang pahirap sa eskwelahang ito, wala talagang mabibilhan ng pagkain?" tanong ni Lucas at iiling-iling sa isang tabi. Nakaupo kami sa ilalim ng malaking puno ng Narra malapit sa gym.
Si Stanley lang ang kulang sa amin dahil nakasunod na naman ito kay Ms.Barromeo.
"Nagugutom na ako promise," nakangusong sabi ni Elisha.
Malamig ang puno ng narra at kahit mainit ang panahon ay natatalo iyon dahil sa ihip ng hangin.
"Ikaw Selena kaya mo pa?" tanong sa akin ni Lucas.
"Okay lang ako kaya ko pa naman," sagot ko.
Dinukot ni Lucas ang cellphone sa bulsa at inis na itinapik nito iyon sa sariling noo.
"s**t wala nga palang signal sa lintek na eskwelahan na 'to!" sabi ni Lucas at halatang nauubos na ang pasensya nito.
Wala ngang signal sa lugar na ito kaya mas lalo kaming mahihirapan na kumontak man lang sana ng mga pwedeng kontakin. Napailing ako sa isiping iyon dahil mukhang sinadya talaga na makulong kami dito.
Bigla kong naisip yung sinabi ni Valorous, mayroon daw kaming misyon dito at iyon ang hindi ko alam kung ano. Naguguluhan pa din ako at hindi pa rin malinaw sa isipan ko kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Sa tingin ko ay may alam si Valorous pero napaka-misteryoso naman nito at hindi rin masyadong malinaw ang mga ibig iparating.
Kinuha ko na lamang ang isang libro na nasa bag ko at nagbasa-basa. Mas mabuting may matutunan kami dahil magagamit namin iyon dito.
Nakakadalawang pahina pa lamang ako ng pagbabasa sa libro ay may kamay na biglang tumambad sa akin. Nang mag-angat ako ng tingin ay si Val iyon at may hawak itong mansanas sa kamay na inaabot nito sa akin.
"Here baka gutom kana," anito at tumabi sa gilid ko. Sila Lucas ay umalis sa pwesto ng mga ito dahil may kailangan daw ang mga ito na alamin. Hahanap daw ang mga ito ng impormasyon tungkol sa kaso ni Hunt at kung bakit nangyayari ang mga ganitong p*****n sa Sahara. Si Trinity naman ay kausap sila Mike at kasama nito si Jackie, mas mabuti iyon dahil kailangan talaga namin ng iba pang impormasyon tungkol sa mga nagaganap dito sa Sahara.
Dalawa na lang kami ni Valorous ngayon sa ilalim ng punong narra.
"Saan mo nakuha ito?" tanong ko kay Val matapos tanggapin ang ibinigay nitong mansanan. Hinog na iyon at matingkad ang pagka-kulay pula.
"Sa likod-likod lang ng school, nakita ko kasi na wala na yung canteen at sarado na, di ko akalaing totoo yung sinabi ni Ms.Cortez kanina," anito.
Kinagat ko ang mansanan at matamis iyon,
"Salamat ang tamis ng mansanas," sabi ko at ngumiti.
Nakatanaw lang kami ni Val sa ibang estudyante na nakakalat at tila di man lang alintana ng mga ito ang nangyayari sa iskwelahang tinatapakan namin lahat. Para bang sanay na ang mga ito at hinahayaan na lamang, balewala na yata sa mga ito ang nangyayari. Normal pa rin ang mga kilos nito na tila ba hindi nakakaramdam ng takot kung bukas o isang araw ay isa sa mga ito ang mamamatay na rin.
Nawala ang tingin ko sa mga estudyante nang mapansin ko tila nakatitig si Val sa akin mula sa gilid ko.
"Bakit?" tanong ko at nagtama ang mga mata namin. Mabilis naman itong nag-iwas ng tingin at muling bumaling sa ibang direksyon.
"W-wala, ahm sya nga pala huwag kang lumalapit kila Mike," biglang sabi nito sa akin na ipinagtaka ko naman.
"Ha? Bakit naman? Anong mayroon kila Mike?" tanong ko.
Bumuntong-hininga ito bago sumagot.
"Hindi lang ako komportable sa kanya, wala lang basta hanggat maaari umiwas ka na lang," sabi nito at kinagat ang mansanas na hawak.
Ako man ay hindi ganoon ka-komportable kay Mike pero hindi ko naman ito naiisipan ng masama. May iba kayang ibig sabihin si Val? Pero bakit hindi na lang nito diretsuhin iyon?
"May dapat ba akong ikatakot kay Mike? Bakit hindi mo na lang ako tapatin kung may nalalaman ka man?" sambit ko.
"Hangga't wala akong nakikitang pruweba ayoko munang magbitaw ng salita, pero sana sundin mo na lang ang pakiusap kong iyon," sabi ni Val.
"Kahit iyon lang," dagdag pa nito.
Hindi ako kumibo.
Nagtataka ako sa sinasabi nito pero nang tingnan ko ito ay nakatingin lang ito sa kawalan. Tila ang hangin lang ang kausap nito pero alam kong para sa akin iyong sinabi nito.
Nawala lang ang tingin ko kay Val nang makita ko si Jackie at kasama nito si Jerron.
Bakit magkasama ang dalawang iyon? Close na ba ang mga ito?
Naglalakad ang mga ito at tila may seryosong pinag-uusapan.
Natanaw ko rin si Stanley at palapit ito sa amin ngayon. Salubong ang kilay nito nang makalapit sa amin at naupo naman sa hagdanan na nasa punong narra. May hagdanan kasi doon dahil may tree-house sa itaas.
Ano naman ang problema ng isang 'ito?
"Hoy Stanley anong nangyari sayo?" tanong ko dito at tiningala ito mula sa itaas. Nakayuko naman ito ngayon sa akin habang tinitingnan din ako.
"Badtrip wala na yung canteen, wala man lang makainan," reklamo nito at masama pa rin ang anyo ng mukha.
Badtrip ba ito dahil walang pagkain? Pero bakit parang nakatingin naman ito sa direksyon ni Jackie at Jerron?
"Sure kang yun lang ang dahilan?" tanong ko at bigla naman itong tumitig sa akin.
"Bakit ano bang nasa isip mo?"
"Hmm wala, sya nga pala bakit magkasama ang dalawang 'yon close na ba sila?" tanong ko at inginuso si Jackie at Jerron na ngayon ay nagtatawanan pa.
"Malay ko sa mga kutong 'yan," ani Stanley at nag-iwas ng tingin. Tila hindi ito komportable dahil abot ang pagbuntong-hininga nito.
Hindi ko na ito pinansin hanggang sa dumating na ulit sila Lucas sa pwesto namin.
"Hoy anong ginagawa mo dyan?" tanong ni Klint habang nakatingala kay Stanley.
"Wala bakit nyo ba ko pinapansin dito?"
Kumunot naman ang noo ni Klint at bumulong sa akin.
"Anong problema ng isang yun at ang sungit?" tanong nito pero nagkibit-balikat lang ako. Wala din akong alam kung bakit ang sungit ni Stanley.
"Ano ng nakalap niyo? May balita na ba kayo?" tanong ko kay Lucas.
"Bro pwede bang tumabi kay Selena?" bigla ay sabi ni Lucas kay Val. Hindi naman nagsalita si Val at tumayo na ito. Umalis na ito at naglakad palayo.
Sinundan ko na lamang ito ng tingin.
"So ano ang nakalap nyo? Sino ang gumawa nun kay Hunt?" ulit na tanong ko kay Lucas.
"Wala kaming nahanap na malinaw na sagot pero yung ibang estudyante dito ay may binabanggit sila na Lisa," sabi ni Lucas at kinuha ang isang mansanas na natira sa kamay ko.
"Lisa? Sino namang Lisa iyon at ano naman ang kinalaman nya sa mga nangyayari?" tanong ko.
"Ni-rape sya at pinatay,"
Bigla akong natigilan dahil sa sinabi ni Lucas. Seryoso lang ito habang kinakagat ang mansanas.
"Ano? Ni-rape?"
Tumango si Lucas at kapagkuwan ay tumitig ito sa akin.
"Selena pwede bang i-describe mo ang itsura ng babaeng nakikita mo palagi?"
Lahat kami ay natahimik at ilang saglit ko din binalikan sa isipan ko ang itsura ng babaeng laging nagpapakita sa akin.
"Ahm maputi sya at maganda, maamo ang mukha nya, medyo singkit sya pero maganda ang mga mata nya," sabi ko.
"Nakasuot sya ng school uniform at kulay asul din ang palda niya tama?"
Bigla akong natigilan sa sinabi ni Lucas, sa pagkakatanda ko ay hindi ko naman nabanggit dito ang bagay na iyon pero bakit nito alam iyon?
Kinakabahang tumango ako kay Lucas.
"Kung ganoon si Maria Lisa nga ang nakikita mo, ang anak ni Mrs. Lily Valdez na syang may-ari ng eskwelahang ito," sabi ni Lucas.
"Ha? anak sya ng may-ari ng eskwelahang ito? Pero bakit sya nagpapakita sakin? Anong dahilan? Siya ba ang nasa likod ng mga pagpatay na nangyayari?" sunod-sunod na tanong ko.
Luminga muna si Lucas sa paligid bago ito sumagot.
"Sa tuwing may namamatay ay wala naman daw nakikitang ebidensya kung sino ang may gawa niyon. Ang sabi nila naghihiganti si Lisa dahil sa sinapit nya, hindi matahimik ang kaluluwa nya kaya naniningil sya at buhay ng mga nandito sa Sahara ang kabayaran,"
Pumalatak si Stanley mula sa itaas.
"Tangina! Bakit naman kailangan pa nyang mandamay? Gago ba sya? Bakit hindi ang mga rumape sa kanya ang paghigantihan niya?" galit na wika ni Stanley.
"Sa tingin ko kailangan natin makausap si Mrs.Valdez ang ina ni Lisa, hanggang ngayon daw kasi ay hindi pa nabibigyan ng katarungan ang kasong iyon tatlong buwan na ang nakalilipas," sabi ni Lucas
"You mean until now hindi pa rin nahuhuli ang mga rumape sa kanya?" ani Elisha.
Tumango si Lucas.
"Oo kaya hindi matahimik ang kaluluwa niya,"
"Pero bakit yung mga teachers dito ang weird din nila? Bakit hindi tayo makaalis dito?" nagtataka din na tanong ni Klint
"Dahil isinumpa ang eskwelahang ito at natatakot din sila sa pwedeng mangyari sa kanila kapag sinuway nila ang gustong mangyari ni Lisa," sabi ni Lucas.
"Nakikita din nila si Lisa?" kunot ang noong tanong ni Elisha.
"Oo," sagot naman ni Lucas.
Natahimik ako dahil sa sinabi ni Lucas. Ibig sabihin ay hindi lang pala ako ang nakakakita sa multo ni Lisa, tikom lamang ang bibig ng mga guro.
"Pero bakit ang sama naman niya? Bakit kailangan nyang kumitil ng buhay?" tanong ni Elisha. Mabilis na sumagot si Lucas sa tanong nito.
"Dahil punong-puno sya ng poot,"
Tumango-tango ako sa sinabi ni Lucas, maaaring tama ito. Kailangan ay matigil na ang mga nangyayaring ito at dapat naming malaman kung sino ang tunay na pumatay kay Lisa para mabigyan ito ng katarungan, baka sakaling kapag nangyari iyon ay matigil na ang pagkamatay ng ibang estudyante sa eskwelahang ito at para matahimik na rin ang kaluluwa ni Lisa.