"Mike's POV*
"Anong ginagawa niyo dito?" tanong samin ni Lucas nang makita niya kami ni Jerron na nanggigilid at naghahanap ng pwedeng pagtaguan. Hindi namin inaasahan na nandito rin pala sila sa likod ng clinic kung saan namin balak magtago ni Jerron at magpalipas ng magdamag. Bitbit rin namin ang ilang mga gamit namin.
"Nandito rin kayo?" gulat na sambit ni Jerron sa gilid ko habang nakatingin sa grupo nila Lucas.
"Hindi ba obvious?" pagsusuplado ni Lucas samin. Binigyan ko lang siya ng blangkong tingin. Wala akong panahon makipag-away sa kaniya ngayon. Ang kailangan namin ay makapagpalipas ng magdamag sa isang tagong lugar.
"Umalis na rin ba kayo sa bahay panuluyan?" tanong sakin ng pinsan kong si Trinity. Tumango lang ako sa kaniya.
"Sige dito na rin muna kayo magpalipas ng magdamag," sabi ni Trinity pero agad na kumontra ang kaibigan nitong si Lucas na halatang mainit ang dugo sakin. Hindi ko tinitingnan si Xyla na alam kong kanina pa nakatitig sa akin.
"What? Hindi sila pwedeng sumama satin Trinity ano ka ba? Baka mapahamak pa tayo dahil sa kamalasan ng mga yan eh!" galit na sabi ni Lucas.
"Grabe ka naman pare, chill ka lang!" ani Jerron kay Lucas.
"Anong chill? Wala kayong karapatan na sumama dito samin. Saka utang na loob, wag mo nga akong matawag-tawag na pare!" asik ni Lucas kay Jerron. Magsasalita pa sana si Jerron pero kaagad ko siyang pinigilan at hinawakan sa braso. Napatingin naman siya sa braso niya na hawak-hawak ko at hindi na nakipagtalo pa kay Lucas.
"Ano ba naman kayo? Wag na muna tayong mag-away away pwede ba? Lahat tayo ay nasa bingit ng panganib! Pwede bang isantabi niyo muna ang mga alitan ninyo?" sermon ni Trinity samin. Biglang nagsalita si Bruno na nasa gilid lang pala ni Selena.
"Oo nga, tama si Trinity. Tama na muna ang away. Ang mahalaga ngayon ay malaman natin kung paano mapipigilan si Mrs. Lily," ani Bruno.
"T-teka bakit parang kulang kayo. P-patay na rin ba si Valorous?" tanong ni Jerron nang mapansin nito na nawawala yung misteryosong lalaking iyon. Oo nga at kanina ko pa rin napansin na hindi nila ito kasama.
"Nabihag siya ni Mrs. Lily. Hindi namin alam kung saan siya dinala," sagot ni Trinity.
Bigla akong nakaramdam ng kaba. Patay na si Stanley, posibleng patay na rin si Valorous mga oras na ito kung napasakamay ito ni Mrs. Lily. Baliw na ang matandang iyon. Pero bakit nga ba ito nagkaganoon? Dahil ba sa pagkakapatay ko sa anak niya?
Bigla akong kinilabutan. Kaya walang ibang pwedeng makaalam ng lihim namin ni Jerron.
"Natahimik ka? Ayos ka lang?" siniko ako ni Jerron. Bahagya kaming lumayo sa grupo nila Lucas.
Tiningnan ko si Lucas at masama pa rin ang tingin niya sakin. Mukhang nagkabalikan na sila ni Xyla. Ilang araw kong hindi nakikita si Xyla sa bahay panuluyan tapos ngayon ay magkasama na ang mga ito. Wala naman na akong pakialam sa kanila. Pinagsawaan ko na si Xyla.
"Mukhang nagkabalikan na yung ex mo saka si Lucas," bulong sakin ni Jerron na nakatingin din pala sa tinitingnan ko.
"Wala akong pakialam," mayriin ngunit mahinang sambit ko sa kaniya.
———
*LUCAS POV*
Ang lakas din naman talaga ng loob ni Mike na magpakita pa samin at makihalubilo sa grupo namin. Naiinis ako dahil makikita siya ni Xyla at alam ko na babalik at babalik ang sakit na nararamdaman nito sa tuwing makikita nito si Mike. Maalala lang nito ang panglolokong ginawa ni Mike kaya naiinis ako na nandito rin sila ni Jerron. Sa dami ng pwede nilang taguan ay bakit naman dito pa? Umalis na rin pala ang mga ito sa bahay panuluyan. Mukhang hindi na rin kayang tagalan ng mga ito ang nangyayari sa bahay na iyon.
Tiningnan ko si Xyla mula sa gilid ko at tahimik lang siya. Ano kayang tumatakbo sa isip niya ngayon? Bigla akong nagkaroon ng kuryosidad. Tsk! Ano ba itong nangyayari sa akin?
"Okay ka lang?" mahinang bulong ko kay Xyla. Mabilis naman siyang tumango sa tanong ko. Madilim na ang paligid. Alas nuwebe na ng gabi. Balak naming magtungo ni Bruno sa bodega mamayang madaling araw.
"Magpahinga na tayo," sabi ni Trinity.
"Nagugutom ako," daing naman ni Jackie habang hawak-hawak ang tiyan nito.
Nakalimutan naming dalhin ang ilang mga pagkain na natira namin sa bahay panuluyan. Paano kami makakakain nito? Saan kami kukuha ng mga pagkain?
"Wala pala tayong naidalang pagkain?" tanong ni Selena sa gilid. Katabi nito si Bruno.
"W-wala," sagot ko sa kaniya. Napabuntong-hininga na lang si Jackie dahil wala itong makakain ngayon.
Baka pati si Xyla ay gutom na rin. Kailangan naming makakuha ng pagkain. Ano kaya kung bumalik ako sa bahay panuluyan kahit saglit lang?
Pero masyado namang delikado sa mga oras na ito. Bukas na lang siguro.
"Pagtiisan mo na yan Jackie. Bukas ay babalik ako sa bahay panuluyan para kuhanin ang mga naiwan nating pagkain doon," sabi ko.
"Pero masyadong delikado kung babalik ka pa doon Lucas," sabi ni Selena sakin. Nababasa ko ang labis na pag-aalala sa mga mata niya.
"Sasamahan ko na lang siya bukas," sabi naman ni Bruno.
"Mas mabuti pa nga Bruno. Samahan mo si Lucas para kung sakaling atakihin kayo ni Mrs. Lily ay may laban kayong dalawa sa matandang iyon!" ani Trinity.
"Oo, sasamahan ko si Lucas," sabi ni Bruno.
Nang matulog ang mga babae ay kami na lang mga lalaki ang gising. Maging sila Mike ay walang balak matulog dahil gising na gising ang diwa ng mga ito habang nagpaparingas ng mga punong kahoy.
"Alam niyo ba na delikado yang ginagawa niyo? Baka may makatunog na may tao dito sa bahaging ito dahil sa pagpapaapoy niyo," sabi ko sa kanila. Tiningnan lang ako ni Mike. Malalim ang tingin niya sa akin.
"Wala akong pakialam," sagot nito kaya nagpanting ang tainga ko sa narinig ko mula sa kaniya.
"Ganoon ba Mike? Pwes kung ikaw wala kang pakialam, kami mayroon! Iniingatan namin ang mga babae dito tapos kayo lang ang makakapagpahamak sa kanila? Umalis na lang kayo tutal kami naman ang nauna dito," mainit ang ulo na sabi ko kay Mike.
"Masyado kang mayabang," ani Mike sakin.
"Mayabang na kung mayabang pero pinoprotektahan lang namin ang mga kaibigan namin!" sabi ko. Napailing naman si Mike. Akmang tatayo ito para sumugod samin pero hinila ito ni Jerron.
"Oh easy lang! Mainit na naman ulo niyo eh! Magpasensiyahan nga muna kayong dalawa kahit ngayon lang. Lucas, pwede ba kahit ngayon lang magpapalipas lang naman kami ng magdamag dito. Aalis din kami bukas," sabi ni Jerron sakin. May halong pakiusap iyon kaya hindi na rin ako kumibo. Mas mabuti pa nga si Jerron medyo madaling kausap kaysa dito kay Mike na palaging nauuna ang yabang sa katawan. Hindi ko talaga alam kung paano ito naging pinsan ni Trinity.
"Lucas, kalma ka na muna," bulong sakin ni Bruno at tinapik ang balikat ko. Nakita kong hinubad niya ang suot niyang t-shirt. Akala ko ay ako lang ang nakakaramdam ng init ng panahon ngayon kahit na gabi. Masyadong maalinsangan. Si Bruno din pala ay kanina pa nakakaramdam. Hinubad ko rin ang suot kong damit at hinampas-hampas iyon sa katawan ko para kahit papaano ay guminhawa naman ang pakiramdam ko.
"Grabe alinsangan. Nakaramdam ka rin?" ani Bruno sakin. Tumango naman ako sa kaniya. Si Jerron nga din ay naghubad.
Ang mga babaeng kasama namin ay mahihimbing na ang tulog.
Mamaya ay pupunta kami ni Bruno sa bodega para tingnan kung doon nga dinala ni Mrs. Lily si Val. Masyado na namang delikado ang gagawin namin pero wala naman kaming choice. Hindi pwedeng magmukmok lang kaming lahat sa isang sulok at matakot. Kailangan kami ng isang kasama namin at siguradong nasa peligro ang buhay nito ngayon. Hindi namin siya pwedeng pabayaan. Kami-kami lang ang magtutulungan. Handa ako sa pwedeng mangyari at kung kamatayan din ang kahinatnan ko pagkatapos nito ay tatanggapin ko iyon mapatunayan ko lang sa mga kasama ko kung gaano ko pinahahalagahan ang pagkakaibigang nabuo namin sa loob ng maraming taon.