CHAPTER 07

1429 Words
Pagdating namin sa Sahara ay nagkakagulo ang mga estudyante sa ibaba ng Belmonte Hall. Nagmadali kaming maglakad ni Val upang alamin kung ano ang nangyayari. Palapit pa lang kami ni Val ay ibang klaseng kaba na ang nararamdaman ko. Sunod-sunod ang mabilis na pintig ng puso ko at hindi ko maintindihan kung bakit. "Ayos ka lang?" tanong sa akin ni Val nang mapansin nito na tila hindi ako komportable. "K-kinakabahan ako," sambit ko. Iba kasi talaga ang kutob ko, pakiramdam ko ay may iba na namang nangyari. Nagulat ako nang biglang hawakan ni Val ang dalawang kamay ko. Ilang saglit ako nitong tinitigan sa mga mata. Hindi ko alam pero kahit papaano ay nabawasan ang kaba ko dahil lang sa paghawak nito sa kamay ko. Ang weird. "Huwag kang matakot kasama mo ako," anito at tinuloy namin ang paglapit sa mga taong nagkakagulo na naman sa ibaba ng building. Doon ay tumambad sa amin ang nakahandusay na babae. Sa tingin ko ay kaedad lamang namin ito. Duguan ang ulo nito at may hiwa sa leeg. Napa-atras ako dahil sa itsura niyon. Tumaas lahat ng balahibo ko at shocked ako sa nakita ko. Hindi pa ako nakakamove-on sa nakita ko kahapon tapos heto at may bago na naman. Ano bang nangyayari? Bakit kailangan na may mamatay? "Grabe! hindi ba lilipas ang isang araw na walang namamatay dito? Mauubos na lang ang mga estudyante sa paaralang ito," sabi ng isang lalaki habang nakatitig sa bangkay ng babae. "Sinadyang patayin ang isang 'to at sa tingin ko may pagtatalo munang nangyari kaya may hiwa sya sa leeg," sabi ni Val sa gilid ko habang ang mga mata ay nakatingin sa bangkay. "U-umalis na tayo Val," takot kong sabi. Tiningnan ako ni Val at nang makita nito ang takot sa mga mata ko ay nilisan na namin ang lugar. Hindi pa kami nakakalayo nang may marinig na naman kaming mga sigawan. Natigilan kami ni Val, nagmumula ang sigaw sa science building. "Dito ka lang kung hindi mo gustong makita ang-" "Sasama ako," putol ko sa sinasabi ni Val kahit kinakabahan pa din ako, isang bahagi ng pagkatao ko ang gustong malaman kung ano na naman ang nangyayari. Ramdam na ramdam kong may hindi na naman magandang nagaganap sa pinanggagalingan ng mga sigawang iyon. Patakbo naming tinungo ni Val ang science building, mangilan-ngilan lang ang estudyanteng nandoon dahil nasa Belmonte Hall ang karamihan at doon nagkakagulo. Habang papalapit kami sa lugar ay lalong lumalakas ang mga sigawan at nang makarating na kaminsa mga estudyanteng sumisigaw ay nakita namin kung ano ang dahilan ng pagsigaw ng mga ito. Hindi ako pwedeng magkamali. Si Hunt ang nasa harapan namin ngayon at pinagkakaguluhan ng mga estudyante. Napatakip ako sa mata at napasandal sa dibdib ni Val nang makita ko ang kahindik-hindik na itsura nito habang gumagapang sa semento. Lapnos ang mukha nito at puro dugo ang unipormeng suot-suot. "Oh my God! Anong nangyari sa kanya?" gulat na sabi ng estudyante na nakahalubilo rin sa amin. Nagtatakbo ang ilan dahil sa takot habang ako ay nakatago pa rin sa dibdib ni Valorous. Masyado akong nabigla sa nakita ko, naramdaman ko ang pangangatog ng tuhod ko. "Hunt anong nangyari sayo?" Boses ni Mike iyon at nasa likod na pala namin ito. Kasama nito si Bruno at Jerron. Si Hunt ang nawawala sa bakanteng upuan kahapon dahil malamang na nag-cutting ito. First subject lang kasi ang pinasukan nito kahapon. "f**k!" napamura si Bruno habang tinitingnan ang kahila-hilakbot na itsura ni Hunt. Maging ito ay hindi makayanan na tingnan ng matagal ang itsura ni Hunt. Hindi makapagsalita si Hunt dahil sunog na sunog ang mukha nito. Tila nagsara ang labi nito at hindi ko matagalan na tingnan iyon. Ang katawan nito ay lapnos din. Napakasakit tingnan ng mga sugat nito at alam kong sobrang hapdi niyon. Habang nakasandal ako sa dibdib ni Val, muli kong narinig ang tinig na tila humihingi ng tulong. Iminulat ko ang mga mata at mula sa loob ng laboratory ay natanaw ko ang isang imahe na nakatayo at nakatingin sa akin. Ang babaeng palagi kong nakikita. Malungkot ang mukha nito at alam ko sa sarili kong multo ito dahil mabilis na naman itong naglaho sa paningin ko. Alam kong hindi na lang basta malik-mata iyon. Totoong nakakakita ako ng multo. Kumawala ang luha sa mga mata ko at ang huling namalayan ko ay umiiyak na pala ako sa balikat ni Val. "Shhh, tahan na. Huwag mo syang pansinin. Huwag mong ipakita sa kanya na natatakot ka, kailangan mong maging matatag," ani Val na tila alam nito kung anong nangyayari sa akin. "Bakit mo-" "Nakikita ko rin sya," pagputol ni Val sa sasabihin ko. "S-sya ba ang may gawa niyan kay Hunt?" tanong ko kay Val at pilit tiningnan si Hunt na ngayon ay inaalalayan na nila Mike. Umiling si Val sa tanong ko. "Hindi, halika na kailangan na nating pumasok," ani Val at hinawakan ang kamay ko. Nagtungo kami sa classroom namin at naroon na sila Lucas. Doon din dumiretso sila Mike habang bitbit ng mga ito si Hunt na pilit pinaupo sa upuan nito. Lahat ng nasa classroom namin ay nagulat, mas marami ang natakot. "Anong nangyari sa kanya?" dinig kong tanong ni Trinity. Nalaglag lang ang balikat ng pinsan nitong si Mike. Wala din itong ideya sa kung anong nangyari kay Hunt o kung sino man ang may gawa niyon. "Hunt kailangan mong sabihin samin kung anong nangyari sayo," sabi ni Jerron. Hirap na hirap ang itsura ni Hunt, hindi ko alam kung mabubuhay pa ito sa tindi ng tinamong sunog at pinsala sa katawan. Pero parang pinipilit nitong mabuhay dahil mayroon itong gustong sabihin. Pero paano? Hindi ito makapagsalita dahil maging ang bibig nito ay matindi rin ang pinsala. Nanginginig na kumuha ito ng ballpen at papel. Doon ay nagsimula itong magsulat, pero hirap na hirap ito. Kitang-kita ko na pinipilit nito ang sariling makapag-sulat. 'Huwag na huwag kayong aabsent, huwag na huwag kayong makakakuha ng gradong line of 7, huwag na huwag kayong susuway sa mga patakaran ng eskwelahan...' Kahit hindi malinaw ang sulat ni Hunt ay naintindihan ko pa rin iyon. "Anong ibig mo sabihin Hunt? Sino ang may gawa sayo nyan? Sabihin mo samin kung sino ang gumawa sayo nyan!" pasigaw na sabi ni Bruno. Ano mang oras ay tila babagsak na si Hunt dahil sa sobrang panghihina pero pilit pa rin itong nagsulat ulit sa papel. 'Hindi ko pwedeng sabihin dahil kapag sinabi ko iyon ay tutuluyan na niya ako.' Muli akong binalot ng takot dahil sa isinulat ni Hunt. Lahat kami ay hindi makapaniwala sa mga nangyayari. "Malakas ang kutob ko na kaya nangyari kay Hunt ito ay dahil hindi sya pumasok kahapon," ani Val. "At kaya tayo pilit pinapapasok ng mga guro ay dahil ganito rin ang mangyayari satin sa oras na sumuway tayo," dagdag nito. Lahat kami nakatingin ngayon kay Val dahil sa mga sinabi nito. "May alam ka ba sa mga nangyayari?" tanong ni Stanley kay Val. Hindi nagsalita si Val pero isa-isa kami nitong tiningnan. "Kailangan natin sumunod sa agos upang hindi na tayo mabawasan pa. Parusa pa lang ang nangyari kay Hunt dahil sumuway sya, sa susunod na ulitin nya yan ay baka tuluyan na syang patayin, hindi na maganda ang nangyayari dito kailangan na natin mag-isip ng mga hakbang upang malaman kung ano ang mayroon sa eskwelahang ito," Walang malinaw na paliwanag si Val sa mga salitang binibitiwan nito ngunit nauunawaan namin iyon. Unti-unting pumapasok sa utak ko na baka ang dahilan kung bakit nangyari iyon kay Hunt ay dahil nag-cutting ito kahapon, maaaring totoo iyon dahil lagi kaming binabalaan ng mga guro na bawal kaming umabsent at ayon sa isinulat ni Hunt ay kailangan naming maging mabuting estudyante upang hindi namin maranasan ang dinanas nito sa kamay ng kung sino man. Bigla kong naalala yung babae na nagpapakita sa akin, posible kayang ito ang may gawa niyon? Pero ang sabi ni Val kanina ay hindi, pero bakit ito nagpapakita sa akin? Bakit ito nagmumulto? Kung hindi ito ang may kagagawan ay sino? Ang sabi ng lalaki na nakausap namin ay mayroon daw kaluluwa dito na punong-puno ng poot. Hindi kaya yung babae na iyon ang tinutukoy nito at kaya lagi itong nagpapakita sa akin sa tuwing may namamatay ay dahil ito ang may gawa niyon? Nakaramdam ako ng kaba sa isiping iyon, natatakot na naman ako. Natatakot ako na baka sa susunod na magpakita ito sa akin ay mayroon na namang mamatay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD