KINABUKASAN ay hindi mapakali si Alpha. Kanina pa siya pasilip-silip sa bintana ng kanyang silid. Katatanggap lang niya ng tawag mula kay Hunter at ayon dito ay nais siya nitong makausap ngayong gabi. Pero paano siya lalabas ng bahay nang hindi mapapansin ng mga magulang? Pakiramdam niya ay isa siyang presong hindi man literal na ikinukulong ng mga magulang ay bantay sarado naman sa paningin ng mga ito. Dalawang araw na siyang sinusundo ng ama sa pinapasukang paaralan. Hindi niya ibig isiping binabantayan nga siya ng daddy niya. Ang lagi nitong katwiran ay may dinaanan itong kakilala sa malapit doon kaya sinusundo na siya. Maging sa bahay ay nararamdaman niya din ang mapagmasid na titig ng mga magulang kaya para makaiwas sa mga tinging iyon ay pinipili na lamang niyang manatili sa loob ng

