Nanlamig ang buong katawan ni Zac dahil sa labis na pagkabigla. Hanggang ngayon ay parang isang madilim na bangungot para sa kaniya ang naabutang tagpo sa pagitan ni Jean at ng dating kasintahan nitong si Edison.
Nagpasiya siyang magtungo sa flower shop para kausapin ang dalaga. Ang plano niya ay ipagtapat na dito ang totoong nararamdaman niya. Hindi niya alam kung anong mahika ang sumapi sa kaniya dahil naging pabugso bugso ang desisyon niya.
Kaninang umaga ay nagising siya mula sa isang masamang panaginip. Sa panaginip niya ay kasama niya sa isang mataong lugar si Jean. Masayang masaya sila habang naglalakad at halos ayaw na niyang pakawalan ang kamay nito. Pero biglang lumakas ang ihip ng hangin at yumanig ang buong paligid. Nabitiwan niya ang kamay ni Jean ng mahati sa dalawa ang lupang kinatatayuan nila. Nahiwalay ito sa kaniya.
Sumisigaw siya sa panaginip niya habang tinatawag ito. Ganoon na lamang ang takot niya dahil napuno ng makapal na usok ang buong lugar kaya hindi na niya ito makita. Nang mawala na ang usok ay tumambad sa kaniya ang nakangiting anyo ni Jean. Kumaway ito sa kaniya at sa tabi nito ay may isang matangkad na lalaki. Hinawakan ng estranghero ang kamay ni Jean at magkasabay na tumalon ang mga ito sa nahating lupa.
Nang magising siya kanina ay umiiyak na pala siya. Parang totoo ang panaginip niya, parang totoo na nakatakda ngang mawala sa kaniya ang dalaga.
Sa labis na pag aalala ay nagdesisyon na siya na kausapin si Jean. Nakahanda siya sa lahat ng pwedeng mangyari. Kung kinakailangan na dumaan pa siya sa butas ng karayom at ligawan ito ay gagawin niya.
Pero hindi ganito.. nagsisikip ang dibdib na sumulyap siya sa rareview mirror ng sasakyan. Nakita niya si Jean na umiiyak habang hinahabol siya. Para siyang sinipa ng malakas sa dibdib nang makita niya ang paghihirap nito.
“Ako ang mismong nagsabi kay Nanay na magsinungaling sa'yo para hindi ka na mahirapan pang kalimutan ako. Pero.. pero nagkamali ako, babe please? hindi ako matatahimik hangga’t hindi mo ako napapatawad ulit dahil hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin kita.” naalala niyang sabi ni Edison kanina.
Hindi pala totoong iniwan nito si Jean para sumama sa ibang babae. Nagsakripisyo ito para sa sariling pamilya. Ano ang laban niya dito? ano ang laban niya sa ilang taon na nakasama nito si Jean?
Nasasaktang hinampas niya ng mga kamay ang manibela ng sasakyan. Hindi na niya kayang pigilan ang sariling emosyon at kusang pumatak ang mga luha niya. Naramdaman niya na nagsisimula ng magsikip ang dibdib niya kaya nagdudumaling kinuha niya ang gamot niya at ininom iyon.
“I’m letting you go, baby.. I’m sorry.” mahinang naiusal niya at muling hinayaang pumatak ang masaganang mga luha niya.
☆☆☆☆☆☆☆☆☆
“Zac..”
Halos maliit na tinig lamang ang maririnig mula kay Jean nang bumukas ang pinto ng apartment at tumambad sa kaniya ang seryosong anyo ng binata. Nakita niya ang pagdaan ng saglit na pagkagulat sa mga mata nito nang makita siya.
Hindi ito nagsalita at dire-diretsong pumasok sa loob. Sumunod naman siya dito kahit hindi niya alam ang eksaktong sasabihin niya. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin ngayon kay Zac.
Dapat ba niyang ipaliwanag dito ang nangyari kahapon nang makita nito si Edison? pero papaano? hindi niya alam ang estado nilang dalawa ni Zac. Mas tamang sabihin na nagpapanggap lamang sila. Isang pagpapanggap na ilang daang beses na niyang nahiling na sana ay maging totoo dahil masaya siya sa tuwing nasa tabi niya ito.
“Zac.. i-iyon nakita mo kahapon,” kinakapos ng paghinga na pinisil niya ang mga palad at tumingin sa binata. Tinalikuran naman siya nito at nagkunwari na walang narinig. Kahit nasasaktan siya sa pambabalewala nito sa kaniya ay hindi niya magawang magreklamo.
“Bumalik na pala siya,” ani Zac. Malamig ang tinig nito at animo ay tumatagos iyon sa puso niya.
“O-oo.. mas gusto na lang daw niya na dito magtrabaho para mas makasama niya ang pamilya niya.”
“Mabuti kung ganoon..”
Ilan beses siyang napalunok at sinalubong ang mga tingin nito. Hindi niya mabasa ang nilalaman ng isip nito kaya hindi niya alam kung pa ang dapat niyang sabihin. Walang kahit anong salita ang rumehistro sa utak niya.
“Nagpunta ka ba dito para sabihin sa akin na kailangan na natin itigil ang pagpapanggap dahil bumalik na siya? okay lang naman sa akin iyon, Jean. Pwede naman nating sabihin sa mga parents natin na hindi tayo magkasundo sa maraming bagay kaya tayo maghihiwalay. Mas mabilis nilang matatanggap ang ganoong dahilan.” tila balewalang sagot nito.
Gimbal na pinagmasdan niya si Zac. Parang malakas na sampal sa kaniya ang mga sinabi nito. Awtomatikong nag unahan sa pagpatak ang mga luha niya.
“Z-zac hindi naman iyon ang ipinunta ko dito!” hindi niya mapigilan ang pag ahon ng inis kaya napasigaw siya.
“At ano?” tuluyan ng sumungaw ang sakit sa mga mata ng binata. Tinangka niyang lumapit dito pero umiwas naman ito. Umiling siya at umiiyak na nagsalita.
“H-hindi ko alam..n-nalilito ako.” kagat labing anas niya. Narinig niya ang mahinang pagmumura nito.
“Ah!” huminga ito ng malalim.
Yumuko ito at ipinatong ang mga palad sa magkabilang tuhod na animo ay pinipigil ang pag alpas ng sariling emosyon. Gusto niyang lapitan ang binata. Gusto niya itong daluhan pero sa palagay niya ay hindi siya nito bibigyan ng pagkakataon na lumapit dito ngayon.
“Sabihin mo nga sa akin, siya pa rin ba?”
Natutop niya ang mga labi at nag iwas ng tingin dito. Dinig niya ang mabilis na paghinga nito at parang isang parusa para sa kaniya na makita na maging ito ay nahihirapan din.
“N-nalilito ako..”
Totoo ang sinabi niya. Litong lito siya. Kinakain siya ng matinding pangamba at hindi na niya alam ang gagawin niya. Ngayong bumalik na nga si Edison ay hindi na niya alam kung papaano pa niya haharapin ang bukas. Nagulo ang dati naman ay tahimik niyang mundo.
“Nalilito ka dahil siguro may nararamdaman ka pa rin sa kaniya. Mahal mo pa rin siya..” ani Zac at malungkot na ngumiti.
“H-hindi ko alam.. gusto kong makulong sa mga bisig mo. Gusto kong makasama ka. Pero hindi ko alam kung ano ang mas matimbang sa akin ngayon. Nalilito na ako.. nakakalito..” naisuklay niya ang mga daliri sa mahabang buhok at napahagulhol.
“Paulit ulit kong naaalala ang mga pinagsamahan namin ni Edison. Kahit ang sakit na.. kahit nahihirapan ako ay hindi ko basta maitapon ang mga alaala namin. Nakakulong ako sa nakaraan. Iginapos ko ang sarili ko sa nakaraan namin. Papaano ako tatakas? papaano ko masisiguro kung pagmamahal pa rin ba ito para sa kaniya o baka naman…baka hindi ko lang magawang kalimutan basta ang lahat dahil bigla na lang siyang umalis noon ng hindi ko alam ang dahilan.”
“Maghihintay ako..”
Pakiramdam niya ay tumigil sa pagtakbo ang oras niya. Gulat na nag angat siya ng tingin sa binata.
“Zac..” dinig niya ang malakas na pintig ng puso niya.
“Maghihintay ako sa magiging desisyon mo. Alam kong hindi magiging madali para sa'yo ang lahat pero gusto kong malaman mo na maghihintay ako. Okay lang sa akin kahit gaano katagal mong pag isipan.. basta nandito lang ako.” kahit malungkot ang mga mata ay pilit na ngumiti ito sa kaniya.
Zac!
Gusto niyang takbuhin ang pagitan nilang dalawa at yumakap ng mahigpit dito. Naikuyom niya ang mga palad para pigilan ang sarili na lapitan ito. Pilit na ngumiti siya kahit parang nadudurog ng pino ang puso niya at tumango.
“Salamat..” mahinang sabi niya at tinalikuran na ang binata. Pero bago siya umalis ay narinig niyang may sinabi nito.
“Mahal kita..”
Nanghihinang naipikit niya ang mga mata at tahimik na tumangis. Napakahina lamang ng tinig nito at halos sapat lamang para marinig niya.
Kung sana lang ay dumating na ang panahon na masiguro nga niya sa sarili na nakalimutan na niya ang nakaraan at nakahanda na siyang harapin ang bukas kasama ito....