Hindi mapigilan ni Jean ang mapangiwi nang magkaharap na ang mommy niya at ang mommy ni Zac. Dahil araw ng linggo at naiinip siya sa bahay ay sumama siya sa kaniyang ina sa pamamasyal. Pagkarating nila sa mall ay tumawag ang ina ni Zac at itinanong kung nasaan siya. Sinabi niya dito kung nasaang mall siya at nagkataon na naroon din pala ito. Dahil mag isa sa pamamasyal ay sumama na rin ito sa kanila.
“Balae!” natutuwang bati ng kaniyang ina sa mommy ni Zac. Iyon ang unang beses na nagkita ang mga ito pero kung mag usap naman ay parang matagal nang magkakilala.
Natutop niya ang mga pisngi dahil para siyang nabalewala sa pamamasyal nila. Nasa likuran siya habang nag uusap ang mga ito tungkol sa kanilang dalawa ni Zac.
“Kaya nga ang sabi ko sa kanila bakit hindi na lang sila magpakasal sa unang buwan ng taon. Malapit na rin naman matapos ang taon kaya pwede na tayong maging busy sa paghahanda ng kasal nila.” excited na sabi ng mommy niya. Kahit nasa likuran ay nagawa pa niyang sumingit sa pag uusap ng mga ito.
“Mommy patapos pa lang ang buwan ng july—”
“Tumigil ka nga Xenia Jean, natural na sa amin ang magprepare ng mas maaga dahil magiging magarbong ang kasal ninyo. Tama naman ako 'di ba balae?”
Mommyyyyyy!
Hiyang hiya na siya sa pinag uusapan ng mga ito. At ano ang papel niya sa pagiging shopping duo ng dalawa? nagmistula siyang julalay! kaunti na lang at matatabunan na siya ng mga paperbag.
“Si ate oh, parang naglalakad na paperbag." natatawang sabi ng isang teenager sa katabi nito.
Grabe naman!
“Kaya nga balae. Alam mo ba na inabot din naman kami ng ilang buwan sa pagsasaayos ng kasal ng panganay ko kaya sa tingin ko ay dapat talaga na magsimula na tayo ngayon.” pagsang ayon ng mommy ni Zac.
Ano ba! kailan ba magkakaroon ng hindi pagkakasunduan ang mga ito? bakit ba parang long lost friends kung mag usap ang mga ito? kung ang ibang magbalae ay nagpapatalbugan o kaya naman ay nagtatalo para sa pagplano ng kasal. Pwes! iba ang mga ito.. palaging ‘I second the motion’ ang nangyayari.
Gusto niyang mapakamot sa ulo pero sa dami ng dala niya ay parang pagpapahirap sa kaniya ang ginagawa ng magbalae-kuno.
“Ay teka.. tatawagan ko si Zac para makasama din natin siya.”
Gusto niyang kumontra pero pakiramdam niya ay hindi kailangan ng mga ito ang opinyon niya dahil nga julalay lang siya at naglalakad na paperbag. Pakiramdam nga niya ay hindi siya ang bride dahil hindi man lang siya tinanong kung ano ang plano niya.
Pabayaan na ang mga gurang.. kaligayahan nila eh.
Pagkalipas nga ng mahigit kalahating oras ay dumating na si Zac. Patakbong lumapit ito sa kanila. Humalik na muna ito sa pisngi ng magbalae bago lumapit sa kaniya. Kinintalan siya nito ng mabilis na halik sa mga labi bago kinuha ang mga bitbit niyang paperbag.
Salamat naman..
Laking ginhawa niya ng mawala ang mga pasanin niya.
Nakita niyang ngumiti ang kaniyang ina matapos siyang tulungan ni Zac. Mababakas ang labis na katuwaan sa mukha nito kaya napangiti na rin siya.
“Thank you.” sabi niya kay Zac. Ngumiti ito at inakbayan siya.
Hindi niya alam kung mahaba ang pasensiya ng binata sa mga ganoong lakad. Pero sana ay tumagal ito sa mga mommy nila na parang mga naglalakad sa buwan kung magshopping.
“Wait,” pigil ng binata sa kaniya habang naglalakad sila.
Nagtatakang tumingin siya dito. Ibinaba nito sa sahig ang mga bitbit at lumuhod. Itinali ulit nito ang natanggal na shoelace ng rubbershoes niya. Nag angat ito ng tingin sa kaniya. Parang tumaba ng ilang kilo ang puso niya dahil muling sumilay ang ngiti sa mga labi ni Zac.
“Ang sweeeeet!” kinikilig na sabi ng isang nakakita sa ginawa nito.
Oo nga ang sweet! At batid niya na siya na ang pinakamasayang babae sa buong mundo. At kahit na isang hamak na julalay lang siya kanina at napagkamalan pang walking paperbag ay hindi maikakaila na may gwapong fiancée naman siya.
Isang napakagwapo at ubod ng sweet na fiancée!
☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆
“Kanino galing ito?” nagtatakang tanong ni Jean nang ibigay sa kaniya ng isang tauhan ang isang maliit na sobre.
“May lalaki po sa labas sabi niya ay kilala ka daw niya. Ibigay ko daw po iyan sa'yo.”
Kunot noong tumango na lamang siya at binuksan ang sobreng hawak niya. Naguguluhang binasa niya ang mga salitang nakasulat sa papel.
Will you forgive me?
Gulat na tumayo siya at hindi makapaniwalang natutop ang mga labi. Kilalang kilala niya ang sulat kamay na iyon.
Edison......
pakiramdam niya ay biglang umikot ang paningin niya. Parang may pakpak ang mga paa na tumakbo siya palabas ng tindahan para hanapin ang lalaki.
“Edison! Edison!” nagsisikip ang dibdib na luminga siya sa paligid. Panay ang iyak niya habang hinahanap niya ito. Hindi niya ito nakita kaya nanlulumong napahagulhol siya. Nagyuko siya ng ulo at hinayaan na bumuhos ang mga luha niya.
Bigo na naman siya.. nabigo na naman siyang makita ito.
“Jean..”
Gulat na nag angat siya ng tingin. Napasinghap siya nang makita ang taong hinahanap niya. Nakatayo ito sa harap niya at malungkot na pinagmamasdan siya.
Parang kahapon lamang nangyari ang bangungot na kay tagal niyang iniyakan. Bumalik sa kaniya ang lahat ng sakit na naramdaman niya mula ng mawala ito. Parang kailan lang nang ipagtabuyan siya ng pamilya nito dahil sumama ito sa ibang babae.
Bawat paghinga niya ng malalim ay parang unti unting tinutusok ng malalaking karayom ang puso niya. Buhay na buhay pa rin ang sakit at ang mga alaalala niya kapiling ito.
“N-nagbalik ka…” natitigilang anas niya.
Tumango ito. Nakita niya na malaki ang ipinagbago ng pisikal na hitsura ni Edison. Malaki ang ipinayat nito at halos nanlalalim na ang mga mata nito. Parang hindi na ito ang Edison na nakilala niya. Masayahin, palaging may nakahandang ngiti para sa kaniya. Punong puno na ng kalungkutan ang mga mata nito.
Pero bakit? nangungulila ba ito sa kaniya? nagsisisi ba ito ngayon at nahiling nito na sana ay hindi na ito umalis at iniwan siya?
Hindi niya alam kung ano ang iisipin habang nakatayo ito sa harapan niya. Ang tanging masisiguro lamang niya ay para siyang pinaparusahan ng langit ngayon.
“Babe..” tinangka siya nitong hawakan pero umatras siya. Nagagalit na tumingin siya sa mga mata nito.
“Huwag kang lalapit sa akin!” galit na sigaw niya.
“Magpapaliwanag ako, Jean.”
“Niloko mo ako!” ibinato niya sa mukha nito ang papel na hawak niya.
“Hayaan mo akong magpaliwanag—please!”
“Niloko mo ako!”
“Sorry..”
“Umalis ka na.. kahit kailan ay hinding hindi kita mapapatawad dahil sa panloloko mo sa akin.” mabigat ang mga hakbang na tinalikuran na niya ito. Ngunit natigil siya sa paghakbang ng muli itong magsalita.
“Hindi totoo ang sinabi nila Nanay sa'yo na sumama ako sa ibang babae.”
Parang siyang tinamaan ng kidlat dahil sa ipinagtapat nito. Gimbal na lumingon ulit siya sa dating kasintahan.
“Nagipit na ako… tumigil ako sa pag aaral at hindi ko iyon ipinaalam sa'yo. Alam ko na marami akong nagawang pagkakamali at pinagsisisihan ko na iyon, Jean. Nagtrabaho ako sa ibang bansa. Isinangla ko ang lupa namin para makaalis ako at hindi na ako nagpaalam pa sa'yo dahil ayokong makita na nasasaktan ka dahil sa pag alis ko. Hiyang hiya na ako sa'yo dahil sa kabila ng mga naitulong mo ay hindi kita nagawang pahalagahan noon. Ako ang mismong nagsabi kay Nanay na magsinungaling sa'yo para hindi ka na mahirapan pang kalimutan ako. Pero.. pero nagkamali ako, babe please? hindi ako matatahimik hangga’t hindi mo ako napapatawad ulit dahil hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin kita.”
Hindi agad rumehistro sa utak niya ang mga sinabi ni Edison at sa loob ng ilang minuto ay nakatulala siya. Nagulat na lamang siya ng basta siya kabigin nito at yakapin ng mahigpit. Naipikit niya ang mga mata at muling nangilid ang mga luha niya.
“I love you.. hindi totoong umalis ako para sumama sa iba.
Kinailangan kong umalis ng bansa at magtrabaho sa abroad para magbago ang buhay ko.”
Tigagal na pinakiramdaman niya ang sarili. Wala siyang makapang emosyon sa dibdib niya. Ang tanging naroon lamang ay galit at labis na pagkabigla. Iminulat niya ang mga mata para lang magimbal ng makita niya si Zac na naroon at pinagmamasdan siya. Blangko ang ekspresyon ng mukha na nakatingin ito sa kaniya.
Parang may sumipa ng malakas sa dibdib niya nang makita kung papaano ito tumalikod at bumalik sa sasakyan.
“Zac!” tawag niya. Nagpumiglas siya mula sa mahigpit na yakap ni Edison at hinabol ito. Hindi na siya nito pinansin at pinaharurot ang sasakyan. Tila kandilang mauupos na napaluhod siya sa sahig at umiyak. Mas dobleng sakit ang naramdaman niya kanina nang makita niya ang madilim na reaksiyon ni Zac. Ang malamig na mga titig nito. Parang matalim na bagay iyon na pumaparalisa sa buong katawan niya.