13

2282 Words
Pagkatapos maligo ay isinuot na ni Jean ang ipinahiram na t-shirt at pajama sa kaniya ni Zac. Nagtungo na siya sa sala at nadatnan niya ang binata na inaayos sa coffee table ang first aid kit na hawak nito. Naupo siya sa sofa at pinagmasdan ang ginagawa nito. “Alam mo bihira na ang mga lalaking kagaya mo na malinis at kompleto ang mga gamit kahit na mag isa lang na naninirahan sa isang bahay.” “Nasanay na akong magdala ng first aid kit dahil madalas madapa si Patty—” natigilan ito at nag angat ng tingin sa kaniya. Nawala ang ngiti sa mga labi niya. Bigla ay nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na sakit nang marinig niyang tinawag nito ang pangalan ng best friend nito. Nagseselos ba ako? para siyang binigyan ng mag asawang sampal dahil sa sariling tanong niya. Bitbit ang betadine, cotton at band aid na lumapit ito sa kaniya. Lumuhod ito sa harap at ipinatong nito ang mga paa niya sa ibabaw ng mababang mesa. Ilan beses nitong hinipan ang maliliit na mga sugat bago iyon pinatakan ng betadine. Nakakataba nang pusong isipin na siya na ngayon ang ginagamot nito at hindi na si Patty. Pagkatapos gamutin ay nilagyan na ni Zac ng band aid ang mga sugat niya. Naupo na ito sa tabi niya at pinagmasdan siya. Sa huli ay napaigik siya nang pisilin nito ang mga pisngi niya. “Ang tigas din talaga ng ulo mo, bakit nagpunta ka pa rito. Dapat nagpahinga ka na lang at umuwi.” sermon nito. “Sa nag aalala nga ako sa'yo eh..” nakalabing saad niya. Dahan dahang lumuwag ang pagpisil nito sa mga pisngi niya at sa huli ay nauwi sa paghaplos iyon. “Sabihin mo nga sa akin, ngayon na nasa tabi kita may dahilan ba ako para masaktan dahil nagpakasal sa kapatid ko ang best friend ko?” Ilan beses siyang lumunok bago sinalubong ang tingin nito. Gusto niyang pumalahaw ng iyak. Gusto niyang makulong ng mahabang oras sa mga bisig ni Zac para maramdaman ang init na nagmumula sa katawan nito. At tila dininig naman ng diyos ang kahilingan niya. Dahil nang pumihit siya at tumalikod para itago kay Zac ang pagpatak ng mga luha niya ay naramdaman niya na niyakap siya nito sa baywang. Isinandal nito ang likod niya sa katawan nito at itinago nito ang mukha sa bandang leeg niya. Naglalambing ba ito? ilan beses siyang huminga ng malalim sa tuwing tumatama ang mainit na hininga nito sa batok niya. “Come on.. nakahanda akong makinig sa mga sasabihin mo. Nakahanda akong mas makilala ka pa..” anas nito. Parang isang paslit na humikbi siya. Napakarami niyang gustong sabihin kay Zac pero hindi niya alam kung saan at papaano siya magsisimula. Nakakatuliro ng utak ang matinding sensasyon na dulot ng mainit na yakap nito. “S-si kuya kasi.. na-friendzoned eh.. halos pareho kami ng kapalaran kaya hindi ko maiwasan na masaktan para sa kaniya. Tapos iniisip ko pa ang kalagayan mo kanina sa simbahan. Iniisip ko kung nahihirapan ka ba, kung patago ka bang umiiyak.” mabigat ang dibdib na wika niya. Naramdaman niya na humigpit ang pagyakap nito sa bandang tiyan niya bago ito nagsalita. “Then tell me… lahat ng gusto mong sabihin ngayon.. makikinig ako.” “T-talaga?” “Yeah.. talagang talaga.. kahit hanggang bukas.” Sinunod nga niya ang kahilingan nito. Ipinikit niya ang mga mata at hinayaan ang sariling balikan ang nakaraan na minsan ng sumugat sa puso niya… Second year high school si Jean nang mapilitan siyang sundin ang suhestiyon ng teacher niya na magpatutor sa kaklase niyang si Edison para magkaroon ng improvement ang grade niya sa Math. Kaklase niya si Edison at ito ang class President nila. Kahit bata pa ay kinakitaan na ito ng talino kaya marami ang kagaya niyang humahanga dito. Kahit hindi ito nagmula sa isang mayamang pamilya ay nagawa nitong makapag aral sa isang private school dahil sa scholarship na nakuha nito. Kung tutuusin ay halos natalbugan na nito ang ilang anak mayaman sa school nila na puro bulakbol at pagpapagwapo lang ang alam. Iba kasi si Edison. Matalino, responsable, tahimik at marunong makisama kaya kailanman ay hindi ito nabully ng ibang estudyante. Kaya nga nang pumayag itong turuan siya ng Math sa mga bakanteng oras nila ay agad na nahulog ang loob niya dito. Naging magbest friends sila dahil mabilis niya itong nakapalagayan ng loob. Fourth year high school na sila ng ligawan siya nito. Dahil nararamdaman niya na talagang mahal na niya si Edison ay sinagot niya ito. Nagmistula silang mga celebrity sa buong school dahil ang karamihan ay tuwang tuwa sa tuwing makikita sila na magkasama. Pero dahil gwapo at kilala si Edison ay marami rin siyang naging kaagaw dito. May tiwala naman siya sa nobyo kaya hindi kailanman siya nabahala sa pagpapapansin dito ng ibang mga babae. Nang tumuntong sa college ay sa magkaibang university sila nag aral. Engineering kasi ang kinukuha nitong kurso samantalang siya ay Entrepreneurship at nag aaral siya sa isang all girls school. Second year college sila nang matuklasan niya na natanggal sa scholarship ang nobyo dahil malaki ang ibinaba ng mga grades nito. Napabayaan nito ang pag aaral dahil nagkasakit ang ama nito at napilitan itong tumanggap pa ng ibang trabaho maliban sa pagiging service crew sa isang fast food restaurant tuwing umaga. Awang awa siya sa nobyo dahil nakita niya kung papaano ito nahirapan simula nang magkaroon ng problema ang pamilya nito. Halos ito na pala ang bumubuhay sa pamilya at naapektuhan na ang pag aaral nito. Para makatulong dito ay buwan buwan niyang ibinibigay dito ang allowance na natatanggap niya mula sa mga magulang niya. Noong una ay tinanggihan pa nito ang inalok niyang tulong. Lumipas ang mga buwan na ganoon ang naging ganoon ang sitwasyon nila. Sa tuwing katapusan ng buwan o basta magtext lang ito sa kaniya na kailangan nito ng pera –dahil walang panggastos sa bahay o may sakit ang isang miyembro ng pamilya—ay nagbibigay agad siya. Sa huli ay napansin niya na malaki na ang ipinagbago ni Edison. Naging madalang ang pagkikita nila at kung hindi pa ito hihingi ng pera ay hindi ito makikipagkita sa kaniya. Nagtiis siya dahil inisip niya na baka abala lang ito at isa pa ay batid niyang mahirap ang kurso nito at dapat lang na mag aral ito. Ngayon na wala na ito sa scholarship ay kailangan nitong kumayod ng doble dahil mahal ang tuition fee nito. Pero isang araw ay bigla na lang hindi nagpakita sa kaniya si Edison. Hindi niya matawagan ang cellphone nito kaya labis ang naging pag aalala niya. Kahit malamig ang pakikitungo sa kaniya ng pamilya nito ay lakas loob na nagpunta siya sa bahay ng mga ito para hanapin ang nobyo. “Nay..” kahit kinakabahan ay pilit na ngumiti siya sa ina ni Edison. Malamig ang tingin na ipinukol nito sa kaniya. Kailanman ay hindi siya kinausap nito o ng kahit sino sa pamilya ng nobyo niya. Ang dahilan ng mga ito ay tiyak na mahihirapan lamang daw ang binata dahil siya ang kasintahan. Nagmula daw kasi siya sa isang mayamang pamilya. Hindi siya sanay sa hirap kaya papaano ang magiging buhay niya sa piling ng binata? tiyak na sa huli ay susuko din daw siya at iiwan si Edison. “Nay.. si Edison po kasi isang buwan ng hindi tumatawag sa akin. Kailangan ko po siyang makausap dahil sa sunod na buwan ay graduation ko na.” muli ay ngumiti siya ng tumabi ng upo ang asawa nito at tumingin sa kaniya. Blangko ang ekspresyon na tiningnan siya ng mga magulang ng nobyo niya. Kung tingnan siya ng mga ito ay para bang awang awa ang mga ito sa kaniya. “Alam mo ba ang ginawa ng magaling mong nobyo?” “P-po?”naguguluhang tanong niya kay Nanay Nita. Sinaklot ng matinding takot ang puso niya. “Sumama na siya sa ibang babae kaya tigilan mo na ang pagpunta dito dahil hindi na namin alam kung nasaan siya.” malamig na turan ng ina ni Edison. Parang malakas na bombang sumabog sa harap niya ang sinabi nito. Gimbal na natutop niya ang mga labi at agad na tumangis. “H-hindi po totoo yan..mahal ako ni Edison..” tila mapupugto na ang hiningang anas niya. Ilang beses niyang nahiling na sana ay namatay na lang siya dahil pakiramdam niya ay unti unting ibinabaon sa hukay ang isang paa niya. Edison.. sabihin mong hindi totoo ang mga sinasabi nila. alam ko na mahal mo ako… Umiling naman ang ama ng binata at nagsalita. “Kasalanan ko.. kung hindi ako nagkasakit ay hindi naman siya magrerebelde. Marahil ay napagod na siya sa pagtulong sa amin kaya mas pinili niya na isipin na lang ang sarili niyang buhay. Ilang buwan na rin siyang hindi pumapasok sa eskwela at puro barkada ang inaatupag. K-kaya.. kaya nga.. pasensiya na, Jean. Alam ko na nasasaktan ka dahil ipinaparamdam namin sa'yo na hindi ka namin tanggap para sa anak namin. Pero mas mabuti na siguro na kalimutan mo na lang si Edison. Mayaman ka.. ipinanganak ka na nakahiga sa salapi at hindi nararapat sa'yo na lumipat sa papag. Napakasimple lamang ng buhay namin at ang anak ko… may sapat na rason…tiyak na may sapat na rason siya kung bakit hindi ikaw ang pinili niyang makasama habang buhay.” Hilam sa luhang nasapo niya ang kaliwang dibdib at umiyak nang umiyak sa harap ng mga magulang ng nobyo niya. Wala ng mas sasakit pa sa katotohanan na sa kabila ng pagmamahal niya kay Edison ay hindi pa rin pala siya sapat para dito. Sa huli ay naghanap pa rin ito ng iba na maaaring kumompleto sa buhay nito.. ---- “Ang shonga ko 'di ba? kasi hinayaan ko ang sarili ko na ibuhos ang lahat ng pagmamahal ko sa kaniya at sa huli ay ipagpapalit lang pala niya ako sa iba. Basta na lang siya nawala na parang bula kaya nasaktan ako ng sobra. S-siguro kung nagpaliwanag siya sa akin bago siya umalis ay baka..baka sakaling nagbago pa ang buhay ko. Hindi sana ako nabubuhay sa nakaraan..” Halos madurog ang puso ni Zac nang marinig niya ang matinding pait sa tinig ni Jean. Alam na niya ngayon kung bakit hindi nito makalimutan ang dating nobyo. At kung siya ang tatanungin ay tama lang na hindi na nga magpakita pa si Edison dahil isa itong manloloko. Malalim na napabuntong hininga siya at masuyong tinapik ang ibabaw ng ulo ni Jean. “Hindi ka naman stupid eh.. nagmahal ka lang. At kapag nagmamahal ang isang taong kahit ang pinakamaling bagay sa mundo ay nagiging tama.” mula sa pagsandal ng likod nito sa katawan niya ay dumiretso ito ng upo at tumingin sa kaniya. Napilitan naman siyang bumitiw mula sa mahigpit na pagyakap sa katawan nito kahit na nga ba ang totoo ay tumutol ng labis ang buong sistema niya ng hindi na niya masyadong maamoy ang mabangong buhok nito. Naikurap niya ang mga mata nang sapuhin nito ang magkabilang mga pisngi niya. Awtomatikong bumaha ang magkakahalong emosyon sa dibdib niya nang makita ang nagniningning na mga mata nito. “Thank you.. thank you for being so good to me. Siguro kung hindi kita nakilala ay hindi ko mararanasan na ngumiti ng madalas. Alam mo para kang Rebisco, ang gaan kasi ng feeling ko kapag kasama kita.” Nakangiting sabi ni Jean. Ginagap niya ang mga palad nito at marahang pinisil. Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito. Yumuko siya para magpantay ang mga ulo nila. “Z-zac..” namumula ang mga pisnging anas nito. “Hmmm?” hindi niya magawang alisin ang mga mata sa mamula mulang mga labi nito. “A-alam mo ba kung ano ang ginagawa..ginagawa mo…” taas baba ang dibdib nito na animo ay kinakabahan sa maaari niyang gawin. “Alam na alam ko..” “K-kapag hinalikan mo ako ay para mo na rin akong inalisan ng karapatan na umalis pa sa tabi mo.” Hindi na siya nagsalita pa. Sinapo niya ang mga pisngi ni Jean at masuyong sinakop ang malambot na mga labi nito. Dinig niya ang malakas na pagsinghap nito at kasabay niyon ay ang mabilis na pintig ng puso niya. Parang tinatambol ng malakas ang dibdib niya ng mga oras na iyon. “W-wait..” naitulak siya nito sa dibdib nang marinig nila ang malakas na tunog ng cellphone. Napilitan naman siyang bitiwan ito. Umayos ito ng upo at dinampot mula sa coffee table ang istorbong cellphone. “Yes.. yes.. opo.. daddy. Nakausap ko na si kuya hindi pa siya makakauwi dahil may business conference siya ngayon sa Baguio. Opo.. pauwi na po ako.” Gusot ang ilong na hinarap niya ito pagkatapos ng pakikipag usap nito sa ama. “Hinalikan na kita ah… akala ko ba kapag hinalikan na kita ay hindi ka na aalis pa sa tabi ko.” Tumawa lang ito at muling sinapo ang mga pisngi niya. Nagwala ang puso niya ng rumehistro sa balat niya ang init na nagmumula sa katawan ni Jean. “Sorry.. daddy’s girl.” pilyang sabi nito. “You!” bago pa ito makapagreact ay muli niya itong kinabig at kinintalan ng mabilis na halik sa mga labi. “Kailangan mo na akong ihatid mister dahil naghihintay na sa akin sila daddy,” “Opo, Cinderella..” nakontento na lamang siya na hawakan ang kamay nito. Naisip niya na hindi lang pala ang kapatid niya ang sagabal sa kaligayahan niya. May ‘daddy’ kasi na umeeksena sa sana ay masayang oras niya kasama si Jean. Oh please!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD