Nineteen years ago
"Toooooooor!!!!"
Tumakbo si Ziya papunta sa batang lalaki na mapaglarong itinulak siya sa gilid ng kalsada. Tahimik lang siyang naglalakad papunta sa bahay ng mga ito nang sumulpot si Tor galing sa kung saan. Bilang ganti ay malakas n'yang hinampas ang ulo nito.
"Aww…!" bulalas ni Tor. Hinaplos nito ang parte ng ulo kung saan sya tinamaan ni Ziya. "Masakit 'yun ha! Halika rito!" Hinabol nya si Ziya na nauna nang tumakbo papasok sa bahay nila.
Maaabutan na sana nya ang batang babae ngunit bigla s'yang napatigil nang may pagbabalang tumingin sa gawi nya ang kanyang ina. Matagumpay namang ngumiti si Ziya.
"Nanay Carol, tulak ako ni Tor sa bakod. Sakit braso ko." Pagsusumbong ni Ziya habang hinahaplos ang kaliwang braso.
"Hoy, sinungaling ka! Mahina lang naman ginawa ko. Di ka naman masaktan nun!" pagtatanggol ni Tor sa sarili.
"Pero tinulak mo pa din sya, tama ba, Tor?" tanong ni Carol sa anak.
" Opo, 'Nay, pero…."
" Ok, ok, no buts. Mag-sorry ka kay Ziya."
Humarap si Tor kay Ziya na nasa tabi ng kanyang ina at nakahawak pa sa daster nito. Sa isang malaking buntong hininga para pakalmahin ang kanyang inis, humingi sya ng tawad.
"S-Sorry…."
"Okay," sagot ni Ziya. Isang malaking ngiti ang pinakawalan nito at itinaas pa ang isang kilay.
"Tignan mo muka nya, 'Nay! Siya talaga…" panunumbong din ni Tor sa iniakto ni Ziya.
"Nay Carol, takot ako." Hinila pa ni Ziya ang daster ni Carol habang nagpapaawa rito.
"Tor, please, tama na 'yan."
Hinawakan ni Carol ang kamay ni Ziya at iginiya na ito sa loob ng bahay nila. Narinig pa n'yang sinabi ng nanay nya sa brat na 'yun na nag-bake sya ng cookies isang oras na ang nakalipas.
"Lagot ka sakin, bruha!" bulong ni Tor bago sya lumabas ng bahay nila.
*****
Pagdating nila Ziya sa kusina ay hinanap nya agad ang cookies na sinasabi ni Carol. Habang kumakain ay palinga-linga sya sa may bandang labasan, hinihintay ang pagsulpot ni Tor. Sa kainipan ay tinanong na nya si Carol na ngayon ay nagliligpit na ng mga ginamit sa pagbebake.
"Nay, asan Tor?"
" And'yan lang 'yun sa tabi-tabi, 'nak," sagot ni Carol.
Kinuha ni Ziya ang tupperware na may laman ng cookies at nagpaalam kay Carol na maglalaro sya sa bakuran ng mga ito. Dali-dali s'yang lumabas at sinuri ang garden upang madismaya lamang ng 'di matagpuan ang hinahanap, si Tor. Umupo na lang sya sa may punong mangga na paborito nilang tambayan. Pinapak ni Ziya ang cookies at nang may ilang piraso na lang ang natira ay tinakpan na nya ang tupperware.
"San ka na ba, Tor? Wait kita dito. Ito oh, tinirhan kita ng cookies." Itinaas pa ang lagayan at sinilip-silip yun. Takam na takam pa din sya pero hindi nya pa din binubuksan ang lagayan. Mahilig talaga sya sa sweets, sa desserts, pero alam nyang ganun din ang kababata. Hindi nya yun dapat kainin. "Favorite mo din 'to, di ba, Tor?"
Nagkasya na lang sya sa pagtanaw sa pagkain.
*****
"Kainis na bata yun! Kala mo sya ang anak! Pag 'yun nasa bahay pa pag-uwi ko, hihilahin ko yun palabas!" naghihimutok na wika ni Tor.
Hindi nya maunawaan kung bakit mas laging kinakampihan yun ng nanay nya kesa sa kanya.
"Tor, bakit nakasimangot ka na naman d'yan? Halika, pumasok ka na muna rito sa loob ng bahay."
Nasa labas lang kasi ng bahay ni Claire si Tor. Tanaw nya iyon dahil nakabukas lang ang screen nya.
"Tita Claire, si Ziya po kasi."
" O bakit, ano na naman bang ginawa nya? Kuuh, kayong dalawa, lagi kayong nag-aaway pero mayamaya naman naglalaro na kayo," wika ni Claire.
Isa ito sa kapitbahay na malapit din sa kanyang pamilya pati kina Ziya. Ang kwento pa nga sa kanila, nagsimula raw maging close ang mga ito nung isinilang sila ni Ziya. Milagro raw na maituturing yun dahil para pa ngang kaaway ng mga nanay nila si Tita Claire. Masyado raw kasing pakialamera ito at palamura pa, na hindi naman nila narinig ni minsan ni Ziya. Yung tipo raw ng kapitbahay na kasama sa agahan ang mura. Madidinig mo kasi lagi ang di magagandang salita nito paggising mo pa lang sa umaga. Sila raw ni Ziya ang nagpatino rito. Welcome nga sila lagi ni Ziya sa bahay nito. Kung tutuusin, parang tatlo ang tunay nilang tirahan ni Ziya. Kahit anong oras, anong okasyon, pede sila labas-masok sa tatlong magkakatabing bahay. Natutulog sila kahit saan, kakain kahit saan, kahit nga maligo at paggamit ng banyo, anytime bukas ang mga bahay na ito.
" Hindi na po! Ayaw ko na kalaro ang malditang yun! Di po ako uuwi sa'min. Dito lang ako 'gang di 'yun nauuwi sa bahay nila." Pinagkrus pa nya sa bandang dibdib ang kanyang mga bisig.
" O,sige, bahala ka na nga. Merong bibingka d'yan. Kain ka na lang," alok ni Claire.
" Bibingka? Favorite ni Ziya yan, e" Napahinto sya saglit. "Ayyy! Bakit ko ba iniisip yung kurimaw na yun? Galit nga pala ako sa kanya."
Natatawa na lang si Claire habang sinusundan ang limang taong gulang na si Tor na patungo na sa kusina.
*****
Kanina pa pinagmamasdan ni Claire ang alagang si Tor. Naubos na nito ang isang bibingkang binili nya sa may kanto. Alam nyang baka pumunta ang dalawang bata sa bahay nila kaya naghanda na talaga sya ng pede kainin ng mga ito. Ngayon, nakapangalumbaba ito sa may table. Nakatunghay lamang ito sa nag-iisa na lang na bibingka sa kainan. Mayamaya ay hinawakan nito ang pagkain at nang isusubo na ay ibinaba ulit sa pinggan. Bumuntong-hininga ang bata. Hindi na sya nakatiis kaya nagsalita na sya.
"Tor, anak, kainin mo na yan. Masarap talaga yan lalo na at mainit-init pa. Wala naman nang iba pang kakain nyan."
Muli ay bumuntong-hininga ito at nakita pa n'yang lumunok.
"Tita, pede ko 'to uwi na lang? Sa bahay na lang kain?" pagpapaalam ni Tor.
" Oo naman, 'nak." Nginitian pa nya ang bata.
Masaya namang tiningnan ni Carol si Tor na ngayon ay hindi na maalis ang napakalaking ngiti sa labi na mabilis na tumakbo sa direksyon ng bahay ng mga ito.
Nang makarating sa bahay ay tinungo agad ni Tor ang kusina nila sa pagbabakasakaling andun pa si Ziya. Sa pagkadismaya nang hindi makita ang batang babae ay malungkot ang mga hakbang na lumabas ng kanilang bakuran.
"Umuwi na ata 'yun."
Babalik na sana sya sa loob ng bahay nang makita nito si Ziya sa dulo ng bakuran. Tumatakbo ito, nanghuhuli ng tutubi. Mabilis n'yang nilapitan ang babae na nakaupo na sa may damuhan, akmang huhulihin ang tutubi.
" Waaaaah!!!!" panggugulat nya rito.
Nabitawan naman ni Ziya ang tutubing sa wakas ay nahuli na nito pagkatapos abangan nang napakatagal. Sa inis ng batang babae ay hinabol nito ang lalaki. Dahil nga kanina pa sya patakbo-takbo, nawalan na sya nang ganang gumanti nang hindi nya mahabol-habol ang batang lalaki. Padabog n'yang tinungo ang bench at kukuhanin na sana ang tupperware nang pinigilan sya ni Tor.
" Sorry," wika nito sa malamlam na mata.
Dahil dun ay pumalahaw na ng iyak ang batang babae. Frustrated sa tutubi at sa hindi makain na cookies, napaiyak na lang sya.
Inalo naman sya ni Tor.
" Sorry na, sige na, gusto mo ako na huli ng tutubi? Wag ka na iyak, please?" pagsusumamo nya.
" Ayaw ko na! Galit ako," sa nagtatampong salita ay inirapan ang lalaki.
Inilabas naman ni Tor ang plastik ng bibingka at inilapit sa mukha ni Ziya.
"Sa'yo to, oh."
Dahil sa pagkatakam ay nawala na rin sa loob ng batang babae ang pagkainis. Mas nangibabaw dito ang kagustuhang kainin ang bibingka. Kinuha nya ito at nang magsisimula nang kumain ay inabot naman nya ang tupperware sa kababata. Binuksan iyon ng batang lalaki at nang makita ang cookies ay kumagat na agad. Tumabi na ito kay Ziya na nauna nang kumain ng bibingka. Mayamaya ay magkatabi nang nakatulog ang dalawa sa bench.