Last day namin ngayon dito sa Baguio at uuwi na rin kami mamayang hapon. Birthday ni Sky kaya maaga akong nagising para bumili ng cake sa ibaba ng hotel. 'Yung regalo ko kay Sky ay simpleng bracelet lang na nakita ko kahapon, nahirapan akong bilhin ang bracelet na 'yun dahil kasama ko si Sky. Mabuti na lang at may isang pamilya na humingi ng favor na magpapicture kaya nakatakas ako saglit.
Saktong alas sais ay naka ayos na ako. Paldang puti na hindi aabot sa tuhod ang haba ang suot ko at isang turtle neck na itim. Suot ko ang kwintas na bigay ni Sky, manipis iyon pero agaw pansin. Hindi ko maiwasang ngumiti habang tinititigan 'yon sa salamin.
Gising na si Manang Midet bago ako bumaba, dala ang wallet at cellphone na nasa loob ng sling bag na brown ay bumaba ako, kinakabahan ako dahil ito ang unang beses na lumakad ako sa hotel na mag-isa. Kabisado ko naman ang floor at number ng room namin kaya kampante akong makakabalik ako.
Maaga pa lang ay bukas na ang restaurant ng hotel, mayroon na ring iilang taong nagkakape at nag aalmusal. Dumeretso ako sa counter at tumingin sa mga naka display na cake roon.
Hindi ko alam ang mga pangalan ng cake kaya tinuro ko na lang sa babaeng naroon ang cake na napili ko. Vanilla cake iyon na may nakapalibot na strawberries, pinalagyan ko rin ng happy birthday at maliit na kandila.
Dala ang cake at ang regalo ko ay kumatok ako sa kuwarto nila Sky na nasa harap lang ng sa amin. Bumungad sa akin ang bagong ligong si Sky, may hawak pa itong tuwalya na pinupunas sa basa nitong buhok. Polong puti ang suot niya at jeans.
"Happy Birthday, Sky!" masiglang bati ko sa kanya.
Nakita ko ang pag-awang ng bibig niya sandali pero agad ding napalitan ng malapad na ngiti ng makita niya ang cake na hawak ko.
Hinipan niya ang kandila at nakangiting nag-angat ng tingin sa akin.
"Thank you, Ven."
Inabot ko ang regalo ko sa kanya. "Hindi 'yan kasing ganda at mahal ng regalo mo sa akin kaya pagpa—"
"Thank you, I really love it."
Natawa ako ng kaunti dahil sa pagputol niya sa sinasabi ko. Kahit kailan talaga ang lalaking 'to! Kumunot ang noo ko ng ibalik niya sa akin ang bracelet.
"Ayaw mo?" nakangusong tanong ko.
"Ofcourse not. Isuot mo sa 'kin."
Napairap ako sa kawalan dahil sa kaartehan niya. Kalalaking tao, jusko naman.
"A piece of my heart is in heaven..." basa niya sa nakasulat sa pusong nakasabit, "I love it, super. Thank you!" seryosong saad niya at hinila ako para yakapin.
Simple lang naman ang design ng bracelet, kulay itim ang tali at may tatlong pendant na nakasabit. Ang unang nakasabit ay ang puso na may nakasulat na "A piece of my heart is in heaven", at may kalahating pakpak rin na nakasabit at isang letrang S. Nahirapan ako sa pagpili ng pendant dahil kaunting oras lang ang meron ako, buti na lang at magaganda ang napili ko.
Matapos ang batian ay saktong paglabas nila Tita Evelyn at Tito Richard. Nakangiti ang mga ito ng makita kami. Binati nila si Sky at yinakap, maya-maya ay sumunod na rin sila Manang Midet at Kuya Jake.
Punong-puno ng tawanan ang mesa namin habang nag uumagahan. Pinag uusapan nila ang batang si Sky noon. Kung gaano raw ito kasungit at kapikon.
"Pikunin ako dahil hindi naman kami close ng nang-aasar sa akin. Tss." pagdedepensa ni Sky sa sarili na lalong ikinatawa ng lahat. Ang aga-aga nabubugnot na siya agad. Totoo ngang pikunin ang isang 'to.
"Kaya nga nagtataka ako kung paano mo natatagalan itong si Sky, hija. Walang kaibigan 'yan sa school dahil suplado at hindi mabiro." natatawang saad ni Tita Evelyn.
Tiningnan ko si Sky at halos hindi na maipinta ang mukha niya dahil sa tindi ng pagkakakunot ng noo nito.
"Nitong mga nakaraan po ay nagsusungit talaga siya, pero hindi naman gaano." pag-amin ko. Sinamaan ako ng tingin ni Sky kaya nag peace sign ako sa kanya.
Matapos ang masayang umagahan ay sumakay na kami sa sasakyan para magtungo sa mines view park. Nakaka relax daw ang lugar na 'yon sabi ni Sky kaya excited ako.
Nang makarating doon ay lumakad pa kami ng kaunti at may inakyat pa kaming hagdan na gawa sa bato bago nakarating sa magandang tanawin. Kitang kita roon ang naglalakihang mga bundok na masarap sa paningin. May iilang mga nakaupo at ang iba naman ay kumukuha ng litrato.
Ilang beses din kaming nag picture ni Sky bago kami umupo sa may malaking bato at tinanaw ang magandang tanawin. Hindi ko akalain na mararanasan ko ang ganito, ang makapunta sa magaganda at payapang lugar. Halos lahat ng pinuntahan namin simula noong unang araw ay pare-parehong mapayapa ang lugar, bagay sa mga taong naghahanap ng katahimikan dahil marami mang tao ay hindi naman maingay.
Kagaya sa mga nauna naming napuntahan, marami rin ditong stall na may kung ano-anong paninda. Sila Tita ay busy sa pagmimili ng mga abubot samantalang nakasunod lang kami ni Sky sa kanila. Ito na raw kasi ang huling pupuntahan namin dahil uuwi na kami pagkatapos mananghalian at magpahinga sandali.
Binilhan kami ni Tita ng ilang pirasong damit bilang regalo niya raw sa amin. Si Tito naman ay sapatos na terno ang binigay sa amin ni Sky. Ayoko na sanang tanggapin dahil sobra sobra na ang naibigay nila sa akin, kung hindi lang ako pinanlakihan ng mata ni Sky.
Matapos ang mahabang oras ng pamimili ay kumain kami ng tanghalian sa kainan na malapit doon. Simple lang ang kainan pero dinadayo ng mga tao kaya mabilis lang naming tinapos ang pagkain dahil parami na ng parami ang tao roon at nag uumpisa na ring umingay dahil halos puro kabataan ang naroon.
Napag usapan din ang gaganaping birthday celebration ni Sky pag-uwi ng Manila. Ngumiti lang ako sa kanila ng tanungin kung makakapunta ako, bigla ay naalala ko ang sasapitin ko mamaya na agad ko ring inalis sa isipan ko.
Pagkarating sa hotel ay agad kong inayos ang gamit ko bago nagpahinga. Mamayang hapon daw ay ba-byahe na kami, gusto pa sana ni Titang mag stay pero dahil may mahahalagang meeting si Tito ay hindi na puwede.
Saktong alas kuwatro ng hapon kami umalia. Kumain pa muna kami sa hotel dahil baka raw gutumin kami sa alanganing lugar. Natawa ako ng maalala ang bag na naglalaman ng mga snacks na nasa loob ng sasakyan, para raw talaga 'yon sa ganu'ng sitwasyon.
Ganu'n pa rin ang pwesto namin sa sasakyan, mas bumigat ang maleta ko dahil sa mga biniling bago ni Tita Evelyn kaya si Sky na ang humili nun at nagpasok sa sasakyan.
Apat na oras mahigit ang biyahe namin pabalik. Gabi na ng ihatid nila ako sa kanto ng bahay namin, pinilit pa ni Tita na kitain ang magulang ko para raw magpasalamat pero nagdahilan ako na wala sila sa bahay at mamaya pa makakauwi kaya wala silang nagawa kundi ang umalis na rin.
Nanginginig ang binti ko habang naglalakad palapit sa bahay. Halos mabingi rin ako sa lakas ng t***k ng dibdib ko, at para akong hihimatayin sa sobrang nerbyos. Sa biyahe pa lang ay inihanda ko na ang sarili ko para rito pero ilang ulit pa rin akong napapalunok dahil sa kaba.
Dumaan muna ako sa parlor para iwanan ang maleta ko. Hindi safe ang mga gamit kong 'yon kung iuuwi ko sa bahay kaya mabuti pang sa parlor ko na lang itago. Bukas pa ang parlor pero mayroon nang 'close' sign.
Napalingon sa akin si Ate Betty nang pumasok ako, nanlalaki pa ang mata niyang nakatingin sa akin na parang nakakita ng multo.
“Heaven, saan ka ba galing na bata ka!” Natatarantang saad niya. Hindi ko mapigilang kabahan lalo dahil sa expression ng mukha niya.
“Sumama po ako sa kaibigan ko ng ilang araw, Ate. Family outing po iyon kaya inabot ng tatlong araw,” paliwanag ko.
“Alam mo na ba...” huminga siya ng malalim, “Alam mo ba ang nangyayari sa pamilya mo?”
“Po? Bakit po? Ano pong nangyari?” kinakabahang tanong ko.
Nakita kong pinaglalaruan niya ang daliri niya at pinipisil pisil iyon. “Kasi... 'wag ka sanang mabibigla, pero... Patay na ang nanay mo.” mahinang saad niya.
Mahina pero malinaw na malinaw sa pandinig ko, at halos maestatwa ako sa kinatatayuan ko dahil sa narinig.
“A—ano ho?” nauutal kong tanong. Baka nabingi lang ako. Imposibleng wala na ang Nanay ko. Napaka lakas no'n.
“Binaril siya kahapon, sa harap mismo ng bahay ninyo. Ang sabi ay may malaking pagkakautang daw ang Nanay mo sa taong 'yun kaya siya pinatay...”
Kahapon?
Birthday ko kahapon
Sa mismong birthday ko...
Kung saan, masayang masaya ako.
Habang masaya akong nagdidiwang ng kaarawan sa Baguio
Ang araw na akala ko pinaka masayang birthday sa buong buhay ko
Ang mismong araw na kinuha ang Nanay ko
Nanlambot ang tuhod ko, nasalo ako ni Ate Betty ng kamuntikan na akong matumba. Tuloy tuloy ang agos ng luha ko at ang kaninang kaba na nararamdaman ko ay napalitan ng sakit.
Bigla ay nag flashback sa akin ang lahat,
Ang Nanay ko, hindi maganda ang trato niya sa akin
Hindi niya ako pinagtatanggol sa tuwing bubugbugin ako nila Tatay at Kuya
Marami siyang masasakit na salitang sinasabi sa akin
Ni minsan ay hindi ko naramdaman ang suporta niya, ang pagmamahal niya
Pero kailaman ay hindi nabawasan ang pagmamahal ko sa kanya...
Mahal na mahal ko siya, higit kanino man.
Iniwan ko ang maleta ko sa parlor at dali-daling tumakbo pauwi. Wala na akong pakialam kung ano ang gawin sa akin ni Tatay, gusto kong makita ang Nanay ko.
Nanay ko 'yun eh
Hindi ko man ramdam
Pero nanay ko yun!
Kahit ilan pa ang mayayaman at mababait na Nanay ang nagpumilit na ampunin ako
Ni minsan hindi ko naisip na umalis
Dahil sa Nanay ko
Mahal na mahal ko ang Nanay kong 'yon!
Bakit naman kailangan umabot sa ganito?
May pera ako!
Kung sana ay binigay ko 'yung perang napanalunan ko, hindi sana aabot sa ganito.
Ang damot ko kasi
Ang damot damot ko!
Makasarili ako
Masyadong mataas ang pangarap ko sa pesteng sarili ko
Halos manlamig ang buong katawan ko ng makita ang kabaong na nasa sala.
Walang tigil sa pagtulo ang luha ko habang nakatingin sa malaking litratong nakapatong sa kabaong
Nay...
Bakit naman ganito, Nay...
Tatlong araw lang akong nawala
Bakit hindi mo ako nahintay
Kung alam ko lang!
Namukod tangi ang hagulhol ko sa buong sala. Nandoon ang mga kapit-bahay namin, nakatingin lang sa akin.
Hindi ko alam ang gagawin ko
Niyakap ko ang kabaong at parang dinurog ng pinong pino ang puso ko ng makita ang mukha ng Nanay kong parang payapang natutulog lang.
Wala akong pakialam kung mahirap tayo, Nay
Ni minsan, hindi ko pinangarap na magkaroon ng ibang Nanay bukod sa 'yo.
Hindi ko nasasabi sa 'yo,
Pero mahal na mahal kita
Sobrang mahal kita, Nay!
At parang katapusan na rin ng buhay ko,
Parang tumigil ang ikot ng mundo ko...
Naging mahirap ang buhay para sa 'kin, pero ni minsan hindi ko naisipang sumuko sa buhay
Ni minsan, hindi ko sinisi ang kung sino man sa buhay na meron ako
Nagpatuloy ako
Nangarap ako
Pero ito?
Hindi ko kaya 'to, masyadong masakit.
Kaya sa eksaktong oras at araw na 'yun
April 05 2019 8:30 PM
Sa unang pagkakataon,
Nawalan ako ng gana sa mundo,
Sinukuan ko ang buhay ko
At sa buong panahon na nakaburol siya sa bahay ay iisa lang ang paulit-ulit kong binubulong sa kabao niya..
Parang awa mo na, Nay
Isama mo 'ko