Kabanata 14

1641 Words
Heaven's POV 9:30 PM ay nagising si Manang Midet dahil sa katok ni Sky. Nasa banyo ito ngayon para maghilamos samantalang si Sky ay nakahiga sa higaan ko. "Natulog ka ba?" tanong ko. Umupo ako sa may paanan niya. "Hindi." tiningnan niya 'ko. Kanina pa siya nakatitig sa akin at hindi ko maiwasang pamulahan ng mukha. Nang hindi makapagtimpi ay hinampas ko ng malakas ang paa niya. "Tigilan mo nga 'yan!" naiinis kunwaring saad ko. "Ang alin?" maang-maangang saad niya. Umirap ako. "May dumi ba ako sa mukha, ha?" Tumawa siya ng mahina at umupo, "Wala. Ang ganda mo lang. Bagay sa 'yo ang naka palda." Pinaglaruan ko ang daliri ko. "Maganda lang talaga ang bigay ng Mommy mo kaya ganu'n." Hindi na siya nakasagot dahil lumabas na ng banyo si Manang Midet. Nakaayos na rin ito at nagtungo sa maleta niya para kumuha ng tsinelas. Dahil nag tsinelas si Manang ay naisipan kong mag tsinelas na lang din. Si Sky ay naka rubber shoes na itim at naka suot ng puting t-shirt at grey na shorts. Paglabas namin ng kuwarto ay naroon na rin si Kuya Jake. Gaya ni Sky ay naka t-shirt at shorts lang din ito. Dala dala ko ang maliit na sling bag na binili sa akin ni Sky kanina. Kulay brown iyon at may nakasabit na keychain, para raw hindi ko na hawakan lang ang cellphone at wallet ko. Hindi kalayuan ang night market sa hotel na tinuluyan namin kaya ilang minuto lang ay naroon na kami. Napaawang ang labi ko sa dami ng tao roon. Para pala siyang tiyangge. Bawat tent ay may kanya-kanyang paninda, may mga ulam at meron ding mga damit at sapatos. Halos lahat ata ng kailangan ay makikita roon. Hinawakan ni Sky ang kamay ko dahil maraming tao. Nagtingin tingin sila Manang at Kuya Jake na nasa unahan namin ni Sky. Bumili si Manang ng dalawang hoodie ganu'n din si Kuya Jake. Si Sky ay wala pang nagugustuhang bilhin. Pansin ko na halos puro jacket ang tinitingnan nila Manang at Kuya Jake. Malamig ba sa manila? Halos kalahati na ang nalakad namin pero wala pa kaming nabibili ni Sky. "Wala ka bang gusto?" tanong ni Sky. Umiling ako. "Marami na kasi ang damit na binigay ni Tita kaya hindi ko na kailangan bumili." paliwanag ko. Tumango lang siya at nagtuloy kami sa paglakad. Ilang minuto pa kaming naglakad bago nagpahinga. Sila Manang Midet at Kuya Jake ay namimili pa rin kaya napagpasyahan namin ni Sky na bumalik na muna sa sasakyan at doon na lang sila hintayin dahil wala naman kaming balak na bumili. Ayoko ring pumili dahil alam kong pipilitin ni Sky na siya ang magbayad. Masyado na siyang maraming naibili sa akin kaya nakakahiya na. *** April 04, 2019 Maaga akong nagising. 2nd day namin ngayon at 5AM pa lang ay gising na ako, nasanay ang katawan ko na saktong 5 ay gising na kaya hindi na ako inaantok. Tiningnan ko si Manang Midet sa katabi kong kama at mahimbing pa itong natutulog. Nagpasya akong maligo at mag-ayos na. Ang sabi kasi ni Sky kagabi ay maaga raw kaming aalis ngayon. Suot ko ang light blue na pantalon, puting polo at rubber shoes. Hinayaan ko lang na nakalugay ang buhok ko at naglagay lang ng headband na kulay puti na bigay ni Manang Midet kagabi, binili niya iyon sa night market. Saktong 6AM ay nagising si Manang at nagsimula na ring mag-ayos ng sarili. From: Best friend Gising ka na? Napangiti ako sa text ni Sky. To: Best friend Oo. Nakaayos na rin ako :) Ilang minuto matapos kong i-send ang text ko ay may kumatok. Alam kong si Sky iyon kaya madali ko itong binuksan at bumungad sa akin ang fresh na si Sky. Bagong ligo ito at basang basa pa ang buhok na halatang hindi pa nasusuklayan. Napangiti ako ng makitang pareho kami ng suot. Naka puting polo rin ito at light blue na pantalon, ang kaibahan lang ay ripped ang pantalon na suot niya. "Woah." namamanghang saad nito matapos tingnan ang kabuuan ko. "Gaya gaya ka ng outfit!" akusa ko sa kanya. Pinitik niya ang noo ko at nilabas ang cellphone niya. "Picture tayo," hinila niya ako palabas ng kwarto at inakbayan. Naka sandal kami sa dingding at nakayakap ang braso ko sa leeg niya. Parehong malapad ang ngiti namin sa litrato kaya ng i-send niya 'yun sa akin ay agad kong ginawang wallpaper. Mas gusto ko ito kaysa roon sa nasa bangka kami. Pagkababa niya ng cellphone ay humarap siya sa akin. "Happy birthday!" nakangiting saad niya at may dinukot ito sa bulsa. Isang maliit na box ang nilabas niya at nang ibinigay niya sa akin iyon ay napaawang ang bibig ko ng makita ang isang magandang kwintas. Gold iyon na manipis at may pendant na pakpak na may puting bilog na kumikinang sa dulo. Hindi pa ako nakakapagsalita ng kunin ni Sky ang kwintas at isuot iyon sa akin. "Nagustuhan mo ba?" nakangiting tanong niya matapos ikabit sa akin ang kwintas. Hinawakan ko ang pendant at maluha-luhang tumingin sa kanya. " T.... Thank you, Sky." pumiyok ang boses ko dahil pinipigilan ko ang pagtulo ng luha ko. Ito ang unang beses na makatanggap ako ng regalo sa birthday ko kaya hindi ko alam ang sasabihin. "O, bawal umiyak!" pinisil niya ang pisngi ko kaya napangiti ako. "Salamat sa regalo, Sky. Hindi ka na dapat nag abala dahil sobrang dami mo nang naibigay sa akin, saka ikaw kaya ang pinaka magandang birthday gift ko!" seryosong saad ko. "Alam ko naman 'yun. Sa gwapo kong 'to ay talagang ako ang pinaka magandang regalo sa 'yo ni Lord," may pagyayabang na saad niya. Pinitik ko siya sa noo at inirapan. "Oo na lang." Nang matapos sa pag-aayos ang lahat ay sumakay na kami sa sasakyan. Kinuhanan pa kami ng litrato ni Tita Evelyn dahil tuwang-tuwa siya sa suot namin ni Sky. Sa malapit na kainan kami huminto para mag-agahan. Ayaw na raw kasi ni Tita ng pagkain sa hotel at nauumay na raw siya. Binilhan pa nila ako ng cake at sabay sabay na kinantahan, halos maiyak ako sa eksenang iyon kaya walang tigil ang pang-aasar sa akin ni Sky. Nang matapos kaming mag-agahan ay pupunta raw kami sa Wright Park na tinatawag. Doon daw ay sasakay kami sa kabayo kaya nae-excite ako pero kinakabahan. Ilang minuto ang naging biyahe namin bago nakarating doon. Sa totoo lang ay simple lang ang lugar. Napaka daming nagtatayugang mga puno at napakalawak ng daanan. Naroon ang mga nakahilerang kabayo at mga taong nakasakay sa kanya kanyang kabayo na inaalalayan ng isang lalaki na sa tingin ko'y trabahador. "Nakasakay ka na ba ng kabayo?" nag-aalang tanong ko kay Sky. Siya kasi ang excited na sumakay. "Oo, ilang beses na rin." Ani niya. Nang makita ang namumutla kong mukha ay walang habas niya akong tinawanan. Ano bang akala niya, merong kabayo sa iskwater? Adik lang. "Iisang kabayo na lang ang sakyan natin kung natatakot ka," alok niya na agad ko namang sinang-ayunan. Pinili ni Sky ang puting kabayo at agad akong inalalayang umakyat. Halos lumabas ang puso ko sa dibdib ko sa sobrang kaba. Nasa unahan ako at nasa likod ko si Sky. Lalo akong namutla ng sabihin niya sa lalaking sasama sana sa amin na bitiwan na ang tali dahil kaya niya naman daw. Gusto ko siyang itulak nang iwanan nga kami ng lalaking nagbabantay. "Para kang ewan. Kapag tayo talaga napahamak, lagot ka sa 'kin." angil ko sa kanya. Narinig ko ang tawa niya sa likuran ko. "Chill ka lang kasi. Mabait itong si whitey." tukoy niya sa puting kabayo. Nilibot namin ang lugar habang nakasakay sa kabayo. Hindi niya iyon pinapatakbo at pinanatiling naglalakad lang. Kahit pa maayos ang kabayo ay para akong tuod na hindi gumagalaw kaya walang ibang ginawa si Sky kundi ang tumawa ng tumawa sa likuran ko hanggang sa makababa kami sa kabayo. Saglit lang kami sa kabayo dahil hindi talaga mawala ang kaba ko at masasapok ko na si Sky dahil sa tawa niya. Nakabusangot akong humarap sa kanya kaya tumigil siya sa pagtawa at inakbayan ako. Habang inaantay sila Tita sa pangangabayo ay nag-ikot ikot kami ni Sky. Bumili kami ng nakita naming meryenda at kinain iyon habang naglalakad. "Ven, bukod sa akin, sino pa ang kaibigan mo?" bigla ay tanong niya. "Siyempre, wala na." natatawang sagot ko. Seryoso lang ang mukha ni Sky kaya kumunot ang noo ko. "Ikaw din naman, ako lang ang best friend mo diba?" Tumango siya. "Oo, at wala na akong balak na maghanap ng iba." "Together, forever nga tayo." nakangiting saad ko. Ngumiti rin siya sa akin. Nang makabalik sila Tita ay hindi kami agad na umalis. Nanatili pa kami roon ng ilang minuto bago nagpasyang pumunta sa susunod na lugar. Camp John Hay. Iyon ang sunod naming pinuntahan. Parang kapareho lang din ito ng naunang lugar na pinuntahan namin kahapon. Dito raw kami magtatanghalian, bumili muna sila Manang Midet atKuya Jake ng pagkain habang kami naman ay naglilibot. Garden din ang style ng lugar at kabilang banda ay parang gubat na. Kumuha kami ng maraming litrato at nang mapagod ay umupo kami sa damuhan. Pagkarating nila Manang dala ang mga nakasupot na pagkain ay masaya kaming nagsalo-salo. Ang huling pupuntahan daw namin ay ang Tree Top Adventure dahil gusto ni Sky na sumakay ng zipline. Nang malaman ko iyon ay muli na naman akong namutla. Higit na mapanganib ang isang 'yon kaysa sa kabayo kanina kaya awtomatik na pinagpawisan ang palad ko. Hindi pa nakatulong ng sabihin ni Sky na subukan daw namin lahat ng nandoon. Iniimagine ko pa lang ay parang gusto ko nang magpaiwan. Hindi ako takot sa heights pero dahil ito ang unang beses ay matindi ang kabog ng dibdib ko, wala pa man. Birthday ko ngayon, pero mas nag eenjoy si Sky.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD