Pagkatapos naming mananghalian ay pumunta kami sa Strawberry Farm na tinatawag. Malawak ang lugar at maraming nagtitinda sa kabilang banda ng Farm.
Binigyan kami ng tig isang basket para makakuha ng strawberries. Malapad ang ngiti ko habang kumukuha, hindi pa ako nakakatikim ng strawberry kaya excited ako kahit pa medyo mainit. Hindi pipitas sila Tita dahil medyo mainit daw at bibili na lang sila. Sinamahan lang ako ni Sky dahil ito ang unang beses ko rito.
Nagulat ako ng subuan ako ni Sky ng isa.
"Matamis?" tanong niya.
Tumango ako at sinubuan din siya ng isa.
Sabay kaming namitas ni Sky at tinawan niya ako ng makitang punong puno ang basket ko samantalang ang sa kanya ay wala pa sa kalahati ang laman.
"Iuuwi mo ba 'yan?"
"Oo. Ipapatikim ko kanila Nanay," nakangiti kong sagot. Kahit ang totoo ay hindi ko alam kung may uuwian pa ako.
May dumaan na nagtitinda ng strawberry ice cream kaya tinawag ito ni Sky at bumili ng para sa aming dalawa. Sila Tita Evelyn ay hindi ko mahanap, mukhang nag ikot ikot sila sa mga tindahan.
Inaya na ako ni Sky na sumilong nang matapos kami sa pagpitas. Dala-dala niya ang strawberries na napitas namin, pati nga ang napitas niya ay hinalo niya sa akin dahil marami naman daw sila nu'n sa bahay nila.
Nang maubos namin ang ice cream ay naglakad lakad kami. Namamangha ako sa mga paninda, ang daming magaganda. Nakakita ako ng wallet na hugis strawberry kaya naisipan ko iyong bilhin. Tutal ay lumang luma na ang wallet ko. Bumili si Sky ng strawberry jam para ipangpasalubong ko raw kanila Nanay. Binilhan niya rin ako ng t-shirt na may nakasulat na "I Love Baguio" at pareho namin iyong sinuot.
Sunod naming pinuntahan ay ang Burnham Park. Ang sabi ni Sky ay pwede raw kaming mag bangka roon kaya na-excite ako.
Pagkarating namin doon ay marami nang tao.
Inuna namin ang Biking. Tig-isa kami ni Sky at ang sabi niya ay libutin daw muna namin ang Park bago kami mag bangka. Sila Tita ay piniling umupo muna habang kumakain ng snack na nabili nila.
Napakalawak ng lugar at kahit maraming tao ay hindi iyon nagmumukhang masikip. Marami rin kaming kasabay ni Sky na nag ba-bike at nag iikot. Tinawag ni Sky si Kuya Jake para kuhanan kami ng litrato. Ngayon ko lang napansin na wala pa nga kaming litrato dalawa.
"1 2 3" bilang ni Kuya Jake.
Magkatabi ang bike namin ni Sky at pareho kaming naka peace sign.
"Excuse me, Miss." Ani ng lalaki sa gilid ko. Nakakunot ang noo nito na parang naiinis. Singkit ang mata nito at may maliit na peklat sa pisngi. Sa unang tingin ay magkahawig sila ni Sky maliban lang sa mata nilang magkaiba ng hugis.
Pinamulahan ako ng mukha at agad na tumabi dahil sa gitna kami naka pwesto ni Sky para mag picture.
Nakakahiya.
"Kuya, Xavi. Wait!" sigaw ng bata na kasunod ng lalaki. Hindi siya nito pinansin at nagpatuloy lang. Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa makalayo ang mga ito.
Hindi iyon napansin ni Sky dahil lumapit ito kay Kuya Jake para kunin ang cellphone nito.
"Tara na't mag bangka," aya ni Sky.
Tumango ako at sabay naming ibinalik ang bike. Sumama na sa amin sila Tita pero nakahiwalay ang bangka namin ni Sky.
"Masaya ka ba?" tanong ni Sky ng makarating kami sa gitna. Tinigil niya ang pagsagwan at hinayaan na gumalaw ng kusa ang bangka.
Tumango ako at ngumiti. "Oo naman,"
Ngumiti ito sa akin at pinanood namin ang mga kasabay naming nasa bangka rin. Naagaw ang paningin ko ng taong nasa di kalayuan sa amin ni Sky. Siya 'yung lalaki kanina at kasama niya sa bangka 'yung batang humabol sa kanya. Parang may kini-kwento ang bata sa kanya pero ang paningin ng lalaki ay nasa dagat, hindi ko alam kung nakikinig ba siya o hindi rito.
Nagulat ako ng mag-angat ito ng tingin at nagtama ang paningin namin.
Nginisihan niya ako na nagpaawang ng bibig ko.
Nagpabalik balik ang tingin ko sa lalaki at kay Sky na nasa harap ko. Mapagkakamalan silang magkapatid, sa totoo lang.
Itinuon ko ang pansin ko sa mga pamilyang naroon. Hindi ko maiwasang mainggit ng makitang masaya ang mga itong nagtatawanan. Lihim kong hiniling na sana ay dumating ang araw na kami naman nila Nanay ang maging ganyan.
Kinagat ko ang pang ibabang labi at pilit na inalis sa isipan ang kalungkutan. Nandito ako para mag-enjoy.
Ilang minuto pa kaming nanatili sa bangka bago kami umalis, ang dami rin naming nakuhang litrato ni Sky at buong minuto kaming tumatawa dahil ikinuwento niya sa akin ang mga kalokohang ginawa niya kanila Kuya Jake at Manang Midet noong mga panahong bago pa lang ito sa kanila.
Si Manang Midet ang pumalit sa yaya ni Sky na nakulong noon. Nu'ng una ay nahirapan daw siyang mag adjust at magtiwala rito dahil halos kasama niyang lumaki ang yaya niyang nakulong dahil sa pagnanakaw. Sa unang buwan ay pinasakit niya raw talaga ang ulo ni Manang Midet kaya sumakit ang tiyan ko kakatawa sa mga ginawa niya.
Naglakad lakad pa kami ng sandali sa Burnham Park bago kami umalis.
Alas singko na ng hapon ng makarating kami sa tinatawag na Botanical Garden. Iyon daw ang huling pupuntahan namin ngayong araw.
Pagkarating namin ay hinila ako ni Sky sa lugar kung saan may malaking sculpture at may taong nakasuot ng traditional clothes. Mag pipicture raw kami ng nakasuot ng ganu'n.
Tinulungan kami ng babaeng naroon sa pamimili at sa pagkabit ng mahabang tela na kulay pula. Kay Sky ay may parang blazer na black and red din ang kulay samantalang ang pantaas ko ay ganon rin pero ang style ay pa-sash. Naglagay din kami ng parang sumbrero na may mga bulaklak. Ang kinuha pa ni Sky ay 'yung pinaka mahaba na may balahibo sa gilid.
Ilang beses kaming kumuha ng litrato sa tabi ng malaking sculpture maging sa maliit na kubo na nasa gilid niyon. Tawang-tawa ako sa mga pose ni Sky at nakuha niya pang gumamit ng mahabang kahoy na props para raw magmukha siyang sinauna.
Matapos namin doon ay nagsimula na kaming mag-ikot. Sobrang ganda ng paligid na napapalibutan ng bulaklak. Ilang ulit akong kinuhanan ng litrato ni Sky at ganu'n din ako sa kanya. Halos mapuno ang gallery ko sa dami ng pictures namin.
Pumwesto kami sa parang bahay na naka puwesto sa gitnang bahagi at nagpakuha kaming lahat ng picture. Hindi mawala ang ngiti sa labi ko ng makita ang litrato naming lahat. Para akong kasali sa pamilya nila. Nakaakbay sa akin si Sky na nasa kanan ko at nakayakap naman sa akin si Tita Evelyn. Sa tabi niya ay si Tito na nakaakbay din sa kanya at si Kuya Jake na nakadikit kay Tito. Si Ate Midet ay nasa tabi ni Sky at nakahawak ito sa braso niya.
Napakalawak ng lugar kaya inabot kami ng mag a-alas siyete sa pag iikot lang. Bumili si Tita ng ilang uri ng bulaklak at doon kami nagtagal. Sa dami kasi ng magaganda ay gusto niyang bumili ng tig-isa ng bawat uri ng bulaklak na ikinatawa ni Tito. Inasar pa siya ni Sky na 'wag na raw bibili ng marami dahil sa bawat sulok ng bahay nila ay may mga halaman, bukod pa sa garden nila na puno rin ng halaman at bulaklak.
"I love my babies," tukoy nito sa mga alagang halaman. "Kaya Midet alagaan mong mabuti ang mga iyon pag-ali—"
"Saan tayo mag di-dinner, Mom?" putol ni Sky sa sinasabi ng ina.
Napansin kong pinanlakihan ng mata ni Sky si Tita kaya tumikhim ito.
"Diyan na lang siguro sa malapit." sagot nito.
"Pupunta ba tayong night market, Ma'am?" tanong ni Manang Midet.
Si Tito ang sumagot, "Naku, pagod na ako. Kayo na lang ang pumunta at magpapahinga na ako sa hotel."
"Oo nga. Isama po niyo itong si Sky at Heaven, Manang." Ani Tita Evelyn.
Makalipas ang ilang minuto ay huminto na ang sasakyan.
Isa iyong kainan na kubo. The Farmer's Daughter ang nakita kong naka sulat doon.
Pumasok kami sa loob ng kubo at si Tita na ang umorder para sa aming lahat. Napakasimple lang ng lugar na iyon pero matao. Katabi ko si Sky at si Kuya Jake samantalang nasa harap naman namin sila Tita Evelyn, Tito Richard at Manang Midet. Mabuti na lang at ang kaharap ko ay si Manang Midet kaya hindi ako naiilang.
Tatlong uri ng putahe ang dumating sa lamesa namin, tig-isang kanin at isang malaking bowl ng vegetable salad. Iyon daw ang kakainin ni Tito dahil hindi raw ito puwede sa karne. Napansin ko nga rin nu'ng unang nakasabay ko siyang kumain ay gulay ang inorder niya.
Masaya silang nag uusap habang kumakain pero nanatili akong tahimik maliban na lang kung ako na ang tinatanong nila. Si Sky ang madaldal sa lamesa namin kaya napapangiti ako dahil sa mga kwento niya.
Nang matapos kumain ay nagpasya na kaming bumalik sa hotel. Saktong 7:30 ng gabi kami nakarating at dere-deretso ang bawat isa sa kanya-kanyang kuwarto. Binilinan kami ni Manang Midet na mamayang alas dyes kami pupunta ng Night Market.
Pagkapasok namin ni Manang Midet ay agad itong humiga sa kama.
"Hija, mag alarm ka ng 10pm at baka pareho tayong makatulog," natatawang saad ni Manang.
"Sige po," saad ko. Kahit wala naman akong balak na matulog dahil hindi naman ako inaantok ay nag alarm pa rin ako.
Nagpahinga ako sandali at saka naligo. Tinanong ko kanina kay Manang Midet kung para saan ang toner, cleanser at moisturizer kaya balak ko iyong gamitin ngayon. Hindi ko nagamit ang mga iyon kanina dahil nagmamadali akong nag-ayos, nakaidlip kasi ako ng kaunti matapos naming magkape ni Sky kaya naman mabilisang ligo lang din ang nagawa ko kanina dahil nakaayos na silang lahat pagkagising ko.
Matapos kong maligo ay ginamit ko ang cleanser. Napakalambot niyon sa pisngi at ang gaan sa pakiramdam. Feeling ko ay maraming dumi ang natanggal sa mukha ko matapos kong gamitin iyon. Sinunod ko ang toner, ang sabi ni Manang ay para raw iyon sa pores at para maiwasan ang pagkakaroon ng tigyawat. Wala akong tigyawat kahit pa palagi akong nasa maduming lugar at nadudumihan dahil sa paglilinis sa parlor. Siguro dahil mahilig akong maghilamos kaya ganu'n. Ang huli kong nilagay ay ang moisturizer, matapos kong ilagay 'yun ay parang kumintab ang mukha ko at lumambot.
Pinili kong suotin ang paldang maong at isang t-shirt na kulay pink. Naglagay din ako ng lotion sa buong katawan at halos maadik ako sa amoy niyon. Amoy mamahalin, at sobrang lambot sa balat.
Pinatuyo ko ang buhok ko at naisipan iyong tirintasin. Nag iwan ako ng ilang hibla sa gilid bilang desenyo. Nang matapos ay nag spray ako ng mamahaling pabango na bigay din ni Tita Evelyn.
Napangiti ako ng makita ang kabuuan ng sarili sa salamin. Halos isang oras akong nag-ayos dahil hindi ko minadali ang sarili. Lalo na sa pagligo. Nagandahan ako masyado sa banyo ng hotel kaya halos inabot ako ng kalahating oras doon.
Tiningnan ko ang orasan at malapit nang mag alas nwebe.
Pinili kong pumunta sa veranda at tumunghay doon. Nasa 7th floor kami ng hotel kaya natatanaw ko ang mga dikit dikit na bahay sa di kalayuan.
Madilim na rin kaya kitang kita na ang mga bituin sa kalangitan.
Natigil ako sa pagmumuni-muni ng tumunog ang cellphone ko. Hindi iyon naka silent dahil wala naman ako sa bahay.
Si Sky ang nag message.
Nang buksan ko iyon ay napangiti ako sa mga litratong sinend niya. Madami ang sinend niyang picture naming dalawa pero naagaw ng isang litrato ang paningin ko.
Iyon 'yung picture namin kanina habang nag ba-bike.
Habang masaya kaming naka ngiti ni Sky ay may lalaking nakakunot ang noo sa gilid ko. Nilakihan ko ang larawan at tinitigan ang mukha niya. Kahawig niya talaga si Sky, maliban sa hugis ng mata. Pareho sila ng hugis ng mukha pati ng kulay ng balat. Matangos din ang ilong nito at manipis ang labi. Maging ang gupit ng buhok nila ay pareho.
Muling tumunog ang cellphone ko at natawa ako sa sinend na picture ni Sky. Iyon 'yung picture na naka bike kami pero may takip na ang mukha ng lalaki sa gilid ko. Talagang naisip pa niyang takpan iyon? Nakakaloka talaga siya.
Pumili ako ng isa sa mga picture namin ni Sky, 'yung nasa bangka kami ang napili ko at ginawa kong wallpaper. Nakaakbay siya sa akin at parehong malawak ang ngiti namin doon.
Muli akong napatingin sa bituin at napangiti ng tipid.
Bukas pa ang birthday ko..
Pero ngayon pa lang ay masayang masaya na ako.
Hindi ko na muna iisipin ang nag-iintay sa akin sa pag-uwi. Ito ang unang beses na mag ce-celebrate ako ng birthday ko kaya hangga't maari ay ayokong maging malungkot, gusto kong i-treasure ang moment kahit pa hindi ko naman talaga kapamilya ang kasama ko.
Pamilya na ang turing ko kay Sky kaya masaya akong siya ang kasama ko sa unang beses na celebration ko.