Dalawang buwan na ang nakakalipas ng ilibing si Nanay. At sa mismong araw na umuwi ako galing sa Baguio ay nalaman kong umalis pala sila Tatay at Kuya matapos mailagay ang kabaong ni Nanay sa bahay, tumakas sa responsibilidad.
Ni hindi pa bayad ang lahat, basta na lang nilang iniwan.
Kaya pala parang nagkaroon ng pag-asa ang kapit-bahay ko noong dumating ako, kasi may sasalo na ng bayarin.
Ang iba ay naawa, nag abot ng kaunting tulong. Nagpasalamat ako sa kanila. Kung hindi dahil sa mga inabot nila ay hindi ko mababayaran ang pagpapalibing kay Nanay.
Halos nagmakaawa rin ako kay Mayor na tulungan ako, at hindi naman ako nabigo.
Sa dalawang buwan na nakalipas ay hindi ko pa nakikita ulit sila Tatay maging si Kuya Erik at Kuya Vanz.
Galit ako sa kanila
Paano nila nagawang iwanan ng ganu'n si Nanay?
Hindi man lang sila nakonsensya, kahit konsensya na lang kung talagang wala silang pagmamahal kay Nanay.
Pero wala
Kahit sa mismong araw ng libing ay ni anino nila hindi ko nakita.
Masamang masama ang loob ko sa kanila pero wala namang magagawa ang galit kong 'yun.
Sa loob ng dalawang buwan ay hindi ako nakipagkita kay Sky. Sa dalawang buwan na lumipas ay halos tatlong beses ko lang sinagot ang tawag niya. Wala siyang alam, at wala rin akong balak na ipaalam pa.
Sa totoo lang ay may kaunting pagsisisi akong naramdaman noong nilibing si Nanay. Na sana hindi na lang ako sumama sa kanila. Na sana nanatili na lang ako sa bahay at bumuntot kay Nanay.
Baka sakali, baka sakaling naisalba ko pa siya.
Mag-isa na lang ako sa buhay ngayon. Hindi ko alam kung nasaan sila Tatay at pakiramdam ko ay hindi na sila babalik pa rito. Sa loob ng dalawang buwan ay naging ibang tao ako. Nawalan ako ng pakialam sa paligid ko. Nawalan ako ng ganang bumangon sa umaga. Nawalan ako ng ganang ngumiti at tumawa.
Pumapasok ako sa parlor, pero hindi na kasing sigla kagaya noon. Madalas ay umiiyak ako kapag ako lang mag isa. Kapag walang nakakakita ay mahina ako. Pero kapag haharap na sa tao, ay mukha akong matapang dahil seryosong seryoso ang mukha ko. Kahit si Ate Betty ay hindi ko na pinapansin, hindi ko alam, pero literal na nawalan ako ng gana sa lahat.
Wala na akong kapera-pera bukod sa naipon kong kita sa parlor. Binenta ko na rin yung mga damit at sapatos na binili sa akin ni Tita Evelyn at Tito Richard. Lahat ng mamahaling binigay nila ay binenta ko at naging malaking tulong iyon sa pagbayad ko sa lahat ng ginastos sa libing ni Nanay.
Tanging ang kwintas na regalo ni Sky na lang ang natitirang mamahaling gamit ko. Ayokong ibenta, hindi ko kaya. Kahit na iyon ang may pinaka malaking halaga ay hindi ko 'yun binenta. Ayos lang na wala ang magagandang damit, sapatos at kung ano pa man, pero ito, akin 'to. Sumpa man ang mismong araw na binigay niya ito sa akin, pero pinapahalagahan ko parin.
Natigil ako sa pagkakatulala ng tumunog ang cellphone ko. Wala namang ibang tumatawag at nag te-text doon kundi si Sky.
From: Best friend
Pupunta ako mamaya. Miss na kita, bawal tumanggi.
Nangilid ang luha sa mga mata ko ng basahin ko ang text niya. Sa nagdaang dalawang buwan ay naging maunawain siya kahit hindi niya alam ang pinagdadanan ko. Ang huling sinabi ko sa kanya ay hayaan niya muna ako dahil may importante akong inaayos sa buhay ko, sinunod niya 'yun. Hindi siya nagpumilit na makipagkita. Tanging text lang ang ginagawa niya kahit pa hindi ko siya nirereplyan. Gabi gabi rin siyang tumatawag kahit hindi ko naman sinasagot dahil tuwing tatawag siya ay umiiyak ako sa sulok. Pakiramdam ko tuloy ay dinadamayan niya parin ako kahit wala siyang alam.
To: Best friend
Okay.
Hindi ko alam kung kailan ang huling beses na nagreply ako sa kanya, pagka send ko ay bigla siyang tumawag kaya hindi ko mapigilang hindi mapangiti.
“Oh?” bungad ko.
[Kamusta ka?] ramdam ko ang pag-aalaala sa boses niya.
Tumikhim ako dahil naiiyak na ako agad sa tanong niya.
“Ayos lang. Anong oras ka pupunta?” pag-iba ko sa usapan.
[Anong oras ka ba hindi busy?]
“Alas kuwatro ang tapos ng trabaho ko sa parlor,”
[Okay, pupunta ako ng saktong alas kuwatro.]
Tumango ako kahit hindi naman niya ako nakikita. Sa totoo lang ay miss na miss ko na siya. Siya na lang ang meron ako ngayon, at nagpapasalamat ako kasi nanatili siya sa tabi ko kahit para ko na siyang pinagtabuyan dahil hindi ko sinasagot ang text at tawag niya.
Inayos ko ang sarili ko sa salamin. Ang sabi nila ay malaki raw ang nagbago sa akin sa loob ng dalawang buwan. Ang mahaba kong buhok ay maiksi na ngayon. Mas pumutla rin ang balat ko at pumayat din ako dahil madalas ay wala akong ganang kumain. Lahat ng sweldo ko sa loob ng dalawang buwan ay halos hindi ko nagastos dahil sa parlor lang ako kumakain at nagmumukmok lang ako kapag nasa bahay ako.
Pakiramdam ko nga ay malaki laki na iyong naitabi kong kita sa parlor dahil talagang wala naman akong pinag kakagastusan bukod sa napakaliit na bayarin sa ilaw at tubig na hindi naman halos nagagamit. Hindi ko 'yun nabibilang dahil wala naman na akong pakialam, wala na akong balak mag-aral at hindi na rin ako nangangarap pa.
Saktong alas kuwatro ay pumunta ako sa harap ng prisinto. Hindi na ako nagulat ng salubungin ako ng yakap ni Sky.
“Ano bang nangyari sa 'yo, pinag-alala mo ako alam mo ba 'yun?” napipiyok na saad ni Sky.
Nilabanan ko ang maiyak sa harap niya. Ayokong idamay pa siya sa guilt na nararamdaman ko. Dahil alam kong sisisihin niya rin ang sarili niya kapag nalaman niya.
“Ang sabi ko sa 'yo ay may inayos ako sa buhay ko, diba.” nakangiting saad ko. Pinitik ko siya sa noo at pinipigilan kong maiyak dahil namiss ko 'yun ng sobra.
“Sana man lang kasi ay nagrereply ka sa text ko para hindi ako nababaliw sa bahay kakaisip sa 'yo!” reklamo niya.
Natawa ako ng kaunti, “Sorry na. Ngayon nga lang tayo nagkita, aawayin mo pa 'ko.”
Tumalab ang pangongonsensya ko sa kanya dahil hinila niya ako at inakbayan.
“Kain tayo. Namiss ko ang paborito kong kaibigan.” saad niya habang papasok kami ng sasakyan.
Kinurot ko siya sa tagiliran. “Malamang, ako lang naman ang kaibigan mo kaya wala kang choice!” natatawang saad ko.
Sa loob ng dalawang buwan ay ngayon na lang ako ulit tumawa ng totoo. Palaging pilit na ngiti ang naibibigay ko sa mga tao sa paligid ko, pero pagdating kay Sky, hindi ko kayang pekein ang pagiging masaya ko dahil masaya talaga ako.
Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, pinagpapasalamat ko na meron pa rin akong Sky. Hindi pa ako sagad, meron pang mahuhugutan ng lakas at pag-asa na lumaban sa buhay.
Hanggat nandiyan pa siya, kakayanin ko pa.
Habang kumakain kami sa mamahaling restaurant ay puro lang kami tawanan. Panadalian kong nakalimutan ang klase ng buhay na meron ako ngayon dahil sa kanya. Ang dami niyang kinwento sa akin patungkol kanila Manang Midet at Kuya Jake, at halos mabilaukan kami kakatawa.
Nasa mamahaling restaurant kami kaya kami lang ang maingay at wala kaming pakialam kahit na pinag titinginan kami ng mga mayayamang kumakain doon.
Matapos naming kumain ay tumambay naman kami sa ice cream shop.
“Pasukan na namin sa susunod na buwan...” umpisa niya.
“Oo nga pala, nakapag enroll ka na ba?”
Nag iwas siya ng tingin. "Oo,”
Tinitigan ko si Sky. “Sabihin mo na.” saad ko.
Lumingon siya sa akin ng nagtataka. "Ang alin?"
“Sus, kunwari ka pa. Ramdam kong may sasabihin ka sa 'kin kaya sabihin mo na.”
Binitiwan niya ang hawak na kutsara at huminga ng malalim.
“Kasi, Ven...” nag iwas siya ng tingin, “A—alis a..ko.” saad niya at yumuko.
Dahan dahan kong nabitawan ang kutsang hawak at parang hindi ko malunok ang ice cream na nasa bibig ko.
Pilit akong tumawa. “Ah. Saan ka pupunta?”
“Sa ibang bansa na... kami titira,” Sa pagkakataong ito ay nakatitig na siya sa mata ko.
Napaawang ang bibig ko at ilang beses akong kumurap.
Ano na naman ba 'to?
Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha ko. Parang dinudurog na naman ang puso ko, hindi pa nga buo, sinira na naman.
“Seryoso ba?” pinilit kong tumawa kahit na pumapatak ang luha ko. “Huwag ka ngang magbiro diyan. 'Di nakakatuwa!”
“I'm sorry. Si Daddy kasi may sakit, kailangan niyang ma-monitor doon. Wala akong magawa, Ven. Buhay na ng Daddy ko ang nakasalalay. Ayokong sumama pero hindi puwede, naiintindihan mo naman ako diba?” namumula ang ilong niya at nangingilid ang luha sa mata niya.
Gusto kong magwala.
Gusto kong sabihin na siya na lang ang meron ako ngayon,
Gusto kong maging selfish at sabihing 'wag na lang siyang sumama,
Pero kabaliktaran ang ginawa ko...
Tumango ako.
Ngumiti ako sa kanya.
Kailangan siya ng magulang niya, at ayaw kong iparanas sa kanya ang mabuhay ng mag isa.
Mahirap,
Masakit
Pero kailangan.
“Ayos lang 'yun, may cellphone naman. Puwede parin tayong magkita, sa screen nga lang.” natatawang saad ko.
Nakita ko ang pagpatak ng luha niya. Hinila niya ako at niyakap. Rinig ko ang mahinang hikbi niya kaya pinigilan kong umiyak.
“Pasensya ka na, wala akong magawa. Magulang ko sila at kailangan ko silang sundin, Ven. Hindi ko rin kaya na hindi mabantayan si Dad habang nagpapagamot siya. Hindi ko kakayanin kapag nawala siya sa akin, ayaw kitang iwan pero hindi ko na alam ang gagawin ko...”
Tumango tango ako. “Naiintindihan ko, Sky. Unahin mo ang pamilya mo palagi. 'Wag kang mag alala dahil may kaibigan naman na ako sa amin, hindi na ako mag-isa,” pagsisinungaling ko.
Kung meron man akong natutunan, 'yun ay ang unahin ang pamilya. Kaya hindi ko siya pipigilan, kahit masakit, kahit mahirap, kahit pakiramdam ko ay bibigay na 'ko...
Tumitig siya sa akin at pilit ngumiti. “Finally, may iba ka nang kaibigan. Hindi na pala ako mahihirapang iwan ka kasi may kasama ka na...”
Pinitik ko siya sa noo. “Oo, kaya 'wag mo na akong isipin at sundin mo sila Tita. Ayokong sabihin nila na bad influence ako sa 'yo, noh!”
Tumango siya. “Okay, pero pangako mo sa 'kin na sasagutin mo ang mga tawag at text ko!” nakabusangot na saad niya.
“Oo na po. Kailan pala ang alis ninyo?”
“Bukas.” malungkot na saad niya.
Halos manlambot ang tuhod ko sa narinig. Bukas agad? Ibig sabihin kung hindi ko siya sinipot ngayon ay hindi ko na siya makikita pa.
“Daya, bukas agad?”
“Oo eh. Kailangan nang matingnan agad ni Daddy dahil medyo lumalala na ang sakit niya.”
Niyakap ko siya ng mahigpit.
“Gagaling si Tito, 'wag kang panghinaan ng loob, hm?”
“Oo. At sa oras na gumaling siya at maging okay ang lahat, babalikan kita rito. Pangako.”
“Hihintayin kita, pangako.”
Ayun ang huling sinabi namin sa isa't isa. Nangako kami na babalik siya at hihintayin ko siya.
Pero kaya ko ba?
Aabutan niya pa kaya ako?
Sa tingin ko kasi ay hindi ko na makakayanan pang tumagal nang mag isa
Ngayon pa lang ay hinang hina na 'ko,
Sukong suko na 'ko, Nay.
16 years old pa lang ako, hindi ba't parang sobra naman sa akin ang mundo?
Hindi dapat ganito ang nararanasan ko eh, dapat na-eenjoy ko ang youth season ko. Pero hindi 'yun ang nararamdaman ko.
Ang bigat, sobra.
Para akong dinala sa pinakamataas na lugar tapos biglang hinulog,
Lagapak, sagad.
Hindi ko alam kung paano makakabangon at kung dapat pa bang bumangon...
June 15 2019
Ang mismong araw na umalis siya,
Ang araw na naramdaman kong mag-isa na lang ako talaga.