Kabanata 23

1232 Words
I heaved a sigh when I saw Sky outside. Halos isang linggo na siyang pabalik balik dito at hindi ako natutuwang makita siya araw-araw. "Ang pursigido ng kaibigan mo ah," Ani Carrie. Diniinan pa niya ang pagkakasabi ng 'kaibigan'. Wala na silang ginawa ni Ma'am Rose kundi ang asarin ako simula ng magpunta dito si Sky. "Tss. 'Di ko kaibigan 'yan." "Ano lang?" nang-aasar na tanong niya. Umirap ako at hindi na siya pinansin. Nang magtama ang paningin namin ni Sky ay tinaasan ko siya ng kilay. Nakasuot siya ng polong blue na may puting t-shirt sa loob at jeans, tanghaling tapat at mainit sa kinatatayuan niya pero malapad parin ang pagkakangiti niya sa akin habang kumakaway. Mukha siyang ewan. "Pa-order po." Ani Sky habang pumupwesto sa pangdalawahang mesa. Sinenyasan ko si Carrie na kuhanin ang order niya pero ngumuso lang ito at sumenyas na papasok sa kusina. Wala akong nagawa kundi lapitan si Sky na mariing nakatitig sa akin. "Ano na naman ang ginagawa mo rito?" Walang ganang tanong ko. Nagsasawa na ako kakatanong sa kanya ng parehong tanong araw-araw at iisa lang din ang sagot niya palagi. "Dinadalaw ka." Nakangiting sagot niya. Tumaas ang kilay ko. "Mukha ba 'kong may sakit?" "Nami-miss nga kasi kita." Nakangusong saad niya. Anong nangyari sa mataray na Sky? Bakit naging pabebe na ang isang 'to ngayon? "Wala akong oras para makipaglokohan sa 'yo kaya tigilan mo na 'ko. Ilang ulit ko ba dapat ulitin sa 'yo iyon?" Napapagod na tanong ko. Ganito ang eksena namin araw-araw, dadating siya rito ng tanghali at bubuntot sa akin hanggang gabi. Kahit na hindi ko siya pansinin ay kinukulit niya pa rin ako na parang wala lang sa kanya ang pagiging siga't mataray ko. Ako ang napapagod sa routine naming dalawa. "Ilang ulit ko rin bang sasabihin sa 'yo na hanggat hindi tayo nagiging okay ay hindi kita titigilan. Come on, ven. Just hear me out." Malamig ko siyang tiningnan. "Tigilan mo ang kakatawag sa akin ng ganyan, at hindi ko kailangan ng kahit anong explanation galing sa 'yo. Ibigay mo 'yan doon sa may pakialam." "Just once, Ven, hear me out. Hindi natin 'to maayos kung palagi mo 'kong iiwasan." May lungkot sa mga mata niya ng sabihin iyon. "Sino bang may sabi sa 'yo na gusto kong magkaayos tayo?" Nakita ko ang pag awang ng bibig niya at pagdaan ng sakit sa mga mata niya. Kung ako ang dating Heaven ay paniguradong makokonsensya ako, pero iba na ngayon. Hindi na ako ang kaibigan niya, marami nang nagbago at wala na akong balak na papasukin siya sa bago kong mundo. Maayos na ako, ayoko nang guluhin pa 'ko ng kahit na sino. Ilang segundo ang lumipas bago siya umayos ng upo at tumikhim. "Nasasabi mo lang 'yan kasi galit ka sa 'kin." "Hin—" "Adobo ang order ko, damihan mo, ha." Putol niya sa sasabihin ko. Nakangiti na ulit siya na parang walang nangyari. Napabuntong hininga ako at iniwan na siya roon. Sa loob ng isang linggong pangungulit niya sa akin ay ganito palagi ang nangyayari. Magsasabi ako ng masasakit na salita, tatahimik siya sandali tapos maya-maya ay ngingiti at iibahin ang usapan na parang walang nangyari. "Inaway mo na naman si Skyler?" nagulat ako ng biglang nagsalita si Carrie sa likod ko. Tiningnan ko si Sky at nakitang nakayuko ito habang pinaglalaruan ang daliri na nakapatong sa lamesa. Mukha siyang batang naagawan ng laruan sa itsura niya. Tsk. "Jusko, Des. Lahat na lang ng gwapo winawasak mo ang puso. Magbagong buhay ka na nga." Ani Carrie habang nakatingin kay Sky. "Manahimik ka at ihatid mo na 'tong order niya." Umirap pa muna siya sa 'kin bago kinuha ang tray na may lamang ulam at kanin at nagtungo sa kinaroroonan ni Sky. Iniwas ko ang tingin ko ng dumako ang paningin ni Sky sa pwesto ko. Buong maghapon ay naging abala ako sa karinderya habang abala naman si Sky sa pagbuntot sa 'kin. Tinutulungan niya 'ko sa mga ginagawa ko kaya hindi ko maiwasang sungitan siya dahil trabaho ko ito at hindi niya dapat ginagawa ang trabaho ko. Hindi ko alam kung ano ang pinagkakaabalahan niya sa buhay at parang ang dami niyang panahon at oras. Wala ba siyang trabaho? Wala ba siyang sariling buhay at buhay ko ang binubulabog niya ngayon? Tss. “Thank you, Skyler, sa pagtulong sa amin. Ang daming costumer at hindi namin maasikaso iyon kung kaming dalawa lang ni Des.” pagpapasalamat ni Carrie. “Ako na ang nagpasalamat dahil wala namang puso itong isang 'to.” Biro niya. Mahinang tumawa si Sky habang hawak ang bottled water na inabot ni Carrie. “Naku, hindi naman ganiyan noon 'yan.” panimula niya at balak pa sanang dugtungan. Tiningnan ko siya ng masama dahil heto na naman siya at binabalik ang nakaraan. Nakuha niya naman ang ibig sabihin ng tingin ko kaya nanahimik na rin siya. Hindi nga lang siya nilubayan ni Carrie na nagpupumilit na mag kwento siya. Maingay si Carrie kaya umalis ako at pumasok sa kusina. Ilang oras na lang at magsasarado na rin kami kaya pinili kong magligpit na. Hinugasan ko ang iilang platong natira sa lababo maging ang dalawang kaldero. Mayroon naman kaming dishwasher, pero umuwi ng maaga dahil may sakit daw ang anak niya kaya salitan kami ni Carrie sa paghuhugas kanina kapag walang costumer. Maya maya ay naramdaman ko ang presensya ni Sky sa likod ko. “Ako na diyan.” prisinta niya. “Patapos na.” malamig na sagot ko. “Galit ka ba sa 'kin?” rinig kong tanong niya. Mahina iyon pero sakto lang para marinig ko. Humarap ako sa kanya at malamig siyang tinitigan. “Wala ka bang sariling buhay at dito ka nanggugulo?” Tumingin siya sa 'kin at ngumuso. Ayan na naman ang paawa effect niya na kinaiinisan ko. “Eh gusto ko ngang magkaayos tayo. Bahala ka diyan mainis sa 'kin, basta ako hindi ako titigil hangga't ayaw mo 'kong pakinggan.” matigas na sagot niya. Napabuntong hininga ako at humarap na muli sa lababo para ipagpatuloy ang paghuhugas. Nanatili naman siyang nakatayo sa likuran ko. Hindi ko na alam kung anong masasakit na salita pa ang kailangan kong sabihin sa kanya para layuan na niya 'ko. Lahat ng sinasabi ko sa kanya sa loob ng isang linggo ay parang baliwala lang sa kanya. Papasok sa isang tenga at lalabas sa kabila. Ako ang napapagod sa kakabuntot niya sa 'kin na parang aso. Kilala na rin siya ng ibang kapit-bahay ko at hindi na pinagti-tripan dahil ang akala ay kaibigan ko siya. Tuwang tuwa naman ang mokong ng isipin ng mga taong close kami kahit hindi naman talaga. Sa araw araw na ginawa ng Diyos ay pinagtabuyan ko siya, ang kaso ay walang epekto sa kanya. Sa tuwing paaalisin ko siya ay umaakto siyang walang narinig at hindi iyon pinapansin. Minsan ay napapaisip ako kung bakit nandito siya at ginugulo ako. Ayos lang kung bumalik sila dito sa bansa pero bakit kailangan pang bumalik siya sa buhat ko? 'Di ba siya naman ang pumutol ng koneksyon namin? Siya ang nagdesisyong ibasura ang meron kami noon, kaya bakit siya nandito na parang walang nangyaring pang-iiwan sa ere? Ang kapal ng mukha niyang umakto na para bang hindi niya ako iniwan noon. At kung iniisip niya na tatanggapin ko pa siya ulit na parang walang nangyari ay hindi mangyayari 'yun.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD