"Des, i-deliver mo nga ito!" sigaw ni Ma'am Rose. May-ari ng pinag ta-trabahuan kong kainan dito sa tondo.
Tumango ako at kinuha ang dalawang plastik na may lamang ulam. Tiningnan ko ang address at nakitang medyo malapit lang 'yun. Ilang minuto lang din ay nakarating ako sa address, maraming nakatambay sa harap ng bahay na nag-iinuman.
"Uy, chix." sabi ng lalaking kalbo at sumipol pa.
Nanatili akong seryoso bago kumatok sa address na umorder ng ulam.
"Tao po. Delivery po." sigaw ko.
Maya-maya ay lumabas ang isang babae, inabot ko ang plastik kapalit ng bayad niya. Habang binibilang ko ang baryang binayad sa akin ng babae ay naririnig ko ang tawanan ng mga lalaking nag-iinuman sa likod ko.
"Ganyan na raw ang uso ngayon pre, pa hard to get na." saad ng kung sino at nagtawanan sila.
"Akala mo naman virgin pa, halata namang laspag na 'yan!"
Parang nagpantig ang tenga ko sa narinig. Nakangisi akong humarap sa kanila.
"Hoy, pangit. Hindi ko gusto ang tabas ng dila mo. Pangit ka na nga, ang baho pa ng bibig mo." lalong lumawak ang ngisi ko ng makita ang pamumula ng mukha niya. Hindi ko alam kung dahil ba 'yun sa lasing na siya o napikon siya sa 'kin.
Tumayo siya at lumapit sa akin, naghiyawan naman ang mga kasama niya. Akala ata nila mag-eenjoy sila, mga patawa.
"Miss 'wag ka ng magtapang tapangan dahil mukha ka namang lampa." natatawang saad niya.
Ang baho ng hininga niya!
"Then try me," seryoso akong nakatitig sa kanya kahit nauumay ako sa pangit niyang mukha.
"Aba, nag eenglish pa," pang-aasar nito habang nakaharap sa mga kasama, "Feeling bigatin, delivery girl lang naman!" tumawa siya ng malakas matapos sabihin 'yun.
Wala akong nararamdamang inis o ano man, kahit ata anong sabihin ng pangit na 'to ay wala akong pakialam. Nanatili akong naka poker face at nag pasya nang umalis pero bago pa man ako makarating sa motor ko ay hinawakan niya ang braso ko.
Sa mga nakalipas na taon, isang bagay lang ang nakaka pag trigger ng galit ko, kapag dumadapo ang kamay ng kahit na sinong walang modong lalaki sa balat ko. Bigla ay nag dilim ang paningin ko at mabilis na pinilipit ang braso ng lalaking humawak sa akin.
"Ah— aww! Bitawan mo 'kong bwisit ka!" sigaw niya.
Lalo kong diniinan ang pagkakapilipit sa braso niya at ng hindi pa ako makuntento ay sinipa ko siya sa pribadong parte ng katawan niya at sinikmuraan siya ng malakas. Saka lang nagsilapitan ang mga kasama niya para alalayan siya.
"Ang baho ng hininga mo, sana mabaog ka!" saad ko bago sumakay sa motor ko.
Iiling iling akong pumasok sa kainan at walang sabing inabot kay Ma'am Rose ang perang binayad sa akin.
"Hulaan ko, may inupakan ka, noh?" Si Carrie, Itinaas baba niya pa ang kilay habang nakahawak sa baba niya.
Inismiran ko lang siya bago kumuha ng basahan para magpunas ng lamesa. Puro siya dada, hindi na lang mag trabaho. Tsk.
"Huy, des. Napaka sungit mo talaga." nakangusong saad niya.
Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy sa ginagawa.
Ganito ang routine ko dito sa tondo. Papasok sa trabaho, mang uupak ng tarantado at dededmahin ang mga feeling close na tao. Hindi ko alam kung bakit palaging sa akin nakatuon ang pansin ng mga tarantadong kumakain sa kainan ni Ma'am Rose, palaging ako ang habol nila na akala mo ay mga gwapo, mukha namang mga demonyong tinakwil sa impyerno.
"Hi, des. Pwede ka bang makausap sandali?" saad ng lalaking kakaupo lang. Pamilyar na sa akin ang lalaki dahil araw araw siyang kumakain dito. Matangkad siya at pormal na pormal ang suot, halatang galing sa trabaho. Ang alam ko ay sa i-katlong street pa ito nakatira kaya hindi ko maintindihan ang utak ng isang 'to kung bakit dumadayo pa rito araw-araw. Ganun ba siya kabobo para magsayang ng oras at pagod? Tss.
"Order mo?" walang emosyong tanong ko, binalewala ang tanong niya.
Tumikhim ito bago ngumiti. "Isang adobo saka dalawang order ng kanin." nahihiyang saad nito. Kumakamot pa sa batok, akala niya naman kina-gwapo niya.
Walang sabing iniwan ko siya pagkatapos ilista ang order niya at ibinigay iyon ay Carrie. Nginusuan pa ako nito dahil sa nakita.
"Huy, des. Pansinin mo naman si Larry, crush ng bayan 'yan pero dinidedma mo lang," bulong ni Carrrie ng i-abot sa akin ang order ng lalaki.
"Iyo na kung gusto mo," saad ko at iniwan na siya.
Nakatitig sa akin ang lalaki habang nilalapag ko sa lamesa ng order niya.
"Ahm, des. May ano kasi... may gaganaping concert sa—"
"Hindi ako interesado," saad ko bago siya iniwanan doon.
"Des, i-deliver mo 'to roon sa may ginagawang building sa kanto." sigaw ni Ma'am Rose.
Tumango ako at kinuha ang papel kung saan nakalista ang pangalan ng umorder at ang address nito. Kumunot ang noo ko dahil para sa mga construction workers ang orders, mga loko ang mga 'yun kaya hinanda ko ang ang sarili ko dahil mukhang makakaupak na naman ako ng siraulo.
Pagkauwi ko sa inuupahan kong bahay ay agad akong naligo, sa karinderya na ako kumakain kaya hindi na ako nagluluto sa tuwing nasa bahay ako. Malaking tipid iyon sa akin at nakakaipon ako ng mas malaki dahil doon.
Binuksan ko ang drawer para kuhanin ang suklay pero nahagip ng mata ko ang cellphone na naroon, nakapatong sa maliit na parihabang kahon at ang teddy bear na nakayupi ang ulo. Magtatatlong taon nang nakapatay ang cellphone na iyon kaya hindi ko alam kung gumagana pa ba o hindi. Kinuha ko ang parihabang kahon at napa-irap ng makita ang kwintas, ilang beses ko nang tinangkang ibenta ang cellphone at kwintas na 'yun pero naisip ko na hindi naman 'yun sa akin at dapat ko 'yong ibalik sa may-ari.
Kapag nakikita ko ang kwintas na 'yun ay wala nang epekto sa akin. Magtatatlong taon ko na rin iyong hindi sinusuot pero hindi man lang nagbago ang itsura niyon. Iba talaga kapag mamahalin at tunay, hindi kinakalawang.
Ang teddy bear ay nangitim na ng kaunti, matagal na iyong hindi nalalabhan at nakatambak lang sa sulok kaya hindi nakakapagtakang nagmukhang luma iyon at mukha nang basura.
Napapailing na binalik ko sa drawer ang cellphone, teddy bear at kwintas at kinuha ang suklay na siyang pakay ko. Wala na akong pakialam sa may-ari ng mga iyon at kung may rason man para hilingin kong magkita kami, 'yun ay para lang maibalik ang pagmamay-ari niya.
Galit? Hindi.
Hindi ako galit sa kanya, pero ayoko nang bumalik pa siya sa buhay ko.
Lahat sila.
Lahat ng mga taong sumira, nanakit at nang-iwan sa 'kin ay ayoko nang makita pa. Mas masaya ang buhay ko ngayon, mas payapa. Ni hindi ako naiinggit sa mga magkakaibigan na kumakain sa karinderyang pinagta-trabahuan ko, maging sa mga pamilyang masayang kumakain doon ay wala akong pakialam. Oo at minsan ay naaalala ko siya sa tuwing nakikita ko ang masayang magkaibigan na kumakain sa karinderya, pero wala na akong maramdaman.
Hindi ko siya namiss, kahit kaunti ay wala na akong maramdamang pangugulila sa kanya. Nagsisisi ako na naghabol ako sa kanya noon, na pinilit ko ang sarili ko sa kanya kahit na literal na pinutol na niya ang pagkakaibigan namin simula ng hindi niya ako replayan sa lahat ng text messages, calls at emails ko sa kanya. Naalala ko pa kung gaano ako naghihirap para lang magkaroon ng perang ipang lo-load ko dahil mahal ang text at tawag na pang international. Inaral ko rin ang pag co-computer para makapag email sa kanya kahit ang bobo ko noon. Hindi ako agad sumuko.
Pinilit ko
Pinili kong maging matatag para sa friendship naming dalawa
Noong mga panahong hinang-hina ako pagkatapos akong bugbugin ni Tatay
Noong umuwi si Kuya Erik at naging mabuti sa akin
Noong panahong pinagsamantalahan ako ng mga hayop na lalaking 'yun
Noong mga panahong kinukutya at binu-bully ako ng mga tao sa paligid ko
Noong mga panahong gutom na gutom ako at wala akong makain
Noong kinailangan ko ng tulong at wala akong malapitan
Tuwing susubukan kong magpakamatay
Sa lahat ng panahon na 'yun, sinubukan ko siyang tawagan
Tuwing ayoko nang mabuhay sa mundong ito ay siya ang nilalapitan ko
Tumatawag ako
Nag e-email
Nag te-text
Imbis na ipangbili ng pagkain, pinili ko siya
Kasi umaasa ako, umaasa ako na baka sakaling sumagot siya.
Baka sakaling magkaroon ako ulit ng lakas para kayanin
Kasi siya ang lakas at pag-asa ko
Kinakaya ko noon dahil pinanghahawakan ko 'yung pangako niya na babalikan niya 'ko.
Pero hindi
Kagaya rin siya ng lahat. Pare-pareho lang sila.
Kaya sana manatili na lang siya sa kung saang lupalop siya naroon, kasi wala na siyang babalikan dito.
Dahil matagal nang patay ang kaibigan niya.