Mabilis na lumipas ang araw at paparating na naman ang pinaka ayaw kong buwan. Sa susunod na linggo ay sasapit na naman ang kaarawan ko na tinuring kong sumpa sa buhay ko. Iniisip ko tuloy kung ano namang hindi magandang pangyayari ang mangyayari sa akin sa araw na 'yun. Hindi na ako magtataka kung may bigla na lang sumaksak sa 'kin sa araw na 'yun, mas nakakapagtaka kung matatapos ang araw na 'yun ng payapa. Maniniwala ako sa himala kapag nagkataon.
Natigil ako sa pagpapatuyo ng buhok ko nang may marinig ako sa labas. Linggo ngayon kaya wala akong pasok sa karinderya. Kumunot ang noo ko ng makita si Larry sa bintana. Pormal na pormal ang itsura niya at parang robot na nakatayo sa labas. Ilang minuto ko pa siyang tiningnan sa bintana, umaasang kusa rin itong aalis pero ng ilang minuto na ang nakalipas ay naroon pa rin ito ay nagpasya na akong lumabas. Marami ring mga tsismosong kapit-bahay ko ang nakatingin sa kanya dahil sikat siya sa lugar namin. May magandang trabaho, maayos na bahay at sasakyan, at higit sa lahat ay may itsura ito na palaging hinahangaan ng kababaihan. Kung ang iba ay magtititili kapag nakita ang bugkos ng bulaklak na hawak nito, ako ay nandidiri. Mukha siyang tanga na nakatayo sa labas habang yakap ang bugkos ng pulang rosas.
"Ayoko nang magpaligoy-ligoy pa, matagal ko nang gustong sabihin sa 'yo 'to Des pero ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob," seryosong saad ni Larry ng tumayo ako sa harap niya at tinaasan siya ng kilay. "Gusto kita, Des. Matagal na. Simula ng makita kita, nahulog na ang loob ko sa 'yo. Ewan ko ba kung bakit kahit hindi mo ako pinapansin, kahit nga ang tingnan ako ay 'di mo nagagawa pero imbis na ayawan ka ay mas lalo kitang ginugusto. Kaya sana, sana bigyan mo 'ko ng chance para ligawan ka." huminga siya ng malalim bago iniabot sa akin ang bulaklak na hindi ko kinuha.
Nang mapansin niyang wala akong balak na tanggapin ang bulaklak niya ay ibinaba niya ang kanina pang nakabitin sa ere na bulaklak.
Nanatili akong naka poker face, walang mababasang emosyon sa mukha ko pero sa loob loob ko ay ilang beses na akong umirap. Kinikilabutan ako sa mga naririnig ko at gusto kong masuka sa mga sinasabi niya. Pare-pareho lang silang mga lalaki, magagaling lang sa salita, at kung tatanga-tanga kang babae ay mauuto ka talaga dahil sa galing nila.
Hindi ako bitter, sadyang alam ko lang kung saan babagsak ang lahat.
Sa una lang masaya, pagkalaunan, iiyak ka rin.
Sa una lang may excitement, pag tumagal na, masasakal ka rin.
Sa una lang may spark.
Lahat sa simula lang, kaya bakit mo pa sisimulan kung alam mo namang masasaktan ka rin lang sa huli?
Literal na para kang kumuha ng batong ipupukpok mo sa ulo mo kung gano'n.
"Hindi na rin ako magpapaligoy-ligoy pa, isang beses ko lang sasabihin 'to sa 'yo at hindi ko na uulitin pa," Tinitigan ko siya at kita ko roon ang kaba sa kanya. Pero kahit ganu'n ay tinuloy ako ang balak sabihin. "Hindi kita gusto, ni katiting na interes ay wala akong nararamdaman sa 'yo at umasa kang hindi darating ang araw na gugustuhin kita. Puwede ka nang umuwi. " Walang emosyong saad ko, nakakatitig sa mga mata niya ng deretso. Ni hindi ako kumurap kahit isang beses ng sabihin ko iyon.
Napasinghap ang ilan sa kapit-bahay ko at ang iba ay nagpipigil ng tawa. Ilang ulit na ang ganitong eksena rito sa amin at hindi ko alam kung bakit hindi sila natututo sa pagkakamali ng kapwa nila lalaki.
"Pero... bakit?" Nakayukong tanong niya. Kita ko ang pamumula ng tenga niya.
"Hindi ko kailangang magpaliwanag sa 'yo, Larry. Sapat na ang salitang hindi kita gusto para tanggihan ka. 'Wag mong ipahiya ng todo ang sarili mo." seryosong saad ko.
Tinitigan niya ako ng ilang segundo bago huminga ng malalim at napapahiyang sumakay ng kotse niya. Agad na pinaharurot niya iyon. Sayang ang magandang image niya dahil nagpapakatanga siya sa akin na wala namang pakialam sa kanya. Tsk. Ang dami talagang tanga sa pag-ibig, sayang ang talino nila, nabobobo kapag tinamaan ng duling na kupido.
"Siraulo ka talaga, Des! Walang kupas, mula ng dumating ka rito ay wala kang ibang ginawa kundi saktan ang mga kauri ko." Natatawang sabi ni Tonny, isa sa mga kainuman ko. Inaya nila akong uminom matapos ang nakakadiring eksenang iyon. Hindi ko sila tropa, paminsan minsan lang ay nakakainuman. Alam ko namang inis sa akin ang mga 'to, mga plastik.
"Siga talaga itong si Des, kaya laging suki ng banatan eh!" dagdag ni Atom.
Umirap lang ako sa kanila at tinungga ang alak na nakatoka sa akin.
Tiningnan ko ang mga kainuman ko. Wala pang nakakaalam ng madilim kong nakaraan ni isa man sa kanila rito sa Tondo. At siguro kung malalaman nila ang nakaraan ko ay hindi na sila magtataka kung bakit ako ganito. Pero kahit hindi nila ako maintindihan ay wala akong pakialam. Hindi ko trabahong ipaliwanag ang sarili ko sa kanila dahil wala akong pakialam sa iniisip at nararamdaman nila.
Naalala ko noong unang araw na lumipat ako rito sa Tondo ay halos lahat gusto akong sapakin, dahil ang yabang ko raw. Kahit itong mga kainuman ko ngayon ay minsan ko nang nakasuntukan. Halos lahat ng kapit-bahay maging ang sa kabilang street ay nakaaway ko na. Ilang buwan din na ganu'n ang araw-araw na eksena sa street namin hanggang sa nasanay na lang sila sa ugali ko. Hindi ako mag-aadjust para sa kanila, noh. Mahibang muna sila.
Pagkapasok ko sa bahay ay napadaan ako sa malaking salamin na naka display sa sala. Huminto ako roon at tinitigan ang sarili. Ang peke ko kung sasabihin kong hindi ko alam kung bakit maraming nagkakagusto sa akin. Sa paglipas ng taon, sa lahat ng hindi magandang nangyari sa akin, isa lang naman ang hindi nagbago... ang itsura ko.
Hibang na kung hibang pero alam kong maganda ako. Makapal ang hanggang balikat kong buhok na bagsak na bagsak, makapal rin ang kilay ko na maayos ang pagkakalatag, manipis ang labi ko na natural ang pagkakapula. May kaliitan pero matangos ang ilong ko, at ang pinaka ipinagmamalaki ko ay ang maliit na hugis ng mukha ko.
Mag ti-twenty two na ako sa susunod na linggo pero palagi akong napagkakamalang sixteen years old lang. Kamuntik pa nga akong hindi tanggapin ni Ma'am Rose dahil akala niya raw ay minor de edad lang ako. Ang height ko ay katamtaman, at payat ang katawan ko na may maputlang kulay. Ang sabi pa ng iba ay mukha raw akong kpop idol, na ikinagkikibit balikat ko lang.
Oo, maganda ako. Pero sapat ba 'yun? Talaga bang sa itsura na lang bumabase ang lahat? Hindi maganda ang ugali ko, marami akong kaaway, mahilig akong makipag sapakan maging sa lalaki at wala akong pakialam sa lahat pero kahit gano'n ay marami ang gusto akong ligawan na palagi ring napapahiya lang.
Napapailing na pumasok ako sa kuwarto ko ng pagewang-gewang dahil sa kalasingan. Payapa akong nahiga sa kama at mariing ipinikit ang mata. Hindi ako madaling malasing pero dahil sa dami ng nainom ko ay umiikot ang paningin ko.
At hindi ko alam kung dahil ba sa kalasingan, pero pakiramdam ko ay may kulang sa 'kin.
"Sky..."