Maya't maya ang lingon sa akin ni Miss Evelyn habang kausap si Ma'am Rose, samantalang ang anak nito ay hindi man lang inalis ang paningin sa akin simula ng makaupo kami. Kung nakakatunaw lang ang tingin ay siguro kanina pa 'ko nalusaw dito.
"Hindi kami rito mag i-stay dahil late ko nang nasabihan itong si Des patungkol dito. Ang totoo nga niyan ay day off niya ngayon, kinulit ko lang." natatawang kwento ni Ma'am Rose matapos nilang mapag usapan ang menu para bukas.
"Des..." rinig kong bulong ni Miss Evelyn at lumingon kay Sky na tahimik na nakatitig sa akin. Pabalik balik din ang malamig na tingin ko sa kanila ni Miss Evelyn habang prenteng nakaupo.
Ni katiting ay wala akong nararamdamang ilang. Bakit ako maiilang? Wala naman akong atraso sa kanila.
"Hindi ba't malayo pa ang biyahe ninyo?" tanong ni Miss Evelyn.
"Hindi naman, isang oras lang." nakangiting sagot ni Ma'am Rose.
"Ahm, Ma'am excuse me po," Bigla ay lumapit sa amin na lalaking waiter.
Sabay silang tatlong lumingon sa waiter na nasa gilid ko. Ako ay deretso lang tingin sa inuming nasa harapan ko.
"Nahulog niyo po kanina." Nahihiyang saad nito.
Hindi ko parin ito sinulyapan. Napa lingon lang ako ng kalabitin ako ni Ma'am Rose.
Tiningnan ko ang hawak niyang panyo. Hindi akin 'yun. Pero ang pagmumukha ng lalaking may hawak ay tanda ko, siya 'yung halos mabali ang leeg kanina sa pagtingin sa akin.
"Alam nating pareho na hindi sa akin 'yan." walang emosyong saad ko. Hanggang dito ba naman ay mayroong ganitong klaseng lalaki? Tss.
Napangisi ako ng magkamot ito ng batok. Alam na alam ko ang ganyang galawan.
"Ah, hijo. Hindi ito gumagamit ng panyo. Paniguradong sa iba 'yan." saad ni Ma'am Rose.
"Ah ganu'n po ba— pasensya na po, Ma'am." napapahiyang tugon nito. Ramdam kong nakatingin ito sa akin bago tuluyang umalis.
Napapailing na tumawa si Ma'am Rose. "Hanggang dito sa Makati ay lapitin ka pa rin ng boys, Des."
Sinulyapan ko lang si Ma'am Rose bago ibinalik ang atensyon sa inumin. Natapos ang pag-uusap ni Ma'am Rose at Miss Evelyn ng hindi man lang kami nagsasalita ni Sky. Hindi ako nakaramdam ng kahit na ano kahit pa magdamag lang siyang nakatitig sa akin, paminsan minsan ay nakikipaglaban ako ng titigan sa kanya.
"Salamat, Rose. Alam kong hindi ka na tumatanggap ng events ngayon kaya thank you." Ani Miss Evelyn.
"Wala 'yun, alam mo namang hindi kita matitiis." nakangiting saad ni Ma'am Rose.
"Uuwi na ba kayo? Sabayan na ninyo kami mag lunch, nagpahanda na rin ako eh."
"Naku, hindi na. Magbubukas kasi ako ng karinderya ko ngayong tanghali, at isa pa ay naabala ko itong si Des, day off niya ngayon at ilang beses lang sa isang taon ito nag di-day off kaya alam kong nabubugnot na 'to." natatawang sabi ni Ma'am Rose. Buti naman at alam niya.
Hinatid kami palabas ni Miss Evelyn at ng anak niya. Nang akmang tatalikod na ako ay naramdaman ko ang kamay na humawak sa braso ko.
"Ha... happy birthday." mahinang saad niya.
Tiningnan ko ang kamay niyang nakahawak sa akin at bumungad sa akin ang bracelet na niregalo ko sa kanya noon. Gusto kong matawa dahil suot niya pa 'yun. Ang kapal din ng mukha niya. 'Wag siyang magpanggap na akala mo'y mahalaga sa kanya ang pagkakaibigan namin dahil baka maupakan ko lang siya.
Hinawi ko ang kamay niya at tuluyan na siyang tinalikuran ng walang ni isang salitang binitawan. Ilang taon ko ring hindi narinig ang salitang iyon sa ganitong araw at hindi ako natutuwa lalo na't nanggaling pa iyon sa kanya.
"Kilala mo si Sky?" takang tanong ni Ma'am Rose ng makita ang eksena kanina.
Umiling ako. "Hindi. May tinanong lang siya." sagot ko.
Nagtataka man ay tumango ito. Alam niyang wala siyang mahihitang kwento sa akin kahit pa kilala ko ang lalaki kaya nanahimik na lang siya.
Masayang masaya si Carrie ng ibalita sa kaniya ni Ma'am Rose na mag aassist kami sa pagluluto bukas sa Makati. Hindi ko mahanap ang dahilan kung bakit niya ikinatuwa ang bagay na 'yun.
Weird.
"Paniguradong maraming gwapo roon!" tili nito.
Kaya pala. Lalaki pala ang habol. Tsk.
"Magtatrabaho ka roon hindi lalandi." basag ko sa kasiyahan niya.
Ngumuso siya sa akin bago ako inirapan.
"KJ ka talaga, Des. Palibhasa ay lalaki ang naghahabol sa 'yo kaya pa-chill chill ka lang diyan!"
"Ginawa mong aso. Mga hayop nga." nakangising sagot ko.
Nanlaki ang mata niya ng marealize ang sinabi ko at hinampas ako ng mahina sa braso. Feeling close rin ang isang 'to.
"Hoy, ang ga-gwapo ng mga iyon tapos tatawagin mong hayop." reklamo nito.
Inilingan ko lang siya at nagpaalam nang uuwi kay Ma'am Rose. Napurnada ang rest day ko ngayon dahil sa kanila. Pinaalalahan pa ako nito na kailangang alas kuwatro ng madaling araw ay nandito na ako sa karinderya dahil ganoong oras kami ba-byahe. Tumango lang ako rito kahit hindi ko gusto ang ideyang kasama ako roon.
***
Saktong alas tres ng umaga ay nagising ako. Kumain muna ako ng tinapay at uminom ng kape bago naligo. Simpleng ripped jeans at itim na polo ang suot ko. Karamihan sa pantalon ko ay ripped at iilan lang ang hindi. Suot ko ang puting rubber shoes at maliit na itim na bag. May dala akong paper bag na kinaroroonan ng mga isasauli ko kay Sky kung sakaling magkaroon ako ng pagkakataong malapitan siya.
Gaya ng araw araw kong itsura, nakalugay ang maiksing buhok at tanging liptint ang kolorete sa mukha. Kung hindi lang ako mukhang may sakit dahil sa kaputian ay hindi na rin ako mag liliptint.
Napairap ako sa kawalan ng makita ang porma ni Carrie. Naka dress pa ang bruha at todo ang ayos ng mukha na akala mo siya ang may birthday.
"Nahiya ka pa, sana nag heels ka na rin para todo na." seryosong saad ko.
Umirap siya. "Muntik na actually, ayaw lang ni Ma'am Rose." Aniya. Mukhang seryosong maghi-heels siya dapat kaya hindi ko maiwasang mapailing.
Ilang minuto lang ay dumating na ang van na susundo sa amin. Kagabi lang sinabi ni Ma'am Rose na mayroon daw na ipapadalang van sa amin para hindi na kami mahirapan sa pag commute. Mabuti naman dahil inaantok pa ako at makakatulog ako ng maayos sa van kaysa sa bus.
Isang oras dapat ang byahe pero dahil maaga pa at walang traffic ay mabilis kaming nakarating doon. Dumeretso si Ma'am Rose sa kitchen kaya sumunod kami ni Carrie.
"Wow. Ang laki at ang ganda rito! Nakakaloka, parang ang sarap magluto kung ganito kaganda ang kitchen." namamanghang saad nito. Napailing lang ako at hinayaan siyang ngumanga muna roon. Siguro ay dahil sa nakapunta na ako sa hotel noon kaya hindi na ako masyadong namamangha at interesado.
Chineck namin muna ang mga ingredients na gagamitin, maayos na nakasalansan iyon doon sa ref pagkarating namin. Sinigurado kong walang kulang kahit isa para smooth lang mamaya ang proseso. Alas kwatro raw magsisimula ang celebration at sampung putahe ang kailangang lutuin ni Ma'am Rose. Mayroon din kaming makakasama sa kitchen mamaya, 'yun ang gagawa ng deserts at salads. Marunong naman si Ma'am Rose ng mga iyon pero kukulangin na raw siya sa oras kung siya ang magluluto ng lahat kaya nag-request siya kay Miss Evelyn kahapon na mag assign na lang ng iba para sa deserts.
Magsisimula na sana kami ng tawagin kami ng isa sa mga staff para mag almusal. Hindi na kami tumanggi dahil hindi pa pala ang aalmusal sila Ma'am Rose at Carrie, samantalang ako ay sumubo ng kaunti dahil nakapag tinapay at kape na ako kanina.
Matapos naming mag agahan ay agad kaming nagsimula. Kami ni Carrie ang tagahanda ng mga ingredients habang si Ma'am Rose ang pinaka nasa may kalan.
Saktong tanghalian ay natapos namin ang anim na putahe na may kahirapan lutuin. Inuna ni Ma'am Rose ang mga mahihirap at matagal lutuin at tinira ang mga putaheng hindi nangangailangan ng mahabang oras. Mabilis lang din ang ginawa naming pagkain ng tanghalian dahil alanganin na ang oras namin para sa apat pang putahe, mabilis man iyong gawin pero marami naman ang kailangan kaya kakain parin iyon ng ilang oras.
Alas kwatro ay naririnig na namin ang ingay sa labas. May kalayuan ang pavilion ng hotel sa kitchen pero dahil sa malakas na tugtugan ay umaabot iyon hanggang dito. Isang putahe na lang ang kailangang gawin, tapos na ang lahat maging ang deserts at inumin ay nakahanda na.
Saktong pagsisimula ng event ay natapos na namin ang huli. Nakahinga ako ng maluwag ng umabot iyon, ang alam ko kasi ay sa simula pa lang ng party pwede nang kumuha ng makakain ang bisita. Hindi kagaya sa mga mahihirap na kailangan munang patapusin ang mga emeng games at kung anong pakulo bago ang kainan.
Boring para sa akin ang party ng mga mayayaman. Bukod kasi sa walang pa-games, ay pormal. Yung mga taong pumupunta pa ay paniguradong mga negosyante at paniguradong kaya sila dumalo ay para parin sa negosyo. Wala na ata silang ibang dahilan kundi ang negosyo. Hindi ba sila nabo-bored sa ganu'ng klaseng buhay? Mayaman nga, wala namang thrill at excitement ang buhay nila. Napapagod sila para sa pera lang. Kung ayun lang din pala ang purpose ng buhay ay ayoko na lang mabuhay.
"Grabe, hindi man lang pinagpawisan dahil sa lamig dito!" natutuwang saad ni Carrie. Maging ako ay hindi nainitan kahit nasa harap namin ang iilang kalan. Malamig at komportable ang kusina kaya hindi nakakapagod ang ginawa namin.
"Mag-ayos na kayo dahil pinapaupo tayo roon ni Evelyn." Ani Ma'am Rose, na ikinatuwa ni Carrie. Pumalakpak pa ang gaga.
Naka jeans ako at wala akong balak na umattend ng party niya. Sumpa na nga sa akin ang katotohanang nasa iisang lugar kami sa araw ng kaarawan niya tapos makiki join pa ako roon? No freaking way.
"Buti na lang at nagbaon ako ng dress at heels." hagikhik ni Carrie.
"Lahat naman siguro kayo ay may baong pamalit diba?" tanong ni Ma'am Rose pero sa akin nakatingin. Pinasadahan niya pa ako ng tingin mula ulo hanggang paa, pahiwatig na hindi niya gusto ang suot kong pantalon.
Umirap ako. "Hindi ako uupo roon, kayo na lang."
"Ha? Bakit? Akala ko ay may dala kang pamalit mo roon sa paper bag mo?" takang tanong ni Ma'am Rose.
"Hindi damit ang laman nu'n, basta kayo na lang. Magpapahinga muna ako." paalam ko.
"Sigurado ka ba? Sayang naman, minsan lang tayo makasama sa mga ganitong handaan." Ani Ma'am Rose.
Tumango ako sa kanya at tinanggal ang apron na suot. Kita ko ang pagbuntong hininga niya pero wala na siyang sinabi.
Wala silang magagawa at hindi nila ako mapipilit. Ang trabaho ko lang ay mag assist sa pagluluto at hindi kasama roon ang pakikihalubilo sa mga taong naroon.
"Ang KJ talaga ng isang 'yan, hmp." rinig kong reklamo ni Carrie. Kung gusto niyang magsaya ay 'wag na niya akong idamay dahil hindi ko ugaling makipag plastikan sa mga mayayaman.
May kwartong nakalaan para sa aming tatlo kaya pumunta ako roon para magpahinga. Nandoon ang gamit namin, mayroong dalawang kama ang kwarto at isang banyo. Malapad ang dalawang kama na paniguradong kasya ang dalawang tao sa isa. May flat screen na tv din at may iilang bulaklak na naka display roon. Malinis at malawak ang paligid, mas malawak pa ito sa isang bahay sa tondo. Kulay brown at puti ang kulay ng buong kwarto at mayroong veranda na natatakpan ng kremang kurtina.
Wala sana akong balak na matulog pero nang ilang minuto na akong nakahiga ay hindi ko alam kung dahil ba sa pagod o dahil sa puyat kaya agad akong nakatulog.