Samantha’s POV
“Pagmamahal na Hindi Nawala… Pero Napagod Na”
Mahal ko pa rin siya.
Hindi ‘yon nawala, kahit ilang beses akong hindi niya pinili.
Kahit ilang beses kong narinig mula sa kanya mismo na “magkaibigan lang tayo.”
Kahit ilang beses niyang ibinaling ang tingin sa iba—kay Cassandra, sa kung sino pa man—at ako, naiwan sa isang tabi, tahimik lang na umaasa.
Alam kong hindi tama.
Alam kong mali ang umasa sa taong klarong hindi naman ako mahal sa paraang gusto ko.
Pero ganon ang puso, ‘di ba?
Hindi mo basta-basta mapipigilan.
Lalo na kapag bata ka pa lang, siya na agad ang laman ng mundo mo.
Naalala ko pa ‘yung unang beses ko siyang nakita.
Family gathering. Ako, nakaupo sa gilid, kumakain ng spaghetti. Siya, tahimik lang, naka-black shirt at may hawak na Gameboy.
Ni hindi siya ngumiti. Hindi rin siya nagsalita.
At ang una kong nasabi sa sarili ko, “Ang sungit naman ng batang ‘to.”
Pero nang kinabukasan, nakita ko siyang inaalalayan ang kapatid kong babae habang naglalaro sila sa garden, doon nagsimula ang hiwaga sa kanya.
Yung pagiging cold, pero caring. Tahimik, pero mapagmasid.
At habang tumatagal, habang mas nakikilala ko siya, mas lalo kong naiintindihan kung bakit siya gano’n.
At mas lalo ko siyang minahal.
Hanggang sa lumaki kami, naging routine na ang lahat.
Sabay kaming papasok sa school. Sabay kakain ng lunch. Ako magtuturo sa kanya ng math, siya magdadala ng snacks ko kapag may exam.
Walang label, walang aminan—pero sa puso ko, sapat na ‘yung malapit ako sa kanya.
Sapat na ‘yung ako ang una niyang tinatawagan kapag may problema.
Sapat na ‘yung ako ang kinakausap niya kapag umiiyak siya dahil kay Cassandra.
Hanggang sa isang gabi…
Nagbago ang lahat.
Isang gabing parehong wasak ang damdamin namin.
Isang gabing parehong lasing sa sakit.
Isang gabing ako ang piniling takbuhan—hindi para mahalin, kundi para gamitin bilang pahinga mula sa sakit na iniwan ng taong talagang mahal niya.
At ako?
Ako ang nagtaya ng lahat.
Puso. Katawan. Kaluluwa.
Pero ngayon, habang nakaupo ako sa harap niya sa isang café na dati naming tambayan, pinakinggan ko ang bawat salita niya…
Ang bawat “sorry”…
Ang bawat titig na may lungkot at pagsisisi…
Hindi ko alam kung bakit hindi na ako natatablan kagaya ng dati.
“Sam…” mahinang tawag niya sa pangalan ko.
“Bakit ngayon lang, Gav?” tanong ko.
“Bakit ngayon mo lang ako hinahanap, nung nagsimula na akong lumayo?”
“Bakit kailangan pang may Elijah para mapansin mong nawawala na ako?”
Tahimik siya. Kita ko sa mukha niya ang guilt.
Hindi siya agad nakasagot.
“Akala ko kasi…” bulong niya, “…kahit anong mangyari, andiyan ka pa rin.”
Napatawa ako, mapait.
“Exactly,” sagot ko. “Kasi alam mong andito lang ako, kaya hindi mo kailangang piliin.”
Pag-uwi ko ng gabing ‘yon, binuksan ko ang message ni Elijah.
“So... did he finally choose you?”
Matagal ko ‘yong tinitigan bago sumagot.
“He said sorry. Pero hindi niya pa rin ako pinili. Hindi pa rin niya kaya.”
“Then maybe it's time you start choosing yourself, Sam. You've waited enough.”
Napapikit ako.
Umiiyak na naman.
Pero hindi na ito yung iyak ng pagsisisi o kawalan ng pag-asa.
Ito na yung iyak ng taong natututo na, kahit masakit.
Mahal ko pa rin si Gavin.
Aaminin ko.
Pero sa pagkakataong ‘to…
Mas mahal ko na ang sarili ko.
At kung talagang mahal din niya ako,
siya ang kailangan magsimula.
Hindi na ako.
Hindi na ngayon.