Simula
NAPABUNTONG hininga si Fritz Tolentino nang makaupo sa isang swing sa isang park. Isang linggo na siyang naghahanap ng trabaho pero wala pa rin siyang napapasukan. Palaging ‘We will just call you.’ ang natatanggap niya pagkatapos mag-apply sa mga malalaking kompanya. Kailangan niyang mag-apply sa mga malalaking kompanya para malaki ang sweldo at para mas makatulong sa pamilya niya na nasa probinsiya. Graduated lang siya sa public school nila sa probinsiya kaya medyo nahihirapan siyang maghanap ng trabaho sa siyudad.
“Ang malas ko naman,” wala sa sariling sabi niya at napayuko na lamang. Hindi na niya alam ang gagawin. Sa kanya lang umaasa ang pamilya niya lalo na ang dalawang kapatid niya na lalaki na nag-aaral pa sa high school sa kanilang probinsiya.
“Hoy, tanda! Gusto mo ba na mamatay? Ha?!”
Napaangat si Fritz ng tingin nang makarinig ng sigaw na nagmumula sa high way sa harap niya. Nakita niya ang isang matandang lalaki na muntik nang masagasaan ng kotse pero wala ni isa ang tumulong. Sinigawan pa ito ng lalaking muntik nang makasagasa sa matanda.
Tumayo siya at nilapitan ang matanda. Tinulungan niya itong makaalis sa daanan para makaiwas sa mga sasakyan dahil baka sagasaan na ito ng tuluyan.
“Iba na talaga ang panahon ngayon,” rinig niyang sabi ng matanda.
“Huwag po kayong naglalakad ng walang kasama, Lolo. Baka mapaano po kayo.”
Imbis na magsalita ang matanda ay napatingin ito sa hawak niyang mga envelop na may lamang mga papel na kailangan niya sa paghahanap ng trabaho.
“Are you seeking for a job, Miss?” tanong nito. Napakamot naman siya sa batok niya dahil mukhang nakita nito ang mga papers na hawak niya.
“Ah opo. Alam niyo po ba kung saan ang address niyo? Mag taxi na lang po kayo, Lolo,” pag-iiba niya at kumuha ng kaunting pera sa wallet niya para maipamasahe ng matanda.
“You are too kind, Miss. But I don’t need it. Saktong-sakto dahil naghahanap ako ng personal assistant. I think, you are suitable for that job. One hundred thousand a month—if you are interested then just go here. I don’t need much papers to hire you. I hope to see you anytime, Miss,” mahaba nitong sabi at umalis.
Hahabulin na sana niya ito nang may humintong magarang sasakyan sa may ‘di kalayuan at sumakay roon ang matanda.
Hindi siya makapaniwala sa nangyari. Kung kailan ay muntik na siyang sumuko, saka pa dumating ang grasya at pagkakataon. One hundred thousand was a big money.
Makakatulong na ito ng malaki sa pamilya niya sa probinsiya. Hindi siya mapili na tao kaya susunggaban na niya ang pagkakataong ibinigay ng tadhana. Mukhang hindi rin naman scam o nanloloko ang matanda kanina.
Tiningnan niya ang calling card na may nakalagay na address na ibinigay ng matanda kanina.
“Francisco Rytch,” pagbasa niya sa pangalang nakalagay roon. Ito kaya ang pangalan ng matanda kanina? Apliyedo pa lang, mahahalata na talagang mayaman ito. Base rin sa suot nitong tuxedo ay talagang makikitang professional ang matandang tinulungan niya.
Mukhang wala na rin siyang pagpipilian pa. Mahirap maghanap ng trabaho na one hundred thousand ang suweldo buwan-buwan. Hindi rin naman siguro masama o ilegal ang personal assistant na trabaho, hindi ba? Ang oportunidad na ang lumalapit sa kanya kaya susunggaban na niya!
Kaagad na pumara siya ng taxi at tinungo ang pansamantalang tirahan na inuupahan niya sa siyudad. Maaga pa kaya siguradong kaya pa niyang puntahan ang address na ibinigay ng matanda sa kanya. Sana, sa pagkakataong ito ay makuha na niya ang trabaho para may maitustos na siya sa pamilya niya sa probinsiya.